“Mosias 11–17: ‘Magsisi at Bumaling sa Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 11–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 11–17
“Magsisi at Bumaling sa Panginoon”
Karaniwang sinisikap nating balaan ang mga taong mahal natin tungkol sa mga desisyon na maaaring magdulot ng pasakit at pagdurusa. Isinugo ng Panginoon si Abinadi na may hatid na mensahe para kay Haring Noe at sa kanyang mga tao na magsisi at iwasan ang pagdurusang maaaring dumating dahil sa kanilang masamang pag-uugali. Ang lesson na ito ay makatutulong na mapatindi ang hangarin mong tanggapin ang mga propeta ng Panginoon at kumilos ayon sa mga paanyayang ibinibigay nila mula sa Panginoon.
Ang Panginoon ay nagbabala tungkol sa panganib
Kunwari ay katatanggap lang ninyo ng impormasyon tungkol sa isang bagay kung saan nanganganib ang inyong mga kaibigan at mahal sa buhay.
-
Ano ang ilang paraan kung paano ninyo maipararating ang mensahe ng babala sa kanila?
Ang Panginoon ay maraming paraan ng pagbibigay ng babala sa atin. Pag-isipan ang mga sumusunod na paraan:
-
Payo mula sa mga magulang
-
Mga tagubilin mula sa mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan
-
Mga turo sa mga banal na kasulatan, sa simbahan, o seminary
-
Mga kaisipan at damdamin mula sa Espiritu Santo
-
Iba Pa:
Isipin kung gaano kahusay mong naiiwasan ang kasalanan at panganib dahil sa kung paano mo pinipiling tumugon sa mga babala ng Panginoon.
-
Aling mga paraan ang pinakamahirap tanggapin? Bakit?
-
Ano ang sinasabi nito tungkol sa Panginoon na tinutulungan Niya tayo sa iba’t ibang paraan?
Ngayon, pagtutuunan ng pag-aaral mo ay ang sumusunod na katotohanan: Ang Panginoon ay nangungusap sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta upang anyayahan tayong magsisi at bumaling sa Kanya.
Ang Panginoon ay nanawagan kay Noe at sa kanyang mga tao na magsisi
Alalahanin na pinamunuan ni Zenif ang isang pangkat ng mga tao mula sa Zarahemla patungo sa lupain ng Nephi. Bago mamatay si Zenif, ibinigay niya ang kaharian sa kanyang anak na si Noe (tingnan sa Mosias 9–10). Si Noe at ang mga saserdoteng pinili niya ay namuhay sa kasamaan. Nakumbinsi nila ang mga tao sa mga kasinungalingan at mapanghibok na mga salita para magkasala (tingnan sa Mosiah 11:7, 11).
Basahin ang Mosias 11:2, 14–15, 19 at alamin ang mga kasalanang nagawa ni Noe at ng kanyang mga tao. (Inilarawan sa talata 19 ang kanilang reaksyon matapos nilang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pagsalakay ng mga Lamanita.) Maaari mo ring panoorin ang video na “Isinalaysay ni Alma ang Kasamaan ni Haring Noe | Mosias 11–12, 17” (2:26), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Sa anong paraan maikukumpara ang mga pagpiling ginawa ni Noe at ng kanyang mga tao sa mga pagpili ng mga tao ngayon?
-
Ano ang ilang posibleng bunga ng pamumuhay na tulad sa pamumuhay nila?
Ang Panginoon ay tumawag ng isang propetang nagngangalang Abinadi upang maghatid ng mensahe kay Noe at sa kanyang mga tao upang tulungan silang makita ang mga bunga ng kanilang mga ginawa.
Basahin ang mensahe ni Abinadi sa Mosias 11:20–25, at alamin ang mga bungang ibinabala ng Panginoon. Ang salitang “sa aba” sa talata 20 ay nagpapahiwatig ng kalungkutan o pasakit.
-
Ano ang ilang bunga na nalaman mo na ibinabala ng Panginoon sa mga tao?
Pansinin ang paulit-ulit na mga pariralang “maliban kung magsisisi sila” at “maliban kung magsisisi ang mga taong ito.” Maaari mong markahan ang mga salitang ito at isipin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa mga pariralang ito.
Basahin ang Mosias 11:26–29, at alamin ang naging reaksyon ni haring Noe at ng iba pa kay Abinadi.
Makita ang pagsisisi bilang kaloob na pagmamahal mula sa Panginoon
Isipin ang iba’t ibang paanyaya na ibinigay ng Panginoon sa ating panahon upang magsisi at magbago tayo. Maaari mong rebyuhin ang isang mensahe kamakailan mula sa propeta ng Panginoon at maghanap ng mga babalang ibinigay niya.
-
Ano ang ilang pagkakatulad o pagkakaiba ng reaksyon ng mga tao noong panahon ni Abinadi at ng reaksyon ng mga tao sa ating panahon sa mga propeta? Bakit kaya ganito ang reaksyon nila?
Pagnilayan ang iyong personal na pangako na makinig sa Diyos, lalo na kapag binabalaan ka Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta tungkol sa kasalanan at mga bunga nito.
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maaaring makita ang paanyayang magsisi mula sa mga propeta.
Matagal ko nang hinahangaan, at nadarama rin, ang magiliw na pagmamahal ng mga propeta ng Diyos sa kanilang mga babala laban sa kasalanan. Hindi sila inuudyukan ng hangarin na magparusa. Ang kanilang totoong hangarin ay sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos; sa katunayan, iyon ang pagmamahal ng Diyos. Minamahal nila ang mga tao kung kanino sila ipinadadala, sinuman sila at anuman ang katangian nila. Tulad ng Panginoon, hindi gusto ng Kanyang mga tagapaglingkod na pagdusahan ninuman ang mga kirot ng kasalanan at mga maling pagpili. (D. Todd Christofferson, “Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 17)
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa hangarin mong kumilos ayon sa kanilang mga paanyaya ang pag-unawa tungkol sa mga propeta?
Maawaing binigyan ng Panginoon ang mga tao ng panahon na bumaling sa Kanya at magsisi sa kanilang mga kasalanan. Gayunman, nang bumalik si Abinadi makalipas ang dalawang taon, Sila ay nagalit muli at inakusahan siya (tingnan sa Mosias 12:1, 9, 19).
Buong tapang na nagpatotoo si Abinadi na hindi tinuturuan ng mga saserdote ang mga tao na sundin ang mga kautusan ng Diyos (tingnan sa Mosias 12:33–37; 13:12–25). Nagpatotoo rin siya na si Jesucristo ay paparito upang tubusin ang lahat ng tao at ang kaligtasan ay posible lamang sa pamamagitan ng Manunubos (tingnan sa Mosias 15:1, 19). Nang matapos magpatotoo si Abinadi tungkol kay Jesucristo, muling nanganib ang kanyang buhay. Ngunit sa pagkakataong ito, pati na rin ang buhay ng isa sa mga saserdote, si Alma.
Basahin ang Mosias 17:1–4 upang mahanap ang mga sagot ni Noe at ni Alma sa patotoo ni Abinadi tungkol kay Cristo.
Matapos gumugol ng tatlong araw sa bilangguan, si Abinadi ay muling dinala sa harapan ni Haring Noe. Sinabi ni Noe na ipapapatay niya si Abinadi maliban kung handa siyang ikaila ang mga katotohanang itinuro niya (tingnan sa Mosias 17:5–8).
Basahin ang Mosias 17:9–10, 13, at alamin ang tugon ni Abinadi sa utos ng hari na ikaila ang kanyang patotoo. O maaari mong panoorin ang video na “Nagdanas ng Kamatayan si Abinadi dahil sa Kanyang Pananampalataya | Mosias 16–17” (4:28), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.