Seminary
Alma 4: Ang Batong Katitisuran ng Kapalaluan


“Alma 4: Ang Batong Katitisuran ng Kapalaluan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 4,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 4

Ang Batong Katitisuran ng Kapalaluan

nangangaral ang Nakababatang Alma sa Gedeon

Ang kapalaluan ay kawalan ng kababaang-loob at nag-uudyok sa mga tao na ituring ang kanilang sarili nang mas mataas o salungat sa iba at sa Diyos (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapalaluan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Isipin ang kapalaluang nakikita mo sa mundo ngayon at ang negatibong epekto nito sa iyo at sa mga nasa paligid mo. Ang kapalaluan at pagtatalo na ipinakita ng ilang miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas noong panahon ni Alma ay naging dahilan ng pagkaantala ng Simbahan sa pag-unlad nito. Dahil dito, nabigyang-inspirasyon si Alma na magbitiw bilang punong hukom upang ilaan ang kanyang sarili sa pangangaral ng salita ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na gamitin ang salita ng Diyos upang madaig ang kapalaluan at pagtatalo.

Isang batong katitisuran

Alalahanin ang isang pagkakataon na natisod o nadapa ka. Naaalala mo ba kung ano ang nakatisod sa iyo? Sa buhay, kung minsan ay natitisod tayo sa mga bagay na maaaring tawaging “mga batong katitisuran.” Ito rin ay totoo sa espirituwal na paraan.

larawan ng mga bato

Magdrowing ng ilang bato at lagyan ng label ang mga ito ng mga bagay na maaaring maging dahilan para espirituwal na matisod ang mga kabataan. Halimbawa, maaaring nahihirapan ang ilan na makinig sa propeta o sundin ang Word of Wisdom.

Isipin ang mga mangyayari kapag natisod sa mga bagay na ito. Pag-isipang mabuti kung bakit kailangan mo ang tulong ng Diyos para mapansin, maiwasan, at madaig ang mga batong katitisuran na ito.

Ang mga tao ni Alma ay nakaranas ng malalaking pagkatalo sa digmaan sa mga Lamanita. Dahil sa kanilang mga paghihirap, sila ay “nagising sa pag-alaala sa kanilang tungkulin,” at maraming tao ang nabinyagan (tingnan sa Alma 4:1–5). Gayunpaman, hindi nagtagal ang kanilang kapayapaan dahil nagsimula silang espirituwal na matisod.

Basahin ang Alma 4:6–8, at alamin kung bakit nag-aalala ang mga lider ng Simbahan.

  • Sa inyong palagay, bakit “labis na nagdalamhati” ang mga lider ng Simbahan (Alma 4:7) sa tumitinding kapalaluan ng mga tao?

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Ang kapalaluan ay ang malaking hadlang sa Sion. Inuulit ko: Ang kapalaluan ay ang malaking hadlang sa Sion. (Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 7)

Magdrowing ng malaking bato na kumakatawan sa batong katitisuran ng kapalaluan. Sa bato, maglista ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Sa iyong palagay, paano nagiging sanhi ng espirituwal na pagkatisod ng isang tao ang kapalaluan?

  • Sa paanong paraan nakahahadlang sa atin ang kapalaluan na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Habang patuloy mong pinag-aaralan ang Alma 4, isipin kung paano mo maaaring katisuran ang kapalaluan at kung ano ang magagawa mo para madaig ito.

Basahin ang Alma 4:8–12, at alamin ang mga epekto ng kapalaluan sa Simbahan. Pansinin na ang ibig sabihin ng sigalutan ay galit o matinding pagtatalo o alitan. Ang masamang hangarin ay kagustuhang gumawa ng masama, o masamang intensyon.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang mga epekto ng kapalaluan sa Simbahan?

    • Sa paanong paraan hindi nararapat ang mga asal na ito sa mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas?

    • Paano naaapektuhan ang mga hindi miyembro ng Simbahan?

Pag-iwas sa kapalaluan at pagtatalo

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Ang lunas sa kapalaluan ay pagpapakumbaba—kaamuan, pagkamasunurin [tingnan sa Alma 7:23]. (Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 6)

Basahin ang Alma 4:13–14, at alamin ang ginawa ng ilang miyembro ng Simbahan upang maiwasan ang kapalaluan at manatiling tapat. Tandaan na ang [pagpapakababa] sa talata 13 ay tumutukoy sa pagiging mas mapagpakumbaba at maamo.

Sa palibot ng batong kinatitisuran ng kapalaluan na idinrowing mo, ilista ang mga pag-uugali o asal na katulad ng kay Cristo mula sa Alma 4:13–14 na sa palagay mo ay makatutulong sa atin na madaig o mapaglabanan ang kapalaluan.

  • Anong mga asal at pag-uugali sa talata 13–14 ang nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagkakaroon ng ganitong mga pag-uugali at asal na maging higit na katulad Niya?

  • Paano mo nakita na ginagawa ng iba ang mga pag-uugali o asal na ito na katulad ng kay Cristo, at paano iyon nakaapekto sa iyo?

Isipin ang anumang kapalaluan o pagtatalo na maaaring nasa iyong buhay. Pag-isipan kung ano ang magagawa mo para matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ano ang magagawa mo para mabawasan ang problema at maging bahagi ng solusyon?

Ipinasiya ni Alma na kailangan niyang gugulin ang kanyang oras sa pagtulong sa mga tao sa espirituwal na paraan. Ibinigay niya ang hukumang-luklukan kay Nefihas habang pinanatili ang katungkulan ng mataas na saserdote sa kanyang sarili (tingnan sa Alma 4:15–18).

Basahin ang Alma 4:19 at hanapin kung ano ang alam ni Alma na “[makakahila] pababa” sa kapalaluan at pagtatalo sa mga tao. Maaari mo ring panoorin ang “Ipinangaral ni Alma ang Salita ng Diyos” mula sa time code na 0:36 hanggang 1:59, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

10:24
  • Sa paanong mga paraan kumilos si Alma na katulad ni Jesucristo?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Alma?

Ang isang katotohanan mula sa Alma 4:19 ay ang salita ng Diyos at ang pakikinig sa dalisay na patotoo ay makatutulong sa atin na madaig ang kapalaluan at pagtatalo.

Alamin ang itinuro ni Ezra Taft Benson tungkol sa salita ng Diyos sa sumusunod na pahayag.

Ang salita ng Diyos, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng buhay na mga propeta, at sa personal na paghahayag, ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at protektahan sila ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito. (Ezra Taft Benson, “The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 80)

  • Sa paanong paraan makatutulong ang salita ng Diyos at ang pagbabahagi ng dalisay na patotoo para mahilang pababa o maiwaksi ang kapalaluan at pagtatalo?

  1. Gawin ang sumusunod:

    • Maglista ng dalawa o tatlong problema na bunga ng kapalaluan at pagtatalo.

    • Ilista ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta na sa palagay mo ay makatutulong sa mga problemang ito.

    • Tukuyin kung bakit o paano makatutulong sa iyo ang mga bagay na inilista mo para pakitunguhan mo ang iba tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.

Sikaping mapansin at matukoy ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo sa lesson na ito. Humanap ng mga pagkakataong maisakatuparan ang mga impresyong iyon.