“Alma 29: Ang mga Naisin ng Ating Puso,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 29,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 29
Ang mga Naisin ng Ating Puso
Paano mo masasabi kung ang iyong mga hangarin para sa iyong buhay ay naaayon sa nais ng Panginoon para sa iyo? Nakatala sa Alma 29 ang hangarin ng puso ni Alma at ang kanyang pagninilay kung ang kanyang mga hangarin ay naaayon sa nais ng Diyos para sa kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na masuri ang sarili mong mga hangarin at iayon ang mga ito sa mga hangarin ng Panginoon.
Mga hangarin ko para sa buhay ko
-
Noong bata ka pa, ano ang ilan sa mga pinakagusto mo?
-
Ngayong mas matanda ka na, paano nagbago ang mga gusto o hangarin mo? Paano maaaring magbago ang mga hangarin mo sa hinaharap?
Sa isang panig ng isang pahina sa iyong study journal, isulat ang ilan sa iyong mga hangarin para sa iyong buhay. (Gagamitin mo ang kabilang panig kalaunan sa lesson.)
-
Paano nakakaimpluwensya ang ating mga hangarin sa ating buhay?
Habang tayo ay lumalaki at nagma-mature sa ebanghelyo at mas napapalapit sa Diyos, ang ilan sa ating mga hangarin ay maaaring magbago at mas umayon sa nais Niya para sa atin.
-
Paano natin masasabi kung ang ating mga hangarin ay naaayon sa nais ng Diyos para sa atin?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan ang iyong mga hangarin. Alamin ang mga hangarin na naaayon sa mga hangarin ng Diyos at ang mga hangaring maaaring kailangang pag-isipan o baguhin.
Pag-aayon ng ating mga hangarin sa kalooban ng Panginoon
Sa Alma 29, itinala ni Alma ang isa sa kanyang mga hangarin. Basahin ang Alma 29:1–2, at alamin kung anong mithiin ang inilarawan niya.
-
Bakit nais ni Alma na maging anghel? Ano ang sinasabi nito tungkol sa kanya?
-
Ano ang alam mo tungkol sa nakaraan ni Alma na maaaring nagbigay-inspirasyon sa kanyang hangarin na maging isang anghel? (tingnan sa Mosias 27:11–17).
Ang sumusunod na larawan ay maaaring makatulong sa iyo na maalala ang isang mahalagang karanasan noong kabataan ni Alma.
Ang pag-unawa sa konteksto ng mga talata ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang kaalaman. Sa mga kabanata bago ang Alma 29, iniutos ng Panginoon kay Ammon na isama ang mga Anti-Nephi-Lehi para manirahan kasama ng mga Nephita para protektahan sila (tingnan sa Alma 27:4–12). Ibinigay ng mga Nephita sa mga Anti-Nephi-Lehi ang lupain ng Jerson upang maging tirahan nila at nangako ang mga Nephita na poprotektahan sila. Sinundan ng masasamang Lamanita ang mga Anti-Nephi-Lehi at nagsimulang makipagdigma. Ipinagtanggol ng mga Nephita ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya laban sa mga Lamanita. Dahil dito, “sampu-sampung libo sa mga Lamanita ang napatay at nagkalat … at nagkaroon din ng napakalaking pagkatay sa mga tao ni Nephi” (Alma 28:2–3).
-
Paano makatutulong sa iyo ang kontekstong ito na maunawaan kung bakit ninais ni Alma na manawagan nang buong tapang sa mga tao na magsisi at iwasan ang kalungkutan?
Basahin ang Alma 29:3–6, at alamin ang naunawaan ni Alma tungkol sa mga hangarin.
Ang isang alituntunin na maaaring natukoy mo ay tinutulutan tayo ng Diyos na pumili batay sa ating mga hangarin.
Tingnan ang dalawang panig ng iyong pahina. Tandaan na nais ng Panginoon na ituon natin ang ating mga hangarin sa pagmamahal at paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa. Pagnilayan kung gaano nakaayon ang iyong mga hangarin sa mga hangarin ng Diyos para sa iyo.
Bagama’t mabuti ang hangarin niyang ibahagi ang ebanghelyo, natanto ni Alma na ang pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo tulad ng isang anghel sa buong mundo ay hindi lubos na nakaayon sa kung saan at paano siya tinawag ng Diyos na maglingkod. Maaari mong salungguhitan ang anumang parirala sa Alma 29:3–6 na nagpapakita na nais ni Alma na iayon ang kanyang mga hangarin sa kalooban ng Diyos.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng makuntento sa ibinigay sa atin ng Panginoon?
-
Tulad ni Alma, bakit kaya dapat nating hangaring iayon ang ating mga hangarin sa mga hangarin ng Panginoon?
-
Paano natin maiaayon ang ating mga hangarin sa kalooban ng Diyos kapag tumanggap tayo ng tungkuling maglingkod sa paraang naiiba sa sarili nating kagustuhan?
Kalaunan sa kabanata, ipinaliwanag ni Alma na hindi niya kailangang maging anghel para magsalita sa buong mundo dahil tuturuan ng Diyos ang lahat ng bansa sa Kanyang karunungan at takdang panahon (tingnan sa Alma 29:7–8). Basahin ang Alma 29:9, 13, at alamin ang binigyang-puri ni Alma at ano ang nadama niya nang iayon niya ang kanyang mga hangarin sa mga hangarin ng Diyos.
Ang kahalagahan ng mga hangarin
Pagnilayan sandali kung paano nauugnay sa iyo ang lesson na ito. Isulat sa iyong study journal kung ano ang magagawa mo para mapalakas ang iyong mabubuting hangarin at hingin ang tulong ng Panginoon na maiayon mo ang ano pa mang mga hangarin mo sa Kanyang kalooban.