“Alma 23: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 23,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 23
Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”
Isipin ang maraming puwersa sa mundo ngayon na naghahangad na sirain ang iyong pananampalataya at hilahin ka palayo sa Panginoon. Ano ang magagawa mo para manatiling matatag at maiwasan itong mangyari? Maaari tayong matuto mula sa mga halimbawa ng libu-libong Lamanita na “nagbalik-loob sa Panginoon“ at “kailanman ay hindi nagsitalikod“ (Alma 23:6). Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang hangarin na mas lubos na magbalik-loob sa Panginoon at tukuyin ang anumang balakid sa pagbabalik-loob na iyon.
Pagiging matatag
Kung maaari, tumayo gamit ang isang paa sa loob ng 30 segundo. Isipin kung gaano kahirap manatiling nakatayo kung may taong tumulak sa iyo habang nakatayo ka gamit ang isang paa.
Ngayon, tumayo sa dalawang paa at isipin kung gaano mas madaling manatiling nakatayo kung may taong tumulak sa iyo.
Kung minsan, inihahambing ng mga banal na kasulatan ang katapatan sa Panginoon sa pananatiling matatag (tingnan sa Mosias 4:11; Alma 1:25) at ang pagtalikod sa Panginoon sa pagbagsak (tingnan sa 2 Nephi 18:15; Helaman 5:12).
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit tumatalikod ang mga tao kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan?
Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:
-
Kung ipagpapatuloy mo ang paraan ng pamumuhay mo ngayon, sa palagay mo ba ay mas mapapalapit ka sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan o magsisimula kang tumalikod? Bakit?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan kaya ayaw mong tumalikod?
Habang pinag-aaralan mo ang tungkol sa mga taong “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6), maghanap ng mga kaalaman at humingi ng patnubay sa iyong buhay sa pamamagitan ng panalangin sa Ama sa Langit at sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
Nagbalik-loob sa Panginoon
Pagkatapos ng kanyang pagbabalik-loob, ipinahayag ng hari ng mga Lamanita ang kalayaang pangrelihiyon sa lupain upang ligtas na maipangaral ng mga anak ni Mosias ang ebanghelyo.
Basahin ang Alma 23:3–5, at alamin ang naging epekto ng pangangaral sa mga tao.
Kung minsan, inuulit ng mga banal na kasulatan ang mga parirala na mahalagang maunawaan natin. Basahin ang Alma 23:6–13, 15, at maghanap ng mga parirala na nagsasaad kung bakit “kailanman ay hindi nagsitalikod” ang libu-libong taong ito na nagbalik-loob (talata 6). Maaari mong markahan ang mga inulit na parirala.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon at ibinaba natin ang ating mga sandata ng paghihimagsik, lagi tayong mananatiling tapat sa Kanya.
Isipin ang nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas at pagnilayan kung bakit gusto mong magbalik-loob at manatiling nagbalik-loob sa Kanya habambuhay. Maaari mong basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata para matulungan ka:
Pagbababa ng ating mga sandata ng paghihimagsik
Upang tunay na magbalik-loob sa Panginoon at hindi kailanman tumalikod, dapat handa tayong ibaba ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Ang mga sandata ng paghihimagsik ng mga Lamanita ay kapwa literal at simboliko. Ngunit para sa atin, ang mga sandatang ito ay malamang na simbolo lamang.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga sandata ng paghihimagsik ay maaaring “kasakiman, kapalaluan, at pagsuway” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 108). Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga sandata ay maaaring “mga personal na hangarin na taliwas sa pagiging nakaangkla sa Tagapagligtas at pagsunod sa landas ng tipan” (“Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 22).
Ang iyong mga sandata ng paghihimagsik
Para tapusin ang lesson na ito, hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para matukoy ang mga sandata ng paghihimagsik na maaaring mayroon ka. Kung may matutukoy ka, maaari mong isulat ito sa iyong study journal at magdrowing ng sandata sa tabi nito.
Pagnilayan kung ano ang maaari mong gawin upang maibaba ang iyong mga sandata ng paghihimagsik at kung paano makatutulong sa iyo ang pangakong iyon na magbalik-loob sa Panginoon at hindi kailanman tumalikod.