“Alma 42, Bahagi 2: ‘Aangkin ng Awa ang Nagsisisi,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 42, Bahagi 2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 42, Bahagi 2
“Aangkin ng Awa ang Nagsisisi”
Para matulungang magsisi ang kanyang anak na si Corianton, itinuro sa kanya ni Alma ang tungkol sa katarungan at awa ng Diyos at kung paanong “walang maliligtas kundi ang tunay na nagsisisi” (Alma 42:24). Kapag nauunawaan natin ang plano ng awa ng Ama sa Langit, nais nating magsisi. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano nagbibigay-daan sa iyo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matanggap ang awang ipinangako sa plano ng Ama sa Langit.
Ipinapataw ng batas ang kaparusahan
-
Ano ang ilang sitwasyon kung saan hinahangad ang katarungan? Paano naman ang awa?
Lahat tayo ay pinagpapala dahil ang Ama sa Langit ay kapwa makatarungan at maawain. Dahil sa plano ng Ama sa Langit, lahat tayo ay ibabalik sa harapan ng Diyos upang hatulan (tingnan sa Alma 42:23). Sa kanyang makasalanang kalagayan, si Corianton ay hindi handa para sa paghahatol. Umasa si Alma na ang pagtuturo sa kanya tungkol sa plano ng Ama sa Langit ay aakay kay Corianton na magsisi at maglingkod sa Diyos. Sa pag-aaral mo ng Alma 42, alamin ang itinuro ni Alma kay Corianton na magagawa niya para makatanggap ng awa ng Diyos.
Tulad ng mga batas na may mahalagang ginagampanan sa lipunan, ang mga batas ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.
Basahin ang Alma 42:17–21, at alamin ang ilan sa mga layunin ng batas sa plano ng Ama sa Langit (tingnan din sa 2 Nephi 2:13).
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa batas sa plano ng Ama sa Langit?
Lagyan ng label na “Katarungan” ang timbangan.
Ayon sa batas ng katarungan, may kinahihinatnan ang mga ginawa natin. Tayo ay tumatanggap ng mga pagpapala kapag sinusunod natin ang batas at ng kaparusahan kapag nilalabag natin ang batas.
Lagyan ng label na “paglabag sa batas” ang isang panig ng timbangan at ng “pagpaparusa sa mga makasalanan” ang kabilang panig.
Kung lalabag tayo sa isang batas, magiging hindi balanse ang timbangan. Para sa katarungan, kailangang balanse ang timbangan. Kailangan ng kabayaran (o kaparusahan) para mabalanse ang timbangan (tingnan sa Alma 42:22).
-
Ano ang mangyayari sa atin kung mababalanse lamang ng ating kaparusahan ang timbangan ng katarungan?
Ang kaparusahan para sa kasalanan ay espirituwal na kamatayan, ang “[itakwil] mula sa harapan ng Panginoon” (Alma 42:11).
Aangkin ng awa ang mga nagsisisi
Dahil ang Diyos ay “isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15), naghanda Siya ng plano upang makatanggap tayo ng awa kapag nagkasala tayo.
Basahin ang Alma 42:15, 22–25, at alamin kung ano ang inilaan ng plano ng Ama sa Langit para mabalanse ang timbangan ng katarungan.
Ekisan o burahin ang salitang makasalanan sa timbangan ng katarungan at palitan ito ng Tagapagligtas.
Ang isang alituntunin na natutuhan natin ay kung tunay tayong nagsisisi, tatanggap tayo ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Ang ibig sabihin ng nagsisisi ay maging mapagpakumbaba at magpakita ng kalungkutan sa nagawang kasalanan (tingnan sa 2 Corinto 7:10; 2 Nephi 2:7; Mosias 4:10)
Isipin kunwari na ikaw si Corianton at hindi ka pa nagsisi sa lahat ng iyong mga kasalanan. Basahin ang Alma 42:26–30, at hanapin ang mga salita o parirala na maghihikayat sa iyo na magsisi.
-
Anong mga salita o parirala ang maaaring maghikayat sa iyo na magsisi? Bakit?
Matapos ituro kay Corianton ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit (tingnan sa Alma 40–42), ipinaalala ni Alma kay Corianton na siya ay “tinawag ng Diyos na mangaral ng salita” upang “makapagdala ng mga kaluluwa sa pagsisisi” (Alma 42:31). Nagsisi si Corianton sa kanyang mga kasalanan at tinupad niya ang kanyang tungkulin (tingnan sa Alma 49:30).
Pag-isipan ang pangangailangan mong magsisi, at isipin kung paano ka tunay na magsisisi. Tandaan na patatawarin ka ng Ama sa Langit kapag nagsisi ka (tingnan sa Mosias 26:30; Isaias 1:18).