Seminary
Alma 45–46: Itinaas ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan


“Alma 45–46: Itinaas ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 45–46,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 45–46

Itinaas ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan

si Moroni na hawak ang bandila ng kalayaan

Nang marinig ni Moroni ang tungkol sa mga pagtiwalag sa kanyang mga tao nang dahil kay Amalikeo, siya ay nagalit. Gumawa siya ng bandila ng kalayaan, at isinulat niya rito ang mahahalagang bagay para laging maalala ng kanyang mga tao. Ang mga salita ni Moroni ay nagbigay-inspirasyon sa mga tao na palakasin ang kanilang katapatan sa Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga paraan na maipapakita mo ang iyong katapatan sa Diyos.

Huwag makalimot

  • Kailan kayo nakalimot ng isang bagay na mahalaga? Ano ang nangyari dahil dito?

  • Ano ang ilang bagay na ayaw ninyong malimutan kailanman? Bakit?

Ngayon, malalaman mo ang tungkol sa isang pagkakataon na hindi naalala ng mga Nephita ang Panginoon, kahit naranasan nila noon ang Kanyang mahimalang pagliligtas. Maaari mong maalala mula sa pag-aaral ng Alma 43–44 na tinulungan ng Panginoon ang mga Nephita na matalo ang mga Lamanita sa isang digmaan, sa kabila ng labis na kalamangan ng bilang ng mga Lamanita sa mga Nephita (tingnan sa Alma 43:51–54).

Basahin ang Alma 45:1, at alamin ang ginawa ng mga Nephita matapos ang mahimalang tagumpay na ito.

  • Ano ang nalaman mo?

Sa panahong ito ng kapayapaan, ang anak ni Alma na si Helaman ay naghirang ng mga saserdote at guro sa Simbahan sa buong lupain, at ipinangaral niya ang salita ng Diyos kasama ang kanyang mga kapatid.

Basahin ang Alma 45:23–24; 46:1–5, 7–8, at alamin kung paano tumugon ang mga tao sa mga turong ito.

  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa mga pag-uugali at asal ng mga Nephita sa mga talatang ito?

  • Ano ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talata 8 tungkol sa maaaring mangyari kapag nakalimot tayo sa Panginoon?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa Alma 46:8 ay kapag nalimutan natin ang Panginoon, mas madali tayong maaakay na gumawa ng kasamaan.

Isipin kung paano ka nakakita ng katibayan ng katotohanang ito sa sarili mong buhay. Sa patuloy mong pag-aaral ngayon, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na mas maalala ang Panginoon at maipakita ang iyong katapatan sa Kanya.

ginawa ni Moroni ang bandila ng kalayaan

Nagalit si Moroni kay Amalikeo dahil sa pagdudulot ng mga pagtiwalag na ito sa mga Nephita.

Basahin ang Alma 46:12–14, 19–20, at alamin ang ginawa ni Moroni para mahikayat ang mga Nephita na maging tapat sa Diyos.

icon, isulat
icon, isulat
  1. Tingnan ang mga salitang isinulat ni Moroni sa bandila ng kalayaan sa talata 12 at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Sa palagay mo, bakit pinili ni Moroni na ipakita ang mga salitang ito para makita ng iba sa mahirap na panahong ito?

    • Paano mo nakikita ang isa o mahigit pa sa mga bagay na ito na kinalimutan o binalewala sa mundo sa panahong ito?

Tulad ni Moroni, inaanyayahan tayo ng mga lider ng Simbahan sa ating panahon na alalahanin at ipagtanggol ang mga pinahahalagahan ding ito. Basahin ang mga sumusunod na pahayag, at alamin ang mga turo sa makabagong panahon na nauugnay sa mga bagay na nakasulat sa bandila ng kalayaan.

Mga Turo sa Makabagong Panahon na Nauugnay sa Bandila ng Kalayaan

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Alma 45–46: Itinaas ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan”

“Sa alaala ng ating Diyos”

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Marami sa mundo ang walang gaanong alam tungkol kay Jesucristo, at sa ilang lugar sa mundo kung saan naipahayag ang Kanyang pangalan sa loob ng maraming siglo, nababawasan ang pananampalataya kay Jesucristo. …

Habang nababawasan ang pagbanggit ng mundo kay Jesucristo, lalo pa natin Siyang banggitin. Kapag nalantad ang ating mga tunay na katangian bilang Kanyang mga disipulo, marami sa ating paligid ang magiging handang makinig. (Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88, 90)

“Sa alaala … ng ating relihiyon”

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Kung hindi na natin pinahahalagahan ang ating mga simbahan sa anumang kadahilanan, inilalagay natin sa panganib ang ating sariling espirituwal na buhay, at ang malaking bilang ng mga tao na inihihiwalay ang kanilang sarili sa Diyos ay nakababawas ng Kanyang mga pagpapala sa ating mga bansa.

Ang pagdalo at aktibidad sa simbahan ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting tao at mabubuting impluwensya sa buhay ng iba. Sa simbahan itinuturo sa atin kung paano ipamumuhay ang mga espirituwal na alituntunin. Natututo tayo sa isa’t isa. …

… Dalangin ko na maging matatag tayong lahat sa mga karanasang ito sa Simbahan habang sinisikap nating matamo ang buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. (Dallin H. Oaks, “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nob. 2021, 24, 26)

“Sa alaala ng ating … kalayaan”

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ano ang kalayaang pangrelihiyon?

Ito ay kalayaang sumamba sa anumang paraan: kalayaang magtipon, kalayaang magsalita, kalayaang kumilos ayon sa personal na mga paniniwala, at kalayaang gawin din iyon ng iba. Ang kalayaang pangrelihiyon ay nagtutulot sa bawat isa sa atin na magpasiya para sa ating sarili kung ano ang ating paniniwalaan, kung paano tayo namumuhay at kumikilos ayon sa ating pananampalataya, at kung ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. …

Inaanyayahan ko kayong ipaglaban ang layunin ng kalayaang pangrelihiyon. Ito ay pagpapamalas ng alituntunin ng kalayaang pumili na ibinigay ng Diyos.

Ang kalayaang pangrelihiyon ay bumabalanse sa mga nagtutunggaliang pilosopiya. Ang kabutihan ng relihiyon, ang nasasaklaw nito, at ang araw-araw na pagpapakita ng pagmamahal na binibigyang-inspirasyon ng relihiyon ay lalawak lamang kung pinoprotektahan natin ang kalayaang magpahayag at kumilos ayon sa mahahalagang paniniwala. (Ronald A. Rasband, “Upang Pagalingin ang Mundo,” Liahona, Mayo 2022, 91, 93)

“Sa alaala ng … ating kapayapaan”

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Inuutusan tayo ng Manggagamot ng lahat ng sugat, Siya na nagtatama sa bawat pagkakamali, na maglingkod na kasama Niya sa mahirap na tungkulin na payapain ang isang mundong puno ng kaguluhan. …

… Hinihiling ko na maging tagapamayapa kayo—na mahalin ang kapayapaan, hangarin ang kapayapaan, lumikha ng kapayapaan, pahalagahan ang kapayapaan. Isinasamo ko iyan sa pangalan ng Prinsipe ng Kapayapaan. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 79)

“Sa alaala ng …ating mga [pamilya]”

Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:

Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin! …

… Tumulong tayong itayo ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paninindigan nang buong tapang at pagiging mga tagapagtanggol ng kasal, pagiging magulang, at tahanan. Kailangan ng Panginoon na tayo ay maging matapang, matatag, at di-natitinag na mga mandirigma na magtatanggol sa Kanyang plano at ituturo sa darating na mga henerasyon ang Kanyang mga katotohanan. (Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak,” Liahona, Mayo 2015, 15, 17)

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilang paraan na maaalala mo ang mga pinahahalagahan na nakasulat sa bandila ng kalayaan?

    • Ano ang ilang paraan na maipagtatanggol mo ang mga ito sa paraang katulad ng kay Cristo?

Ang epekto ng bandila ng kalayaan

Matapos mapaalalahanan ni Moroni tungkol sa mahahalagang katotohanang ito, marami sa mga Nephita ang nakipagtipan na hindi nila tatalikuran ang Diyos at magsisikap sila para sa kapayapaan (tingnan sa Alma 46:21–22, 28–31).

Basahin ang Alma 46:36–38, at alamin ang ginawa ni Moroni para matulungan ang kanyang mga tao na maalaala ang Diyos at ang iba pang mahahalagang bagay na nakasulat sa bandila ng kalayaan.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Alin sa mga bagay na nakasulat sa bandila ng kalayaan ang sa palagay mo ay gusto mong alalahanin o panindigan nang mas lubusan sa iyong buhay?

    • Ano ang isang bagay na magagawa mo para mas maalala ang paksang ito o maipagtanggol ang iyong mga paniniwala tungkol dito?