“Alma 47–48: Sina Amalikeo at Lehonti,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 47–48,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 47–48
Sina Amalikeo at Lehonti
May narinig ka na ba na nagsabing, “Hindi ka naman mamamatay kung susubukan mo kahit isang beses lang,” “Tikman mo lang,” o “Hindi naman gaanong masama”? Kapag nagpasiya tayong magpatangay sa mga tukso ni Satanas kahit kaunti, binibigyan natin siya ng kapangyarihan sa atin. Sa Alma 47, nalaman natin ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Lehonti na nagpatangay nang kaunti sa kanyang kaaway at natagpuan ang kanyang sarili sa mga sitwasyong napakamapanganib at nakamamatay pa nga. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang mga pagtatangka ni Satanas na magkaroon ng kapangyarihan sa iyo.
Mga pain
Ang pain sa pangingisda ay isang uri ng pamain na ginagamit sa panghuhuli ng isda. Natatawag ng pain ang pansin ng mga isda at mahihikayat nito ang isda na subukan itong kagatin. Pagkatapos, kapag nakalawit na ang isda, mahuhuli na ito.
ChurchofJesusChrist.org
-
Ano ang ilan sa mga paing ginagamit ni Satanas para mahikayat tayong magkasala?
-
Bakit mo nanaising paglabanan ang mga paing ito?
-
Ano ang maaaring maging mahirap sa paglaban sa tukso?
Maaaring naaalala mo na hinangad ni Amalikeo at ng isang pangkat ng mga tumiwalag na Nephita na pabagsakin ang kalayaan ng mga Nephita at wasakin ang simbahan ng Diyos (tingnan sa Alma 46:10). Matapos mahadlangan ni Moroni at ng iba pang mga Nephita, nakatakas si Amalikeo at nagtungo sa mga Lamanita at nagtangkang pukawin sila na magalit laban sa mga Nephita (tingnan sa Alma 46:29–33; 47:1).
Ngayon ay malalaman mo ang tungkol sa mga karagdagang pagtatangka ni Amalikeo na magkaroon ng kapangyarihan. Marami sa kanyang mga taktika ang katulad ng mga taktikang ginagamit ni Satanas laban sa atin ngayon. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maiwasan ang mga pain na ginagamit ni Satanas sa kanyang mga pagtatangkang pinsalain ka.
Hinangad ni Amalikeo na maging hari ng mga Lamanita
Basahin ang Alma 47:1–8, at alamin kung ano ang mga plano ni Amalikeo nang magtungo siya sa mga Lamanita.
-
Ano ang ginawa ni Amalikeo para magkaroon ng impluwensya at kapangyarihan sa mga Lamanita?
-
Paano natutulad ang mga mithiin ni Amalikeo sa mga mithiin ni Satanas? (tingnan sa 2 Nephi 26:22).
-
Paano naiiba ang mga mithiin ng Ama sa Langit para sa iyo sa mga mithiin ni Satanas? (tingnan sa Moises 1:39). Bakit mahalagang tandaan ito?
Ang grupo ng mga Lamanita na tumangging makidigma sa mga Nephita ay pinamunuan ng isang lalaking nagngangalang Lehonti.
Basahin ang Alma 47:9–12, at alamin ang gustong ipagawa ni Amalikeo kay Lehonti.
-
Ano ang ilang maaaring dahilan kung bakit isinaalang-alang ni Lehonti na tanggapin ang huling paanyaya ni Amalikeo sa talata 12?
-
Ano kaya ang sasabihin mo kay Lehonti kung ikaw ay kabilang sa kanyang hukbo at humingi siya ng payo sa iyo kung dapat ba siyang makipagkita kay Amalikeo? Bakit?
Basahin ang Alma 47:13–19, at alamin kung paano tumugon si Lehonti sa mga karagdagang pagsisikap ni Amalikeo at kung ano ang nangyari dahil dito.
-
Sa paanong mga paraan natutulad ang mga taktika ni Amalikeo sa mga taktikang ginagamit ni Satanas para wasakin tayo? (Kung kinakailangan, tingnan ang 2 Nephi 28:7–8, 21–22.)
Ang pagkikipaglaban mo kay Satanas
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay kung magpapatangay tayo sa mga tukso ni Satanas kahit kaunti, binibigyan natin siya ng mas malaking impluwensya na mailigaw tayo.
Pag-isipan kung paano mo nakita ang katotohanang ito sa iyong buhay o sa buhay ng iba. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na matukoy ang ilang paraan na maaaring tinatangka ni Satanas na gawin kang mahina sa kanyang mga tukso at ang mga paraan na makatutulong ang Tagapagligtas na protektahan ka laban sa mga tuksong iyon.
Gumawa ng plano
Isipin kung paano naaangkop ang mga katotohanang napag-aralan mo ngayon sa iyong buhay. Maaari mong isulat ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Kailan mo napaglabanan ang mga tukso ni Satanas gamit ang mga kasangkapang ibinigay sa iyo ng Panginoon?
-
Paano mo sisikaping lalo pang humingi ng tulong ng Diyos para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas?