“Alma 57: Patuloy na Pagsisikap na Sundin ang mga Kautusan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 57,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 57
Patuloy na Pagsisikap na Sundin ang mga Kautusan
Ano ang saloobin mo sa pagsunod sa mga kautusan? Bakit mahalaga ang saloobin mo? Habang nakikipaglaban sa isa pang mapanganib na digmaan, sinunod ng mga kabataang mandirigma “ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan,” na “patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos” (Alma 57:21, 27). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang patuloy na sikaping sundin ang mga utos ng Diyos.
Mga saloobin sa mga kautusan
Ilarawan ang tatlong magkakaibang saloobin na maaaring mayroon ang isang tao sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos at kung bakit.
Maglaan ng sandali para isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang saloobin mo sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Bakit mahalaga ang saloobin mo?
-
Kung hindi mo kasalukuyang pinagsisikapan na sundin ang mga kautusan sa abot ng iyong makakaya, ano ang humahadlang sa iyo paggawa niyon?
Sa iyong pag-aaral ngayon, maghanap ng mga alituntunin tungkol sa pagsunod na maaaring magbigay-inspirasyon at maghikayat sa iyo at tumulong sa iyo sa anumang tanong o alalahanin. Pag-isipang mabuti kung paano ito maiaangkop at magdudulot ng pagpapala sa iyong buhay.
Mga kabataang mandirigma
Sa nakaraang lesson, nalaman mo kung paano nakatulong ang 2,000 kabataang mandirigma kay Antipus at sa kanyang mga tauhan para matalo ang “pinakamalakas” at “pinakamarami” na hukbo ng mga Lamanita sa bahaging iyon ng lupain (tingnan sa Alma 56:34). Sa Alma 57, ipinagpatuloy ni Helaman ang kanyang liham kay Kapitan Moroni. Animnapu pang anak na lalaki ng mga tao ni Ammon ang sumama sa kanyang hukbo (tingnan sa Alma 57:6), at naharap ang 2,060 kabataang mandirigma sa isa pang banta. Sinalakay ng mga Lamanita ang mga Nephita at malapit na silang madaig ng mga Lamanita nang si Helaman at ang kanyang mga tauhan ay sinamahan ng isang grupo ng mga kawal na ipinasama noong una sa mga bihag na Lamanita (tingnan sa Alma 57:1–18).
Ang dalawang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na magpapalalim sa iyong pag-aaral sa salaysay na ito at makatutulong sa iyo na maipamuhay ang mga aral nito ay ang pagtukoy sa mahahalagang salita o parirala at pag-isipan ang mga ito.
Basahin ang Alma 57:19–23 para malaman ang nangyari. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala na naglalarawan sa mga kabataang mandirigma ni Helaman.
Sa talata 21, maaari mong markahan kung paano inilarawan ni Helaman ang pagsunod ng mga kabataang lalaking ito. Basahin ang Alma 58:40, at alamin ang saloobin ng mga mandirigma sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan pagkatapos ng kasunod na banta ng digmaan.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan” (Alma 57:21) at “patuloy nilang sinusunod ang … kanyang mga kautusan” (Alma 58:40)?
-
Paano naiimpluwensiyahan ng ating pananampalataya at pag-alaala kay Jesucristo ang ating hangarin at kakayahang sundin ang mga kautusan ng Diyos?
Basahin ang Alma 57:24–27, at hanapin ang mga salita o parirala na nagpapakita kung paano pinagpala ang mga anak ni Helaman sa kanilang pangalawang digmaan dahil sa kanilang pananampalataya at pagsunod sa Diyos.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito na maaaring nauugnay sa iyong buhay ngayon?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kung magtitiwala tayo sa Diyos at patuloy nating susundin ang Kanyang mga utos, pagpapalain Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan.
-
Paano nakakaapekto ang kaalaman na may “makatarungang Diyos” na may “mahimala” at “kagila-gilalas na kapangyarihan” (Alma 57:26) sa ating saloobin sa pagsunod sa Kanya?
-
Ano sa palagay mo ang saloobin na nais ng Panginoon na taglayin natin kapag nagsisikap tayong sundin ang Kanyang mga kautusan ngunit hindi pa rin tayo lubos na nakakasunod? Paano nakatutulong ang nauunawaan mo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo para masagot ang tanong na ito?
Mahalagang maunawaan na kapag masunurin tayo sa Kanyang mga utos, pagpapalain tayo ng Diyos sa Kanyang sariling paraan at panahon. Sa dalawang pakikidigma nila, pinagpala ang mga kabataang mandirigma na mapangalagaan ang kanilang buhay sa kabila ng mapanganib na pakikipaglaban at pinsala.