“Alma 59–61: Pagpiling Huwag Magdamdam,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 59–61,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 59–61
Pagpiling Huwag Magdamdam
Namali ka na ba ng pagkaunawa sa mga ginawa ng isang tao? Nasaktan ka na ba ng iba dahil sa kanilang mga pagkakamali? Hinarap ni Pahoran, punong hukom ng mga Nephita, ang hamong ito at kinailangan niyang pumili kung paano tutugon. Ang lesson na ito ay makahihikayat sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo sa pagtugon mo sa mga pagkakamali ng iba nang may ibayong pagmamahal at pagtitiyaga.
Kailan ka natuksong magdamdam?
Kung minsan, maaari tayong matuksong magdamdam. Inilahad ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang dahilan na sinabi sa kanya ng mga miyembro kung bakit sila nagdaramdam:
“May sinabi ang isang lalaki sa Sunday School na ikinasama ng loob ko. …”
““Wala ni isang bumabati o tumutulong sa akin sa branch na ito. Para akong tagalabas. …”
“Hindi ako sang-ayon sa payo na ibinigay sa akin ng bishop. …”
Marami pang ibang dahilang binanggit na nakasasama ng loob—mula sa mga pagkakaiba ng matatanda sa doktrina hanggang sa panunuya, panunukso, at pagpupuwera sa mga kabataan. (David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 89)
-
Ano ang ilan pang ibang dahilan kung bakit maaari tayong matuksong magdamdam?
-
Paano nakakaapekto sa atin ang pagdaramdam?
-
Kailan ka natuksong magdamdam? Ano ang naging reaksyon mo? Bakit?
-
Paano nakaapekto ang nadama at ginawa mo sa mga pakikipag-ugnayan mo sa iba at sa Panginoon?
Sa iyong patuloy na pag-aaral, maghangad ng inspirasyon na makahanap ng mga ideya at katotohanan na maaaring makatulong sa iyo sa mga ganitong sitwasyon.
Mga liham ni Moroni
Matapos malaman na ang hukbo ni Helaman ay kulang sa mga kawal at suplay upang ipagtanggol ang mga Nephita laban sa isang malaking hukbo ng mga Lamanita, nagpadala si Kapitan Moroni ng liham kay Pahoran, ang punong hukom ng mga Nephita. Hiniling ni Moroni kay Pahoran na magpadala ng mga tauhan para palakasin ang hukbo ni Helaman. Walang dumating na tulong, at patuloy na nagdusa ang hukbo ni Helaman. Samantala, nasakop ng isang hukbo ng mga Lamanita ang Nefihas, isa pang lunsod na inasahan ni Moroni na makatatanggap ng mga tauhan (tingnan sa Alma 59:9).
Subukang isipin kung ano kaya ang nadama ni Moroni habang sinisikap niyang protektahan ang mga Nephita nang wala ang suportang kailangan ng kanyang mga hukbo mula sa pamahalaan.
Nagalit si Moroni at sumulat siya ng isa pang liham kay Pahoran. Basahin ang Alma 60:5–11, 30 para makita ang isang bahagi ng mensahe ni Moroni.
-
Ano ang nakikita mo sa liham ni Moroni na maaaring maging dahilan para magdamdam si Pahoran?
Pagpili ni Pahoran
Ang hindi alam ni Moroni ay isang grupo ng masasamang Nephita na kasabwat ng mga Lamanita ang naghimagsik laban kay Pahoran, na naging dahilan para tumakas siya para iligtas ang kanyang buhay. Nakontrol ng mga rebelde ang kabiserang lunsod ng Zarahemla. Si Pahoran ay isang matwid na tao na nagsisikap na mangalap ng mga tauhan upang mabawi ang Zarahemla (tingnan sa Alma 61:1–8).
-
Kung ikaw si Pahoran, paano ka kaya matutuksong tumugon sa liham ni Moroni?
-
Paano nakaapekto sa sitwasyon ang reaksyon ni Pahoran?
Ang Alma 61 ay naglalaman ng tugon ni Pahoran kay Moroni. Basahin ang Alma 61:9, 17–21 upang malaman kung paano siya tumugon.
-
Ano ang hinahangaan mo sa tugon ni Pahoran?
-
Anong mga katangian ang nakikita mo kay Pahoran na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Jesucristo?
Nagbahagi si Elder Bednar ng isang mahalagang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito. (Maaari mong isulat ang isang bahagi ng pahayag na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Alma 61:9.)
Ang pagdaramdam ay pagpiling ginagawa natin; hindi ito isang kundisyon na sinadya o ipinilit sa atin ng isang tao o ng isang bagay. …
… Maaaring makasama ng loob ang isang bagay, isang kaganapan, o isang salita, ngunit kapwa natin mapipiling huwag magdamdam—at sabihin tulad ni Pahoran, “hindi ito mahalaga.” (David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 90–91)
Ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo
Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng katotohanang ito.
-
Paano makatutulong sa iyo ang mga halimbawa ni Pahoran at ng Tagapagligtas sa isang sitwasyon kung saan may nagsabi o gumawa ng isang bagay na nakasakit sa iyo o sa isang mahal sa buhay?
Ang tulong ng Panginoon
Ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas na huwag magdamdam ay maaaring mahirap. Ipinaliwanag ni Elder Bednar ang tulong na makukuha natin kapag wala tayong sapat na lakas para madaig ang nadaramang pagdaramdam.
Sa pamamagitan ng nakapagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ikaw at ako ay pagpapalain upang maiwasan at mapagtagumpayan ang pagdaramdam. …
Maaaring tila hindi natin kayang magpigil ng sama ng loob. … Ang pinakadiwa ng Pagbabayad-sala ng Manunubos at layunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tulungan tayong matanggap ang mismong espirituwal na lakas na ito. (David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 90–91)
-
Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi ni Elder Bednar?
-
Ano ang maaaring gawin ng isang tao para humingi ng tulong sa Tagapagligtas kapag natutukso siyang magdamdam?
Mag-ukol ng ilang minuto para sumulat ng liham sa iyong sarili sa hinaharap. Anong payo ang ibibigay mo sa iyong sarili kung paano ka tutugon kapag may sinabi o ginawa ang isang tao na nakasasakit o nakakasama ng loob? Isama ang natutuhan mo mula sa Tagapagligtas at kay Pahoran na magagamit mo sa sitwasyong iyon. Isama rin kung paano mo hihingin ang tulong ng Panginoon.