“Helaman 8: Ang mga Propeta ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 8
Ang mga Propeta ay Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Sa mundo kung saan maraming tinig ang humihila sa atin sa napakaraming direksyon, binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta upang iangkla tayo sa Kanya. Nang tanungin si Nephi ng masasamang Nephita kung bakit napakalupit niyang magsalita tungkol sa kanila, buong tapang siyang nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo, at makatutulong ito sa iyo na madama ang katotohanan ng kanilang mga patotoo.
Ang patotoo ng isang saksi
Isipin ang isang pagkakataon na may narinig kang isang bagay na mahirap paniwalaan. Halimbawa, marahil ay narinig mo ang tungkol sa isang taong nagtamo ng isang tila imposibleng bagay o mahimalang napagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Ano ang kinakailangan para maniwala ka? Paano makakaapekto sa iyong paniniwala ang narinig mo tungkol dito mula sa isang saksi?
Karamihan ng mga tao ay hindi nakita si Jesucristo, ngunit marami pa rin ang naniniwala sa Kanya.
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit naniniwala ang mga tao kay Jesucristo?
-
Anong tungkulin ang ginagampanan ng mga propeta sa pagtulong sa iyo na maniwala sa Tagapagligtas?
Ang patotoo ng mga propeta noong unang panahon
Maaaring naaalala mo na nagpropesiya ang propetang si Nephi sa masasamang Nephita na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi (tingnan sa Helaman 7:22–29). Marami sa mga Nephita ang nagalit kay Nephi dahil sa pagsasalita niya laban sa kanilang kasamaan (tingnan sa Helaman 8:1–7). Pinagsabihan ni Nephi ang mga taong ito at sinabi niya sa kanila na itinatatwa nila hindi lamang ang kanyang mga salita kundi ang mga salita ng mga propeta noon, kabilang si Moises, na nagpatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 8:10–13).
Basahin ang Helaman 8:13–23, at alamin ang ibinahagi ni Nephi tungkol kay Moises at sa iba pang mga propeta noon. Maaari mong markahan ang mga pangalan ng mga propetang tinukoy ni Nephi.
-
Ano ang magkakapareho sa lahat ng mga propetang ito?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay nagpapatotoo ang mga propeta tungkol kay Jesucristo.
Ipinahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pinakamahalagang tungkulin ng propeta ng Panginoon ay ang magturo sa atin ng tungkol sa Tagapagligtas at akayin tayo sa Kanya. …
Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan natin at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas. Ang pinakamalaking responsibilidad at ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng propeta ay ang kanyang tapat na patotoo, ang kanyang tiyak na kaalaman, na si Jesus ang Cristo. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 25, 27)
-
Sa iyong palagay, bakit ang pinakamahalagang kaloob sa atina ng propeta ay ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo?
Mga halimbawa ng mga propeta na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Mag-ukol ng oras na pag-aralan ang ilan sa mga patotoo ng mga propeta tungkol kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang kanilang mga patotoo, mapapatotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng kanilang mga salita sa iyong puso at isipan.
Opsiyon A: Ang mga sinaunang propeta ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo
Basahin ang kahit tatlo sa mga sumusunod na patotoo mula sa mga propeta na binanggit ni Nephi. Ilista kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga patotoong ito tungkol kay Jesucristo.
-
Moises: Exodo 15:2; Deuteronomio 18:15 (tingnan din sa 3 Nephi 20:23–24)
-
Abraham: Abraham 3:22–24; Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, Genesis 15:12 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia)
-
Isaias: Isaias 7:14; 9:6; 53:3–5
-
Jeremias: Jeremias 33:14–16; 50:34
-
Lehi: 1 Nephi 1:14–15; 2 Nephi 2:6–8
-
Nephi, anak ni Lehi: 1 Nephi 19:9–11; 2 Nephi 25:19, 23–26
Balikan ang inilista mo. Maaari mong isulat ang anumang ideya, damdamin, o impresyon mo tungkol sa Tagapagligtas habang nag-aaral ka. Sumulat ng ilang pangungusap na nagpapaliwanag kung paano maiiba ang iyong buhay kung hindi itinuro sa atin ng mga propeta ang mga bagay na ito tungkol kay Jesucristo.
Kung pinili mo ang opsiyong ito, isumite ang isinulat mo.
Opsiyon B: Ang mga propeta sa mga huling araw ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Maghanap ng dalawa o mahigit pang halimbawa ng mga propeta o apostol sa mga huling araw na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari itong magmula sa huling pangkalahatang kumperensya o sa kasaysayan ng Simbahan. Maaari mong gamitin ang ChurchofJesusChrist.org o ang Gospel Library app sa iyong paghahanap. Maaari mo ring basahin o pakinggan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” sa ChurchofJesusChrist.org.
Kung pinili mo ang opsiyong ito, itala ang iyong mga halimbawa ng mga propeta na nagpapatotoo tungkol kay Cristo. Isulat ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo, at isama ang nadama mo habang binabasa o pinakikinggan mo ang mga patotoong ito.