Matapos ang kanyang mga propesiya tungkol sa pagpaslang sa punong hukom, pinagnilayan ni Nephi ang lahat ng ipinakita sa kanya ng Panginoon, ngunit pinanghinaan din siya ng loob dahil sa kasamaan ng mga tao. Habang pauwi na siya, nagkaroon siya ng pambihirang karanasan kung saan pinagpala siya ng Panginoon dahil sa kanyang katapatan sa paggawa ng Kanyang kalooban. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga katotohanan mula sa karanasan ni Nephi na makapag-aanyaya sa patnubay at kapangyarihan ng Panginoon sa iyong buhay.
Pagiging karapat-dapat
May naiisip ka bang isang pagkakataon na may natutuhan ka mula sa halimbawa ng ibang tao? Ano iyon?
Bakit napakaepektibo ng pagkatuto sa pamamagitan ng halimbawa?
Magkakaroon ka ngayon ng mga pagkakataong matuto ng mga katotohanan mula sa halimbawa ng propetang si Nephi. Maaaring naaalala mo na si Nephi ay maling pinaratangan na sangkot sa pagpaslang sa punong hukom ng mga Nephita (tingnan sa Helaman 9:16–20). Sa pamamagitan ng inspirasyon, nakilala ni Nephi ang pumaslang at pinalaya siya (tingnan sa Helaman 9:20–38). Sa pag-uwi ni Nephi, nagkaroon siya ng mahalagang karanasan sa Panginoon na nakatala sa Helaman 10. Ang sumusunod na tatlong aktibidad ay tutulong para magabayan ka sa pag-aaral mo ng kabanata.