“Eter 4–5: ‘Paglalahad sa Kanila ng Lahat ng Aking Paghahayag,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Eter 4–5,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Eter 4–5
“Paglalahad sa Kanila ng Lahat ng Aking Paghahayag”
Pakiramdam mo ba ay handa ka nang matuto pa mula sa Panginoon? Kung hindi pa, ano ang puwede mong gawin? Iniutos ng Panginoon kay Moroni na mahigpit na isara ang isinulat na pangitain ng kapatid ni Jared at ipinaliwanag na ang mga nakasulat na ito ay ihahayag kapag nagkaroon ng pananampalataya ang mga tao na kasinglakas ng pananampalataya ng kapatid ni Jared. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan kung ano ang magagawa mo para magkaroon ng karagdagang paghahayag.
Kapag handa na tayo
Mag-isip ng isang bagay na napakahalaga sa iyo o sa iyong pamilya.
-
Bagama’t maaaring gustung-gusto mong ibahagi ang bagay na ito sa iba, bakit kaya napakaingat mo sa pagtutulot sa isang maliit na bata na hawakan ito?
-
Ano ang kailangang matutuhan o gawin ng isang bata bago mo siya pagkatiwalaang hawakan o gamitin ang bagay na iyon?
Gayundin, gustung-gusto ng Panginoon na ihayag ang mga katotohanan sa atin, ngunit naghihintay Siya hanggang sa maging handa tayong tanggapin ang mga ito (tingnan sa Alma 12:9–11).
Ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara
Ang isang halimbawa ng paghihintay ng Panginoon na ihayag ang katotohanan hanggang sa maging handa na tayo ay ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara. Iniutos kay Joseph Smith na huwag buksan o isalin ang bahaging iyon (tingnan sa Eter 5:1). Naglalaman ito ng tala ng pangitaing ibinigay sa kapatid ni Jared.
Upang matulungan kang malaman ang tungkol sa bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara, gamitin ang mga banal na kasulatan na nakalista sa panaklong para masagot ang sumusunod na mga tanong ng tama o mali.
-
Ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa kapatid ni Jared at nagministeryo sa kanya (Eter 3:20).
-
Ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang lahat ng naninirahan sa mundo, noon at sa hinaharap, at hindi ipinagkait ang anumang bagay sa kanya (Eter 3:25; 4:4).
-
Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang natutuhan niya at tatakan o mahigpit na isara ang talaan. Ito ay isinulat sa wikang nilito ng Panginoon at hindi mababasa kung walang mga sagradong pansalin (Eter 3:21–22, 24, 27; 4:1).
-
Ibinigay ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang tatlong bato na magagamit sa pagsasalin ng talaan (Eter 3:23–24, 28).
-
Walang nakabasa sa isinulat ng kapatid ni Jared (Eter 4:2–5).
Ang mga tamang sagot ay inilagay sa katapusan ng lesson.
Pagkakaroon ng karagdagang paghahayag
Sa pamamagitan ni Moroni, inihayag ng Panginoon kung ano ang dapat nating gawin upang makalapit sa Kanya, tumanggap ng paghahayag, at maihanda ang ating sarili na matanggap ang karagdagang paghahayag na nakapaloob sa bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara.
Basahing mabuti ang Eter 4:5–15, at maghanap ng mga paraan para makumpleto ang sumusunod na katotohanan. Ang pariralang “ang mga bagay na ito” sa talata 8 at 11 ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon. Ang tabing, tulad sa halimbawang ibinigay sa talata 15, ay isang kurtina o tela na ginagamit para takpan o itago ang isang bagay.
-
Bibiyayaan tayo ng Panginoon ng karagdagang paghahayag kapag …
Ang mga sumusunod na parirala ay maaaring ang mga inilagay mo na kumumpleto sa katotohanan sa itaas. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o isulat ang mga ito sa iyong study journal:
-
“magsisi … at maging malinis sa harapan ng Panginoon” (Eter 4:6)
-
“manampalataya” (Eter 4:7)
-
“[maniwala] sa mga bagay na ito” (tumutukoy sa inihayag na ng Panginoon, lalo ang Aklat ni Mormon) (Eter 4:8, 11)
-
“magsilapit [sa Tagapagligtas]” (Eter 4:13–15)
-
manalangin “nang may bagbag na puso’t nagsisising espiritu” (Eter 4:15)
Kung makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang alinman sa mga pariralang ito, hanapin ang mahahalagang salita sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Mga Paksa ng Ebanghelyo, o sa Gospel Library App. Halimbawa, maaaring makatulong na hanapin ang “bagbag na puso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Ipahahayag ng Panginoon ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara sa Kanyang “sariling takdang panahon” (2 Nephi 27:21) kapag nanampalataya tayo nang tulad ng sa kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 4:7). Gayundin, maaaring may karagdagang paghahayag na nakalaan ang Panginoon para ibigay sa iyo. Para tapusin ang lesson na ito, gawin ang mga sumusunod:
-
Rebyuhin ang paglalarawan sa mga talatang ito ng mga taong sumasampalataya at pinabanal, pag-isipan kung paano ka natutulad sa kanila at ano ang kinakailangan mong gawin para mas bumuti pa.
-
Magnilay at manalangin upang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na gawin mo para makatanggap ng karagdagang paghahayag mula sa Kanya. Isulat sa iyong study journal ang mga naiisip at nadarama mo.
Mga sagot sa quiz na tama o mali: Ang unang tatlong sagot ay tama, samantalang ang huling dalawa ay mali.