Seminary
Eter 2: “Patuloy na Binibigyang-tagubilin ng Kamay ng Panginoon”


“Eter 2: ‘Patuloy na Binibigyang-tagubilin ng Kamay ng Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 2

“Patuloy na Binibigyang-tagubilin ng Kamay ng Panginoon”

ang pumapatnubay na kamay ng Tagapagligtas

Naharap ka na ba sa isang mahirap na desisyon o problema at nagugulumihanan ka sa kung ano ang gagawin? Nang gumawa ng mga gabara ang kapatid ni Jared at ang kanyang mga tao para makatawid sa karagatan, nagkaroon sila ng ilang malaking problema. Ang kapatid ni Jared ay kumilos nang may pananampalataya sa Panginoon at humingi ng Kanyang patnubay sa bawat hamon o problema. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na malaman kung paano hihingin ang tulong ng Panginoon sa paglutas sa iyong mga problema.

Mga problema at desisyon

Isipin kunwari na may isang tao sa social media na naglista ng inakala niyang tatlong karaniwang problema at stress na kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Inilista ng taong ito ang sumusunod:

  • Pressure na maging magaling sa pag-aaral

  • Pakikibagay sa mga kaibigan

  • Pagpaplano para sa hinaharap

  • Sang-ayon ka ba sa mga pinili ng taong ito? Bakit oo o bakit hindi?

  • Anong iba pang problema o stress ang maaari mong isama sa listahan? Bakit?

Pag-isipan sandali ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang pinakamatitinding stress at problema mo?

  • Hinihingi mo ba ang tulong ng Panginoon para sa mga ito? Paano?

  • Gaano ka nagtitiwala na sa tulong ng Panginoon ay malalampasan mo ang iyong mga stress at problema?

Pumili ng isa sa mga problema o desisyon na naisip mo na gusto mong tulungan ka ng Panginoon. Sa iyong pag-aaral, maghanap ng mga katotohanan na gagabay sa iyo na tumanggap ng tulong mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa problema o desisyong pinili mo.

Paghahanda para sa tulong ng Panginoon

Sinunod ng mga Jaredita ang patnubay ng Panginoon at gumawa sila ng mga gabara upang “[ma]katawid sa maraming tubig” (Eter 2:6) hanggang sa makarating sila sa dalampasigan ng “malawak na dagat” (Eter 2:13). Pagkatapos ay iniutos sa kanila ng Panginoon na muling gumawa ng mga gabara “alinsunod sa uri ng mga gabara na [kanilang] nagawa na” (Eter 2:16) upang matawid ang “malawak na dagat“ patungo sa lupang pangako. Ang kapatid ni Jared ay naharap sa ilang mabibigat na hamon habang sinisikap niyang sundin ang mga tagubilin ng Panginoon para sa gayon katagal na paglalakbay.

icon, isulat
  1. Gumawa ng chart na katulad ng sumusunod sa iyong study journal. Basahin ang Eter 2:16–25; 3:1, 4, 6 at punan ng mga sagot na nakita mo. Pansinin ang iba’t ibang paraan ng pagtugon ng Panginoon sa kapatid ni Jared.

Ano ang ginawa ng kapatid ni Jared at ng kanyang mga tao?

Ano ang mga tanong o alalahanin ng kapatid ni Jared?

Paano tumugon ang Panginoon sa kanyang mga tanong?

  • Paano maaaring naaangkop ang mga talatang ito sa ating buhay?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kapag nanalangin tayo sa Ama sa Langit at ginagawa ang ating bahagi sa paglutas ng ating mga problema, matatanggap natin ang tulong ng Panginoon.

  • Ano ang iba’t ibang paraan ng pagsagot ng Panginoon sa mga tanong ng kapatid ni Jared? (Tingnan sa Eter 2:19–23.)

Ayon kay Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), ang tanong ng Panginoon sa Eter 2:23, “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?,” ay katulad ng pagsasabi ng sumusunod:

“Ano ang imumungkahi mo na dapat nating gawin upang magkaroon ng liwanag?” …

… Parang sinasabi sa kanya ng Panginoon, “Tingnan mo, binigyan kita ng isip para mag-isip, at binigyan kita ng kalayaang pumili para gamitin ito. Ngayon gagawin mo ang lahat ng makakaya mo para tulungan ang iyong sarili sa problemang ito; at pagkatapos mong magawa ang lahat ng makakaya mo, saka kita tutulungan.” …

… Kung nais ninyo ng pagpapala, huwag lang lumuhod at ipagdasal ito. Ihanda ang inyong sarili sa lahat ng paraang maiisip ninyo upang maging karapat-dapat ang inyong sarili na matanggap ang mga pagpapalang hinihingi ninyo. (Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places [1974], 243–44)

  • Bakit maaaring magbigay ng partikular na patnubay ang Panginoon sa ilang sitwasyon habang sa ibang pagkakataon ay nais Niyang magmungkahi tayo ng solusyon at hingin ang Kanyang tulong para malutas ang ating mga problema?

  • Bakit kaya nais ng Panginoon na isama natin ang ating mga ideya at pagsisikap sa ating mga panalangin?

  • Paano maaaring makatulong sa ating pag-unlad ang mga paraan kung paano sinasagot ng Panginoon ang ating mga tanong at alalahanin?

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod:

    Para matulungan ka sa pag-iisip kung paano maaaring naaangkop sa atin ang alituntuning ito sa ating panahon, gawin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad:

    1. Isulat kung paano tumugon ang Panginoon sa iyo o sa isang taong kilala mo nang may mga partikular na tagubilin upang lutasin ang problema o kung paano Niya nais na magmungkahi ka ng solusyon at hingin ang Kanyang basbas. Isulat ang natutuhan mo mula sa karanasang ito.

    2. Piliin kung ano sa palagay mo ang isa sa mga pinakakaraniwang problema o stress para sa mga kabataan ngayon. Isipin kung ano ang magagawa ng isang tao para malutas ang problemang ito at kung paano siya maaaring humingi ng tulong sa Panginoon.

Personal na pagsasabuhay

Isipin ang problema o desisyon na pinili mo sa simula ng lesson. Idagdag ang sumusunod sa iyong chart:

Ano na ang nagawa ko o magagawa ko para malutas o malampasan ang aking problema?

Ano ang mga tanong o alalahanin ko na maaari kong isamo sa Panginoon?

Sa paanong paraan ako maaaring tulungan o sagutin ng Panginoon?

Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para malaman kung ano ang dapat mong gawin. Alalahanin kung ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nagbibigay sa iyo ng lakas ng loob na hingin ang Kanilang tulong.