“Eter 12:28–41: Si Jesucristo: ‘Ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Eter 12:28–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Eter 12:28–41
Si Jesucristo: “Ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan”
Depende sa hinahanap natin, makahahanap tayo ng maraming kabutihan o kasamaan sa mundo. Matapos malaman ang pagkalipol ng mga Jaredita at masaksihan ang pagkalipol ng mga Nephita, nagsumamo si Moroni sa lahat ng kanyang mambabasa na hanapin si Jesucristo at ang mga pagpapalang ibibigay Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang mas matinding hangarin na hanapin si Jesucristo sa sarili mong buhay.
Mga bukal
Ang bukal ay tinutukoy bilang “ang pinagmumulan ng isang bagay na dumadaloy o lumalabas”—halimbawa, “isang bukal ng tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa” (Merriam-Webster.com Dictionary, “fountain”).
-
Kung mayroon kang mapaghimalang bukal na nagbibigay ng tuluy-tuloy na daloy ng anumang bagay na pipiliin mo, ano ang gusto mong dumaloy mula rito?
Idrowing nang mabilis ang larawan ng isang bukal na naglalabas ng pinili mo, at maikling ipaliwanag kung bakit iyon ang gusto mo.
Basahin ang Eter 12:28, at alamin ang bukal na tinukoy ng Panginoon matapos ituro kay Moroni ang Kanyang kakayahan na gawing kalakasan ang ating mga kahinaan.
-
Ano ang bukal na tinukoy ng Panginoon?
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa paraan ng paglapit natin kay Cristo?
Ang isang katotohanang itinuturo ng talatang ito ay ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ang nagdadala sa atin kay Jesucristo, ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan.
Maglista ng ilang halimbawa na naglalarawan kung paano naging Bukal ng Lahat ng Kabutihan ang Tagapagligtas. Maaaring kunin ang mga halimbawang ito mula sa mga banal na kasulatan, sa iyong buhay, o sa buhay ng mga taong kilala mo. Kung kailangan mo ng tulong sa pag-iisip ng isang halimbawa, maaari mong basahin ang salaysay tungkol sa Tagapagligtas sa Marcos 2:1–12 o panoorin ang “Jesus Forgives Sins and Heals a Man Stricken with Palsy” (2:57).
Pagnilayan kung paano naiimpluwensyahan ng mga halimbawang ito ang nadarama mo kay Jesucristo. Isipin ang iyong kasalukuyang hangaring lumapit kay Jesucristo at makibahagi sa kabutihan na nagmumula sa Kanya. Sinlakas ba ng pagnanais mo ang iyong hangarin? Bakit oo o bakit hindi?
Sa iyong patuloy na pag-aaral, maghanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makapagdudulot ng positibong impluwensya sa iyong hangarin at kakayahang lumapit sa Kanya at makibahagi sa kabutihang iniaalok Niya.
Mga kaloob na dumadaloy mula kay Cristo
Basahin ang Eter 12:29–37, at alamin ang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo sa mga lumalapit sa Kanya nang may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.
Hanapin si Jesus
Sa pagtatapos ng Eter 12, ibinahagi ni Moroni ang isang sagradong karanasan niya. Basahin ang talata 39, at isipin kung ano kaya ang naramdaman ni Moroni sa karanasang iyon.
Basahin at markahan ang paanyaya ni Moroni sa talata 41.
-
Matapos maranasan ang karanasang inilarawan niya sa talata 39, sa iyong palagay, bakit ibibigay sa atin ni Moroni ang paanyayang ito?
Tulad ni Moroni, si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkaroon ng sagradong karanasan sa Tagapagligtas. Basahin ang kanyang paglalarawan sa karanasang ito, at muling subukang isipin kung ano kaya ang naging pakiramdam niya rito.
Isang gabi, habang nananaginip ako ay natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng sagradong gusaling iyon, ang templo. Pagkatapos ng sandali ng pananalangin at pagsasaya, sinabihan ako na magkakaroon ako ng pribilehiyong pumasok sa isa sa mga silid upang makadaupang palad ang isang maluwalhating nilalang, at, habang pumapasok ako sa pintuan, nakita ko, na nakaupo sa isang mataas na plataporma, ang pinakamaluwalhating Nilalang na noon ko lamang nakita o noon ko lamang naisip na nabuhay sa mga daigdig na walang hanggan.
Sa paglapit ko upang maipakilala, tumayo Siya at lumapit sa akin na nakaunat ang mga kamay, at ngumiti nang sambitin Niya nang mahina ang aking pangalan. Kung mabubuhay ako nang isang milyong taon, hinding-hindi ko malilimutan ang ngiting iyon. Niyakap Niya ako at hinagkan, kinabig ako sa Kanyang dibdib, at ako ay binasbasan, hanggang sa tila matunaw ang utak ng aking mga buto! Nang matapos na Siya, lumuhod ako sa paanan Niya, at, habang pinaliliguan ang mga iyon ng aking mga luha at halik, nakita ko ang bakas ng mga pako sa paa ng Manunubos ng daigdig. Ang nadama ko sa harapan Niya na namamahala sa lahat ng bagay, na mapasaakin ang pagmamahal Niya, pag-aaruga Niya, at basbas Niya ay napakatindi kung kaya’t kung matatanggap ko ang bagay na iyon na natikman ko ay ibibigay ko ang buo kong pagkatao, ang lahat ng inaasam kong maging, upang madama ang nadama ko noon!
… Hindi ko nakikita si Jesus ngayon na nakapako sa krus. Hindi ko nakikita ang Kanyang noo na natutusukan ng mga tinik ni ang Kanyang mga kamay na nakapako, kundi nakikita ko Siyang nakangiti, nakaunat ang mga bisig, sinasabi sa ating lahat: “Magsilapit kayo sa akin!” (Melvin J. Ballard, “Alam Kong Siya ay Buhay,” Liahona, Dis. 2014, 80)
Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo sa araw na ito. Ano ang pinakanakaimpluwensya sa hangarin mong hanapin si Jesus sa iyong buhay? Mangakong kumilos ayon sa anumang pahiwatig o impresyong natanggap mo.