Seminary
Eter 12:23–27: “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila”


“Eter 12:23–27: ‘Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 12:23–27,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 12:23–27

“Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila”

si Moroni na nagsusulat sa mga lamina

Habang patuloy na pinaiikli ni Moroni ang aklat ni Eter, nangamba siya na kukutyain ng mga Gentil ang kanyang gawa dahil sa kanyang kahinaan sa pagsusulat. Sumagot ang Panginoon na kapag lumapit tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at pananampalataya, magagawa Niyang kalakasan ang ating mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang lumapit kay Jesucristo upang madaig ang mga kahinaan sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

Kahinaan at kalakasan

  • Ano ang isang bagay na hindi mo pa magawa ngayon dahil hindi pa ito kaya ng iyong pisikal na lakas? Ano ang kailangan mong gawin para maging sapat ang lakas mo para maisakatuparan ang gawain?

Sa buhay na ito, lahat tayo ay nahaharap sa mga kahinaan. Kung minsa’y nakapanghihina ito ng loob. Sa lesson na ito, malalaman mo ang tungkol sa huwarang itinuro ng Panginoon kay Moroni kung saan maaaring maging mga kalakasan ang mga kahinaan.

Mga alalahanin ni Moroni

Si Moroni ay binigyan ng gawaing paikliin ang salaysay ng mga Jaredita, at alam niya na ang salaysay na ito ay babasahin ng maraming tao sa hinaharap. Nang matapos niya ang kanyang pinaikling salaysay, isinulat niya ang ilan sa kanyang huling saloobin at isinama niya ang kanyang mga personal na alalahanin at pangamba tungkol sa ipinagagawa sa kanya.

Basahin ang Eter 12:23–25, at alamin ang mga alalahanin ni Moroni.

  • Ano ang partikular na inaalala ni Moroni?

Ang tugon ng Panginoon kay Moroni

Basahin ang Eter 12:26–27, at alamin kung paano tumugon ang Panginoon sa mga alalahanin ni Moroni.

icon Ang Eter 12:27 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Hatiin sa apat na parisukat ang isang blangkong papel o ang isang pahina sa iyong study journal, at isulat sa isa sa mga parisukat ang unang parirala na nakasulat sa bold letter sa ibaba. Pagkatapos ay isulat ang pangalawang parirala na nakasulat sa bold letter sa ibang parisukat. Magpatuloy hanggang sa mailagay mo ang lahat ng parirala na nakasulat sa bold letter. Magsulat ng mga tala sa mga parisukat na ito na tutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga pariralang ito.

“Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan”

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo?

Pansinin na sinabi ng Panginoon na ipapakita Niya sa atin ang ating mga kahinaan kung lalapit tayo sa Kanya.

  • Bakit ito isang pagpapala sa atin?

Ang salitang kahinaan sa pariralang ito ay tumutukoy sa ating nahulog na kalagayan, na kinapapalooban ng “mahihinang bagay” ng bawat indibiduwal at ng ating kawalan ng kakayahang maging ganap.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa Eter 12:27 tungkol sa dahilan kung bakit nais ng Tagapagligtas na malaman mo ang iyong mga kahinaan?

Pag-isipan kung nagkaroon ka ng karanasan kamakailan kung saan ipinakita sa iyo ng Diyos ang iyong kahinaan. O maaari kang tahimik na manalangin na tulungan ka Niyang madaig ang isang kahinaan sa iyong buhay.

“Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba”

Basahin ang ilang halimbawa ng mga indibiduwal sa mga banal na kasulatan na napagtanto ang kanilang kahinaan:

  • Paano nakatulong sa mga tao sa mga salaysay na ito ang pagkilala sa kanilang mga kahinaan upang maging mapagpakumbaba sila?

  • Sa palagay mo, bakit nais ng Panginoon na maging mapagpakumbaba tayo?

“Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan”

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng sapat ang biyaya ng Tagapagligtas para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa Kanyang harapan?

Ipinaliwanag ni Elder Kevin S. Hamilton ng Pitumpu:

Ang nakapagpapalakas at nagbibigay-kakayahang biyaya ni [Jesucristo] ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang malampasan ang lahat ng balakid, lahat ng hamon, at lahat ng mga kahinaan sa hangarin nating magbago.

Isinagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala upang tayo ay talagang magbago, magsisi, at maging mas mabuti. Tayo ay talagang maaaring isilang na muli. Madaraig natin ang mga nakagawian, adiksyon, at maging ang “hangarin pang gumawa ng masama” [Mosias 5:2]. (Kevin S. Hamilton, “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 51–52)

Pansinin kung paano naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang biyaya ng Panginoon sa Mosias 4:3.

  • Sino pa sa mga banal na kasulatan ang nagpakita na sapat ang biyaya ng Tagapagligtas para tulungan tayong madaig ang ating mga kahinaan?

“Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila”

Ipinaliwanag ni Elder Hamilton na ang “mahihinang bagay” sa talatang ito ay maaaring tumutukoy sa ating mga pag-uugali na mga kahinaan.

Kapag binabago muna natin ang pagiging makamundo natin, ang ating kahinaan, magagawa nating baguhin ang ating mga pag-uugali, ang ating mga kahinaan. (Kevin S. Hamilton, “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 51)

icon, isulat
  1. Gawin ang isa sa mga sumusunod:

    1. Isulat sa isang talata na may tatlo o mahigit pang pangungusap ang natutuhan mo at nais mong maalala mula sa lesson na ito.

    2. Ilarawan sa isang talata na may tatlo o mahigit pang pangungusap kung paano mo ipamumuhay ang natutuhan mo ngayong araw.