“Moroni 7:20–43: Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Moroni 7:20–43,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Moroni 7:20–43
Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo
Naranasan mo na bang mangailangan ng higit pang pag-asa sa iyong buhay? Si Moroni, na mag-isang nagpagala-gala sa loob ng maraming taon matapos malipol ang kanyang mga tao, ay isinulat ang mga salita ng kanyang ama tungkol sa pag-asang may darating na magagandang bagay sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng higit pang pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo.
Manangan sa bawat mabuting bagay
Sa Moroni 7, sinabi ni Mormon na nais niyang tulungan ang kanyang mga tao kung paano nila malalaman kung paano sila “makapa[na]nangan sa bawat mabuting bagay” (talata 21).
-
Nang gamitin ni Mormon ang pariralang “mabuting bagay,” ano sa palagay mo ang tinutukoy niya?
-
Ano ang ilan sa espirituwal at walang hanggang “mabubuting bagay” na gusto mong tanganan, o tanggapin, sa buhay na ito o sa kabilang-buhay?
Maaalala mo na sa Moroni 7:12–19, itinuro ni Mormon na lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula kay Jesucristo. Basahin ang Moroni 7:20–26, at alamin ang itinuro ni Mormon tungkol sa kung paano matatanggap ang mabubuting bagay na ito mula kay Cristo.
-
Ano ang nalaman mo?
-
Anong mga salaysay ang naiisip mo kung saan nagpadala ang Ama sa Langit ng mga anghel upang ipahayag na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan?
Ang kahulugan ng pag-asa
Para matulungan kang maghandang malaman ang iba pa tungkol sa mga turo ni Mormon tungkol sa pag-asa, basahin ang salaysay na ito mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bago ako nag 12-anyos, dalawang beses napilitang lisanin ng aming pamilya ang aming tahanan at magsimulang muli sa gitna ng kaguluhan, takot, at kawalang-katiyakan na dulot ng digmaan at hidwaan sa pulitika. Maligalig na panahon iyon para sa akin. …
Ang panahong ito ng kawalan ng pag-asa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagkaroon ng malaking epekto sa mundo. Nagkaroon ito ng epekto sa akin.
Noon, sa aking pag-iisa sa pinakamalulungkot na oras ko, madalas kong maisip, “May pag-asa pa bang natitira sa mundo?” (Dieter F. Uchtdorf, “Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8)
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit nakadarama ang mga tao ng kawalan ng pag-asa sa panahon ngayon?
Ginunita ni Elder Uchtdorf na “habang nalulunod ang mundo sa pagdududa, kapaitan, pagkamuhi, at pangamba,” nakita niya ang isang bagay na “[pumuspos sa kanya] ng pag-asa“ (“Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8).
Nakararanas ka ba ng kawalan ng pag-asa sa iyong buhay? Isipin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang lesson na ito, hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mapuspos ka ng pag-asa.
Itinuro ni Mormon ang tungkol sa pag-asa
Basahin ang Moroni 7:40–44, at alamin kung paano nauugnay sa pag-asa ang ating pananampalataya kay Jesucristo.
-
Paano mo ibubuod ang talata 41 sa sarili mong mga salita?
Isang katotohanan mula sa mga turo ni Mormon
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Mormon ay kung sasampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang pagbabayad-sala na ibabangon tayo tungo sa buhay na walang hanggan.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magkaroon ng pag-asa kay Jesucristo?
-
Bakit kailangan nating maging mapagpakumbaba, o “maamo at may mapagpakumbabang puso“ (Moroni 7:43), upang sumampalataya kay Jesucristo at magkaroon ng pag-asa?
Para makakita ng halimbawa ng isang taong nakahanap ng pag-asa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, rebyuhin ang isa sa mga sumusunod na salaysay. Habang ginagawa mo ito, alamin kung paano nakaranas ng pag-asa ang taong iyon sa pamamagitan ni Jesucristo.
-
Basahin ang Alma 22:12–18, ang kuwento tungkol sa ama ni Haring Lamoni.
-
Basahin ang Alma 36:12–21, o panoorin ang “Nagpatotoo si Alma sa Kanyang Anak na si Helaman,” na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 1:30 hanggang 2:32.
-
Panoorin ang “Finding Hope through the Resurrection of Christ“ (4:41), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Panoorin ang “Ang Dalubhasang Manggagamot,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 8:49 hanggang 11:53.
Mahalagang pansinin na kahit nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo at umaasa sa mga pagpapalang ibinibigay Niya, maaari pa rin tayong magkaroon ng mahihirap na sandali sa ating buhay. Ngunit kapag patuloy tayong sumasampalataya sa Tagapagligtas at tumutuon sa Kanya at sa buhay na walang hanggan na ginawa Niya na posible para sa atin, matatamo natin ang pag-asang hinahangad natin.