Seminary
Pambungad sa Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher


“Pambungad sa Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher,” Manwal ng Guro para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Pambungad,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher

babaeng nakangiti

Pambungad sa Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher

Ang layunin ng Seminaries and Institute of Religion ay tulungan ang mga kabataan at young adult na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, ang kanilang pamilya, at ang iba pang tao para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.

Ang mga lesson at iba pang resources sa manwal na ito ay ginawa upang tulungan kang makamit ang layuning ito. Matutulungan ka ng mga ito na magtuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at gamitin ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ng kay Cristo.

Mga Tool o Kasangkapan na Tutulong sa Iyo na Maghandang Magturo

Ang mga Banal na Kasulatan

Ang mga lesson na nakapaloob sa manwal na ito ay nangangailangan ng inspiradong guro na regular na nag-aaral ng mga banal na kasulatan at naghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo. Ang pag-aaral gamit ang scripture block ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay isang mahalagang paraan upang makapaghanda sa pagtuturo sa mga estudyante. Kapag regular mong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, makatitiyak ka na bibigyan ka ng Ama sa Langit ng inspirasyon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu para maiangkop ang mga materyal na ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Mga Lingguhang Buod

Ang manwal na ito ay isinaayos ayon sa mga lingguhang scripture block ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Para sa bawat lingguhang scripture block, ang manwal na ito ay magbibigay ng lingguhang buod na sinusundan ng limang lesson. Ang lingguhang buod ng lesson ay nagbibigay ng partikular na impormasyon para matulungan kang maghandang magturo, kabilang ang:

  • Mga layunin ng lesson

  • Mga ideya sa paghahanda ng estudyante

  • Isang listahan ng mga object lesson, handout, larawan, video, o iba pang materyal na maaaring kailanganing ihanda nang maaga

  • Mga mungkahi sa pagtuturo sa pamamagitan ng videoconference (kung ia-access ang content sa pamamagitan ng Gospel Library app o Gospel Library online sa ChurchofJesusChrist.org)

Ang pagrerebyu ng lingguhang buod sa simula ng bawat linggo ay makatutulong sa iyong magpasiya kung aling mga lesson ang ituturo at anong mga materyal ang kokolektahin o ihahanda nang maaga.

Hanapin ang lingguhang buod para sa susunod na linggo ng mga lesson na ituturo mo. Anong impormasyon ang nakikita mo rito na makatutulong sa iyo kung malalaman mo ito nang maaga? Paano mo magagamit ang impormasyong ito habang naghahanda kang magturo?

Mga Tip sa Pagtuturo

Ipinaliliwanag sa mga tip sa pagtuturo ang mga inirerekomendang gawain at alituntunin sa pagtuturo na makatutulong sa iyo na maging mas mahusay na guro. Ang bawat lesson ay naglalaman ng tip sa pagtuturo na kasunod agad ng pambungad sa lesson. Makakakita ka ng mga karagdagang gawain at alituntunin sa pagtuturo sa library ng mga kasanayan sa pag-unlad ng guro na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Kapag nadarama mong handa ka na, subukang gawin ang mga tip na ito habang nagtuturo ka. Mapapansin mong humuhusay ang kakayahan mong magturo.

Rebyuhin ang tip sa pagtuturo sa susunod na lesson na ituturo mo. Paano mo susubukang gawin ang mungkahing ito sa lesson?

Tagubilin sa Pagtuturo

Ang mga tagubilin sa pagtuturo ay ginawa upang tulungan kang maghandang magturo. Ang mga tagubilin na ito ay makatutulong sa iyo na malaman kung paano gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral na iminumungkahi sa lesson. Ang mga ito ay maaaring magpaliwanag ng mga layunin ng mga aktibidad ng lesson o magbigay ng mga mungkahi kung paano iaangkop ang nilalaman ng lesson upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Maaaring kabilang sa mga mungkahing ito ang mga alternatibong pamamaraan, tanong, o aktibidad na tutulong sa iyo na iangkop ang nilalaman at mga aktibidad kung kinakailangan.

Rebyuhin ang ilan sa mga tagubilin sa pagtuturo sa lesson na ituturo mo sa lalong madaling panahon. Anong mga pag-aangkop ang maaari mong gawin batay sa mga makikita mong tagubilin sa pagtuturo?

Paghahanda ng Estudyante

Ang bawat lesson ay may kasamang mungkahi sa pagtulong sa mga estudyante na ihanda ang kanilang isipan at puso para sa karanasan sa pagkatuto. Inililista ng bawat lingguhang buod ang mga ideya sa paghahanda ng estudyante para sa limang lesson sa linggong iyon. Maaari mong rebyuhin ang mga ideyang ito sa simula ng linggo at mapanalanging magpasiya kung alin ang pinakamahusay na makatutulong sa iyong mga estudyante. Hindi mo kailangang gamitin ang bawat mungkahi sa paghahanda ng estudyante. Maaari mong iangkop ang mga ito o maaari kang gumawa ng sarili mong mga ideya. Marami sa mga mungkahing ito ang ginawa upang ibigay sa mga estudyante nang mas maaga ng isang araw o mahigit pa bago ang karanasan sa pag-aaral.

Rebyuhin ang bahaging paghahanda ng estudyante sa iyong susunod na lesson, at isipin kung gagamitin mo ito, kung iaangkop mo ito, o hindi mo gagamitin ang iminungkahing paghahanda ng estudyante. Kung magpapasiya kang anyayahan ang iyong mga estudyante na maghanda, paano mo ibabahagi sa kanila ang ideyang ito sa paghahanda? Maaari mo itong ibahagi nang pasalita o ipakita sa katapusan ng nakaraang klase, o ipadala sa pamamagitan ng email o messaging app, kung naangkop.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang bahaging ito ng lesson ay may mga kasamang posibleng paraan na matatalakay mo ang karanasan sa pagkatuto. Hindi mo kailangang gamitin ang lahat ng iminumungkahing aktibidad sa pag-aaral sa mga lesson na itinuturo mo. Upang magkaroon ang iyong mga estudyante ng pinakamagandang karanasan, dapat mong gamitin ang nilalaman sa bahaging ito bilang gabay sa halip na isang script. Kung nagsisimula ka pa lang bilang guro sa seminary, makabubuting magsimula sa pamamagitan ng pagsunod nang mabuti sa mga iminungkahing aktibidad sa pag-aaral. Habang humuhusay ka bilang guro, mapaghuhusay mo pa ang iyong kakayahan na maiangkop ang nilalaman ng manwal na ito upang pinakamainam na matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto

Karamihan ng mga lesson ay naglalaman ng bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” sa katapusan ng lesson. Ang bahaging ito ay naglalaman ng karagdagang impormasyon na magpapalalim ng pagkatuto. Maaari kang makahanap ng mga posibleng sagot sa mga tanong ng mga estudyante o makahanap ng mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na maaari mong isama sa lesson. Ang bahaging ito ay available lang kung ia-access mo ang manwal ng guro sa pamamagitan ng Gospel Library app o Gospel Library online sa ChurchofJesusChrist.org. Karamihan ng impormasyon sa bahaging ito ay kasama rin sa online na kurikulum ng seminary at sa manwal ng estudyante (sa ilalim ng heading na “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?”) sa pamamagitan ng Gospel Library app o Gospel Library online. Ang “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” ay hindi kasama sa PDF na bersiyon ng manwal ng guro o manwal ng estudyante.

Tingnan kung kasama sa susunod na lesson na ituturo mo ang “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon.” May mga tanong, sagot, o pahayag ba ng mga lider ng Simbahan na maaaring kapaki-pakinabang na ibahagi sa iyong mga estudyante?

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Ang bahaging ito, na kasama rin sa katapusan ng lesson, ay may mga karagdagang ideya sa pagtalakay sa karanasan sa pagkatuto. Ang mga karagdagang aktibidad sa pag-aaral ay kasama lang sa manwal ng guro kung ia-access mo ito sa pamamagitan ng Gospel Library app o Gospel Library online sa ChurchofJesusChrist.org. Ang bahaging ito ay hindi kasama sa PDF na bersiyon ng manwal ng guro o sa manwal ng estudyante.

Kung kasama sa iyong susunod na lesson ang bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral,” rebyuhin ang mga aktibidad na ito. Mayroon bang anumang aktibidad na sa palagay mo ay kapaki-pakinabang na gamitin ng iyong mga estudyante bukod pa sa mga aktibidad sa pag-aaral o bilang kapalit ng mga ito na kasama sa pangunahing lesson?

Doctrinal Mastery

Ang isang mahalagang priyoridad mo bilang guro ay tulungan ang mga estudyante na maisakatuparan ang mga resulta ng doctrinal mastery. Kabilang sa mga resultang ito ang pagtulong sa mga estudyante na:

  • Matutuhan at maipamuhay ang mga banal na alituntunin para magtamo ng espirituwal na kaalaman.

  • Maging mahusay sa mga piniling scripture passage at sa doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo na itinuturo ng mga ito.

Ang pagiging mahusay sa mga piniling scripture passage at sa doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo na itinuturo ng mga passage na ito ay nangangahulugang magagawa ng mga estudyante na:

  • Malaman at maunawaan ang doktrinang itinuro sa mga doctrinal mastery scripture passage.

  • Maipaliwanag nang malinaw ang doktrina gamit ang kaugnay na mga doctrinal mastery scripture passage.

  • Maipamuhay ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa kanilang mga pagpili sa araw-araw at magamit ang mga ito sa mga pagtugon nila sa mga isyu at tanong tungkol sa doktrina, personal na buhay, lipunan, at kasaysayan.

  • Matandaan at mahanap ang mga doctrinal mastery scripture passage at maisaulo ang mahahalagang parirala ng banal na kasulatan.

Maaaring mahirap ito sa una, ngunit magtiwala ka na makatutulong sa iyo ang manwal na ito sa pagtulong sa iyong mga estudyante na maging mahusay sa doktrina. Sa bawat grupo o set ng limang lesson sa manwal na ito, makakakita ka ng lesson na makatutulong sa mga estudyante na maisakatuparan ang mga resultang ito. Ang mga lesson na ito ay mga doctrinal mastery passage lesson o mga doctrinal mastery review lesson.

Mga Doctrinal Mastery Passage Lesson

Ang mga doctrinal mastery passage lesson at ang kontekstuwal na lesson na nauuna sa bawat isa ay dapat ituring na mahalaga. Dapat ituro ang bawat doctrinal mastery passage lesson sa school year, kabilang ang mga lesson na hindi naituro noong walang klase sa seminary. Kabilang sa mahahalagang lesson na ito ang:

  • Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Mga Bahagi 1, 2, 3, at 4.

  • Ang kontekstuwal na lesson bago ang bawat isa sa 24 na doctrinal mastery passage lesson.

  • 24 na doctrinal mastery passage lesson (halimbawa, “Doctrinal Mastery: 1 Nephi 3:7” o “Doctrinal Mastery: 2 Nephi 2:25”).

Ang mga doctrinal mastery passage lesson ay tumutulong sa mga estudyante na:

  • Isaulo ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan.

  • Ipaliwanag ang doktrina.

  • Magsanay na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuturo sa passage.

Mga Doctrinal Mastery Review Lesson

Ang mga doctrinal mastery review lesson ay nagbibigay ng mga pagkakataong rebyuhin (o sa ilang pagkakataon, malaman) ang ilan sa mga doctrinal mastery passage at pagsikapang isakatuparan ang mga resulta ng doctrinal mastery. Opsiyonal ang mga doctrinal mastery review lesson. Kung hindi napag-aralan ng mga estudyante ang isang doctrinal mastery passage lesson dahil walang klase, maaari mong ituro ang di-napag-aralang lesson bilang kapalit ng isang doctrinal mastery review lesson.

icon ng training Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano tutulungan ang mga estudyante na maisakatuparan ang mga resulta ng doctrinal mastery, tingnan ang training na “Doctrinal Mastery” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Pagtulong sa mga Estudyante na I-assess ang Kanilang Pagkatuto

Ang pag-assess ay mahalagang bahagi ng pagkatuto. Ang mga pagkakataong huminto at pagnilayan ang pagkatuto ay maaaring maging magandang karanasan para sa mga estudyante at makahikayat sa kanila sa tuloy-tuloy nilang paglago at pag-unlad tungo sa pagiging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang matalinong payong ito para sa mga guro:

“Tandaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin”

(“Mga Anghel at Panggigilalas” [Church Educational System Training Broadcast, Hunyo 12, 2019] broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Ang pagbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong i-assess ang kanilang pagkatuto ay isang paraan upang maipamuhay ang payo ni Elder Holland. Sa pamamagitan ng pag-assess sa kanilang pagkatuto, ang mga estudyante ay nagiging aktibong kalahok sa proseso ng pagkatuto at mas nagiging responsable sa kanilang pag-aaral. May ilang karanasan sa pagkatuto na kasama sa kurikulum na ito na naglalayong bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong pagnilayan ang natututuhan nila at kung paano sila umuunlad bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Mga Lesson na “I-assess ang Iyong Pagkatuto”

Ang manwal na ito ay may kasamang ilang lesson na “I-assess ang iyong pagkatuto.” Ang mga lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong maipaliwanag ang mahalagang doktrina mula sa Aklat ni Mormon, pagnilayan ang kanilang mga pag-uugali at hangarin, at ibahagi ang kanilang pag-unlad sa pagpapabuti ng mga pag-uugaling tutulong sa kanila na maging mga mas tapat na disipulo ni Jesucristo. Ang mga lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng kagalakan habang nakikita nila ang kanilang pag-unlad at natutukoy nila ang mga aspekto para sa karagdagang pag-unlad sa hinaharap.

Mga Lesson sa Pagrerebyu ng Learning Assessment

Sa katapusan ng bawat kalahati ng kurso, bibigyan mo ang mga estudyante ng learning assessment upang matulungan silang suriin ang kanilang kakayahang makamtan ang mga resulta ng doctrinal mastery. Dapat ituro ang lesson sa pagrerebyu ng learning assessment sa klase bago ang pagbibigay ng assessment. Ang mga lesson sa pagrerebyu ng learning assessment ay nasa appendix ng manwal na ito. Kabilang sa mga lesson na ito ang mga aktibidad sa pagrerebyu na makatutulong sa mga estudyante na rebyuhin ang doktrina, mga reperensyang banal na kasulatan, at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan ng bawat isa sa mga doctrinal mastery passage na pinag-aralan nila sa una o pangalawang bahagi ng kurso. Ang mga lesson na ito ay makatutulong din sa mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Mga Learning Assessment

Ang mga learning assessment para sa una at pangalawang bahagi ng kurso ay nakatuon sa doctrinal mastery at kasama sa appendix ng manwal na ito. Maaaring sagutan ng mga estudyante ang assessment habang may klase at pagkatapos ay iwasto ito sa klase sa tulong ng kanilang guro at iba pang kaklase. Para makatanggap ng credit para sa kursong ito sa seminary, kailangang magkaroon ang mga estudyante ng markang 75 porsiyento o mas mataas sa bawat learning assessment. Maaaring ulitin ng mga estudyante ang mga assessment na ito nang maraming beses kung kinakailangan.

icon ng training Para sa karagdagang impormasyon kung paano gamitin ang manwal na ito upang matulungan ang mga estudyante sa pag-assess ng pagkatuto, tingnan ang training na “Assessments Training” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Mga Online Seminary Teacher

Kung ikaw ay isang online seminary teacher, maaaring makatulong sa iyo na tingnan ang nilalaman ng manwal na ito habang naghahanda ka ng mga lesson. Bagama’t halos magkapareho ang mga nilalaman ng mga lesson sa manwal na ito at ng mga lesson sa online na kurikulum ng seminary, kabilang din sa manwal ng guro ng seminary ang tagubilin sa pagtuturo at mga karagdagang aktibidad sa pag-aaral. Ang mga sangguniang ito ay makatutulong sa iyo na masagot ang mga tanong ng mga estudyante, iangkop ang online content ng kurikulum, at maghanda para sa mga face-to-face class (nang harapan o virtual).

Bukod pa sa manwal na ito at sa online na kurikulum ng seminary, may karagdagang resource na tutulong sa iyong magturo sa online seminary. Sa bawat linggo ng kurikulum sa online seminary, may kasamang pahina na hindi inilathala para sa mga guro na may pamagat na “Mga Mungkahi para sa mga Online Teacher.” Ang pahinang ito ay may kasamang iba’t ibang mungkahi na makatutulong sa iyo na gawing mas makabuluhan ang karanasan sa online na pag-aaral para sa mga estudyante. Kabilang sa mga mungkahing ito ang:

  • Mga online tip sa pagtuturo

  • Mga layunin ng lesson

  • Mga ideya sa paghahanda ng estudyante

  • Mga mungkahi sa pagtuturo sa pamamagitan ng videoconference

  • Mga mungkahi sa pag-aangkop sa online content

Hinihikayat kang iangkop ang online na kurikulum ng seminary upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Maaaring i-edit ang bawat pahina sa online na kurikulum ng seminary. Maaaring kabilang sa ilang pag-aangkop na maaari mong gawin sa online na kurikulum ang:

  • Pagbabago ng aktibidad sa lesson upang gawin itong mas nauugnay at interesante sa mga estudyante.

  • Pag-delete ng ilang content na maaaring masyadong mahirap para maunawaan ng mga estudyante.

  • Pagpapalit ng content ng isang video recording tungkol sa iyo o sa iba na nagpapatotoo tungkol sa isang alituntunin o doktrina sa mga banal na kasulatan, o nagbabahagi ng personal na karanasan.

  • Pagpapalit ng isang sipi sa isang siping mas bago o mas madaling maunawaan ng mga estudyante.

Kailangang i-adjust ng mga online seminary teacher ang pagkakasunud-sunod ng ilang lesson sa online na kurikulum ng seminary upang masunod ang mga lokal na pacing guide o iskedyul.

Mga Home-study Seminary Teacher

Kung ikaw ay isang home-study seminary teacher, kakailanganin ng mga estudyante na magkaroon ng kopya ng manwal ng estudyante sa seminary, o ia-access ito sa Gospel Library app o Gospel Library online, sa ChurchofJesusChrist.org. Kakailanganin mong makipag-ugnayan sa mga estudyante tungkol sa kung aling mga lesson ang pag-aaralan sa tahanan at alin ang magkakasama ninyong pag-aaralan nang virtual o face-to-face. Ang mga lesson sa manwal ng estudyante ay tumutugma sa mga lesson sa manwal ng guro.

Kapag nagpapasiya kung aling mga lesson ang ituturo sa isang face-to-face class, isaalang-alang kung aling mga lesson ang magiging epektibo lalo na kapag pinag-aralan bilang grupo. Maaari kang magbigay ng mga paanyaya sa mga estudyante na tutulong sa kanila na maghanda para sa klase. Ang mga mungkahi sa paghahanda ng estudyante na kasama sa simula ng bawat lesson ay makapagbibigay sa iyo ng ilang ideya tungkol sa kung paano gawin ito. Habang pinaplano mo ang mga karanasan sa pagkatuto sa mga face-to-face class, maglaan ng ilang oras sa klase para sa pagrerebyu ng mga reperensya at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan ng mga doctrinal mastery passage na napag-aralan na ng mga estudyante kamakailan.

Dapat kumpletuhin ng mga estudyante ang mga assignment na may numero mula sa manwal ng estudyante at ipasa nila ang mga ito sa iyo kahit linggu-linggo. Maaaring isumite ng mga estudyante ang kanilang ginawa sa elektronikong paraan (sa pamamagitan ng email, messaging app, o iba pang katulad ng mga ito) o sa study journal. Kung nagsusumite ang mga estudyante ng kanilang gawain sa study journal, dapat dalawa ang kanilang study journal upang maiwan nila sa iyo ang isang journal kung kinakailangan at patuloy silang makagagawa sa isa pang journal, at makikipagpalitan ng journal tuwing magkikita kayo.

Kapag nirerebyu mo ang gawain ng mga estudyante, magbigay ng partikular at makabuluhang feedback. Humanap ng mga paraan para mahikayat ang mga estudyante at matulungan silang umunlad sa kanilang pag-aaral. Matutulungan mo rin sila sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paraan na makaugnayan sila sa buong linggo. Halimbawa, kung pinag-aaralan mo ang mga lesson sa manwal na ito habang ginagawa ng mga estudyante ang mga lesson ding iyon sa bahay, maaari kang mabigyang-inspirasyon na magbahagi sa mga estudyante ng isang tanong, magmungkahi ng video, o iba pang sanggunian mula sa manwal na ito sa pamamagitan ng email, mga group text, o iba pang paraan ng pakikipag-ugnayan. Maaari ka ring magbigay ng mga paalala o panghihikayat para makatulong sa pagkakaroon ng pagkakaisa sa klase at matulungan ang mga estudyante na madamang kabilang sila habang pinag-aaralan nila ang ebanghelyo at magkakasamang lumuunlad.