Institute
Session 1


“Session 1,” Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan (2025)

“Session 1,” Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan

Session 1

Mga Resulta ng Pag-aaral: Ang workshop session na ito ay makatutulong sa mga mag-aaral (1) na unahin ang kanilang walang-hanggang identidad bilang mga anak ng Diyos, mga anak ng tipan, at mga disipulo ni Jesucristo at (2) maunawaan na maaari nilang piliin ang mga pagpapalang inihahandog sa kanila ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang nais ng Ama sa Langit na malaman ng ating mga young adult?

Maaari mong simulan ang lesson sa pagpapakita ng mga sumusunod na larawan at paliwanag:

Larawan
Maraming young adult ang dumagsa sa Conference Center plaza bago nagsimula ang pandaigdigang debosyonal noong Mayo 15, 2022.
Larawan
Nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult noong Mayo 15, 2022.
Larawan
Nagtipon ang mga young adult sa Conference Center sa Salt Lake City para makinig kay Pangulong Russell M. Nelson at sa kanyang asawang si Sister Wendy Nelson noong Linggo, Mayo 15, 2022.

Noong Mayo 15, 2022, libu-libong young adult mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtipon nang personal at sa pamamagitan ng teknolohiya para makinig sa propeta ng Panginoon, si Pangulong Russell M. Nelson, na magbahagi ng mensaheng para lamang sa kanila.

  • Ano ang ikinaiba ng payo ng propeta sa payo ng sinuman?

Ipaliwanag na sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Pangulong Nelson ang mahahalagang katotohanan na maaaring makaapekto nang malaki sa ating buhay, ngayon at sa kawalang-hanggan. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na bigyang-pansin at isulat ang anumang pahiwatig mula sa Espiritu Santo na makapagtuturo sa kanila ng nais ng Panginoon na malaman at gawin nila.

Sama-samang panoorin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” mula sa time code na 8:08 hanggang 11:25. Sabihin sa mga estudyante na makinig nang mabuti sa nais ng propeta ng Panginoon na malaman at maunawaan nila. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” sa Gospel Library para makasunod sila at mamarkahan kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila.

Magbigay ng pagkakataon sa mga estudyante na ibahagi ang pinakamahalaga para sa kanila o pinaka-umantig sa kanilang puso, gayundin ang anumang tanong na maaaring mayroon sila.

  • Sa palagay ninyo, bakit angkop na pamagat ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” para sa kanyang mensahe?

Maaari mong ipaalam na ginamit ni Pangulong Nelson ang iba’t ibang banghay ng salitang pagpili nang anim na beses sa pahayag na kakarinig pa lang nila.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga salita ni Pangulong Nelson tungkol sa kahalagahan ng ating mga pagpili sa kawalang-hanggan?

Isulat sa pisara o ipakita ang sumusunod:

  1. Alamin ang katotohanan kung sino kayo.

  2. Alamin ang katotohanan kung ano ang inihahandog sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.

  3. Alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob.

Bigyang-diin ang salitang katotohanan sa pisara sa pamamagitan ng pagsalungguhit dito. Ipaliwanag na inaasahan ng Panginoon na laging magtuturo ang Kanyang mga propeta ng katotohanan, lalo na kapag ang mga tao ay nalilito o naliligaw ng landas. Ang tatlong katotohanang ito mula sa Diyos na ibinahagi ng propeta ay salungat sa mga pilosopiya ng mundo. Sa session na ito, pagtutuunan natin ang dalawang nauna.

Alamin ang katotohanan kung sino kayo

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson at sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung bakit ito ang unang bagay na nais ng Panginoon na maunawaan nila:

Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon sa gabing ito, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao. …

… Sino kayo?

Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.

Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.

  • Sa palagay ninyo, bakit ito ang unang bagay na gusto ng Panginoon na maunawaan ninyo?

Isulat sa pisara ang “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo.” Para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa tatlong identidad na ito, anyayahan ang bawat estudyante na pumili ng isa sa mga ito at saliksikin ang Gospel Library para sa mga banal na kasulatan o mga pahayag ng propeta na tutulong sa kanila na mas maunawaan ito. Bigyan ang mga estudyante ng oras na ibahagi ang nahanap nila. Habang nagbabahagi sila, isulat ang scripture reference o sipi sa ilalim ng angkop na header. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga listahang ito para sa pag-aaral sa hinaharap kung nais nila.

Anak ng Diyos

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kanilang pagkatao bilang mga anak ng Diyos, basahin o ipakita ang sumusunod na pahayag o ipahanap ito sa mga estudyante sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” sa Gospel Library. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang inaasam ni Pangulong Nelson na nakatatak sa kanilang puso:

Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos.” Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nakadaig na ba kayo ng tukso dahil sa katotohanang ito?

Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo.

  • Sa palagay ninyo bakit ang pag-alaala sa inyong identidad bilang anak ng Diyos ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyon na gagawin ninyo?

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maitatak ng isang tao sa kanyang puso ang katotohanang ito kumpara sa pagturing dito na slogan lamang?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na suriin kung gaano kalalim na naitatak ang katotohanang ito sa kanilang puso sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na pag-isipan ang sumusunod na dalawang tanong:

  • Gaano kadalas naaapektuhan ng katotohanang ito ang mga desisyon na ginagawa ninyo araw-araw?

  • Paano kayo sinagip ng katotohanang ito nang nakaranas kayo ng tukso?

Kung makatutulong ito, maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan naitatak sa puso ng mga tao ang katotohanang ito, (halimbawa, Moises 1:4–21; Mga Gawa 17:23–28).

Iba pang mga Pantukoy

Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng listahan ng hindi bababa sa 10 salita o label o titulo na maaaring gamitin sa paglalarawan ng kanilang sarili (halimbawa, anak, estudyante, atleta, empleyado, tagahanga ng sports, nasyonalidad, bayan, at iba pa). Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga listahan sa isang maliit na grupo.

Ipaliwanag na sinabi ni Pangulong Nelson na “ang mga label ay maaaring maging masaya at magpahiwatig ng inyong suporta sa kahit ilang positibong bagay.”

Sabihin sa mga estudyante na ayusin ayon sa prayoridad ang kanilang listahan ng mga label, na nakalagay sa “1” ang pinakamahalaga sa mga ito. Pagkatapos gawin ito, maaari nilang ibahagi sa kanilang mga kagrupo ang kanilang mga listahan ng prayoridad at ano ang dahilan nila kung bakit ganoon nila ito pinagsunud-sunod.

Ipakita ang sumusunod na pahayag o ipahanap ito sa mga estudyante sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” sa Gospel Library. Sabihin sa mga estudyante na pansinin ang mga label o titulo na ibinibigay ni Pangulong Nelson sa kanyang sarili at ang paraan niya ng pagpaprayoridad sa mga ito:

Kung iraranggo ko ayon sa kahalagahan ang mga titulong maaaring iangkop sa akin, sasabihin kong: Una, ako ay anak ng Diyos—isang anak na lalaki ng Diyos—sumunod ay isang anak ng tipan, tapos ay isang disipulo ni Jesucristo at isang tapat na miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

Sumunod ay ang ikinararangal kong mga titulo bilang asawa at ama, tapos ay Apostol ng Panginoong Jesucristo.

Lahat ng iba pang mga titulo na angkop sa akin—tulad ng medical doctor, surgeon, researcher, professor, lieutenant, captain, PhD, Amerikano, at iba pa—ay babagsak sa bandang ibaba ng listahan.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kanilang mga grupo:

  • May napansin ba kayo na anuman o naisip na tanong tungkol sa paraan ng pagpaprayoridad ni Pangulong Nelson sa kanyang mga titulo/pantukoy?

  • Ano ang panganib na dulot ng maling pagpaprayoridad? Halimbawa, paano kung inuna ni Pangulong Nelson ang “propesor” kaysa “disipulo ni Jesucristo”?

Inilarawan ni Pangulong Nelson ang ilan sa mga hindi magandang ibubunga ng mga label o titulo. Sama-samang panoorin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” mula sa time code na 15:25 hanggang 18:31. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang anumang salita o parirala na naglalarawan ng mga hindi magandang ibubunga ng mga label o titulo. Maaari ding sundan ng mga estudyante ang mga salita ni Pangulong Nelson sa Gospel Library at markahan kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila.

Matapos pakinggan ang pahayag na ito, sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang grupo ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson tungkol sa mga label o titulo? Ano ang ilan sa mga panganib na maaaring idulot ng paglalagay ng label o titulo?

Kasunod ng talakayang ito, sama-samang panoorin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” mula sa time code na 18:32 hanggang 19:48. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang itinuturo ni Pangulong Nelson tungkol sa kung paano natin dapat ituring ang iba’t ibang label o titulo, ranggo, at mga pantukoy na maaaring mayroon tayo. Maaari ding sundan ng mga estudyante ang mga salita ni Pangulong Nelson sa Gospel Library at markahan kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila.

  • Paano makatutulong ang pagbibigay ng prayoridad sa mga label o titulo na tulad ng “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo” na maprotektahan laban sa maling pagle-label na sinabi sa atin ni Pangulong Nelson na mapanganib?

Ipaliwanag na ang pag-uuna natin sa tatlong pinaka “nagtatagal” at “mahahalagang titulo” bilang ating tatlong nangunguna ay hindi nangangahulugang ipinapaalis sa atin ni Pangulong Nelson ang iba pang mga identidad. Sa halip ay pinapayuhan niya tayo na tiyaking hindi natin hinahayaan ang mga ito na alisin, palitan, o huwag iprayoridad ang pinakamahahalaga sa atin.

  • Ano ang ilang paraan na tinatangka ngayon ni Satanas na udyukan kayo at ang inyong mga kaibigan na alisin, palitan, o huwag iprayoridad ang inyong identidad bilang anak ng Diyos, anak ng tipan, at disipulo ni Jesucristo?

Isipin nang mabuti kung paano sinasagot ng iyong mga estudyante ang naunang tanong. Maging maingat na hindi mauwi sa pagtatalo ang talakayan. Tiyaking nakatuon ito sa Panginoon, sa Kanyang doktrina, at sa ating mga pagsisikap na unahin ang ating pinakamahahalagang identidad.

Kung nagsabi ang mga estudyante ng mga halimbawa tungkol sa mga pamimilit o panggigiit sa kanila ng iba na alisin, palitan, o huwag iprayoridad ang kanilang “tatlong nagtatagal na titulo” bunga ng ateismo, panlalait, o pangungutya, maaari ninyong sama-samang basahin ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol kay Korihor (tingnan sa Alma 30:12–53) o sa pangitain ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8:21–34).

Alamin ang katotohanan kung ano ang inihahandog sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.

Para makibahagi ang mga estudyante sa bahaging ito ng mensahe ni Pangulong Nelson, isiping gumawa ng case study na katulad ng sumusunod:

Si Tom ay aktibong Banal sa mga Huling Araw. Lumaki siya sa Simbahan, kasalukuyang may tungkulin, at ginagampanan ang kanyang tungkulin sa ministering. Gayunpaman, kamakailan lamang ay nakakaramdam siya ng kalungkutan at kawalang-kabuluhan. Hindi nakuha ni Tom ang inaasahang promosyon sa trabaho. Inasahan niya na siya ang siguradong mapipili, at nang hindi nangyari ito ay nawalan siya ng kumpiyansa sa sarili. Kasabay nito, kamakailan lamang ay hindi naimbitahan si Tom sa isang weekend trip kasama ang kanyang mga kaibigan, at napansin niya na unti-unting nababawasan ang mga tumutugon sa mga ipino-post niya sa social media. Habang iniisip niya ang mga karanasang ito at kung paano siya naapektuhan ng mga ito, napagtanto ni Tom na sa halos buong buhay niya, ibinatay niya ang kanyang pagpapahalaga sa sarili sa mga opinyon ng ibang tao tungkol sa kanya.

Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang kapartner ang sa palagay nila ay maaaring hindi lubos na nauunawaan o pinapaniwalaan ni Tom. Pagkatapos ng ilang talakayan, sama-samang panoorin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” mula sa time code na 20:49 hanggang 25:03. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga turo ni Pangulong Nelson na makatutulong sa isang katulad ni Tom. Maaari ding sundan ng mga estudyante ang mga salita ni Pangulong Nelson sa kanilang personal na kopya ng mensahe o sa Gospel Library para mamarkahan nila kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila.

Sa halip na pag-aralan ang buong bahaging ito ng mensahe ni Pangulong Nelson, maaari ninyong pag-aralan ang sumusunod na mga bahagi. Matatagpuan ng mga estudyante ang bahaging ito ng mensahe at mababasa rin ito mula roon:

Sa buong kawalang-hanggan, walang sinumang makakikilala sa inyo o magmamalasakit sa inyo nang mas higit kaysa sa [Diyos]. Walang sinumang magiging mas malapit sa inyo kailanman kaysa sa Kanya. … Ipinamalas Niya ang Kanyang sukdulang pagmamahal nang isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay para sa inyo. …

Si Jesucristo ang tanging nagtatagal na pinagmumulan ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan para sa inyo. Hinding-hindi magagaya ni Satanas ang anuman dito. At hinding-hindi kayo tutulungan ni Satanas.

… Gagawin ng Diyos ang lahat ng kaya Niya, maliban sa labagin ang inyong kalayaang pumili, para hindi kayo mawalan ng pinakadakilang mga pagpapala sa buong kawalang-hanggan.

Maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang kanilang talakayan:

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Nelson na maaaring makatulong sa isang tulad ni Tom?

  • Ano pang mga hamon na kinakaharap ng mga young adult ang makakayanan nila sa tulong ng mga turo ni Pangulong Nelson?

Ipaalala sa mga estudyante ang mga turo ni Pangulong Nelson sa simula pa lamang ng kanyang mensahe tungkol sa kahalagahan ng ating mga pagpili na magpapasiya sa ating kinabukasan. Maaari mong ipabasa muli sa kanila ang mga sumusunod na talata:

Ang layunin ko ngayong gabi ay tiyakin na mulat na mulat ang inyong mga mata sa katotohanan na ang buhay na ito talaga ay ang panahon na magpapasiya kayo kung anong klaseng pamumuhay ang gusto ninyo magpakailanman. Ngayon ang panahon ninyo “upang maghanda sa pagharap sa Diyos” [tingnan sa Alma 12:24; 34:32]. …

Malaki ang mga pakinabang ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. Kung pipiliin ninyong makipagtipan sa Diyos at tapat kayo sa mga tipang iyon, may pangako na kayo ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong ulo] magpakailanman at walang katapusan” [Abraham 3:26].

Ang mga katotohanang ito ay dapat maghikayat sa inyo na makaramdam ng fomo—takot na hindi mapabilang. May potensyal kayong maabot ang kahariang selestiyal. Ang totoong fomo ay ang hindi kayo mapabilang sa kahariang selestiyal, at tumanggap na lang ng mas mababang kaharian dahil pinili lamang ninyong sundin dito sa lupa ang mga utos sa mas mababang kaharian.

  • Batay sa sinabi ni Pangulong Nelson, bakit napakahalaga ng mga pagpili natin ngayon?

Bilang bahagi ng pagtalakay ninyo sa naunang tanong, makatutulong na bigyang-diin na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na lahat tayo ay bumalik sa Kanila (tingnan sa 2 Nephi 26:33) at naglaan Sila ng daan para maranasan natin ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Matatanggap lamang natin ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pagpili na ipamuhay ang mga batas ng selestiyal na itinatag ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tunay ngang tayo ang gagawa ng mga pagpili para sa kawalang-hanggan.

Katapusan

Isiping anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano makakaapekto sa kanilang buhay at sa mga sitwasyong kinakaharap nila ang pag-alaala sa mga turong ito ni Pangulong Nelson. Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson at mga kasamang tanong ay makatutulong sa mga estudyante na rebyuhin ang natutuhan at nadama nila at gumawa ng plano kung paano nila ito ilalakip sa kanilang buhay.

Kaya sino kayo? Unang-una sa lahat, kayo ay isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong panghuling mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mensahe ni Pangulong Nelson na nais ninyong tandaan?

  • Ano ang nadama ninyo tungkol sa inyong sarili o tungkol sa Diyos sa pag-aaral ninyo ngayon?

  • Ano ang gagawin ninyo para matanggap ang mga katotohanang nadama ni Pangulong Nelson na dapat niyang ituro?

Isiping ibahagi ang inyong patotoo tungkol sa natutuhan natin sa ngayon sa mensahe ni Pangulong Nelson. Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging isipin kung sino sa palagay nila ang kailangang makaunawa ng mga katotohanang itinuturo ni Pangulong Nelson sa mensaheng ito at kung paano nila sila maaanyayahan sa susunod na session.

Print