Institute
Apendiks: “Magbago Kayo sa pamamagitan ng Pagbabago ng Inyong Pag-iisip”


Apendiks: “Magbago Kayo sa pamamagitan ng Pagbabago ng Inyong Pag-iisip”

Debosyonal sa Brigham Young University–Idaho

Mayo 13, 2003

Noong labing-anim na taong gulang ako, naaalala ko na umuwi ako nang maaga isang gabi mula sa isang social activity, na gising na gising at hindi pa inaantok. Naisip kong lumabas ng bahay para maglaro ng basketball pero alam ko na hindi iyon magugustuhan ng mga kapitbahay, dahil malamang ay tulog na sila. Naisip ko rin na puwede akong magpatugtog ng musika sa ponograpo ko pero alam kong tututol ang mga magulang ko rito dahil nasa ilalim ng kuwarto ko ang kuwarto nila!

Nakalapag sa mesa sa tabi ng kama ko ang isang kopya ng Aklat ni Mormon na laging inilalagay roon ng nanay ko sa pag-asang babasahin ko ito. Noong panahong iyon, nabasa ko na ang ilang bahagi ng Aklat ni Mormon pero hindi ko pa talaga nabasa nang buo ang Aklat ni Mormon. Ang totoo, ang tanging pariralang naaalala ko mula sa aklat ay, “Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang.” Nang gabing iyon, wala akong ibang mas magandang gagawin kaya kahit hindi ako gaanong interesado, sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon.

Kinabukasan ng alas-11:00 n.u., dahil Sabado, akala ng mga magulang ko ay tulog pa ako dahil hindi naman ako kailangang pumasok sa trabaho hanggang sa hapong iyon. Gayunman, gising na gising ako. Binabasa ko ang mga pangwakas na salita ni Moroni: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat para sa inyo” (Moroni 10:32). Matapos basahin ang pangwakas na paanyaya at pamamaalam ni Moroni, lumuhod ako sa tabi ng kama ko at sinubukan ko ang ipinangako niya: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).

Noong Sabado ng umagang iyon hiniling ko ang pagpapatibay ng Espiritu Santo, at natanggap ko ito nang mas malinaw at makapangyarihan kaysa anumang konklusyon sa eksperimento o makatwirang argumentong nagawa ko. Ito ang naging pundasyon kung saan nagmula ang pinakamahahalagang paniniwala.

Nang sumunod na Lunes ng umaga sa paaralan, nakita ko ang isang mabuting kaibigan, na hindi miyembro ng Simbahan, na nakausap ko na nang maraming beses tungkol sa ebanghelyo. Sinabi niya sa akin na may listahan siya ng 50 anachronism sa Aklat ni Mormon na nagpapakita na ang Aklat ni Mormon ay hindi batay sa isang sinaunang teksto kundi isang imbento noong ikalabingsiyam na siglo. (Ang anachronism ay tumutukoy sa isang tao o pangyayari o bagay na wala sa tamang lugar sa kronolohiya, na medyo parang pagsasabi na minaneho ni Julius Caesar ang kanyang SUV patungong Roma.)

Sinabi ko sa kaibigan ko na huling-huli na siya, dahil mayroon na akong tiyak na patotoo sa Aklat ni Mormon! Pero, sinabi ko sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang listahan mo at itatabi ko iyon.” Itinabi ko nga ang listahang iyon at sa paglipas ng mga taon, at habang dumarami ang pagsasaliksik at pag-aaral ng iba’t ibang analyst at academics, isa-isang nawala sa listahan ang mga nakasulat doon. Sa huli, ilang taon na ang nakararaan, nagsalita ako sa isang grupo sa Cornell University at binanggit ko ang aking listahan at sinabi ko na pagkaraan ng maraming taon ay isang bagay na lang ang nanatili roon—pero makapaghihintay ako. Pagkatapos kong magtanghal, lumapit sa akin ang isang kilalang propesor at nagsabing, “Maaari mo nang alisin ang huling bagay sa listahan mo, dahil ipinahihiwatig ng aming mga pag-aaral na hindi iyon isang anachronism.”

Isipin sandali kung ano kaya ang naging buhay ko kung pinigilan ko ang aking pananalig sa Aklat ni Mormon hanggang sa malutas ko ang lahat ng tanong sa akin ng kaibigan ko. Madalas kong sabihin na, pagdating sa pinakamahahalagang katotohanan, wala akong mga pagdududa, bagama’t maaaring mayroon akong ilang tanong! May ilang bagay na kailangang magkaroon tayo ng katiyakan na higit pa sa ating kapos na pag-unawa at mahahalagang tanong. Itinuro ni Moroni ang daan para makatanggap ng tunay na kaalaman kapwa tungkol sa pinakamahahalagang tanong at sa mga pinakadakilang katotohanan.

Noong Enero 11, 2003, sa Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, nanawagan si Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol sa ating mga lider na “sukatin ang lahat ng natututuhan ninyo tungkol sa inyong ordinasyon at tungkulin ayon sa mga pangunahing katotohanan” at inilahad ang mga katotohanang iyon. Kabilang sa mga iyon ang banal na misyon ni Jesucristo at ng Simbahang Kanyang itinatag; ang pagkawala ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo, ang pagbabago ng mga ordenansa, at ang pagkawala ng mga susi ng apostol dahil sa Apostasiya; ang Pagpapanumbalik ng mga nawala sa ilalim ng pamamahala ng Ama at ng Anak at sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith; at ang pananatili ng mga susi ng mga apostol at priesthood sa Simbahan ngayon.

Itinuro ni Pangulong Packer na ang Espiritu Santo ay parang sextant (instrumento sa nabigasyon) na natatanggap ng bawat tao sa binyag upang mahiwatigan at maitatag sa ating buhay ang mga katotohanang ito. Tinalakay din ni Elder Neal A. Maxwell, na kasama rin sa Korum ng Labindalawang Apostol, ang ating responsibilidad na tumanggap ng personal na paghahayag upang bawat isa sa atin ay magkaroon ng tiyak na patotoo sa pinakapangunahing katotohanang iyon.

Ano ba talaga ang likas na katangian ng katotohanan ng paghahayag at pagsaksi ng Espiritu?

Mula sa Impormasyon tungo sa Kaalaman

Sinasabing nasa gitna tayo ng information revolution—computers; information storage, pagsusuri, at mga retrieval system; network; artificial intelligence; communication satellite; telebisyon at telepono. Bagama’t binabaha tayo ng impormasyon, marami ang nalulunod sa kamangmangan. Katunayan, kahit sa konteksto ng malaking sekular na pag-unlad na ito, ang mahalagang isyu ay kung paano natin ginagawang kaalaman ang impormasyon—paano natin bubuuin ang mga piraso, ang datos, sa gayong mga pattern na talagang masasabi natin na mayroon tayong alam. Kapag naisama na natin ang impormasyon sa kaalaman, paano natin malalaman na ang alam natin ay tumpak o kumpleto? Ang mga siyentipiko at pilosopo ay parehong sumasang-ayon na, kung tutuusin, hindi natin ito alam. Lahat ng empirikal na kaalaman ay probisyonal, na malamang na magbago kalaunan batay sa karagdagang impormasyon at iba’t ibang interpretasyon.

Gayunman, kung minsan ay ipinagkakamali natin ang ating probisyonal na kaalaman sa mga bagay na alam nating totoo. Sa headline sa New York Times, mababasa roon ang “Mass Found in Elusive Particle; Universe May Never Be The Same” (5 June 1998). Nakasaad sa artikulo na ngayong alam na ng mga siyentipiko na ang neutrinos ay may mass, pababagalin nito ang paglawak ng sansinukob. Kahit paano, palagay ko ay pareho pa rin ang sansinukob ngayon tulad noong araw bago binago ng siyensya ang mga teoriya nito!

Posible, kung gayon, na makaalam nang hindi nalalaman. Sa katunayan, nasusulat na sa Kapulungan sa Langit, si Satanas, na talagang maraming alam, ay “hindi … alam ang pag-iisip ng Diyos, anupa’t hinangad niyang wasakin ang sanlibutan” (Moises 4:6). Binanggit ni Pablo ang mga taong “laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan” (2 Timoteo 3:7). Nagpropesiya si Amos na sa ating panahon ay magkakaroon ng taggutom sa kaalaman, at binanggit ni Moroni ang isang lambong ng kawalang-paniniwala na nagiging dahilan para manatiling bulag ang isipan ng mga tao (Eter 4:15).

Sa kabilang dako, nag-utos ang Panginoon na paglingkuran natin siya nang buong pag-iisip (Doktrina at mga Tipan 4:2) at tayo ay maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya (Doktrina at mga Tipan 88:118). Pinayuhan Niya tayo na magsaliksik ng kaalaman tungkol sa mga bansa at kaharian, kasaysayan at kalikasan, mga bagay na nakaraan, mga bagay sa kasalukuyan, at mga bagay na darating (Doktrina at mga Tipan 88:79; 93:24, 53). Nangako Siya na aalisin ang lambong sa ating isipan (Doktrina at mga Tipan 10:1) at liliwanagan ito ng Espiritu (Doktrina at mga Tipan 11:13). Bunga nito, tayo ay magiging kapwa malaya at banal (Helaman 14:30; Doktrina at mga Tipan 20:31). Malalaman natin ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin (Juan 8:32).

Malaya sa ano? Kamangmangan, kasalanan, at mga gapos ng kamatayan. “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

Ang Katangian ng Espirituwal na Kaalaman—Ang Banal na Halimbawa

Sa bawat larangan ng katalinuhan ng tao, halos lahat ng mungkahi ay maaaring tanungin ng “bakit?” Nauunawaan ito ng bawat magulang. Pero, matapos ang mahabang paulit-ulit na pagtatanong ng “bakit” umaabot ka sa punto na ang tanging sagot ay, “Ganyan talaga!” Kumbaga, sinasabi natin na ganyan talaga nilikha ang mundo. Alam din natin na kung minsan maging ang “mga pangunahing katotohanang” ito ay napapabulaanan ng mga karagdagang katibayan. Tulad ng mga pagbabago sa kasaysayan ng siyensya. Wala bang anumang mapapatunayan sa huli nang hindi naghihintay ng karagdagang karanasan? Oo.

May ilang katotohanan sa buhay na ito na napakahalaga kaya kailangang itimo ito nang napakatibay sa ating puso’t isipan para hindi na mangailangan pa ang mga ito ng karagdagang katibayan na totoo ang mga ito. Para maharap ang mga pagsubok ng mortalidad, naglaan ang ating Ama sa Langit ng isang tiyak na pagpapatibay tungkol sa mahahalagang katotohanan at alituntuning iyon na nagbibigay sa atin ng karagdagang liwanag at kaalaman na matatanggap natin kalaunan. Maaaring hindi natin alam ang lahat ng sagot; katunayan, maaaring hindi natin maintindihan ang lahat ng tanong—ngunit itatatag na natin sa ating buhay ang isang mahalagang istruktura ng katotohanan na magbibigay hindi lamang ng matatag na intelektuwal at espirituwal na pundasyon, ngunit magpapabago rin sa mismong buhay natin.

Ano ang pagsaksi o pagpapatibay na ito na nagbibigay sa atin ng kaunawaan na higit pa sa nauunawaan ng mga pandama? Ang pagpapatibay ng Espiritu Santo. Ang pag-unawang natanggap mula sa Espiritu Santo ay may tatlong [mahahalagang] aspekto: una, tungkol ito sa pinakamahalaga at walang-hanggang mga katotohanan; pangalawa, tiyak na tiyak ito; at pangatlo, binabago nito ang pag-uugali.

Ang pag-unawa na bunga ng pagpapatibay ng Espiritu Santo ay naglalaan, una sa lahat, ng isang arkitektura ng kaalaman—mga silid na maaaring paglagyan ng karagdagang kaalaman. Ang isa pang paliwanag dito ay ipinauunawa sa atin ng Espiritu Santo ang unang mga saligan ng karunungan. Maaalala ninyo na ipinahayag ng sumulat ng Kawikaan na ang simula ng karunungan ay ang takot sa Panginoon.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na may tatlong katibayang kailangan para matiis ng isang lalaki o babae ang mga pagsubok sa buhay: Ang kaalaman na mayroong Diyos; ang pagkaunawa sa Kanyang likas na pagkatao, mga katangian, at mga kasakdalan; at ang paniniwala na ang takbo ng buhay natin ay naaayon sa Kanyang kalooban.

Noong estudyante ako sa kolehiyo, nalaman ko na ang orihinal na saligan o mungkahi ng isang syllogism o logic train ay napakahalaga. Maaaring gumawa ang isang tao ng kahanga-hanga at kumplikadong pangangatwiran para maikonekta ang katibayan sa konklusyon, na tila lubos na nakahihikayat sa bawat hakbang sa lohika, pero, kung ang mga saligan ay mali o hindi kumpleto, magiging mali rin ang ikinonektang mga katibayan, gaano man kahusay na pinlano ito.

Halimbawa, kung magsisimula tayo sa paniniwala na ang buhay ay nagkataon lamang at na ang pag-unlad nito ay karaniwang walang tiyak na layunin, bibigyang-kahulugan natin ang pisikal, biolohikal, at sosyal na impormasyon at datos sa isang partikular na paraan—sa paraan na magbabaluktot at magpapalito sa ating pang-unawa. Ang gayong mga kaisipan ay magkakaroon ng mga epekto sa kung paano tumatakbo ang ating lipunan at kung paano tayo kumikilos. Sa kabilang dako, kung magsisimula tayo sa saligan na ang mortal na buhay ay nagmula sa plano at uunlad ayon sa walang-hanggang batas, mauunawaan natin ang maliliit at pira-pirasong impormasyon sa ibang paraan—makikita natin ang pagkakaugnay at kabuuan ng buhay. Mauunawaan natin ang pagkakasunud-sunod ng katotohanan, makikita natin ang mga pattern at layunin kung saan nakakakita ang iba ng kaguluhan at kawalang-katiyakan. Naunawaan ni Job ang kahalagahan ng orihinal na saligan nang, maging sa katindihan ng kanyang kalungkutan, sinabi niya:

“Subalit saan matatagpuan ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan? … At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan” (Job 28:12, 28).

Ang saklaw ng kaisipan ng tao ay kahanga-hanga tungkol sa mga walang-hanggan at banal na pinagmulan at naliliwanagan sa pagsilang sa pamamagitan ng liwanag ni Cristo—ngunit huwag nating maliitin ang pagkitid ng pananaw na nangyayari dahil sa pagtatamo ng katotohanan na hindi mula sa Diyos. Labis akong naapektuhan ng mga limitasyon at panganib na tatawagin ni Pablo na “makamundo[ng]” psychology, sociology, philosophy, political science, literature, drama, music, physics, chemistry, at biology.

Hindi tayo dapat mabitag ng mga teoretikal na konsepto o paliwanag na humahadlang sa atin na “gawin ang tama.” Dapat nating tanggihan ang paniniwala na walang plano at layunin ang buhay sa mundo na nagtutulak sa atin na magtanong ng mga maling bagay, hindi magtuon sa mga karanasan sa buhay at balewalain ang mga layuning pang-walang-hanggan, gumawa ng mga maling haka-haka, at magpayo nang hindi kumpleto o hindi angkop. Sa madaling salita, may posibilidad na ipangaral natin ang isang bagay na parang ito na talaga ang katotohanan, na mga temporal na doktrina ng mga tao, nakikita, tulad ng sinabi ni Pablo, “ang malabong ekspresyon sa isang salamin,” samantalang ang Ama sa Langit ay inaanyayahan tayong makita Siya “nang harapan.” Tulad ng isinulat ni Pablo, “Ngayo’y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos [na lubos na maliwanagan sa pamamagitan ng paghahayag ng Banal na Espiritu] ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala [ng Diyos]” (1 Corinto 13:12).

Ang lahat ng ito ang dahilan kaya tayo pinayuhan ng mga propeta na pag-aralan nang mabuti at lubusan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta nang may pananampalataya at panalangin. Tunay ngang ang mga banal na kasulatan, sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo, ang bumubuo sa tunay na “gabay sa mga naguguluhan.”

Pangalawa, tulad ng iminungkahi, ang kaalamang ito ay tiyak. Bagama’t maaari tayong akayin ng ating mga karanasan, obserbasyon, at makatwirang pag-iisip sa partikular na mga konklusyon, hindi kailanman maipipilit ng mga ito ang pananalig na pumapawi sa pagdududa at naghihikayat ng pagtitiis. Sinabi ni Jesus kay Pedro na “hindi laman at dugo” ang nagpaunawa sa kanya na si Jesus ang Cristo kundi ang kanyang “Ama na nasa langit” (Mateo 16:17). Isinulat ni Pablo, “Walang makapagsasabi [na si] Jesus ay Panginoon, maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (1 Corinto 12:3). Nauunawaan mo na ba kung bakit nakakatakot na itatwa ang pagsaksi o pagpapatibay ng Espiritu Santo? Hindi tulad ng iba pang katibayan, winawakasan nito ang pagtatalo. Ang gayong pagpapatunay ng Espiritu ay may dalang katiyakan na wala sa iba pang mga ideya o opinyon ng mga tao. Maaaring maraming pilosopikal na pahayag na may kinalaman sa pag-iral ng Diyos o sa pagiging banal na anak ni Jesus, o sa katotohanan ng Pagpapanumbalik, ngunit nananatiling haka-haka lamang ang mga ito, gaano man ito nakakakumbinsi.

Kapag hinangad at tinanggap na ng isang tao ang pagpapatibay ng Espiritu Santo, nagkakaroon siya ng obligasyon na nagpapabago ng buhay. Ipinahihiwatig nito ang pangatlong katangian ng pagkaunawang ito tungkol sa Espiritu. Ito ay nagpapabago. Isinulat ni Pablo na nasa kanya ang “pag-iisip ni Cristo” (1 Corinto 2:16), at ipinahayag ng mga tao ni Haring Benjamin na sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Matapos matanggap ang pagpapatibay ng Espiritu, tinawag sila at tumugon sa Espiritu. Nakikilala si Cristo sa pamamagitan ng Espiritu, mahal natin Siya at sinusunod ang Kanyang mga kautusan—at lalo tayong pinapanatag at tinuturuan ng Espiritu, hanggang sa, tulad ng sinabi ni Mormon, “kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48; tingnan din sa 1 Juan 3:1–3).

Sa kanyang sulat sa mga taga Roma, isinulat ni Apostol Pablo:

“[At] huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng [pagpapanibago] ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos” (Roma 12:2).

Tinukoy ni Pablo ang pagkakaiba ng likas na pagkatao na binaluktot ng pagsuway at mga maling paniniwala at ng isang taong nagpapailalim sa Diyos at pinanibago ng Banal na Espiritu. Kapag nagsimulang mangyari ang pagpapanibagong ito, saka lang natin malalaman kung ano ang mga tamang tanong at ano ang dapat nating ipagdasal. (Tingnan sa Roma 8:6–8, 26–27) Kapag iniimpluwensyahan tayo ng Espiritu, mayroon tayong “buong pananabik” na handang mahiwatigan ang katotohanan at makamtan “ang pag-iisip ni Cristo” (Mga Gawa 17:11; tingnan sa 1 Corinto 2:14, 16).

Sinabi ni Alma na kapag nagpapasakop tayo ng ating kalooban sa Ama sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo, ang ating pang-unawa ay “nagsisimulang magliwanag, at ang [ating] isipan ay nagsisimulang lumawak” (Alma 32:34). Sa mga huling araw sinabi ng Panginoon na Kanyang “hinihingi ang puso at may pagkukusang isipan” (Doktrina at mga Tipan 64:34) at pinayuhan tayo na “papagyamanin sa [ating] mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay” (Doktrina at mga Tipan 84:85), pinababanal ang ating sarili upang ang ating “isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang [araw] na [atin] siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa [atin]” (Doktrina at mga Tipan 88:68).

Ang nagpapabagong kapangyarihan ng espirituwal na kaalaman ay hindi limitado sa indibiduwal. Tulad ng sinabi ni Pablo, kapag isinuko natin ang ating kalooban sa Diyos at itinuon ang ating isipan sa Kanyang isipan, ang komunidad ng mga banal ay gagawing ganap, upang hindi tayo magkawatak-watak at tayo ay “[ganap na] magkaisa sa isang pag-iisip at [isang] layunin lamang” (1 Corinto 1:10; tingnan din sa Roma 14:1, 5, 19).

Ang mga Kinakailangan para Magtamo ng Espirituwal na Kaalaman

Paano tayo magtatamo ng gayong komprehensibo, malinaw at nagpapabagong kaalaman? Isipin natin ang apat na aspekto ng mga kinakailangan para magtamo ng espirituwal na kaalaman: una, agarang paghahanap sa katotohanan; pangalawa, kahandaang sundin ang katotohanan na natuklasan; pangatlo, hangaring magpatotoo sa katotohanan sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon; at, pang-apat, motibasyon na paglingkuran ang iba sa katotohanan.

Pagtanggap at Masigasig na Pag-aaral: Isang Uri ng Pagpapakumbaba

Ang una, kung gayon, kailangan tayong maging bukas sa pagtuturo at masigasig sa paghahangad nating matuto tungkol sa Espiritu. Ang gayong hangarin ay nangangailangan ng diwa ng ating sariling pangangailangan at higit pa sa kaswal na interes sa mga sagot na hinahanap natin. Ipinahayag ng Panginoon na ang mga nagugutom at nauuhaw sa kabutihan ay mapupuspos ng Espiritu Santo (Mateo 5:6; 3 Nephi 12:6), ngunit sinabi rin niya, “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon! Sapagkat kayo’y magugutom” (Lucas 6:25). Sinabi ng Panginoon kay Juan na Tagapaghayag na hindi Niya tatangapin ang mga walang sigla, sala-sa-init at sala-sa-lamig, na nadaramang kaya nila ang kanilang sarili at hindi nila kailangan ang iba (Apocalipsis 3:16–17).

May isang kuwento tungkol sa isang binata na lumapit minsan kay Socrates, ang sinaunang pilosopong Griyego, na humihiling na maturuan ng karunungan. Ayon sa kuwento, sinunggaban kaagad ni Socrates ang binata at itinulak at inilubog ang ulo sa tubig ng katabing batis hanggang sa huli ay iniahon ito, na naghahabol ng hininga. Pagkatapos ay sinabi ni Socrates, “Kapag gusto mo ng karunungan na kasing tindi ng kagustuhan mong makalanghap ng hangin, kung gayon tuturuan kita.”

Sa mga salita ni Robert Frost, kailangan nating lumusong nang malalim sa ating mga pangako kung nais nating makamit ang anumang bagay na pangmatagalan. Iniugnay ni Propetang Joseph Smith sa sakripisyo ang paghahanap sa tunay na pag-unawa at ipinayo na malalaman lamang ng isang tao ang katotohanan kung handa siyang isakripisyo ang lahat ng bagay (Sixth Lecture on Faith).

Salungat sa gayong pagkagutom at pagkauhaw ang tinatawag ng mga propeta na “katigasan ng puso,” ang kawalan ng kakayahan na makita kung ano talaga ang totoo, marinig ang tunay na sinasabi, at makadama nang may tapat na puso. Isinasalaysay ni C. S. Lewis sa kanyang huling aklat ng mga kuwento ng Narnia, The Last Battle (“How the Dwarfs Refused to Be Taken In,” 143–48), kung paano, matapos matalo ni Aslan na Lion (at kumakatawan kay Cristo) at ng kanyang mga alagad ang mga puwersa ng White Witch, ang mga bilangguan at kadenang ginamit niya para gapusin ang napakarami ay naglaho. Sa loob ng isang kulungang kuwadra ay nakakadena nang pabilog ang isang grupo ng mga duwende. Biglang naglaho ang kuwadra at ang kanilang mga kadena, at naging malaya sila. Pero ayaw nilang maniwala sa sarili nilang paglaya at nanatili sila sa loob ng kanilang saradong bilog, na walang nadaramang sariwang hangin, ni nakikitang araw, ni naaamoy na mga bulaklak. Kahit umatungal si Aslan sa kanilang mga tainga para gisingin sila, napagkamalan nilang kulog o panloloko ang atungal. Tulad ng napansin ni Aslan, labis silang natakot na malinlang kaya hindi sila mailabas sa bilangguan na nilikha nila sa sarili nilang isipan. Napuna ni Aslan sa isa pang pagkakataon, “Ah, mga anak ni Adan, naipagtanggol ninyo nang buong talino ang inyong sarili laban sa lahat ng maaaring makabuti sa inyo” (C. S. Lewis, The Magician’s Nephew). Tulad ng napakalungkot na isinulat ni Nephi:

“At ngayon, ako, si Nephi, … ay naiwan upang magdalamhati dahil sa kawalang-paniniwala, at sa kasamaan, at sa kamangmangan, at sa katigasan ng leeg ng mga tao; sapagkat ayaw nilang magsaliksik ng kaalaman, ni makaunawa ng dakilang kaalaman, samantalang ibinibigay ito sa kanila nang buong linaw, maging kasinglinaw ng isang salita” (2 Nephi 32:7).

Marami ang hindi nakakarinig sa mga bulong ng Espiritu o natatagpuan ang katotohanan dahil binabalewala nila ang mahimalang mga pangyayari. Maraming pag-aaral tungkol kay Cristo ang naghahangad na ipaliwanag ang Kanyang misyon at impluwensya sa pamamagitan ng pagbabalewala sa Kanyang pagiging banal na anak, at ang iba ay naghahangad na ipaliwanag si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pagbabalewala sa kanyang tungkulin bilang propeta. Tulad ng matalinong pahayag ni Jacob, kahangalan na magtiwala nang labis sa ating limitadong mga pananaw at pang-unawa at tanggihan ang karunungang nagmumula sa Espiritu Santo. Ngunit, pagtatapos niya, “ang maging marunong ay mabuti kung [tayo] ay makikinig sa mga payo ng Diyos” (2 Nephi 9:28–29).

Para maturuan ng karunungan ng Espiritu, kailangang maging handa tayong ibigay ang ating buong pagkatao sa hangaring ito, isang pag-aaral na pinabilis ng maraming panalangin at pag-aayuno. Sinabi na si Alma ay “nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw” upang makaalam (Alma 5:46). Kailangan dito, kung gayon, hindi lamang ang masigasig at mapanalanging pag-aaral kundi ang sakripisyo ng mga bagay na maaaring mahalaga sa atin, maging ang sarili nating mga kasalanan, ang mga elementong iyon ng “estilo ng ating pamumuhay” na humahadlang sa pagkatuto. Kailangan nating gawin ang ipinahayag ng ama ni Lamoni tungkol sa kanyang hangaring makilala ang Diyos: “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo” (Alma 22:18). Ang mga huling salita ni Jacob ay nagpapahayag ng pinakamahalagang punto: “O maging matalino; ano pa ang masasabi ko?” [Jacob 6:12].

Pagkamasunurin

Matapos hangaring matamo ang katotohanan nang buong sigasig, kailangang maging handa tayong sundin ang katotohanan. Binanggit ni Alma ang tungkol sa paggising at pagpukaw sa ating mga kakayahan (ibig sabihin, ang ating puso’t isipan) upang subukan ang salita (Alma 32:27). Siguradong hindi ito tumutukoy sa pagkatuto nang walang ginagawa kundi dapat ay aktibong gumagawa. Kinundena ni Apostol Juan ang mga yaong nagsasabi na kilala nila si Cristo ngunit hindi sumusunod sa Kanyang payo: “Ang nagsasabing, ‘Kilala ko siya,’ ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya” (1 Juan 2:4). Tulad ng sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, “At walang taong tatanggap ng kabuuan [ng katotohanan] maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan. Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 93:27–28).

Ang gayong paghahanap at pagsunod ay maaari ding mangailangan ng pagtitiyaga, naghihintay sa Panginoon, na nagsabing, “Masdan, kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 50:40). At tulad ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang ibalanse ang paghahanap ng mga sagot at pagiging kuntentong maghintay ng karagdagang liwanag at kaalaman ay tila hindi maliit na gawain!” (We Talk of Christ, We Rejoice in Christ, Salt Lake City: Deseret Book, Co., 1984, 93).

Ang masigasig na paghahanap, pagkatuto, at pagsunod, na sinamahan ng matiyagang paghihintay ay malinaw na ipinahayag sa mga salita ni John Henry Newman: “Ang hinaharap, ’di man tanaw, patnubay mo’y sapat” [Mga Himno, blg. 53]. Kapag tinanggap natin ang katotohanan nang may pagsunod, mas marami pa tayong matatanggap na katotohanan, at lumalago tayo sa katotohanan. May malalim na kahulugan sa sinambit ni Cristo na “Ako ang katotohanan” na kasama ng Kanyang utos na maging katulad Niya.

Pagsaksi at Paglilingkod

Sa huli, kung nais nating magtamo ng espirituwal na kaalaman, kailangang maging handa tayong sumaksi sa katotohanang natamo natin at maging handang paglingkuran at patatagin ang iba sa katotohanan, na, tulad ni Enos, ay nakadama ng “pagnanais para sa kapakanan ng [ating] mga kapatid” (Enos 1:9).

Sa kanyang paanyaya sa mga tao ni Haring Noe na pumasok sa mga tubig ng binyag sa pakikipagtipan sa Panginoon, kagila-gilalas na ipinahayag ng nakatatandang si Alma ang lohikal na kaugnayan ng pagsaksi at paglilingkod sa katotohanang natuklasan kay Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang mga bunga ng katotohanang natuklasan ay isang kahandaang aliwin at dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa at “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay” (Mosias 18:8–9). Bukod pa riyan, ang integridad na ipinakita sa gayong buhay ng pagsasabi ng katotohanan at paggawa ng mabuti ay nagbibigay sa atin ng kakayahang matutuhan ang mga karagdagang katotohanan. Pagkatapos ay natutupad ang pangako ng Panginoon sa ating buhay: “Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit. Ang Espiritu Santo ay iyong magiging kasama sa tuwina” (Doktrina at mga Tipan 121:45–46).

Pinabanal ng mga bagay na nalalaman natin, natatamo natin ang katiyakan na pumapawi sa pagdududa at takot at, kasama ni Apostol Pablo, magagawa nating harapin ang mga hamon ng buhay nang may “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” kaya walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (2 Nephi 31:20; Roma 8:39).