“Session 2,” Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan (2025)
Session 2,” Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan
Session 2
Mga Resulta sa Pag-aaral: Ang session na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalakas ang hangarin at kakayahan nila na alagaan ang kanilang patotoo at pagbabalik-loob.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Rebyu ng Session 1
Maaari kang magpakita ng mga larawang tulad ng sumusunod at anyayahan ang mga estudyante na humarap sa kapartner at ibahagi ang naaalala nila mula sa nakaraang session. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi sa klase. Magtanong ng mga follow-up question para matiyak na nauunawaan ng mga estudyante ang kahalagahan ng pandaigdigang brodkast na ito.
Kung hindi ito binanggit ng mga estudyante, tiyaking nauunawaan nila na ang mensaheng ito ang tanging pagkakataon na nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson sa lahat ng young adult sa Simbahan para ituro sa kanila ang nais ng Ama sa Langit na malaman nila.
Muling ipakita ang sumusunod na tatlong katotohanan na ipinaalam sa nakaraang session:
-
Alamin ang katotohanan kung sino kayo.
-
Alamin ang katotohanan kung ano ang inihahandog sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.
-
Alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob.
Ipaalala sa mga estudyante na natutuhan nila sa nakaraang workshop ang tungkol sa naunang dalawa sa mga katotohanang ito.
-
Ano ang ilang mapanganib na pilosopiya na mapoprotektahan tayo laban dito ng naunang dalawang katotohanan?
-
Paano makakaapekto ang kaalaman sa naunang dalawang katotohanan sa inyong kinabukasan at sa inyong kawalang-hanggan?
Ipaliwanag na sa session ngayon ay marami pa tayong matututuhan tungkol sa katotohanang may kaugnayan sa ating pagbabalik-loob.
Alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob
Ipaliwanag na kapag nadama ng mga propeta na ang mga salitang sinasabi nila ay talagang mahalagang maalala at maunawaan natin, kung minsan ay inuulit nila ang kanilang mga mensahe sa maraming pagkakataon. Maaari din silang gumamit ng mga salita o parirala para bigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang mga mensahe.
Magpakita o magbigay sa mga estudyante ng magkatabing larawan ng mga sipi mula sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” na ibinigay noong Mayo 2022, at mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022 na pinamagatang “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan.” Ang isa pang opsiyon ay magsama-samang panoorin ang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” mula sa time code na 25:57 hanggang 27:01, na sinusundan ng “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan” mula sa time code na 14:46 hanggang 15:33. Ipakumpara sa mga estudyante ang dalawang pahayag.
“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (Mayo 12, 2022) |
“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” (Okt. 2022) |
---|---|
|
|
-
Anong mga partikular na salita o parirala na inulit niya ang pinakanapansin ninyo?
-
Ano ang mga naisip o nadama ninyo habang ikinukumpara ninyo ang dalawang pahayag na ito?
Maaaring sabihin sa mga estudyante na i-link ang dalawang pahayag na ito sa kanilang mga mobile device kung gusto nila. Maaari din silang anyayahan na i-highlight ang mga pariralang “Nakikiusap ako,” “pinakikiusapan ko kayo” sa dalawang pahayag.
-
Anong mga hakbang ang iminungkahi ni Pangulong Nelson para “alagaan ninyo ang inyong patotoo”? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Sa palagay ninyo bakit “[m]akikiusap” sa atin ang propeta na alagaan natin ang ating mga patotoo?
-
Ano ang ipinangako sa atin ng propeta kung gagawin nating pinakamataas na prayoridad ang ating patotoo?
Isiping isulat sa pisara ang “Alagaan ang Iyong Patotoo” at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila aalagaan ang kanilang patotoo.
Maaaring magandang pagkakataon ito para anyayahan ang mga estudyante na suriin ang sarili. Maaari nilang gamitin ang pahayag ni Pangulong Nelson bilang gabay sa pagsusuri ng kanilang sarili. Maaari nilang basahin itong muli nang tahimik, na humihinto-hinto pagkatapos ng bawat pangungusap upang pagnilayan kung ano ang kanilang ginagawa nang maayos at kung ano ang maaari nilang ayusin sa kanilang buhay.
Kung naaangkop, maaari mong pamunuan ang isang talakayan at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nakatulong sa kanila sa pag-alaga ng kanilang patotoo.
Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o dalawang punto o payo sa pahayag ni Pangulong Nelson na sa palagay nila ay makatutulong sa kanila na mas maalagaan ang kanilang patotoo, at hikayatin silang magplano kung paano nila ilalakip ang mga punto o payo na iyon sa kanilang buhay.
Busugin ang inyong patotoo ng katotohanan
Ang bahaging ito ng session ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na magtuon sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon bilang mahalagang bahagi ng pagpapabusog at pangangalaga sa kanilang patotoo.
Isiping idispley ang sumusunod na mga larawan at itanong sa mga estudyante ang tanong sa ibaba:
-
Mula sa inyong karanasan, paano ninyo malalaman kapag tila kulang na ng nutrisyon ang inyong patotoo?
Ilagay sa maliliit na grupo ang mga estudyante, at bigyan ang bawat grupo ng isang bagay na mapagsusulatan (isang poster, whiteboard, o katulad nito). Ipaliwanag ang mga kataga ni Pangulong Nelson na “busugin ito ng katotohanan,” at anyayahan ang bawat grupo na isulat ang maraming paraan na maiisip nila kung paano pangangalagaan at bubusugin ng isang tao ng katotohanan ang kanilang patotoo.
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong ipabahagi sa mga estudyante kung paano nabusog at napangalagaan ng mga isinulat nila ang kanilang patotoo at pagbabalik-loob.
Binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang mga pagpapalang dumarating kapag binubusog natin ang ating patotoo ng katotohanan mula sa Aklat ni Mormon. Ipakita ang mga sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga pagpapala na naranasan nila:
Kapag naiisip ko ang Aklat ni Mormon, naiisip ko ang salitang kapangyarihan. Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.
Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon. (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62–63)
-
Kailan ninyo naranasan ang ilan sa mga pagpapalang ito?
-
May mga talata o bahagi ba ng Aklat ni Mormon na nakatulong sa pagpapalakas ng inyong patotoo? (Bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip at magbahagi kung gusto nila.)
Mahalagang malaman ng mga estudyante na ang pangunahing dahilan kung bakit nabubusog at napapangalagaan ng Aklat ni Mormon ang kanilang pananampalataya at patotoo ay dahil nagpapatotoo ito tungkol kay Jesucristo. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson:
Ang Aklat ni Mormon ay nakasentro kay Jesucristo. Ito ay naglalaman ng pinakamahalagang bahagi ng Kanyang mensahe. Ito ay isinulat para sa atin, sa ating panahon, para sa ating buhay. Kapag pinag-aralan, pinagnilayan, at ipinamuhay natin ang mga alituntuning itinuturo sa mga pahina nito, makatatanggap tayo ng lakas na isentro ang ating buhay kay Jesucristo at matatamasa ang masasayang pagpapalang ipinangako Niya sa atin, ngayon at magpakailanman.
(Russell M. Nelson, Facebook, Oct. 17, 2021, facebook.com/russell.m.nelson)
Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na makahanap ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon na tutulong sa kanila na ituon ang kanilang buhay kay Jesucristo. Hikayatin silang ibahagi ang mga ito sa taong katabi nila o malapit sa kanila. Ito ay maaaring magbigay ng pagkakataon para mapalakas ang mga estudyante ng ibinahagi nila sa isa’t isa. Maaari ka ring maghanda na ibahagi kung paano pinangalagaan ng Aklat ni Mormon ang iyong patotoo.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila binubusog ang kanilang mga patotoo ng mga katotohanang nagmumula sa Aklat ni Mormon at kung ano ang maaaring nadama nila na gawin nang naiiba o mas mabuti.
Mga Tanong
Sinabi ni Pangulong Nelson na alam niya ang ilan sa mga hamong maaaring harapin natin kapag sinisikap nating busugin ng katotohanan ang ating patotoo at pangalagaan ang ating sarili. Ang isang hamon ay maaaring mga tanong na hindi natin alam ang mga sagot. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at bigyan ang bawat estudyante ng isa sa mga sumusunod na pahayag na pag-aaralan. Ipabasa sa kanila at pamarkahan kung ano ang pinakanapansin nila.
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala. Alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo at tiyaking bumaling sa mga pinagmumulang puno ng katotohanan para sa patnubay. Nabubuhay tayo sa dispensasyon kung kailan “walang anumang bagay ang ipagkakait” [Doktrina at mga Tipan 121:28]. Sa gayon, pagdating ng panahon, sasagutin ng Panginoon ang lahat ng tanong natin.
Habang naghihintay, gawing malaking bahagi ng inyong buhay ang maraming paghahayag na madali nating makukuha. Nangangako ako na sa paggawa niyon, lalakas ang inyong patotoo, kahit hindi pa nasasagot ang ilan sa inyong mga tanong. Ang inyong tapat na mga pagtatanong, nang may pananampalataya, ay laging hahantong sa mas malaking pananampalataya at higit na kaalaman. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga Young Adult, Mayo 12, 2022], Gospel Library)
Itinuro ni Elder Lawrence E. Corbridge, na noon ay miyembro ng Pitumpu:
Magsimula sa pamamagitan ng pagsagot muna sa mga pangunahing tanong. May mga pangunahing tanong at may di-gaanong mahahalagang tanong. Sagutin muna ang mga pangunahing tanong. Hindi pantay-pantay ang lahat ng tanong at hindi pantay-pantay ang lahat ng katotohanan. Ang mga pangunahing tanong ang pinakamahalaga. Lahat ng iba pa ay nakapailalim dito. Iilan lang ang mahahalagang tanong. Babanggitin ko ang apat sa mga ito.
Mayroon bang isang Diyos na ating Ama?
Si Jesucristo ba ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan?
Si Joseph Smith ba ay isang propeta?
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ba ang kaharian ng Diyos sa lupa?
Sa kabilang dako, ang di-gaanong mahahalagang tanong ay walang katapusan. Kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, poligamya, mga taong may lahing Aprikano at priesthood, kababaihan at priesthood, paano isinalin ang Aklat ni Mormon, ang Mahalagang Perlas, DNA at ang Aklat ni Mormon, kasal ng magkaparehong kasarian, iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain, at kung anu-ano pa.
Kung sinagot ninyo ang mahahalagang tanong, nasasagot din ang di-gaanong mahahalagang tanong, o kaya’y nawawalan ng kabuluhan ang mga ito at maaari ninyong kaharapin ang mga bagay na nauunawaan ninyo at ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan at ang mga bagay na sinasang-ayunan ninyo at ang mga bagay na tinututulan ninyo nang hindi tinatalikuran ang inyong mga paniniwala. (Lawrence E. Corbridge, “Stand Forever” [debosyonal ng Brigham Young University , Ene. 22, 2019], speeches.byu.edu)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner ang natutuhan nila sa pahayag na kanilang pinag-aralan. Maaari din ninyong talakayin bilang buong klase ang mga ideya ng mga estudyante.
Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan pa ang itinuro nina Pangulong Nelson at Elder Corbridge, maaari ninyong gamitin ang sumusunod na case study. Ipakita ang sumusunod na sitwasyon, o magbigay ng kopya nito sa bawat magkapartner. Sabihin sa kanila na tingnan kung magagamit nila ang mga turo nina Pangulong Nelson at Elder Corbridge para matulungan ang young adult sa sitwasyon.
Habang ginagawa ng mga estudyante ang case study, makinig at maging handang tulungan ang mga estudyante habang tinatalakay nila ang mga paraan para matulungan nila si Sandra.
Para sa karagdagang paglalarawan ng isang taong hinanapan ng sagot ang maraming tanong na hindi nila alam kung paano sasagutin, maaaring hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mensahe ni Elder Robert S. Wood sa apendiks, o maaari mong ibuod ang kanyang karanasan para sa iyong mga estudyante. Tiyaking pansinin ang papel na ginampanan ng Aklat ni Mormon sa paghahanap ni Elder Wood ng sagot sa mga itinanong sa kanya.
Kapag lumayo ang mga kaibigan at pamilya
Kasama sa bahaging ito ang isang maliit na talakayan ng grupo na makatutulong sa mga estudyante kung iniwan na ng kanilang mga kaibigan o kapamilya ang Simbahan.
Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ibigay sa kanila ang sumusunod na pahayag, o ipahanap ito sa mga estudyante sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” sa Gospel Library. Maaari din ninyong panoorin ang clip na ito mula sa time code na 28:00 hanggang 29:10. Matapos basahin o panoorin ang clip na ito, sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang mga grupo ang mga tanong na kasunod nito.
Pagkatapos ng kanilang mga talakayan sa maliit na grupo, sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang bagay na pinakatumimo sa kanila mula sa kanilang talakayan. Sabihin sa ibang mga estudyante na magkomento o magtanong tungkol sa ibinabahagi ng kanilang mga kaklase.
Mga pangako ng propeta
Ipabasa sa mga estudyante ang huling tatlong talata ng “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” na inaalam ang mga pagpapala at pangako ng Panginoon sa kanila. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isang tao ang pagpapala at pangakong lubos na mahalaga sa kanila at kung bakit.
Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nila maibubuod ang kanilang natutuhan sa karanasang ito.
Sa pagtatapos ng workshop na ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang anumang bagay na gusto nilang itigil, ipagpatuloy na gawin, o simulang gawin dahil sa natutuhan at nadama nila sa workshop na ito.
Maaari kayong magtapos sa inyong patotoo na ang mga pangako ng Panginoon ay “matutupad na lahat,” ayon sa sinabi ng Kanyang tagapaglingkod na si Pangulong Russell M. Nelson (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38).