“Pebrero 28. Ano ang Ibig Sabihin ng Magsisi? Doktrina at mga Tipan 18–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Pebrero 28. Ano ang Ibig Sabihin ng Magsisi?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Pebrero 28
Ano ang Ibig Sabihin ng Magsisi?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng mga sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang bago sa ating ward, at paano natin maipadarama sa kanila na sila ay tanggap? Ano ang ginagawa natin para maging makabuluhan ang ating oras sa mga miting ng korum o klase?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Ano ang ilan sa ating mga tungkulin at responsibilidad bilang mga kabataang lalaki o kabataang babae? Paano natin magagampanan nang mas mahusay ang mga ito?
-
Ang ating buhay. Ano ang ginagawa natin para maging higit na katulad ni Jesucristo at matanggap ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay? Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit sa Kanya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Mahirap basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19 nang hindi nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin. Sa mga talatang ito, inilarawan Niya ang pagdurusang naranasan Niya nang magbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan at inihayag kung bakit handa Siyang magdusa nang napakatindi—“[upang tayo] ay hindi na magdusa kung [tayo] ay magsisisi.” Ang pagsisisi ay isang pagpapalang ginawang posible ng Tagapagligtas. Ito ay isang palagian at araw-araw na pagsisikap na talikuran ang kasalanan at bumaling sa Diyos. Ito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit upang tulungan tayong makabalik sa Kanya. Ang pag-unawa kung paano magsisi ay makatutulong sa atin na maging malinis sa ating mga kasalanan, baguhin ang ating puso’t isipan, at mas mapalapit sa Diyos.
Paano kayo natulungan ng pagsisisi na mas mapalapit sa Ama sa Langit? Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na hangaring magsisi? Paano mo maipakikita sa kanila na ang pagsisisi ay isang araw-araw na pagsisikap at hindi lamang para sa mabibigat na kasalanan? Habang naghahanda kang magturo, isiping pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging mas Mahusay” (Liahona, Mayo 2019, 67–69).
Magkakasamang Matuto
Lahat ng propeta sa simula pa lamang ay nanawagan na sa mga tao na magsisi. Gayunman, marahil ay walang paanyayang magsisi na nakakaantig na tulad ng sa Tagapagligtas na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 19:15–19, na maaaring nabasa na ng mga kabataan sa linggong ito. Maaari mo silang tanungin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito. Ano ang sinasabi ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi sa paningin ng Panginoon? Ang sumusunod na mga ideya ay magpapakita sa mga tinuturuan mo na isang araw-araw na pagpapala sa kanilang buhay ang pagsisisi.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng korum o klase kung paano pinagpapala ng pagsisisi ang kanilang buhay, maaari kang magsimula sa pagtatanong ng: Paano ko malalaman kung may epekto ang mga pagsisikap kong magsisi? Paano ako tutulungan ng Tagapagligtas na magbago? Bukod sa kapatawaran ng kasalanan, ano ang iba pang mga pagpapalang dulot ng pagsisisi? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang isa o mahigit pa sa mga talata sa banal na kasulatan sa “Suportang Resources,” na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong. Ano ang natuklasan nila?
-
Maraming kabataan ang mali ang pagkaunawa sa kahulugan ng pagsisisi. Maaaring takot silang magsisi o iniisip nila na angkop lamang ito sa mabibigat na kasalanan. Para maitama ang maling pagkaunawang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na pag-aralan ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging mas Mahusay” (Liahona, Mayo 2019, 67–69), na naghahanap ng mga pariralang nagpapaunawa sa kanila ng ibig sabihin ng magsisi. Ano ang natuklasan nila na nagpaisip sa kanila sa pagsisisi sa isang bagong paraan? Anong mga pagpapala ang ipinangako ni Pangulong Nelson sa mga taong nagsisisi?
-
Paano mo maipauunawa sa mga tinuturuan mo kung bakit at paano tayo nagsisisi? Maaaring makatulong ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi” (Liahona, Mayo 2019, 91–94). Maaari mong hatiin ang korum o klase sa apat na grupo at atasan ang bawat grupo na basahin ang isa sa apat na bahagi ng mensahe ni Pangulong Oaks. Pagkatapos ay maaaring ilahad ng bawat grupo ang isang buod ng nabasa nila sa iba pang mga grupo, pati na ang anumang mga talata sa banal na kasulatan mula sa mensahe na sumusuporta sa natutuhan nila. Maaari kang magtapos sa paghiling sa mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi sa plano ng Diyos.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
2 Nephi 31:13; Enos 1:5–9; Mosias 4:9–12; 27:23–26, 35; Alma 19:33; 36:18–21, 24; 37:9; Helaman 15:7–8; Moroni 6:8; Doktrina at mga Tipan 58:42–43; 64:9–10 (Mga talata tungkol sa pagsisisi)
-
Doktrina at mga Tipan 18:10–16 (Ang pagsisisi ay naghahatid ng kagalakan)
-
“Pagsisisi,” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), 28–29
-
“Pagsisisi [sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo],” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2019), 69