“Marso 14. Paano Nakatutulong ang mga Banal na Tungkulin ng Kalalakihan at Kababaihan sa Isa’t Isa? Doktrina at mga Tipan 23–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Marso 14. Paano Nakatutulong ang mga Banal na Tungkulin ng Kalalakihan at Kababaihan sa Isa’t Isa?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Marso 14
Paano Nakatutulong ang mga Banal na Tungkulin ng Kalalakihan at Kababaihan sa Isa’t Isa?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga panalangin? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? Sino ang dapat nating anyayahan sa isang paparating na aktibidad?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Anong mga tungkulin na ang nagampanan natin? Anong mga tungkulin ang kailangan nating gawin? Paano natin naanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at paano natin maaanyayahan ang iba ngayon?
-
Ang ating buhay. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo? Ano ang nangyayari sa ating buhay, at paano natin masusuportahan ang isa’t isa?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Binigyan ng Ama sa Langit ang kalalakihan at kababaihan ng mga tungkuling pantay ang kahalagahan upang matupad ang Kanyang plano. Nakatutulong ang mga tungkuling ito sa isa’t isa. Para matulungan ang kalalakihan at kababaihan na gampanan ang mga tungkuling ito, binigyan Niya sila ng kakaibang mga kaloob at kakayahan. Maaaring napag-aralan na ng mga miyembro ng korum o klase ang Doktrina at mga Tipan 25 sa linggong ito. Sa paghahayag na ito, pinayuhan ng Panginoon si Emma Smith tungkol sa mahalaga niyang tungkulin sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Panginoon at ipinaliwanag kung paano masusuportahan nina Joseph at Emma ang isa’t isa. Anong mga halimbawa na ang nakita ninyo sa kalalakihan at kababaihang nagtutulungan sa paggawa ng gawain ng Panginoon? Paano mo mahihikayat ang mga kabataang lalaki o kabataang babae na iyong tinuturuan na unawain ang kanilang mga banal na tungkulin at magtulungan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos?
Habang naghahanda kang magturo, isiping rebyuhin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org) at ang mensahe ni Pangulong Linda K. Burton na “Magkasama Tayong Aangat” (Liahona, Mayo 2015, 29–32).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng talakayan kung paano nagtutulungan ang kalalakihan at kababaihan sa kaharian ng Diyos, isiping anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 25. Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga responsibilidad nina Emma at Joseph sa isa’t isa? Ano ang matututuhan natin mula sa bahagi 25 kung paano dapat magtulungan ang mga mag-asawa? Maaari mong bigyan ng ilang papel ang mga tinuturuan mo na mapagsusulatan ng mga nalaman nila at ipabahagi ang mga naiisip nila. Pagkatapos ay pumili mula sa sumusunod na mga aktibidad para mas maipaunawa sa kanila kung paano inaasahan ng Diyos na magtulungan ang Kanyang mga anak.
-
May naiisip ka bang halimbawa na magpapaunawa sa mga miyembro ng korum o klase kung ano ang kahulugan ng “nagtutulungan”? Halimbawa, maaari nilang pag-usapan ang tungkol sa mga kulay na magkakatugma o talakayin kung paano napapaganda ng musika ang iba’t ibang tinig sa isang koro. Paano nakatutulong ang mga banal na tungkulin ng kalalakihan at kababaihan sa isa’t isa? Bilang isang korum o klase, sama-samang basahin ang unang dalawang talata ng bahaging may pamagat na “Pagpapasigla at Pagtulong sa Ating Magkatuwang na mga Tungkulin” mula sa mensahe ni Pangulong Linda K. Burton na “Magkasama Tayong Aangat” (Liahona, Mayo 2015, 30). O maaari mong anyayahan ang isang mag-asawa na bumisita sa inyong korum o klase at ikuwento kung paano sila nagtulungan na gampanan ng bawat isa ang kanilang mga tungkulin at kung paano sila tinulungan ng Panginoon. Ano ang matututuhan natin, mula sa mensahe ni Pangulong Burton o ng mag-asawa, kung paano sinusuportahan ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa sa mga pamilya?
-
Makatutulong ang mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa “Suportang Resources” sa mga miyembro ng korum o klase na matutuhan ang iba pa tungkol sa mga responsibilidad ng kalalakihan at kababaihan sa mga pamilya. Maaari mong atasan ang bawat miyembro ng korum o klase na basahin ang isa sa mga talatang ito. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga talata at talakayin ang mga responsibilidad na inilarawan. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga responsibilidad ng mga magulang? Paano matutulungan ng mga mag-asawa ang isa’t isa sa pagtupad sa mga banal na responsibilidad na ito? Paano sila matutulungan ng Tagapagligtas na magtagumpay? Paano sila matutulungan ng mga anak?
-
Para maipaunawa sa iyong korum o klase kung paano nakatutulong ang kalalakihan at kababaihan sa isa’t isa bilang pantay na magkatuwang, isulat ang mga sumusunod na heading sa pisara: Mga Responsibilidad ng Ama at Mga Responsibilidad ng Ina. Hilingin sa mga miyembro ng korum o klase na saliksikin ang ikapitong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at isulat ang nalaman nila sa ilalim ng angkop na heading. Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga banal na tungkulin ng mga ama at ina? Ano ang ibig sabihin ng dapat magtulungan ang mga ama at ina “bilang may pantay na pananagutan” sa pagtupad ng mga responsibilidad na ito? Anong mga halimbawa ang maibabahagi natin mula sa ating buhay upang ipakita na tinutupad ng mga ama at ina ang kanilang mga tungkulin at nagtutulungan bilang pantay na magkatuwang? Maaari mo ring talakayin ang mga paraan na makapaghahanda ngayon ang mga kabataan para sa mga tungkuling ito sa hinaharap.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Mga Kawikaan 22:6; Doktrina at mga Tipan 68:25–28; 121:41–43 (Mga responsibilidad ng mga magulang)
-
Mga Taga Efeso 5:25; Moises 3:21–24; 5:1–12 (Nagtutulungan ang mga mag-asawa bilang pantay na magkatuwang)
-
Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–63
-
“The Women in Our Lives,” “Let Us Be Men” (mga video), ChurchofJesusChrist.org