“Pebrero 14. Ano ang Priesthood? Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Pebrero 14. Ano ang Priesthood?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Pebrero 14
Ano ang Priesthood?
Doktrina at mga Tipan 12–13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Ano ang naging mga aktibidad natin kamakailan? Matagumpay ba ang mga ito? Ano ang magandang nangyari, at paano natin mapagbubuti ang mga ito?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Sino ang nangangailangan ng ating paglilingkod? Paano natin sila matutulungan?
-
Ang ating buhay. Anong mga mithiin ang pinagsisikapang tuparin ng bawat isa sa atin? Anong mga karanasan ang maibabahagi natin? Anong mga pagpapala na ang natanggap natin?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Habang nagbabasa ka tungkol sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood sa Doktrina at mga Tipan 13, subuking magbasa ayon sa pagkaunawa ng iyong mga tinuturuan. Nauunawaan ba nila ang kapangyarihan ng priesthood sa kanilang buhay? Paano nakatulong ang mga ordenansa ng priesthood tulad ng binyag at sakramento na matanggap mo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas? Isipin ang mga karanasang maaari mong ibahagi. Para maihanda ang iyong sarili na magturo tungkol sa priesthood, isiping pag-aralan ang mga talata sa banal na kasulatan na iminungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang “Priesthood” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures. ChurchofJesusChrist.org).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng isang talakayan tungkol sa priesthood, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood, kabilang na ang nabasa nila sa linggong ito sa Doktrina at mga Tipan 13 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75. Maaari ka ring magpakita ng isang larawan na nagpapakita ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 93) at anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kaganapang ito. Bakit tayo nagpapasalamat na ipinanumbalik ang priesthood? Ang sumusunod na mga aktibidad ay mas magpapaunawa sa mga tinuturuan mo kung ano ang priesthood at paano tayo pinagpapala nito.
-
Paano ipaliliwanag ng mga miyembro ng korum o klase kung ano ang priesthood sa isang tao na hindi pa nakarinig kailanman tungkol dito? Para matulungan sila, maaari mong ilista sa pisara ang ilang tanong ng mga tao tungkol sa priesthood, tulad ng Ano ang priesthood? Paano tinatanggap ng isang tao ang priesthood? Paano dapat kumilos ang isang mayhawak ng priesthood? Ano ang ginagawa ng mga mayhawak ng priesthood? Anyayahan ang mga tinuturuan mo na hanapin ang mga sagot gamit ang mga banal na kasulatan at iba pang resources na matatagpuan sa “Suportang Resources” at isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari mong hilingin sa kanila na ibahagi ang mga pagpapalang dumating na sa kanilang buhay dahil sa priesthood. Maaari mong ipalabas at talakayin ang video na “How the Priesthood Works” (ChurchofJesusChrist.org; tingnan din ang Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2017, 64–67).
-
Kung nagtuturo ka sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, maaari silang makinabang sa pagrebyu sa mensahe ni Brother Douglas D. Holmes na “Ano ang Kailangang Maunawaan ng Lahat ng Mayhawak ng Aaronic Priesthood” (Liahona, Mayo 2018, 50–53). Maaari mong atasan ang bawat miyembro ng korum na rebyuhin ang unang ilang talata ng mensahe o ng isa sa natitirang apat na bahagi. Anyayahan ang bawat tao na maghanap ng isang bagay na sa pakiramdam niya ay kailangang maunawaan ng bawat mayhawak ng Aaronic Priesthood. Bigyan siya ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan niya at ipaliwanag kung bakit niya pinili ang turong iyon.
-
Kung nagtuturo ka sa mga kabataang babae, maaari mong ibahagi ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Mga Espirituwal na Kayamanan,” na patungkol sa kanila (Liahona, Nob. 2019, 76–79). Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na hanapin sa kanyang mensahe ang isang bagay na magagawa nila upang mas “magamit ang kapangyarihan ng Tagapagligtas” sa kanilang buhay (pahina 77). Ano ang itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa kung paano natin magagamit ang kapangyarihan ng priesthood? Paano tayo mapagpapala ng kapangyarihan ng priesthood? Hikayatin ang mga kabataang babae na isipin kung paano sila kikilos ayon sa paanyayang ito ni Pangulong Nelson: “Hinihiling ko sa inyo na pag-aralan nang may panalangin ang lahat ng katotohanan na makikita ninyo tungkol sa kapangyarihan ng priesthood” (pahina 79).
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Doktrina at mga Tipan 84:17–22; 107:1–5 (Ang priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos)
-
Sa mga Hebreo 5:4; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5 (Ang mga mayhawak ng priesthood ay tinatawag ng Diyos at inorden ng isang may awtoridad)
-
Doktrina at mga Tipan 121:34–46 (Ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood ay kumikilos lamang ayon sa mga alituntunin ng kabanalan)
-
Mateo 3:1–6; 28:16–19; Juan 15:16; Doktrina at mga Tipan 12:3–4 (Ipinangangaral ng karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan ang ebanghelyo)
-
Mga Gawa 3:1–8; Santiago 5:14–15 (Ang mga mayhawak ng priesthood ay nagbibigay ng basbas para pagalingin ang mga maysakit at naghihirap)
-
3 Nephi 11:21–22; 18:1–5; Doktrina at mga Tipan 107:20 (Ang mga mayhawak ng priesthood ang nangangasiwa sa mga ordenansa)
-
Doktrina at mga Tipan 65:2; 107:18–21 (Ang mga mayhawak ng priesthood ay tumutulong na pamahalaan ang Simbahan)
-
“Aaronic Priesthood,” “Melchizedek Priesthood,” “Priesthood,” sa Tapat sa Pananampalataya (2004), 3–4, 76–77, 199–205