Bagong Tipan 2023
Hunyo 11. Paano Ako Mas Mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Juan 14–17


“Hunyo 11. Paano Ako Mas Mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Juan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Hunyo 11. Paano Ako Mas Mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

dalagitang nagdarasal

Hunyo 11

Paano Ako Mas Mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Juan 14–17

icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.

  • Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo?

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga dalangin? Ano ang naiisip nating gawin para tulungan sila?

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano tayo magiging ilaw sa mga kapamilya o kaibigan na hindi natin kapareho ang mga paniniwala?

  • Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapagpapakita ng higit na pagmamahal at suporta sa ating pamilya at makagagawa ng positibong kaibhan sa ating tahanan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Ang bunga ay hindi maaaring lumaki sa isang sanga na nakahiwalay sa puno nito. Sa gayon ding paraan, hindi tayo uunlad sa espirituwal kung nakahiwalay tayo sa Diyos (tingnan sa Juan 15:4–6). Subalit napakaraming puwersa ang naghahangad na ihiwalay tayo sa Kanya—kung minsan ang sarili nating kapalaluan o maling pagpili ngunit kadalasan ay ang mga kalagayan lamang ng mortal na buhay. Nang makipagkita si Jesus sa Kanyang mga disipulo para sa huling pagkakataon sa mortalidad, alam Niya na malapit na Siyang mahiwalay sa kanila. Kaya itinuro Niya sa kanila ang kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa Kanya at sa Kanyang Ama—pagiging nakaugnay sa kanila tulad ng isang sanga sa isang puno. Tinawag Niya itong “nananatili” sa Kanya. At itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo kung paano gawin ito. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawa Niyang posible ang kaugnayang iyon.

Isipin ang kaugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Juan 14–17. Isipin din ang mga taong tinuturuan mo at ang kanilang mga hangarin na mas mapalapit sa Diyos. Ano ang gagawin mo para matulungan sila? Maaari mong pagnilayan ang Doktrina at mga Tipan 88:62–68 habang naghahanda kang magturo.

Magkakasamang Matuto

Isipin kung paano mo mahihikayat ang mga kabataan na talakayin ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa puno ng ubas at mga sanga sa Juan 15:1–12. Maaari ka sigurong gumamit ng drowing, larawan, o totoong sanga para matulungan silang ilarawan sa kanilang isipan ang itinuro ni Jesus. Maaari mong sabihin sa kanila na pag-usapan ang mga pagkakataon na nadama nila na malapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—o ang mga pagkakataon na nadama nila na malayo sila sa Kanila. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito ng banal na kasulatan tungkol sa kung paano tayo mananatiling malapit sa Kanila? Ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod ay makatutulong para mas mapag-usapan ito.

  • Maaaring mahalagang gumugol ng ilang oras sa pagsasaliksik ng mga sagot sa tanong na “Ano ang mga bagay na naglalayo sa atin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?” Maaari mong isulat sa pisara ang tanong at pasagutan ito. Marahil ay maaari ninyong pag-usapan kung ano ang ginagawa natin para mapatibay ang ugnayan natin sa isang kaibigan o kapamilya. Paano ito natutulad—at naiiba—sa paraan ng pagpapatibay ng ugnayan natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na mapalapit sa Kanya at sa Kanyang Ama? Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na basahin ang mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources” para matulungan silang sagutin ang tanong na ito. Maaaring makinabang ang mga kabataan sa pag-aaral ng mga talatang ito nang magkakapartner at pagbabahagi ng natutuhan nila.

  • Walang sinuman ang mas malapit sa Diyos Ama kaysa sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Ano ang matututuhan natin mula sa Tagapagligtas tungkol sa paglapit sa Diyos? Maaaring pagnilayan ng mga miyembro ng klase at korum ang tanong na ito habang binabasa nila ang Lucas 22:41–43; Juan 6:38; 17:3, 20–23; 3 Nephi 11:11; Doktrina at mga Tipan 50:43. Paano tayong magiging isa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Sa kanyang mensaheng “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” ginunita ni Elder Michael John U. Teh ang isang pagkakataon na napagtanto niya na, “Ang nalalaman ko tungkol sa Tagapagligtas ay mas matimbang kaysa kung gaano ko Siya talaga kilala” (Liahona, Mayo 2021, 99). Maaari mong sabihin sa iyong klase o korum na talakayin ang mga pagkakaiba ng nalalaman ang tungkol kay Jesucristo at ng talagang nakikilala Siya. Maaari nilang pag-usapan kung ano ang ginagawa nila para malaman ang tungkol sa Kanya at kung ano ang ginagawa nila para talagang makilala Siya. Pagkatapos ay maaari nilang saliksikin ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Teh para malaman ang ipinayo niya tungkol sa tunay na makilala ang Tagapagligtas. Paano napagpala ang ating buhay sa pagsisikap na makilala Siya?

  • Marahil ay maaaring gumawa ang mga miyembro ng klase o korum ng isang listahan ng mga ideya tungkol sa kung paano patatatagin ang kanilang ugnayan sa kanilang Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na magbahagi ng isang bagay mula sa kanilang listahan. Kung posible, maaaring gusto nilang gumawa ng sarili nilang maiikling video na naglalarawan kung paano sila mas napapalapit sa Diyos.

dalagitang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Habang nakikilala natin ang Tagapagligtas at sinusunod ang Kanyang mga kautusan, mananatili tayo sa Kanyang pag-ibig (tingnan sa Juan 15:10).

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang Tagapagligtas ay naghanda para sa Kanyang ministeryo sa lupa sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno upang Siya ay maging malapit sa Kanyang Ama (tingnan sa Mateo 4:1–2; Lucas 4:1–2). Habang naghahanda kang magturo, mag-ukol ng oras na hingin ang patnubay ng Ama sa Langit, dahil ang mga tinuturuan mo ay ang Kanyang mga anak!