“Hunyo 25. Ano ang Kahulugan sa Akin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Hunyo 25. Ano ang Kahulugan sa Akin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Hunyo 25
Ano ang Kahulugan sa Akin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano tayo mas napapalapit sa Tagapagligtas? Paano tayo nagsisikap na maging higit na katulad Niya?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang naiisip natin nitong mga nakaraang araw? Paano natin matutulungan ang mga taong ito?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin masasagot ang mga tanong ng ating mga kaibigan tungkol sa Simbahan sa paraang mapapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan para lalo nating makaugnayan ang ating mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Napansin ni Elder David A. Bednar na may ilang Banal sa mga Huling Araw na “tila may pananampalataya sila sa Tagapagligtas, ngunit hindi sila naniniwala na ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala ay matatanggap nila” (“Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Liahona, Nob. 2016, 104). Sa madaling salita, bagama’t naniniwala tayo na si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan, maaaring naiisip natin kung Siya ay nagdusa at namatay lalo na para sa ating mga kasalanan. Nadama mo na ba ang ganito? Paano makikinabang ang mga tao sa iyong klase o korum kapag naunawaan nila na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay para sa bawat isa sa kanila? Paano mo sila matutulungan?
Isipin ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang tungkol sa Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas sa linggong ito. Habang naghahanda kang magturo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo para sa bawat isa sa atin, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” (Liahona, Mayo 2021, 75–77).
Magkakasamang Matuto
Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas nitong nakaraang linggo sa Bagong Tipan at ng nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas. Para mahikayat sila, maaari kang magtanong ng tulad ng “Ano ang nalaman natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga bagay na sinabi at ginawa Niya sa Kanyang mga huling sandali?” Halimbawa, maaari mong saliksikin ang mga pagkakataon na ang Tagapagligtas, habang nagdurusa para sa lahat, ay tinitingnan pa rin nang may pagkahabag ang mga tao sa paligid Niya (para sa halimbawa, tingnan sa Lucas 23:34, 39–43; Juan 19:25–27). Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa kung paano naging pangkalahatan at pang-indibiduwal ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod ay makatutulong sa iyo na mas matalakay pa ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
-
Sa unang talata ng kanyang mensaheng “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” ikinuwento ni Pangulong Dallin H. Oaks ang pag-uusap nila ng isang babae na hindi kumbinsido na may nagawa si Jesucristo para sa kanya. Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase o korum ang talatang iyon, na parang sila si Pangulong Oaks. Ano ang sasabihin natin sa babaeng ito? Maaari mong bigyan ang bawat miyembro ng klase o korum ng isa sa mga bahaging may numero sa mensahe ni Pangulong Oaks. Gamit ang natutuhan nila, pati na ang sarili nilang mga karanasan, maaari nilang ibahagi ang sarili nilang mga sagot sa tanong na “Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa akin?”
-
Para makahikayat ng talakayan kung paano personal na nakaapekto sa atin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari mong isulat sa pisara ang pariralang tulad ng Dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa lahat ng tao … . Maaaring magmungkahi ang mga miyembro ng klase o korum ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap. Pagkatapos ay maaari mong baguhin ang parirala na mababasa nang ganito Dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa akin … at humingi ng anumang karagdagang mungkahi. Sa pagtalakay ng mga miyembro ng klase o korum sa mga pahayag na ito, hikayatin silang basahin ang mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources.” Ano ang itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatang ito tungkol sa impluwensya ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay ng bawat isa sa atin?
-
Ang isa pang paraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources” ay sabihin sa mga kabataan na palitan ang mga salita sa mga talata para ang mga talata ay direktang tumutukoy sa kanila. Paano nakakaapekto ang paggawa nito sa nadarama natin tungkol sa mga katotohanan sa mga talata? Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin?
-
Ang sagradong musika ay malakas na makapagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na dumating na handang magbahagi ng mga himno na tutulong sa kanila na madama ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa kanilang sariling buhay. (Maaari nilang tingnan ang mga himno para sa sakramento o ang entry na “Jesucristo—Tagapagligtas” sa indise ng mga paksa ng Mga Himno.) Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na tukuyin ang mga parirala sa mga himno na tutulong sa kanila na personal na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa kanila. Maaari din ninyong pag-usapan kung paano nakakaapekto ang sakripisyo ng Tagapagligtas sa ating buhay sa araw-araw. Halimbawa, paano ito nakakaapekto sa mga pagpiling ginagawa natin?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
1 Corinto 15:20–22; 2 Corinto 12:7–9; Alma 7:11–12; 3 Nephi 11:10–11
-
Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–87