Bagong Tipan 2023
Hulyo 9. Paano Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan? Mga Gawa 1–5


“Hulyo 9. Paano Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan? Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Hulyo 9. Paano Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

Larawan
si Apostol Pedro na nagsasalita sa mga tao

Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pinamunuan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol, kabilang si Pedro.

Hulyo 9

Paano Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan?

Mga Gawa 1–5

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.

  • Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga paksa ang natalakay ng bishopric sa ating mga ward youth council meeting? Ano ang magagawa natin bilang isang klase o korum batay sa mga talakayang iyon?

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan. Paano tayo makatutulong sa mga tao sa mga paraang katulad ng kay Cristo kapag nakakakita tayo ng nangangailangan at hindi natin alam kung ano ang sasabihin?

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang natagpuan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo na nagdudulot ng kagalakan sa atin? Paano natin maibabahagi sa iba ang kagalakang iyon?

  • Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin para mahanap ang mga pangalan ng ating mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mahanap ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Larawan
icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Masayang malaman na mabuti ang Simbahan, na nagtuturo ang Simbahan ng mga totoong alituntunin, o na matutulungan ka ng Simbahan na maging mas mabuting tao. Ngunit lalong masayang malaman na ang Simbahan ngayon ay literal na Simbahan ni Jesucristo, na itinatag Niya at personal at patuloy Niyang pinamumunuan sa pamamagitan ng isang buhay na propeta. Ang aklat ng Mga Gawa ay nagbibigay ng maraming katibayan na ang Tagapagligtas ang mismong namumuno sa Kanyang Simbahan. Sa pag-aaral mo ng mga kabanata 1–5, hanapin ang katibayang iyon, at pagnilayan kung paano mo nalaman na patuloy Niyang pinamumunuan ang Kanyang Simbahan ngayon. Paano ka pinagpala ng kaalamang ito?

May patotoo ba ang mga kabataang tinuturuan mo na ang Simbahang kinabibilangan nila ay pinamumunuan mismo ng Tagapagligtas? Paano naging pagpapala sa kanila ang gayong patotoo? Paano mo sila matutulungan na magkaroon ng patotoong ito at mapalakas ito? Bukod pa sa pag-aaral ng Mga Gawa 1–5, maaari mo ring basahin ang mensahe ni Elder Quentin L. Cook na “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2020, 96–100).

Magkakasamang Matuto

Para masimulan ang inyong talakayan, maaari mong isulat sa pisara ang Pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga Apostol. Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase o korum ng isang bagay na nalaman nila sa kanilang pag-aaral ng Mga Gawa 1–5 na sumusuporta sa pahayag na ito. (Kung kinakailangan, maaari mong ipabasa sa kanila ang Mga Gawa 1:1–8; 2:36–39; 4:1–13, 31–33.) Anong katibayan ang nakikita natin na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan ngayon sa parehong pamamaraan? Ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod ay makatutulong sa mga tinuturuan mo na mapalakas ang kanilang pananampalataya sa mahalagang katotohanang ito.

  • Maaari kang maghanda ng ilang tanong na tulad nito: Paano pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan? Paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya na pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan? Bakit ka nagtitiwala sa mga propeta at apostol ng Panginoon? Bigyan ang bawat miyembro ng klase o korum ng isa sa mga tanong, at anyayahan silang pagnilayan ang tanong at mag-isip ng mga banal na kasulatan na makatutulong sa kanila na masagot ito (kung kinakailangan, tingnan ang “Suportang Resources” para sa ilang ideya). Pagkatapos ay bigyan ng oras ang lahat na ibahagi at talakayin ang natutuhan nila.

  • Para matulungan ang klase o korum na makita kung paano pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan, maaari mong iparebyu sa kanila ang unang bahagi ng mensahe ni Elder Quentin L. Cook na “Ang Pagpapala ng Patuloy na Paghahayag sa mga Propeta at Personal na Paghahayag Upang Gabayan ang Ating Buhay.” Marahil ay maaaring magbahagi ang bawat miyembro ng klase o korum ng isang bagay mula sa mensahe na tumutulong sa kanila na malaman na si Jesucristo ay aktibo at personal na namumuno sa Kanyang Simbahan. Ano pa ang mga matututuhan natin sa mga banal na kasulatan sa ilalim ng “Suportang Resources”?

  • Maaari ding makatulong sa mga kabataan na malaman pa kung paano pinamumunuan ng Panginoon ang inyong ward. Maaari mong sabihin sa mga kabataan na magbahagi ng mga halimbawa kung paano ginagabayan ng Panginoon ang mga lider ng bawat ward, kabilang ang quorum o class president. Sa buong linggo bago magklase, maaari mong hilingin sa ilang lider ng ward na magbahagi—nang personal o digital—ng mga karanasan na nagpapakita kung paano sila ginagabayan ng Panginoon. Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase o korum ng mga karagdagang halimbawa sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan” (Liahona, Nob. 2017, 81–84). Bakit mahalagang manampalataya na binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga lider natin sa ward?

  • Inaakala ng ilang tao na kung mabubuting tao tayo at gumagawa ng mabubuting bagay, hindi na natin kailangan ng simbahan. Maaari mong itanong sa mga kabataan kung paano nila sasagutin ito. Sa kanyang mensaheng “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan” (Liahona, Nob. 2021, 24–26), si Pangulong Dallin H. Oaks ay nagbigay ng ilang kadahilanan kung bakit mahalaga ang mga simbahan, kabilang ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Maaaring saliksikin ng mga kabataan ang mensaheng ito nang may kapartner, nang magkakasama sa maliliit na grupo, o bilang isang klase o korum at ibahagi ang nalaman nila.

Larawan
mga kabataang lalaki na nagpupulong

Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag, kabilang ang mga quorum at class presidency.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Para maanyayahan ang Espiritu sa pagtuturo mo, hikayatin ang iba na ibahagi ang kanilang personal na patotoo sa katotohanang tinatalakay mo.

Print