Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan


“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024

pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan

Para Kanino ang Resource na Ito?

Ang resource na ito ay para sa sinumang gustong matuto mula sa Aklat ni Mormon—nang mag-isa, bilang pamilya, at sa mga klase sa Simbahan. Kung hindi mo pa regular na napag-aaralan ang mga banal na kasulatan noon, matutulungan ka ng resource na ito na magsimula. Kung nakaugalian mo nang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, matutulungan ka ng resource na ito na magkaroon ng mas makabuluhang mga karanasan.

Mga Indibiduwal at Pamilya sa Tahanan

Ang perpektong lugar para matutuhan ang ebanghelyo ay ang tahanan. Masusuportahan ka ng iyong mga guro sa simbahan, at mahihikayat ka ng iba pang mga miyembro ng ward. Pero para espirituwal na manatiling ligtas, kailangan mo at ng iyong pamilya ng araw-araw na pangangalaga mula sa “mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Liahona, Nob. 2018, 6–8).

Gamitin ang resource na ito sa anumang paraan na makakatulong sa iyo. Itinatampok ng mga outline ang ilang walang-hanggang katotohanang matatagpuan sa Aklat ni Mormon at nagmumungkahi ng mga ideya at aktibidad para matulungan kang pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa, kasama ang iyong pamilya, o kasama ang mga kaibigan. Sa iyong pag-aaral, sundin ang patnubay ng Espiritu para mahanap ang mga walang-hanggang katotohanang makabuluhan sa iyo. Hanapin ang mga mensahe ng Diyos para sa iyo, at sundin ang mga pahiwatig na natatanggap mo.

Mga Guro at Mag-aaral sa Simbahan

Kung nagtuturo ka ng klase sa Primary, klase ng mga kabataan o adult Sunday School, Aaronic Priesthood quorum, o klase ng Young Women, hinihikayat kang gamitin ang mga outline sa resource na ito habang naghahanda kang magturo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan ang kurikulum para sa klase mo sa araw ng Linggo. Ang mga ideya sa pag-aaral sa resource na ito ay idinisenyo para sa pag-aaral sa tahanan at sa simbahan. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Magaganap ang iyong pinakamahalagang paghahanda habang sinasaliksik mo ang mga banal na kasulatan at hinahangad ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Maghanap ng mga walang-hanggang katotohanan na makakatulong sa iyo na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay makakatulong sa iyo na matukoy ang ilan sa mga katotohanang ito at maunawaan ang konteksto ng mga banal na kasulatan.

Isaisip na ang pag-aaral ng ebanghelyo, sa pinakamainam na paraan, ay nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan. Sa madaling salita, ang pangunahing responsibilidad mo ay suportahan ang mga taong tinuturuan mo sa kanilang mga pagsisikap na matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo sa tahanan. Bigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang kanilang mga karanasan, ideya, at tanong tungkol sa mga sipi sa banal na kasulatan. Anyayahan silang ibahagi ang mga walang-hanggang katotohanang natagpuan nila. Mas mahalaga ito kaysa sa pagtalakay sa isang bahagi ng materyal.

Primary

Ang paghahanda mong magturo sa Primary ay nagsisimula habang pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon nang personal at kasama ang iyong pamilya. Habang ginagawa mo ito, maging bukas sa mga espirituwal na impresyon at kabatiran mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga bata sa iyong klase sa Primary. Maging madasalin, at maaari kang bigyang-inspirasyon ng Espiritu ng mga ideya na tutulong sa kanila na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Habang naghahanda kang magturo, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga ideya sa pagtuturo sa resource na ito. Bawat outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan ay may bahaging pinamagatang “Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata.” Isipin ang mga ideyang ito bilang mga mungkahi na hihikayat sa iyong makadama ng inspirasyon. Kilala mo ang mga bata sa iyong klase sa Primary—at mas makikilala mo pa sila habang nakikisalamuha ka sa kanila sa klase. Kilala rin sila ng Diyos, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon na malaman ang pinakamaiinam na paraan para maturuan at mapagpala sila.

Posible na nagawa na ng mga bata sa klase mo ang ilan sa mga aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na kasama ng kanilang pamilya. Ayos lang iyon. Ang pag-uulit-ulit ay mabuti. Isiping anyayahan ang mga bata na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila sa tahanan—bagama’t dapat ka ring magplano ng mga paraan para makalahok ang mga bata kahit hindi sila nag-aaral sa bahay. Mas epektibong natututuhan ng mga bata ang mga katotohanan ng ebanghelyo kapag ang mga katotohanang ito ay paulit-ulit na itinuturo sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad. Kung makikita mo na epektibo sa mga bata ang isang aktibidad sa pag-aaral, isiping ulitin ito, lalo na kung mas maliliit na bata ang tinuturuan mo. Maaari mo ring rebyuhin ang isang aktibidad mula sa isang nakaraang lesson.

Sa mga buwan na may limang Linggo, hinihikayat ang mga guro sa Primary na palitan ang nakaiskedyul na outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa ikalimang Linggo ng isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”

Mga Klase sa Sunday School ng mga Kabataan at Adult

Ang isang pangunahing dahilan kaya tayo nagtitipon sa mga klase sa Sunday School ay para suportahan at hikayatin ang isa’t isa sa pagsisikap nating sundin si Jesucristo. Ang isang simpleng paraan para magawa ito ay sa pagtatanong ng tulad ng “Ano ang naituro sa iyo ng Espiritu Santo sa linggong ito nang pag-aralan mo ang Aklat ni Mormon gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin?” Ang mga sagot sa tanong na ito ay maaaring humantong sa mga makabuluhang talakayan na nagpapatatag ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Pagkatapos ay maaari kang mag-anyaya ng talakayan batay sa mga mungkahi sa pag-aaral sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Halimbawa, maaaring imungkahi sa isang ideya sa pag-aaral na saliksikin ang Alma 36 at gumawa ng listahan ng mga salitang nagtuturo tungkol sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagsisisi. Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi at pag-usapan ang mga salitang natagpuan nila. O maaari kang mag-ukol ng ilang sandali para sama-samang magawa ng klase ang listahan.

Mga Klase sa Aaronic Priesthood Quorum at Young Women

Kapag nagmimiting ang mga Aaronic Priesthood quorum at mga klase ng Young Women tuwing Linggo, medyo naiiba ang kanilang layunin kaysa sa klase sa Sunday School. Bukod pa sa pagtulong sa isa’t isa na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo, nagmimiting din ang mga grupong ito para magsanggunian tungkol sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2). Ginagawa nila ito sa patnubay ng mga class at quorum presidency.

Dahil dito, bawat miting ng korum o klase ay dapat magsimula sa pamumuno ng isang miyembro ng quorum o class presidency sa isang talakayan tungkol sa mga pagsisikap, halimbawa, na ipamuhay ang ebanghelyo, maglingkod sa mga taong nangangailangan, ibahagi ang ebanghelyo, o makilahok sa gawain sa templo at family history.

Pagkatapos ng oras na ito para magsanggunian, isang tagapagturo ang mamumuno sa klase o korum sa sama-samang pag-aaral ng ebanghelyo. Ang mga adult leader o miyembro ng klase o korum ay maaaring atasang magturo. Ang class o quorum presidency, na kumokonsulta sa mga adult leader, ang nagtatalaga ng mga gawaing ito.

Ang mga taong inatasang magturo ay dapat maghanda sa pamamagitan ng paggamit ng mga mungkahi sa lingguhang outline ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Sa bawat outline, ang icon na ito icon ng seminary ay nagsasaad ng isang aktibidad na nauugnay lalo na sa mga kabataan. Gayunman, alinman sa mga mungkahi sa outline ay maaaring gamitin bilang isang aktibidad sa pag-aaral para sa mga kabataan.

Para sa isang sample agenda para sa mga miting ng korum at klase, tingnan sa apendise D.