Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos


“Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Apendise B,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024

Apendise B

Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos

Sa mga buwan na may limang Linggo, hinihikayat ang mga guro sa Primary na palitan ang nakaiskedyul na outline ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa ikalimang Linggo ng isa o mahigit pa sa mga aktibidad na ito sa pag-aaral.

Mga Alituntunin at Ordenansa ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Itinuturo sa atin ng doktrina ni Cristo kung paano makabalik sa Diyos.

Nang magpakita si Jesucristo sa mga tao sa mga lupain ng Amerika, itinuro Niya sa kanila ang Kanyang doktrina. Sinabi Niya na makakapasok tayo sa kaharian ng Diyos kung tayo ay mananampalataya, magsisisi, mabibinyagan, tatanggap ng Espiritu Santo, at mananatiling tapat hanggang wakas (tingnan sa 3 Nephi 11:31–40; Doktrina at mga Tipan 20:29). Ang mga aktibidad sa ibaba ay maaaring makatulong sa iyo na ituro sa mga bata na tutulungan tayo ng mga alituntunin at ordenansang ito na mas mapalapit sa Tagapagligtas sa buong buhay natin.

Para malaman ang iba pa tungkol sa doktrina ni Cristo, tingnan ang 2 Nephi 31.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang mga bata ng mga larawang kumakatawan sa pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 1, 111, 103, at 105). Basahin o bigkasin ninyo ng mga bata ang ikaapat na saligan ng pananampalataya, at hilingin sa kanila na itaas ang kanilang larawan kapag binanggit ang alituntunin o ordenansang iyon. Ipaunawa sa mga bata kung paano tayo tinutulungan ng bawat isa sa mga alituntunin at ordenansang ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Paano mo maipauunawa sa mga bata na ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon ay hindi mga minsanang pangyayari kundi umiimpluwensya sa ating espirituwal na paglago sa buong buhay natin? Halimbawa, maaari mong ipakita sa kanila ang larawan ng isang binhi at isang malaking puno (o idrowing ang mga ito sa pisara). Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na tumutulong sa binhi na lumago hanggang sa maging malaking puno, tulad ng tubig, lupa, at sikat ng araw. Tulungan silang makita na ang mga ito ay katulad ng mga bagay na ginagawa natin para mas mapalapit sa Diyos sa buong buhay natin—pagkakaroon natin ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi araw-araw, pagsasabuhay ng ating mga tipan sa binyag, at pakikinig sa Espiritu Santo.

  • Ibahagi sa mga bata ang kuwento tungkol sa paputok mula sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Paano Ako Matutulungan ng Pagsisisi na Maging Masaya?” (Kaibigan, Dis. 2017, 12–13, o Liahona, Dis. 2017, 70–71).

    Sa iba’t ibang punto ng kuwento, anyayahan ang mga bata na isipin kung ano kaya ang nadama ni Elder Renlund. Bakit tayo nagagalak kapag nagsisisi tayo? Ibahagi sa mga bata ang kagalakan at pagmamahal na nadama mo nang hilingin mo sa Ama sa Langit na patawarin ka.

Binyag

Nagpakita ng halimbawa sa akin si Jesucristo nang Siya ay binyagan.

Kahit walang kasalanan si Jesus, bininyagan Siya para magpakita ng perpektong halimbawa ng pagsunod sa Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 31:6–10).

Para malaman ang iba pa tungkol sa binyag, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” Gospel Library.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng binyag ng Tagapagligtas at ng binyag ng isa pang tao (o tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35 at blg. 103 o kaya’y blg. 104). Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang magkaiba at ano ang magkapareho sa dalawang larawan. Sama-samang basahin ang Mateo 3:13–17 o ang “Kabanata 10: Bininyagan si Jesus” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 26–29.

    Hayaang ituro ng mga bata ang mga bagay sa mga larawan na binanggit sa binabasa ninyo. Magkuwento sa mga bata tungkol sa pagmamahal mo sa Tagapagligtas at sa hangarin mong sumunod sa Kanya.

  • Pakinggan o kantahin ang isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Nang Binyagan si Cristo” (Liahona, Pebrero 2015). Ano ang matututuhan natin tungkol sa binyag mula sa awitin? Basahin ang 2 Nephi 31:9–10, at anyayahan ang mga bata na pakinggan kung bakit bininyagan si Jesucristo. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili sa araw ng kanilang binyag.

Maaari kong piliing makipagtipan sa Diyos at magpabinyag.

Ang kahulugan ng paghahanda para sa binyag ay higit pa sa paghahanda para sa isang kaganapan. Ang kahulugan nito ay paghahandang gumawa ng tipan at pagkatapos ay tuparin ang tipang iyon habambuhay. Pagnilayan kung paano mo maipauunawa sa mga bata ang tipan na gagawin nila sa Ama sa Langit kapag sila ay bininyagan, na kinabibilangan ng mga pangakong ginagawa Niya sa kanila at ng mga pangakong ginagawa nila sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na ang tipan ay isang pangako sa pagitan ng isang tao at ng Ama sa Langit. Kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga pangako sa Diyos, nangangako ang Diyos na pagpalain tayo. Isulat sa pisara ang Ang Aking mga Pangako sa Diyos at Ang mga Pangako ng Diyos sa Akin. Sama-samang basahin ang Mosias 18:10, 13 at Doktrina at mga Tipan 20:37, at tulungan ang mga bata na ilista ang mga pangakong nakikita nila sa ilalim ng angkop na mga heading (tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Iyong Tipan sa Binyag,” Kaibigan, Peb. 2021, 2–3). Ibahagi kung paano ka napagpala ng Ama sa Langit sa pagsisikap mong tuparin ang iyong tipan sa binyag.

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng mga bagay na ginawa ni Jesucristo noong narito Siya sa lupa (para sa ilang halimbawa, tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 33–49). Hayaang pag-usapan ng mga bata ang ginagawa ni Jesus sa bawat larawan. Basahin ang Mosias 18:8–10, 13, at anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga bagay na ipinapangako nilang gawin kapag sila ay bininyagan (tingnan din sa “Ang Tipan sa Binyag,” Kaibigan, Liahona, Peb. 2019, K3). Paano maiimpluwensyahan ng mga pangakong ito ang ating mga kilos araw-araw? Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na tumutulong sa isang tao na tulad ng gagawin ni Jesus. O maaari mong gawan ang mga bata ng maisusuot na simpleng badge na may pangalan ng Tagapagligtas.

    batang lalaking binibinyagan

    Kapag tayo ay bininyagan, gumagawa tayo ng mga pangako sa Diyos at gumagawa Siya ng mga pangako sa atin.

Kumpirmasyon

Kapag ako ay kinumpirma, nagiging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naghahatid ng maraming pagpapala, kabilang na ang mga oportunidad para sa mga bata na maging aktibong kabahagi sa gawain ng Diyos.

Para malaman ang iba pa tungkol sa kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo, tingnan sa Gary E. Stevenson, “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?,” Liahona, Mayo 2017, 117–20; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Espiritu Santo,” Gospel Library.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang taong nabinyagan at nakumpirma kamakailan na pumunta sa klase at ibahagi kung ano ang pakiramdam ng makumpirma. Ano ang kahulugan ng maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para sa taong ito? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na matutupad nila ang kanilang tipan sa binyag bilang mga miyembro ng Simbahan (tulad ng paglilingkod sa iba, pag-anyaya sa iba na matuto ng iba pa tungkol kay Jesus, pagdarasal sa mga miting, at iba pa). Ibahagi kung paano ka natulungan ng paggawa ng mga bagay na ito na magalak sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo.

  • Magpakita ng larawan ng mga tao sa mga Tubig ng Mormon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 76), at hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang nakikita nila sa larawan. Isalaysay ang kuwento ni Alma at ng kanyang mga tao na binibinyagan doon (tingnan sa Mosias 18:1–17; “Kabanata 15: Nagturo at Nagbinyag si Alma,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 43–44).

    Rebyuhin ang Mosias 18:8–9 at anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga aksyon para matulungan silang maalala ang mga bagay na handang gawin ng mga tao bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nasaksihan mo ang mga miyembro ng Simbahan na naglilingkod sa ganitong mga paraan.

Kapag ako ay kinumpirma, tinatanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo.

Kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma, ipinapangako ng Ama sa Langit na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77). Ang napakagandang kaloob na ito mula sa Diyos ay tinatawag na kaloob na Espiritu Santo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 33:15, at hilingin sa mga bata na pakinggan ang espesyal na kaloob na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit kapag tayo ay bininyagan at kinumpirma. Para matulungan silang malaman ang iba pa kung paano sila tutulungan ng kaloob na Espiritu Santo, sama-samang pag-aralan ang Juan 14:26; Galacia 5:22–23; 2 Nephi 32:5; 3 Nephi 27:20. Maaari mo ring rebyuhin ang artikulong “Ang Espiritu Santo ay …” (Kaibigan, Hunyo 2019, 24–25; Liahona, Hunyo 2019, K12–K13).

  • Bago magklase, hilingin sa mga magulang ng isa o mahigit pang mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala dahil nasa kanila ang kaloob na Espiritu Santo. Paano Niya sila tinutulungan? Paano nila naririnig ang Kanyang tinig?

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Ipaunawa sa mga bata ang itinuturo sa atin ng awitin kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo.

Maaaring mangusap sa akin ang Espiritu Santo sa maraming paraan.

Ang mga batang nakakakilala sa tinig ng Espiritu ay magiging handang tumanggap ng personal na paghahayag na gagabay sa kanila sa buong buhay nila. Ituro sa kanila na maraming paraan na maaaring mangusap sa atin ang Espiritu Santo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng iba’t ibang paraan na maaari nating makausap ang isang kaibigang nakatira sa malayo, tulad ng pagliham, pag-email, o pag-uusap sa telepono. Ituro sa kanila na maaaring mangusap sa atin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gamitin ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Paano Tayo Kinakausap ng Ama sa Langit?” para maipaunawa sa mga bata ang iba’t ibang paraan na maaaring mangusap ang Espiritu Santo sa ating puso’t isipan (Liahona, Mar. 2020, K2–K3).

  • Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nangusap sa iyo ang Espiritu Santo, sa pamamagitan ng mga ideya sa iyong isipan o kaya’y sa pamamagitan ng isang damdamin sa iyong puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; tingnan din sa Henry B. Eyring, “Buksan ang Inyong Puso sa Espiritu Santo,” Liahona, Ago. 2019, K2–K3). Magpatotoo sa mga bata na matutulungan sila ng Espiritu Santo sa gayon ding mga paraan.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na maaaring nadama nila ang Espiritu—halimbawa, kapag kumakanta ng isang awitin tungkol sa Tagapagligtas o kapag gumagawa ng kabaitan sa iba. Tulungan silang matukoy ang mga espirituwal na damdaming hatid ng Espiritu Santo. Sa palagay ninyo, bakit tayo binibigyan ng Espiritu Santo ng gayong mga damdamin? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na kailangan nating gawin para marinig na mangusap ang Espiritu Santo sa atin. Ibahagi kung ano ang ginagawa mo para marinig nang mas malinaw ang Espiritu.

Ang Sakramento

Kapag tumatanggap ako ng sakramento, naaalala ko ang sakripisyo ng Tagapagligtas at pinaninibago ko ang aking mga tipan.

Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang sakramento para maalala natin ang Kanyang sakripisyo para sa atin at mapanibago ang ating mga tipan. Dahil sa lingguhang ordenansang ito, maaari nating patuloy na matamasa ang mga pagpapala ng ating binyag sa buong buhay natin.

Para malaman ang iba pa, tingnan sa Mateo 26:26–30; 3 Nephi 18:1–12; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na kulayan ang “Pinasimulan ni Jesus ang Sakramento sa mga Nephita” sa Coloring Book ng mga Kuwento sa Banal na Kasulatan: Aklat ni Mormon (2019), 26. Hilingin sa kanila na ituro kung ano ang iniisip ng mga tao sa larawan. Basahin sa mga bata ang ilang bahagi ng 3 Nephi 18:1–12 o ang “Kabanata 45: Nagturo si Jesucristo Tungkol sa Sakramento at Panalangin,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 126–27, ChurchofJesusChrist.org. Ano ang magagawa natin para alalahanin si Jesucristo sa oras ng sakramento?

  • Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang ilang bagay na dapat ay lagi nilang aalalahaning gawin, tulad ng pagtatali ng sintas ng kanilang sapatos o paghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain. Bakit mahalagang alalahanin ang mga bagay na ito? Basahin ang Moroni 4:3 sa mga bata, at anyayahan silang pakinggan kung ano ang ipinapangako natin na laging aalalahanin kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Bakit mahalagang alalahanin si Jesucristo? Ipaunawa sa mga bata kung paano ipinaaalala sa atin ng tinapay at tubig ng sakramento ang nagawa ni Jesus para sa atin (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2).

  • Isulat sa pisara ang “Ipinapangako ko sa …” Basahin sa mga bata ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Kapag narinig nila ang pangakong ginagawa natin sa Diyos, huminto at tulungan silang kumpletuhin ang pangungusap sa pisara gamit ang pangakong narinig nila. Ipaunawa sa kanila na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ginagawa natin ang mga pangakong ginawa natin sa binyag.

  • Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo? Para tulungan ang mga bata na masagot ang tanong na ito, magbahagi ng halimbawa ng isang bagay na nilalagyan natin ng ating pangalan. Bakit natin inilalagay ang ating pangalan sa mga bagay na ito? Bakit nanaisin ni Jesucristo na taglayin natin ang Kanyang pangalan? Isiping ibahagi ang paliwanag na ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Kasama sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas ang pagpapahayag at pagsaksi sa iba—sa ating mga salita at gawa—na si Jesus ang Cristo” (“Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 88).

Kapangyarihan, Awtoridad, at mga Susi ng Priesthood

Pinagpapala ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

Lahat ng mga anak ng Diyos—babae at lalaki, bata at matanda—ay tumatanggap ng kapangyarihan ng Diyos kapag tinutupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Kanya. Ginagawa natin ang mga tipang ito kapag tinatanggap natin ang mga ordenansa ng priesthood tulad ng binyag (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, Gospel Library). Para malaman ang iba pa, tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; “Mga Alituntunin ng Priesthood,” kabanata 3 sa Pangkalahatang Hanbuk.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na pansinin ang mga pagpapalang natatanggap nila dahil sa priesthood. Maaari kayong manood ng video tungkol sa mga pagpapalang hatid ng Priesthood.

    3:7

    Blessings of the Priesthood

    The priesthood is the power of God, which is given to man to act in His name.

  • Isiping ilista sa pisara ang mga pagpapalang ito. Bakit mahalaga sa atin ang mga pagpapalang ito? Magpatotoo na ang mga pagpapalang ito ay dumarating sa atin dahil kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood.

  • Isulat sa pisara ang sumusunod na mga heading: Kapangyarihan ng Diyos at Kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ibinigay sa mga tao sa lupa. Hilingin sa mga bata na maglagay ng mga larawan sa ilalim ng unang heading na nagpapaunawa sa atin kung paano ginamit ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para pagpalain tayo, tulad ng paglikha sa mundo, paggabay at pag-akay sa atin, pagpapakita sa atin na mahal at kilala Niya tayo, at pakikinig at pagsagot sa ating mga dalangin (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 3, 68, 90111). Hilingin sa kanila na ilagay ang mga larawan sa ilalim ng ikalawang heading na nagpapaunawa sa atin kung paano ginagamit ng karapat-dapat na kalalakihan sa lupa ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos para pagpalain tayo, tulad ng pagbabasbas sa maysakit, pagbibinyag, pagkumpirma, pangangasiwa sa sakramento, at pagbubuklod sa mga pamilya (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 46, 104, 105, 107120). Ibahagi kung bakit ka nagpapasalamat para sa priesthood at sa mga pagpapalang hatid nito.

  • Isa sa mga pangunahing paraan na natatanggap natin ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay ay sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20). Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang katotohanang ito, maaari mong ilista sa pisara ang sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: 3 Nephi 11:21–26, 33 (binyag); Moroni 2 (kumpirmasyon); Moroni 4–5 (sakramento). Bawat bata ay maaaring pumili ng isa sa mga siping ito sa banal na kasulatan at tukuyin ang ordenansang inilalarawan nito. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano sila personal na napagpala ng pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood.

  • Ipaunawa sa mga bata na tatanggap sila ng kapangyarihan mula sa Diyos kapag sila ay bininyagan at tinutupad nila ang kanilang tipan sa binyag. Tanungin ang mga bata kung paano sila matutulungan ng kapangyarihang ito.

Ang gawain ng Diyos ay pinamamahalaan ng mga susi ng priesthood at isinasakatuparan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan ay maaaring iorden sa isang katungkulan sa priesthood. Bukod pa riyan, kapag ang isang tao ay itinalaga para sa isang calling o inatasang tumulong sa gawain ng Diyos, maaari niyang gamitin ang awtoridad ng priesthood na itinalaga sa kanya. Ang paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay pinamamahalaan ng mga indibiduwal na mayhawak ng mga susi ng priesthood, tulad ng stake president, bishop, at mga quorum president. Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood sa paggawa ng gawain ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Marcos 3:14–15, at ipakita sa kanila ang isang larawan ng pangyayaring nakalarawan doon (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38). Itanong sa mga bata kung nakita na nilang inorden ang isang tao sa isang katungkulan sa priesthood o itinalaga para sa isang calling (o ikuwento sa kanila ang mga karanasan mo). Paano ito natutulad sa ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol? Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang mga katungkulan o calling sa priesthood na maaaring ibigay sa mga miyembro ng Simbahan, tulad ng isang guro o lider sa isang organisasyon. Sa tabi ng bawat katungkulan o calling, maaari mong isulat kung ano ang awtorisadong gawin ng isang taong may gayong katungkulan o calling. Sabihin sa mga bata kung paano nakatulong sa iyo ang ma-set apart ng isang tao sa ilalim ng pamamahala ng mga susi ng priesthood para maglingkod.

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na kailangan ng susi, tulad ng kotse o pinto. Ano ang mangyayari kung wala sa iyo ang susi? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 65:2, at ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga susi ng priesthood sa lupa. Maaari din ninyong panoorin ang video na “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?” (Gospel Library) at alamin kung ano ang itinuturo ni Elder Stevenson tungkol sa mga susi ng priesthood.

  • Hilingin sa isang tao sa ward na mayhawak ng mga susi na pumunta sa klase at ibahagi sa mga bata ang ibig sabihin ng humawak ng mga susi ng priesthood. Anyayahan siyang ilarawan ang kanyang mga responsibilidad. Anong mga bahagi ng gawain ng Panginoon ang pinamumunuan niya? Paano siya tinutulungan ng Tagapagligtas?

Ang Templo at ang Plano ng Kaligtasan

Ang templo ay bahay ng Panginoon.

Ang mga templo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa mga templo, tayo ay gumagawa ng mga sagradong tipan sa Kanya, pinagkakalooban ng kapangyarihan ng priesthood, tumatanggap ng paghahayag, nagsasagawa ng mga ordenansa para sa ating mga yumaong ninuno, at ibinubuklod sa ating pamilya para sa kawalang-hanggan. Naging posible ang lahat ng ito dahil kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na makilala ang kasagraduhan ng bahay ng Panginoon at ihanda ang kanilang sarili na maging karapat-dapat na makilahok sa mga ordenansa sa templo? Isiping rebyuhin ang resources na ito: Doktrina at mga Tipan 97:15–17; Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 120–22 temples.ChurchofJesusChrist.org.

mga kabataan sa labas ng templo

Ang mga templo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng isa o mahigit pang larawan ng mga templo. Tanungin ang mga bata kung bakit espesyal na lugar ang templo. Ituro na may nakaukit na tulad nito sa bawat templo: “Kabanalan sa Panginoon: Ang Bahay ng Panginoon.” Tanungin ang mga bata kung ano sa palagay nila ang maaaring ibig sabihin ng “Kabanalan sa Panginoon.” Bakit tinatawag ang templo na bahay ng Panginoon? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa templo? Kung nakapunta na ang sinuman sa mga bata sa templo, maaari din nilang ibahagi ang nadama nila habang naroon sila. Kung nakapunta ka na sa templo, ibahagi kung paano mo nadama ang presensya ng Panginoon doon, at pag-usapan kung bakit sagradong lugar ang templo sa iyo.

  • Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:15–17. Hilingin sa mga bata na alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga pumapasok sa Kanyang banal na bahay. Bakit kailangan tayong maging karapat-dapat na pumasok sa Kanyang bahay? Bilang bahagi ng pag-uusap na ito, kausapin ang mga bata tungkol sa mga temple recommend, pati na kung paano tumanggap nito. Maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na ibahagi sa kanila kung ano ang nangyayari sa interbyu para sa temple recommend at ang mga itinatanong dito.

Sa templo, nakikipagtipan tayo sa Diyos.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa ating mga Magulang sa Langit at makasama ang mga mahal natin sa buhay” (“Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 91). Ipaunawa sa mga bata na ang landas ng tipan ay kinabibilangan ng binyag, kumpirmasyon, at endowment at pagbubuklod sa templo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang rebyuhin ang tipang ginagawa natin sa Diyos kapag tayo ay bininyagan at na pinaninibago natin iyon kapag tumatanggap tayo ng sakramento (tingnan sa Mosias 18:10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Magpakita ng isang larawan ng templo at ipaliwanag na marami pang pagpapalang nais ibigay sa atin ang Ama sa Langit sa templo.

  • Magdrowing ng isang pasukan patungo sa isang landas. Itanong sa mga bata kung bakit sa palagay nila ay makakatulong na magkaroon ng isang landas na tatahakin. Sama-samang basahin ang 2 Nephi 31:17–20, kung saan ikinukumpara ni Nephi ang tipan ng binyag sa isang pasukan at inaanyayahan tayong magpatuloy sa landas pagkatapos ng binyag. Marami pang tipang gagawin pagkatapos ng binyag, kabilang na ang mga tipang ginagawa sa templo. Ipaliwanag na tinawag ni Pangulong Nelson ang landas na ito na “landas ng tipan.”

Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirma para sa mga ninunong pumanaw na.

Ginagawang posible ng ebanghelyo ni Jesucristo na makabalik ang lahat ng anak ng Diyos sa Kanya para mamuhay sa piling Niya, kahit mamatay sila nang hindi nalalaman ang ebanghelyo. Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirmang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pag-usapan ang isang pagkakataon kung kailan may ginawa ang isang tao para sa iyo na hindi mo kayang gawin para sa sarili mo. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasang tulad nito. Ipaliwanag na kapag nagpupunta tayo sa templo, maaari tayong tumanggap ng mga sagradong ordenansa tulad ng binyag para sa iba na pumanaw na. Paano tayo nagiging katulad ni Jesus kapag gumagawa tayo ng gawain para sa mga patay? Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa atin na hindi natin kayang gawin para sa ating sarili?

  • Anyayahan ang isa o mahigit pang mga kabataan na nabinyagan para sa kanilang mga ninuno na ibahagi ang kanilang karanasan. Tanungin sila kung ano ang pakiramdam sa loob ng templo. Hikayatin silang ibahagi kung ano ang nadama nila sa paggawa ng gawaing ito para sa kanilang mga ninuno.

  • Magdrowing sa pisara ng isang puno, pati na ang mga ugat at sanga nito. Hilingin sa mga bata na isipin kung paano natutulad ang pamilya sa isang puno. Lagyan ang mga ugat ng label na Mga Ninuno, lagyan ang mga sanga ng label na Mga Inapo, at lagyan ang katawan ng puno ng label na Ikaw. Sama-samang basahin ang pangungusap na ito mula sa Doktrina at mga Tipan 128:18: “Sapagkat tayo kung wala sila [ang ating mga ninuno] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.” Magtanong ng tulad ng mga sumusunod: “Bakit natin kailangan ang ating mga ninuno? Bakit tayo kailangan ng ating mga inapo? Paano tayo natulungan ng ating mga magulang, lolo’t lola, at iba pang mga ninuno?” Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 128:18 para sa isang pariralang naglalarawan kung paano natin matutulungan ang ating mga ninuno.

  • Isiping makipagtulungan sa mga magulang ng bawat bata na mahanap ang pangalan ng isang ninuno na dadalhin ng bata sa templo (tingnan sa FamilySearch.org).