“Enero 1–7: Isa pang Tipan ni Jesucristo. Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Enero 1–7. Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Enero 1–7: Isa pang Tipan ni Jesucristo
Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon
Bago ka pa makarating sa 1 Nephi kabanata 1, malinaw na ang Aklat ni Mormon ay hindi karaniwang aklat. Ang mga pambungad na pahina nito ay naglalarawan ng isang kasaysayang walang katulad—kabilang na ang mga pagbisita ng mga anghel, isang sinaunang talaan na nakabaon nang maraming siglo sa gilid ng isang burol, at isang binatang nagsalin sa talaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang Aklat ni Mormon ay hindi lamang isang kasaysayan ng mga sinaunang sibilisasyon sa Amerika. Hangad nitong kumbinsihin ang lahat na “si Jesus ang Cristo” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon), at ang Diyos mismo ang gumabay kung paano ito isinulat, iningatan, at ibinigay sa atin. Ngayong taon, habang binabasa mo ang Aklat ni Mormon, ipinagdarasal ito, at ipinamumuhay ang mga turo nito, aanyayahan mo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay. At maaari kang mahikayat na sabihin, tulad ng sinabi ng Tatlong Saksi sa kanilang patotoo, na “Ito ay kamangha-mangha sa [aking] mga mata.”
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon
Mapapalakas ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang aking pananampalataya kay Jesucristo.
Ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon ay naglalaan ng higit pa sa isang pamagat. Bukod sa iba pang mga bagay, nakalista rito ang ilang layunin ng sagradong talaang ito. Hanapin ang mga layuning ito sa pahina ng pamagat. Ang mga tanong na katulad nito ay makakatulong sa iyo habang pinagninilayan mo ito: Bakit tayo mayroong Aklat ni Mormon? Paano naiiba ang Aklat ni Mormon sa iba pang mga aklat?
Maaaring magandang pagkakataon ito ngayon para gumawa ng personal na plano o plano para sa pamilya na basahin ang Aklat ni Mormon ngayong taon. Kailan at saan ka magbabasa? Paano mo aanyayahan ang Espiritu sa iyong pag-aaral? Mayroon ka bang anumang partikular na hahanapin habang nag-aaral ka? Halimbawa, maaari kang maghanap ng mga sipi na nagsasakatuparan ng mga layuning natagpuan mo sa pahina ng pamagat. Maaari mong ilista ang mga talatang nagpapatatag ng iyong pananampalataya kay Jesucristo.
Tingnan din sa 2 Nephi 25:26; Mosias 3:5–8; Alma 5:48; 7:10–13; Helaman 5:12; 3 Nephi 9:13–18; 11:6–14; Moroni 10:32–33.
Pambungad sa Aklat ni Mormon; “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”; “Ang Patotoo ng Walong Saksi”
Maaari akong maging saksi ng Aklat ni Mormon.
Mapapatotohanan sa iyo ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo, kahit hindi mo pa nakita ang mga laminang ginto na tulad ng Tatlong Saksi at Walong Saksi. Habang binabasa mo ang kanilang mga salita, pag-isipan kung paano pinalalakas ng kanilang patotoo ang iyong patotoo.
Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa paraan na ibinahagi ng mga saksing ito ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon? Pagnilayan kung paano mo maibabahagi ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon—lalo na ang patotoo nito tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, kunwari ay kausap mo ang isang kaibigan na hindi pa nakarinig tungkol sa Aklat ni Mormon. Ano ang sasabihin mo sa kanya tungkol dito? Paano mo sisikaping hikayatin ang kaibigan mo na basahin ito? Isiping rebyuhin ang Pambungad sa Aklat ni Mormon. Maaari kang makahanap ng mga detalye roon na magiging kapaki-pakinabang na ibahagi sa iyong kaibigan.
Isiping ilista ang mga bagay na ibabahagi mo sa isang kaibigan tungkol sa Aklat ni Mormon. Subukang ibahagi ang Aklat ni Mormon gamit ang Book of Mormon app.
Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2022, 25–28; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Aklat ni Mormon,” Gospel Library; “Minsan May Isang Anghel,” Mga Himno, blg. 10.
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang himala.
Kung may nagtanong sa iyo kung saan nanggaling ang Aklat ni Mormon, ano ang sasabihin mo? Paano mo ilalarawan ang pakikibahagi ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng Aklat ni Mormon? Habang binabasa mo ang patotoo ni Joseph Smith, pansinin kung paano niya ito inilarawan. Batay sa nabasa mo, ano sa palagay mo ang pakiramdam ng Diyos tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon?
Tingnan din sa Ulisses Soares, “Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2020, 32–35; Mga Banal, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 24–35; Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon
Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay tumutulong sa akin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.
-
Hayaang tingnan at hawakan ng iyong mga anak ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Tulungan silang ituro ang subtitle na, Isa pang Tipan ni Jesucristo. Maaari mo rin silang tulungang hanapin, sa pahina ng pamagat, ang pahayag na “Si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.” Ipaunawa sa kanila na ang ibig sabihin nito ay nagtuturo sa atin ang Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo. Ikuwento nang bahagya sa kanila kung paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mo rin silang tanungin tungkol sa paborito nilang mga kuwento sa Aklat ni Mormon. Maaaring ipaalala sa kanila ng pagkanta ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 62–63) ang ilan sa mga kuwentong ito.
Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.
-
Maipapaunawa sa iyong mga anak ng pahina ng aktibidad para sa linggong ito at ng larawan sa ibaba ang mga salitang ito ni Joseph Smith na nasa pambungad sa Aklat ni Mormon: “Ang Aklat ni Mormon [ay] ang saligang bato ng ating relihiyon.” Maaaring masaya ring bumuo o magdrowing ng isang arko na may saligang bato sa itaas. Ano ang maaaring mangyari kung tanggalin ang saligang bato? Ano ang mangyayari kung hindi napasaatin ang Aklat ni Mormon? Maaari ninyong sama-samang basahin ang huling talata ng pambungad para malaman kung ano pa ang matututuhan natin kapag tinanggap natin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Paano natin magagawang saligang bato ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang Aklat ni Mormon?
“Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”; “Ang Patotoo ng Walong Saksi”
Maaari akong maging saksi ng Aklat ni Mormon.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang ibig sabihin ng maging saksi, maaari mong ilarawan sa kanila ang isang bagay na nakita mo na hindi pa nila nakita. Pagkatapos ay hayaan silang gawin din iyon para sa iyo. Maaari itong humantong sa pag-uusap tungkol sa 11 tao na nakakita sa mga laminang ginto kung saan nagmula ang isinalin na Aklat ni Mormon. Habang sama-sama ninyong binabasa ang mga patotoo, maaari ninyong pag-usapan kung bakit nais ng mga saksing ito na malaman ng iba pang mga tao ang kanilang patotoo. Kanino natin gustong magkuwento tungkol sa Aklat ni Mormon?
“Ang Patotoo ni Propetang Joseph Smith”
Ang Aklat ni Mormon ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
-
Para maipaalam sa iyong mga anak kung paano ibinigay sa atin ng Diyos ang Aklat ni Mormon, maaari mong basahin sa kanila ang mga bahagi ng “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith.” Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 1: Paano Natin Nakuha ang Aklat ni Mormon” (sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 2–4). Maaari ding masiyahan ang iyong mga anak na isadula ang kuwento nang ilang beses.