“Enero 8–14: ‘Hahayo Ako at Gagawin.’ 1 Nephi 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Enero 8–14. 1 Nephi 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Enero 8–14: “Hahayo Ako at Gagawin”
1 Nephi 1–5
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa salaysay tungkol sa isang tunay na pamilyang nagdaranas ng tunay na mga pagsubok. Nangyari ito noong 600 BC, pero may mga bagay tungkol sa salaysay na ito na maaaring pamilyar sa mga pamilya ngayon. Ang pamilyang ito ay nabuhay sa isang mundo ng kasamaan, pero nangako ang Panginoon sa kanila na kung susunod sila sa Kanya, aakayin Niya sila tungo sa kaligtasan. Habang daan ay nagkaroon sila ng masasayang sandali at malulungkot na sandali, nagkaroon ng malalaking pagpapala at mga himala, pero nagkaroon din sila ng mga pagtatalo at alitan. Bihirang magkaroon ng detalyadong salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa isang pamilyang nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo: mga magulang na nahihirapang hikayatin ang kanilang pamilya na manampalataya at nag-aalala tungkol sa kanilang kaligtasan, mga batang nagpapasiya kung maniniwala sila sa kanilang mga magulang, at magkakapatid na may inggitan at alitan—at kung minsa’y nagpapatawad sa isa’t isa. Sa kabuuan, may kapangyarihan sa mga halimbawa ng pananampalataya ng di-perpektong pamilyang ito.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Ang salita ng Diyos ay “napakahalaga” sa akin.
Ang isang kapansin-pansing mensahe sa Aklat ni Mormon ay ang “[malaking] halaga” ng salita ng Diyos (1 Nephi 5:21). Habang binabasa mo ang 1 Nephi 1–5, hanapin ang mga paraan na tuwiran o di-tuwirang pinagpala ng salita ng Diyos ang pamilya ni Lehi (halimbawa, tingnan sa 1:11–15; 3:19–20; 5:10–22). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga kabanatang ito tungkol sa salita ng Diyos? Ano ang nakikita mo na nakakahikayat sa iyo na saliksikin ang mga banal na kasulatan?
Tingnan din sa “Habang Aking Binabasa,” Mga Himno, blg. 176.
Maaari kong matamo at mapalakas ang aking patotoo kapag bumaling ako sa Panginoon.
Kilala si Nephi sa kanyang malakas na pananampalataya sa Panginoon, pero kinailangan niyang sikaping matamo ang kanyang patotoo—tulad nating lahat. Ano ang nababasa mo sa 1 Nephi 2 na nagpapakita kung bakit nagkaroon ng patotoo si Nephi na ang mga salita ng kanyang ama ay totoo? Bakit hindi nagkaroon ng ganitong patotoo sina Laman at Lemuel? (Tingnan din sa 1 Nephi 15:2–11). Kailan mo nadama na pinalambot ng Panginoon ang puso mo?
Tingnan din sa “Iniutos ng Panginoon sa Pamilya ni Lehi na Lisanin ang Jerusalem” (video), Gospel Library.
Maghahanda ng paraan ang Diyos para magawa ko ang Kanyang kalooban.
Nang utusan ng Panginoon ang mga anak ni Lehi na kunin ang mga laminang tanso, hindi Siya nagbigay ng partikular na mga tagubilin kung paano iyon gagawin. Kadalasan ay totoo ito sa mga tagubiling natatanggap natin mula sa Diyos, at maaaring pakiramdam natin ay “isang mahirap na bagay” ang Kanyang ipinagagawa (1 Nephi 3:5). Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa tugon ni Nephi sa utos ng Panginoon sa 1 Nephi 3:7, 15–16?
Habang binabasa mo ang 1 Nephi 3–4, hanapin ang iba’t ibang paghihirap na naranasan ni Nephi. Paano “[naghanda] ng paraan” ang Panginoon para “maisagawa [ni Nephi] ang bagay na kanyang [ipinag-utos]”? Bakit mahalaga na malaman mo kung ano ang ginawa ng Panginoon para kay Nephi?
Ang isang mabisang paraan na naihanda tayo ng Diyos na sundin ang Kanyang mga utos ay sa pagsusugo kay Jesucristo upang maging Tagapagligtas natin. Isiping basahin ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?” (Liahona, Mayo 2021, 75–77). Paano naghanda ng paraan si Jesucristo para sa bawat isa sa atin? Batid na nadaig Niya ang lahat ng bagay para sa iyo, ano ang nahihikayat kang “humayo at gawin”?
Tingnan din sa “Si Nephi ay Pinatnubayan ng Espiritu para Makuha ang mga Laminang Tanso” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagsunod,” Gospel Library.
Ang pag-alaala sa mga gawa ng Diyos ay maaaring magbigay sa akin ng pananampalataya na sundin ang Kanyang mga utos.
Kapag parang gusto nina Laman at Lemuel na bumulung-bulong o magreklamo, kadalasa’y nasa malapit sina Nephi at Lehi para bigyan sila ng inspirasyon at suportahan. Kapag parang gusto mong bumubulung-bulong, makakatulong na basahin ang mga salita nina Nephi at Lehi. Paano sinubukan nina Nephi at Lehi na tulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? (tingnan sa 1 Nephi 4:1–3; 5:1–8; tingnan din sa 1 Nephi 7:6–21). Ano ang matututuhan mo na makakatulong sa iyo kapag natutukso kang bumulung-bulong o magreklamo?
“Ako ay pinatnubayan ng Espiritu.”
Sa 1 Nephi 4:5–18, ano ang hinahangaan mo tungkol sa kakayahan ni Nephi na makilala at sundin ang Espiritu? Maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2018, 93–96) para malaman ang iba pa tungkol sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong magkaroon ng sarili kong patotoo.
-
Paano nalaman ni Nephi na totoo ang itinuro ng kanyang ama? Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang mga sagot sa tanong na ito sa 1 Nephi 2:16, 19. Maaari din silang masiyahan sa pagsulat ng mga ginawa ni Nephi sa mga block o iba pang mga bagay at pagkatapos ay bumuo ng isang bagay gamit ang mga object. Maaari itong humantong sa pag-uusap kung paano tayo tinutulungan ng mga kilos na ito na magkaroon ng patotoo.
-
Maaari kang magpakita sa iyong mga anak ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga bagay na maaari nilang hangaring magkaroon ng patotoo, tulad ng isang kopya ng Aklat ni Mormon o larawan ni Jesucristo, isang templo, o ng buhay na propeta. Anyayahan silang pumili ng isa at ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa bagay na iyon. Maaari mo ring sabihin sa iyong mga anak kung paano mo natamo ang iyong patotoo. Bakit natin kailangan ang sarili nating patotoo?
Tutulungan ako ng Diyos na sundin ang Kanyang mga utos.
-
Isiping gamitin ang isa o mahigit pa sa resources na ito para tulungan ang iyong mga anak na pag-usapan kung paano tinulungan ng Diyos si Nephi na kunin ang mga laminang tanso: 1 Nephi 3–4; pahina ng aktibidad para sa linggong ito; “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 64–65); at “Kabanata 4: Ang mga Laminang Tanso” (sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 8–12).
-
Maaari kayong masiyahan ng iyong mga anak sa pagdudula-dulaan ng 1 Nephi 3:2–7. Maaari ka sigurong magkunwaring si Lehi at hilingin sa iyong mga anak na bumalik sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Anyayahan silang tumugon sa sarili nilang mga salita na para bang sila sina Laman at Lemuel o Nephi. Ano ang ilang bagay na naiutos sa atin ng Diyos na gawin? (tingnan sa mga larawan 103–15 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa Mosias 18:8–10 para sa mga ideya). Paano tayo maaaring maging katulad ni Nephi?
Ang mga banal na kasulatan ay isang malaking kayamanan.
-
Napakahalaga ng mga banal na kasulatan sa pamilya ni Lehi. Para ilarawan ito, maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na tulungan kang ikuwento o isadula ang ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid para kunin ang mga laminang tanso: naglakbay sila nang malayo, isinuko nila ang kanilang mga ginto at pilak, at nagtago sila sa isang kuweba para iligtas ang kanilang buhay. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang 1 Nephi 5:21 at pag-usapan kung bakit napakahalaga ng mga banal na kasulatan sa pamilya ni Lehi. Bakit mahalaga ang mga iyon sa atin? Paano natin maituturing na parang kayamanan ang mga banal na kasulatan?
Gagabayan ako ng Espiritu Santo habang hinahangad kong gawin ang kalooban ng Panginoon.
-
Matapos sama-samang rebyuhin sa 1 Nephi 3 kung paano sinikap ni Nephi at ng kanyang mga kapatid na kunin ang mga laminang tanso, basahin ninyo ng iyong mga anak ang 1 Nephi 4:6 para alamin kung ano ang ginawa ni Nephi kaya siya nagtagumpay sa huli. Pagkatapos ay maaaring ilista ng iyong mga anak ang mga bagay na nais ng Diyos na gawin nila. Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo sa ganitong mga sitwasyon?