“Enero 22–28: ‘Nasasandatahan … ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos.’ 1 Nephi 11–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Enero 22–28. 1 Nephi 11–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Enero 22–28: “Nasasandatahan … ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”
1 Nephi 11–15
Kapag may napakahalagang gawaing ipagagawa ang Diyos sa Kanyang propeta, kadalasa’y binibigyan Niya ng isang napakahalagang pangitain ang propetang iyon. Sina Moises, Juan, Lehi, at Joseph Smith ay pawang may mga pangitaing katulad niyon—mga pangitaing nagpalawak sa kanilang isipan at tumulong sa kanila na makita kung gaano talaga kalaki at kadakila ang gawain ng Diyos.
Si Nephi ay nagkaroon din ng isa sa mga pangitaing ito na nagpapabago ng buhay. Nakita niya ang ministeryo ng Tagapagligtas, ang hinaharap ng mga inapo ni Lehi sa lupang pangako, at ang tadhana ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos ng pangitaing ito, naging mas handa si Nephi sa paparating na gawain. At ang pagbabasa tungkol sa pangitaing ito ay makakatulong din sa paghahanda sa iyo—dahil may gawain ding ipagagawa ang Diyos sa iyo sa Kanyang kaharian. Ikaw ay kabilang sa “mga banal ng simbahan ng Kordero” na nakita ni Nephi, “na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14).
Tingnan din sa “Nakakita si Nephi ng Pangitain ng mga Mangyayari sa Hinaharap” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Isinugo ng Diyos si Jesucristo bilang pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal.
Nang tanungin ni Nephi ang anghel tungkol sa kahulugan ng punungkahoy sa pangitain ni Lehi, maaari sanang sabihin na lang ng anghel na, “Ito ay kumakatawan sa pagmamahal ng Diyos.” Sa halip, ipinakita niya kay Nephi ang sunud-sunod na mga simbolo at pangyayari mula sa buhay ng Tagapagligtas. Hanapin ang mga simbolo at pangyayaring ito habang binabasa at pinagninilayan mo ang 1 Nephi 11. Ano ang nakikita mo na nagpapaunawa sa iyo kung bakit si Jesucristo ang pinakadakilang pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos?
Paano ka natulungan ng Tagapagligtas na madama ang pagmamahal ng iyong Ama sa Langit?
Tingnan din sa Susan H. Porter, “Pag-ibig ng Diyos: Ang Labis na Nakalulugod sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 33–35.
Maaari akong “[masandatahan] ng kabutihan” at kapangyarihan.
Hindi na mabubuhay si Nephi para saksihan ang marami sa nakita niya sa kanyang pangitain. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ni Nephi ang mga bagay na ito? Bakit mahalagang malaman mo ang mga ito? Itanong ang mga ito tuwing may mababasa ka tungkol sa isang bagay na nakita ni Nephi sa kanyang pangitain (tingnan sa 1 Nephi 12–14). Anong mga impresyon ang natatanggap mo tungkol sa “dakila at kagila-gilalas na gawain”? (1 Nephi 14:7). Ano ang ilan sa mga dakila at kagila-gilalas na bagay na nagawa Niya para sa iyo?
Isipin lalo na ang pangako sa 1 Nephi 14:14. Paano tinupad ng Panginoon ang pangakong ito sa buhay mo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa David A. Bednar, “Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos sa Dakilang Kaluwalhatian,” Liahona, Nob. 2021, 28–30, lalo na ang huling dalawang bahagi.)
Ano ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” na nakita ni Nephi?
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks na ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” na inilarawan ni Nephi ay kumakatawan sa “anumang pilosopiya o organisasyon na kumokontra sa paniniwala sa Diyos. At ang ‘pagkabihag’ na hangad ng ‘simbahang’ ito na kalagyan ng mga banal ay hindi magiging pisikal na pagkakulong kundi pagkabihag sa mga maling ideya” (“Tumayo Bilang mga Saksi ng Diyos,” Liahona, Mar. 2015, 32). Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na makaiwas—at makatakas—mula sa pagkabihag sa mga maling ideya?
Sasagutin ako ng Diyos kung magtatanong ako nang may pananampalataya.
Naramdaman mo na ba na parang wala kang natatanggap na personal na paghahayag—na hindi nangungusap sa iyo ang Diyos? Ano ang ipinayo ni Nephi sa kanyang mga kapatid nang madama nila ito? (Tingnan sa 1 Nephi 15:1–11.) Paano mo maiaangkop ang payo ni Nephi sa buhay mo?
Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay tumutulong sa akin na labanan ang impluwensya ni Satanas.
Madalas magkaroon si Nephi ng mahahalagang bagay na sasabihin sa kanyang mga kapatid. Pero tila higit siyang masigasig tungkol sa sinabi niya sa kanila sa 1 Nephi 15:23–25. Ano ang mensahe ni Nephi, at sa palagay mo, bakit napakalakas ng pakiramdam niya tungkol dito?
Itinuro ni Elder David A. Bednar na “ang salita ng Diyos” ay maaaring tumukoy sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, at kay Jesucristo mismo. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “humawak nang mahigpit” sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta? Ano kaya ang ibig sabihin ng “humawak nang mahigpit” kay Jesucristo? Maaari mong hanapin ang mga posibleng sagot sa mga tanong na ito sa mensahe ni Elder Bednar na “Subalit Hindi Namin Sila Pinansin” (Liahona, Mayo 2022, 14–16).
Paano nakakatulong sa iyo ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos para malabanan ang kaaway? Ang pagpuno sa isang table na katulad nito ay maaaring makatulong na iorganisa ang mga iniisip mo:
… nakakatulong sa akin na daigin ang kadiliman ng tukso? (tingnan sa 1 Nephi 12:17) |
… nakakatulong sa akin na “huwag pansinin” ang kahambugan at kapalaluan ng sanlibutan? (1 Nephi 12:18) | |
Paano nakakatulong ang paghawak nang mahigpit sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta … | ||
Paano nakakatulong ang paghawak nang mahigpit sa Tagapagligtas … |
Tingnan din sa “Ang Bakal na Gabay,” Mga Himno, blg. 174; Jorge F. Zeballos, “Pagkakaroon ng Isang Buhay na Hindi Kayang Impluwensyahan ng Kaaway,” Liahona, Nob. 2022, 50–52.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo dahil mahal Niya ako.
-
Para turuan si Nephi tungkol sa pagmamahal ng Diyos, ipinakita ng isang anghel kay Nephi ang mga pangyayari mula sa buhay ng Tagapagligtas. Maaari mo ring gawin iyon para sa iyong mga anak—bigyan sila ng mga larawan ng mga pangyayaring nakita ni Nephi sa 1 Nephi 11:20, 24, 27, 31, at 33 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 30, 35, 39, 42, 57). Habang binabasa mo ang mga talatang ito, tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang larawang tumutugma rito. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talata at larawang ito?
-
Ang pagkanta ng isang awiting tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 20–21) ay magpapadama sa iyong mga anak ng pagmamahal ng Diyos. Pagkatapos ninyong kumanta, itanong sa iyong mga anak kung ano ang natutuhan nila mula sa awitin. Ano pa ang matututuhan natin tungkol sa pagmamahal ng Diyos mula sa 1 Nephi 11:22–23?
Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan.
-
Para tulungan ang iyong mga anak na pahalagahan ang “malilinaw at mahahalagang” katotohanan sa Aklat ni Mormon, maaari kang magdrowing ng isang larawan at anyayahan ang iyong mga anak na palitan o bawasan ang mga bahagi ng larawan para maiba ang hitsura nito. Maaari mo itong gamitin para ituro na ang mga bagay sa Biblia ay pinalitan at binawasan sa paglipas ng panahon. Sama-samang basahin ang 1 Nephi 13:40 at pag-usapan kung paano ipinauunawa sa atin ng Aklat ni Mormon (“ang mga huling talaang ito”) ang “malilinaw at mahahalagang bagay” na nawala sa Biblia (ang “unang” mga talaan). Anong “malilinaw at mahahalagang” katotohanan ang natutuhan mo mula sa Aklat ni Mormon?
-
Maaaring ipakita ng video na “Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos” (Gospel Library) sa iyong mga anak kung bakit mahalagang mapasaatin kapwa ang Biblia at ang Aklat ni Mormon. Maaaring masiyahan ang mga bata na muling likhain ang paglalarawan sa video.
Ang paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos ay tumutulong sa akin na paglabanan ang tukso.
-
Bigyan ng pagkakataon ang iyong mga anak na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa pangitain ni Lehi. Maaaring makatulong na gumamit ng isang larawan, tulad ng isang nasa outline noong nakaraang linggo. Sino ang humadlang sa mga tao na makarating sa puno? Ano ang nakatulong sa kanila para makarating doon? Maaari mong hilingin sa kanila na hanapin ang gabay na bakal sa larawan. Sama-samang basahin ang 1 Nephi 15:23–24 para alamin kung ano ang kinakatawan ng gabay na bakal at kung paano tayo matutulungan nito.