“Enero 29–Pebrero 4: ‘Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin.’ 1 Nephi 16–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Enero 29–Pebrero 4. 1 Nephi 16–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Enero 29–Pebrero 4. “Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”
1 Nephi 16–22
Nang maglakbay ang pamilya ni Lehi patungong lupang pangako, ipinangako ito sa kanila ng Panginoon: “Ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko” (1 Nephi 17:13). Malinaw na ang pangakong iyon ay hindi nangahulugan na magiging madali ang paglalakbay—hindi pa rin nagkasundo ang mga miyembro ng pamilya, nabali ang mga busog (ng pana), nahirapan at nangamatay ang mga tao, at kinailangan pa rin nilang gumawa ng barko mula sa nakalap nilang materyales. Gayunman, nang maharap ang pamilya sa paghihirap o tila imposibleng mga gawain, kinilala ni Nephi na kailanman ay hindi malayo ang Panginoon. Alam niya na ang Diyos ay “[pinalulusog ang matatapat], at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang [iniutos] sa kanila” (1 Nephi 17:3). Kung sakaling nagtataka ka kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting taong katulad ni Nephi at ng kanyang pamilya, maaari kang makakita ng mga ideya sa mga kabanatang ito. Pero ang mas mahalaga marahil, makikita mo ang ginagawa ng mabubuting tao kapag may nangyayaring masama.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Tutulungan ako ng Tagapagligtas na harapin ang mga hamon ng buhay.
Naharap ang pamilya ni Nephi sa ilang mahihirap na hamon—tulad nating lahat. Ano ang matututuhan mo mula kay Nephi tungkol sa pagharap sa paghihirap nang may pananampalataya kay Jesucristo? Basahin ang kanyang mga karanasan sa 1 Nephi 16:17–32; 16:34–39; 17:7–16; 18:1–4; at 18:9–22. Isiping itala ang makikita mo sa ilalim ng mga heading na tulad nito: “Hamon,” “Paano Tumugon si Nephi,” at “Paano Tumulong ang Panginoon.” Ano ang natututuhan mo na magagamit mo sa mga hamong kinakaharap mo?
Matapos matuto mula kay Nephi at sa kanyang pamilya, maaari kang magtala ng mga karagdagang ideya sa ilalim ng mga heading na ito: “Ang Aking mga Hamon,” “Paano Ako Tutugon,” at “Paano Ako Matutulungan ng Panginoon.” Habang ginagawa mo ito, maaari kang sumangguni sa mga talatang tulad nito: Mateo 11:28–30; Juan 14:26–27; Mosias 24:13–15. Ang isang himnong tulad ng “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74), ay makapagpapalakas sa iyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa tulong na ibinibigay Niya sa mga oras ng pagsubok.
Tingnan din sa Anthony D. Perkins, “Alalahanin ang Inyong mga Nagdurusang Banal, O Aming Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 103–5; “Pinatnubayan ng Panginoon ang Paglalakbay ni Lehi,” “Iniutos ng Panginoon kay Nephi na Gumawa ng Isang Sasakyang-dagat,” at “Naglayag ang Pamilya ni Lehi Patungo sa Lupang Pangako” (mga video), Gospel Library; “Tulong sa Buhay,” Gospel Library.
1 Nephi 16:10–16, 23–31; 18:11–22
Ginagabayan ako ng Diyos sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng paraan.
Nang akayin ng Diyos ang pamilya ni Lehi papunta sa ilang, hindi Niya sila binigyan ng mapa na nagpapakita ng bawat detalye ng paglalakbay. Sa halip, binigyan Niya sila ng Liahona para gabayan sila sa araw-araw. Habang binabasa mo ang 1 Nephi 16:10–16, 23–31, at 18:11–22, isiping ilista ang mga katotohanang naglalarawan kung paano ginagabayan ng Diyos ang Kanyang mga anak (halimbawa, maaaring ituro ng 1 Nephi 16:10 na kung minsa’y ginagabayan tayo ng Diyos sa di-inaasahang mga paraan). Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng Liahona at ng Espiritu Santo? Ano ang “maliliit na paraan” na ginamit Niya na nagdulot ng “malalaking bagay” sa buhay mo?
Tingnan din sa Alma 37:7, 38–47; Doktrina at mga Tipan 64:33–34.
Ang aking mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala.
Bagama’t gayon din ang naging mga hamon kay Nephi at sa kanyang mga kapatid sa ilang, magkakaiba ang kanilang mga karanasan. Maaari mong ikumpara ang salaysay ni Nephi tungkol sa paglalakbay sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 17:1–6) sa salaysay ng kanyang mga kapatid (tingnan sa 1 Nephi 17:17–22). Ano ang alam o ginawa ni Nephi na nakatulong sa kanya na magkaroon ng tapat na pananaw? Isiping sumulat tungkol sa isang pagsubok kamakailan o sa kasalukuyan mula sa pananaw ng pananampalataya at pasasalamat. Ano ang nadarama o natututuhan mo mula rito?
Tingnan din sa Amy A. Wright, “Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak,” Liahona, Mayo 2022, 81–84.
Maaari kong “ihalintulad … ang lahat ng banal na kasulatan” sa sarili ko.
Dahil napakatagal nang isinulat ang mga banal na kasulatan, maaaring tila walang kaugnayan ang mga ito sa atin ngayon. Pero higit pa riyan ang alam ni Nephi. “[Inihalintulad] ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan,” wika niya, “upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Ito ang isang dahilan kaya napakalaki ng espirituwal na kapangyarihang natagpuan ni Nephi sa mga banal na kasulatan.
Isiping magtanong ng tulad ng mga sumusunod habang binabasa mo ang 1 Nephi 20–22:
-
1 Nephi 20:1–9.Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga tao noong panahon ni Isaias? Ano ang natagpuan mo na angkop sa iyo?
-
1 Nephi 20:17–22.Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano inakay ng Ama sa Langit ang mga tao noong panahon ni Isaias? Paano Ka Niya inaanyayahang sumunod sa Kanya?
Ano pa ang mahahanap mo sa 1 Nephi 20–22 na “maihahalintulad” mo sa iyong sarili?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
1 Nephi 16:10, 28–29; 18:8–13, 20–22
Kapag sinusunod ko ang mga kautusan, ginagabayan ako ng Panginoon.
-
Kung mayroon kang kompas, mapa, o iba pang bagay na tumutulong sa atin na mahanap ang ating daan, maaari mong ipakita iyon sa iyong mga anak. Maaaring magandang paraan ito para magsimula ng isang talakayan tungkol sa Liahona, na mababasa ninyo sa 1 Nephi 16:10, 28–29. Ano ang ilang dahilan para hindi gumana ang isang kompas o mapa? Bakit kung minsa’y hindi gumana ang Liahona para sa pamilya ni Lehi? (tingnan sa 1 Nephi 18:9–12, 20–22). Ano ang naibigay sa atin ng Ama sa Langit ngayon para gabayan tayo pabalik sa Kanya?
-
Para tulungan ang iyong mga anak na ipamuhay ang natututuhan nila tungkol sa Liahona sa 1 Nephi 16:10, 26–31; 18:8–22, maaari mo silang anyayahang mag-isip ng isang mahalaga o mahirap na desisyon. Ano ang naibigay sa atin ng Diyos, para gabayan tayo ngayon, na gumaganang tulad ng Liahona? (Tingnan halimbawa sa, Alma 37:38–44.) Isiping magbahagi ng personal na karanasan kung saan ginabayan ka ng Ama sa Langit.
Maaari akong maging mabuting halimbawa sa aking pamilya.
-
Habang binabasa ninyo ang 1 Nephi 16:21–32 nang sama-sama, tulungan ang iyong mga anak na matuklasan kung paano pinagpala ng halimbawa ni Nephi ang kanyang pamilya (tingnan din sa video na “Pinatnubayan ng Panginoon ang Paglalakbay ni Lehi” [Gospel Library]). Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano tayo maaaring maging katulad ni Nephi. Anyayahan ang iyong mga anak na magplano ng isang bagay na magagawa nila para maging mabuting impluwensya sa iba pang mga miyembro ng pamilya.
Matutulungan ako ng Ama sa Langit na gawin ang mahihirap na bagay.
-
Gustung-gusto ng mga bata ang kuwentuhan. Maaari mo silang anyayahan na tulungan kang magkuwento tungkol sa pag-uutos kay Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat (tingnan sa 1 Nephi 17:7–19; 18:1–4; tingnan din sa “Kabanata 7: Paggawa ng Sasakyang-dagat,” sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 21–22; o ang video na “Iniutos ng Panginoon kay Nephi na Gumawa ng Sasakyang-dagat” [Gospel Library]). Maaari din nilang sama-samang kantahin ang pangalawang taludtod ng “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 64–65). Ano ang nakatulong kay Nephi na magkaroon ng lakas-ng-loob nang laitin siya ng kanyang mga kapatid dahil sa pagsisikap niyang gumawa ng sasakyang-dagat?
-
Hindi alam ni Nephi kung paano gumawa ng sasakyang-dagat, kaya umasa siya sa pagtuturo ng Panginoon. Matapos basahin ang 1 Nephi 18:1 na kasama ka, maaaring kumpletuhin ng iyong mga anak ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Habang ginagawa nila ito, kausapin sila kung paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit na gawin ang mahihirap na bagay, tulad ng pagtulong Niya kay Nephi.