Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Sundan ang Lider
Kuwento: Tumawag si Jesucristo ng dalawang mangingisda, sina Pedro at Andres, para sumunod sa Kanya. Iniwan nila ang kanilang mga lambat at naglingkod na kasama ni Jesus. (Tingnan sa Mateo 4:18–20.)
Awit: “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87).
Aktibidad: Laruin ito: Pipili ng aksyon ang isang tao. Gagayahin ng iba pa ang aksyon. Pagkatapos ay iba naman ang pipili ng bagong aksyon. Gagawin ng iba ang unang aksyon, pagkatapos ay ang pangalawa. Patuloy na magdagdag ng mga aksyon at tingnan kung ilan ang magagawa ninyo nang wala kayong nalilimutan.
Pagpapakita ng Pagmamahal
Para sa Juan 2–4
Kuwento: Alam natin na mahal tayo ng Ama sa Langit dahil isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa lupa. Dahil kay Jesus, makakapiling nating muli ang Ama sa Langit balang-araw. (Tingnan sa Juan 3:16–17.)
Awit: “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21).
Aktibidad: Paano mo ipinapakita ang iyong pagmamahal? Gumupit ng mga pusong papel. Sa bawat isa, isulat ang isang bagay na magagawa mo para magpakita ng pagmamahal sa iba. Ilagay ang mga puso sa isang garapon o mangkok. Bawat araw ng linggo, pumili ng isang puso mula sa mangkok. Pagkatapos ay gawin ang nakasulat sa puso!
Scripture Toss
Kuwento: Isang araw umakyat sa isang bundok si Jesus para turuan ang mga tao. Itinuro Niya sa kanila kung paano maging higit na katulad Niya at ng Ama sa Langit. Ang tawag natin sa Kanyang mga turo doon ay Sermon sa Bundok. (Tingnan sa Mateo 5–7.)
Awit: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41)
Aktibidad: Gawin ang aktibidad sa pahina 8. Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan, pag-usapan kung ano pa ang ipinagagawa sa atin ni Jesus.
Magtayo ng Bahay
Para sa Mateo 6–7
Kuwento: Isinalaysay ni Jesucristo ang mga kuwentong tinatawag na mga talinghaga para magturo ng mga aral. Sa isang kuwento, may isang lalaking nagtayo ng bahay sa buhangin. May isa pang lalaking nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato. Nang umulan, bumagsak ang bahay na nakatayo sa buhangin. Pero nanatiling nakatayo ang bahay na nasa ibabaw ng bato! Gustong ituro ni Jesus sa atin na kapag sumusunod tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng lakas sa mahihirap o nakakatakot na mga panahon. (Tingnan sa Mateo 7:24–27.)
Awit: “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132)
Aktibidad: Gumamit ng mga kumot, tuwalya, unan, o iba pang mga bagay para magtayo ng isang bahay. Pagkatapos ay pag-usapan kung paano naghahatid ng kapayapaan ang pagsunod kay Jesus sa mahihirap na panahon.