Bagong Calling ni Marco
“Ano ang ginagawa ng isang family history consultant ?” tanong ni Marco.
Naupo si Marco kasama ang kanyang mga magulang sa opisina ng bishop. Kalilipat lang niya sa Young Men, at ngayo’y gusto siyang kausapin ng bishop. Kabado siya.
“Gusto ka naming bigyan ng calling, Marco,” sabi ni Bishop Díaz. “Handa ka bang maglingkod bilang family history consultant?”
Nagtaas ng kilay si Marco. “Ano po ang ginagawa ng family history consultant?” tanong niya.
“Magandang tanong,” sabi ng bishop. “Nagpapakita sila ng halimbawa sa paggawa ng family history at gawain sa templo. At tinutulungan nila ang iba na gumawa rin ang family history nila.”
“OK po.” tumango si Marco. Kabado pa rin siya. Pero medyo sabik din. “Hindi pa po ako nakapunta sa templo. Pero nakagawa na po ako ng kaunting indexing.”
“Walang problema,” sabi ng bishop. “May calling din si Sister Sánchez sa family history. Matutulungan ka niyang matutuhan ang iba pa.”
Makalipas ang ilang linggo, nag-video call si Sister Sánchez kay Marco. Talagang mabait ito. Tinulungan nito si Marco na gumawa ng account sa FamilySearch.org. Pagkatapos ay tinuruan siya nito kung paano hanapin ang kanyang family tree.
Gusto ni Marco na makaalam tungkol sa kanyang pamilya. Gusto niyang makita ang kanyang mga lolo’t lola at lolo at lola-sa-tuhod sa kanyang family tree. Tinuruan siya ni Sister Sánchez kung paano magdagdag ng mga retrato ng mga kapamilya. Natuto rin siya kung paano magdagdag ng mga taong wala pa sa FamilySearch.
Ang isang taong idinagdag ni Marco sa FamilySearch ay ang tita niyang si Tía Mirna. Namatay ito sa kanser noong nakaraang taon. Miss na miss na ito ni Marco. Na-miss niya ang masayang ngiti nito. Naipadama palagi ng tía niya na mahal siya nito.
Sa tulong ni Mamá, nai-type ni Marco ang petsa noong isinilang si Tía Mirna at ang petsa noong pumanaw ito. Idinagdag niya ang mga retrato nito. Nag-type pa siya ng ilang alaala niya tungkol dito.
Hindi pa nabinyagan si Tía Mirna. Pero sa templo, maaaring magpabinyag ang kapatid ni Marco na si Lizerya para sa kanya. Kaya nagplano si Marco at ang pamilya niya na magpunta sa templo. Natagpuan ni Marco ang iba pang mga kapamilya sa FamilySearch na ilang taon nang pumanaw. Maaari din siyang magpabinyag para sa kanila.
Ngayong mas marami nang alam si Marco tungkol sa family history, sabik na siyang tulungan ang iba. Nagpatotoo siya tungkol sa family history sa isang aktibidad ng Simbahan. At inanyayahan niya ang iba pang mga kabataan sa ward nila na sumama sa pamilya niya sa temple trip nila.
Sa wakas ay oras na para sa unang pagpunta ni Marco sa templo. Tuwang-tuwa si Marco! Espesyal ang maparoon kasama ang kanyang pamilya at ang iba pang mga kabataan. Pero higit sa lahat, tuwang-tuwa si Marco na mabibinyagan si Lizerya para kay Tía Mirna.
Matapos silang magpalit ng puting damit, pinanood ni Marco ang paglusong nina Papi at Lizerya sa bautismuhan. Maganda ang pakiramdam ni Marco nang panoorin niya si Papi na binibinyagan ang kapatid niya para kay Tía Mirna. Nagpahid ng mga luha ng kaligayahan si Mamá.
Pagkatapos ay si Marco na ang bibinyagan. Lumusong siya sa tubig para mabinyagan para sa iba pang mga kapamilya.
Ngumiti si Marco. Masaya siya na may nasubukan siyang bago sa pamamagitan ng paggawa ng family history. Maganda naman pala ang calling sa family history!