Magkakaibigan Tuwing Recess
Ayaw ni Jason na maglaro ng soccer na tulad ng ibang mga bata.
Araw-araw sa oras ng recess, umuupo si Jason sa ilalim ng isang malilim na puno at nagbabasa ng aklat. Karamihan sa iba pang mga bata ay naglalaro ng soccer. Nakipaglaro na si Jason sa kanila dati, pero hindi niya talaga nagustuhan iyon. Hindi siya gaanong mahusay sa pagtakbo nang mabilis o pagsipa ng bola. At hindi siya komportableng makasama ang maraming batang nagtatakbuhan at nagsisigawan.
Pero ayaw ni Jason na malungkot at mapag-iwanan. Tila masayang-masaya ang iba pang mga bata! Gusto rin niyang magsaya kasama ang mga kaibigan.
Isang araw sa oras ng recess, tumingala si Jason mula sa pagbabasa niya ng aklat. Napansin niya si Kira na nakaupo sa isang picnic table, at nagbabasa. Pagkatapos ay nakita niya si Mark na sinisipa ang isang bato papunta sa pader. Bakit hindi sila naglalaro ng soccer na tulad ng lahat ng iba pa?
Kinabukasan, muling nanood si Jason. Nagbabasa si Kira sa picnic table, tulad kahapon. Nakaupo si Mark sa damuhan. Iniikit niya sa daliri niya ang ilang damo. Bumalik si Jason sa pagbabasa. Pero panay ang tingin niya kina Kira at Mark. Siguro gusto rin nilang gumawa ng tahimik na mga bagay.
Nang hapong iyon, kinausap ni Jason si Inay. “Araw-araw po sa oras ng recess, nagbabasa ako ng aklat,” sabi niya. “Pero naglalaro ng soccer ang iba pang mga bata.”
“Wala namang masama roon.” Ngumiti si Inay. “Ganoon din ako noong kaedad mo ako. Palaging nagbabasa.”
Ngumiti rin si Jason. Gusto niya kapag magkasama sila ni Inay na nagbabasa ng mga aklat.
“Akala ko ako lang ang ayaw sa soccer,” sabi ni Jason. “Pero may dalawa pa pong batang hindi rin naglalaro.” Ikinuwento niya kay Inay sina Kira at Mark.
“Siguro maaari mo silang kaibiganin,” sabi ni Inay.
Tumango si Jason. “Siguro po. Pero hindi ko po alam kung ano ang gagawin namin.”
“Pareho kayong mahilig ni Kira sa pagbabasa, pero isang bagay iyon na ginagawa ninyong mag-isa,” sabi ni Inay. “Ano pa ang gusto mong gawin?”
“Gusto ko pong maglaro ng checkers,” sabi ni Jason. “At may checkerboard sa paaralan.”
“Hmm,” sabi ni Inay. “Ano ang puwede mong gawin sa checkerboard na iyon? Siguro sa oras ng recess?” Nagkunwari itong nag-iisip tungkol doon.
Tumawa si Jason. “Palagay ko po may ideya ako.”
Kinabukasan nang tumunog ang bell para sa recess, kinuha kaagad ni Jason ang checkers set. Nagpunta siya sa picnic table kung saan nagbabasa si Kira. Nang tumingala si Kira, ipinakita ni Jason ang laro. “Gusto mong magpasimula ng tournament?”
“Siguro,” sabi ni Kira. “Pero dalawa lang tayo.”
“Sandali lang,” sabi ni Jason. Patakbo niyang pinuntahan si Mark, na nakaupo ulit sa damuhan.
“Uy, Mark,” sabi ni Jason. “Gusto mong maglaro ng checkers? Puwede tayong magpasimula ng tournament.”
Ngumiti si Mark. “Naglalaro kami ng tatay ko ng checkers,” sabi nito. “Magaling ako diyan.”
“OK!” Gumanti ng ngiti si Jason. “Laro na tayo.”