Labindalawang Smiley Sticker
Makukumpleto kaya ni Antonio ang hamon?
“May hamon ako para sa inyo,” sabi ng Primary teacher ni Antonio. “Ang isang paraan para maging katulad ni Jesus ay tulungan ang iba. Kaya sa linggong ito, sikaping tulungan ang pinakamaraming taong kaya ninyong tulungan.”
Binigyan niya ang lahat ng isang pirasong papel at 12 smiley-face sticker. “Tuwing tutulong kayo sa isang tao, dikitan ng isang smiley face ang papel ninyo. Pagkatapos ay dalhin sa klase ang papel ninyo sa susunod na linggo.”
Nasabik si Antonio na isagawa ang hamon. Pero mas mahirap iyon kaysa sa narinig niya. Hindi nagtagal ay Huwebes na, at wala pa rin siyang mga sticker sa papel niya. “Ama sa Langit, tulungan Ninyo sana ako na makahanap ng taong tutulungan,” pagdarasal niya.
Kinaumagahan, ipinaalam ni Antonio kay Inay ang hamon. “Hindi ko po alam kung sino ang tutulungan!” sabi niya.
Sa sandaling iyon, nagsimulang umiyak ang batang kapatid ni Antonio. “Maaari kong bantayan si Zach habang naghahanda kayo ng almusal,” sabi ni Antonio.
Pinakitaan niya ang bata ng ilang nakakatuwang mukha. Hindi nagtagal ay nakangiti at humahagikgik na si Zach.
“Kung hindi pa nararapat diyan ang isang smiley face,” sabi ni Inay, “ewan ko na kung ano pa ang iba!”
Pagkatapos mag-almusal, naghugas ng mga pinggan si Antonio. Pinalabas niya ang isang gagamba sa kuwarto ng kapatid niyang babae. Dalawa pang smiley face!
Paglabas ng eskuwela tinulungan ni Antonio si Itay na paliguan ang aso nilang si Radar sa labas ng bahay. Nang matapos sila, iwinagwag ni Radar ang tubig mula sa balahibo nito. Natawa sina Antonio at Itay.
Pagkatapos ay nakita ni Antonio si Mr. Wakefield sa kabila ng kalye na nagbubunot ng mga damo. “Puwede ko po ba siyang tulungan, Itay? Mukha siya talagang naiinitan at pagod na.”
“Magandang ideya iyan,” sabi ni Itay. Nang mabunot na ang huling damo, ang laki ng ngiti ni Mr. Wakefield.
Pagsapit ng Sabado, 11 na ang smiley face ni Antonio sa papel niya. Isa na lang ang kailangan niya para tapusin ang hamon! Sabi ni Inay bibisitahin nila si Lolo Francisco, na nakatira sa isang bahay-kalinga. Nagkaroon ng ideya doon si Antonio! Inilabas niya ang kanyang mga krayola at marami siyang idinrowing.
Pagdating nila roon, iniabot ni Antonio sa lolo niya ang isang drowing ng paglubog ng araw. Ngumiti nang kaunti si Lolo Francisco kay Antonio. Pagkatapos ay ibinigay ni Antonio ang natitirang mga drowing sa iba pang mga taong nakatira doon. Napakaraming masasayang ngiti!
Sa daan pauwi, sabi ni Inay, “Puwede tayong tumigil sa isang tindahan para bumili ng iba pang mga smiley face sticker kung gusto mo.”
“Hindi ko po ginawa iyon para makakuha ng mas maraming sticker,” sabi ni Antonio. “Gusto ko pong pasayahin ang mga tao.”
“At nagpapasaya iyon sa Ama sa Langit at kay Jesus!” sabi ni Itay.
“Mukhang masaya ka rin,” sabi ni Inay. Sumakit ang pisngi ni Antonio sa sobrang pagngiti.