Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 5–11: “Malayang Makapipili ng Kalayaan at Buhay na Walang Hanggan, sa Pamamagitan ng Dakilang Tagapamagitan.” 2 Nephi 1–2


“Pebrero 5–11: ‘Malayang Makapipili ng Kalayaan at Buhay na Walang Hanggan, sa Pamamagitan ng Dakilang Tagapamagitan.’ 2 Nephi 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Pebrero 5–11. 2 Nephi 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

sina Adan at Eva na nililisan ang Halamanan ng Eden

Adam and Eve [Adan at Eva], ni Douglas Fryer

Pebrero 5–11: “Malayang Makapipili ng Kalayaan at Buhay na Walang Hanggan, sa Pamamagitan ng Dakilang Tagapamagitan”

2 Nephi 1–2

Kung alam mo na mamamatay ka na, ano ang mga huling mensahe na gugustuhin mong ibahagi sa mga taong pinakamamahal mo? Nang madama ng propetang si Lehi na malapit na siyang mamatay, tinipon niya ang kanyang pamilya sa huling pagkakataon. Ibinahagi niya sa kanila ang naihayag ng Ama sa Langit sa kanya. Nagpatotoo siya tungkol sa Mesiyas. Itinuro niya ang mga katotohanan ng ebanghelyo na pinakamamahal niya sa mga taong pinakamamahal niya. Tinalakay niya ang kalayaan, pagsunod, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo, at kagalakan. Hindi lahat ng anak niya ay piniling mamuhay ayon sa kanyang itinuro—walang sinuman sa atin ang makakagawa ng gayong mga pagpapasiya para sa ating mga mahal sa buhay. Ngunit maaari tayong magturo at magpatotoo tungkol sa Manunubos, na ginagawa tayong “malayang [makapili] ng kalayaan at buhay na walang hanggan” (tingnan sa 2 Nephi 2:26–27).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

2 Nephi 1:13–29

Kaya kong “gumising! at bumangon mula sa alabok.”

Sa 2 Nephi 1:13–29, pansinin ang mga salitang ginamit ni Lehi para ilarawan ang espirituwal na kalagayan nina Laman at Lemuel. Ano ang nakakatulong sa iyo na gumising mula sa isang espirituwal na “mahimbing na pagkakatulog”? Ano ang nakakatulong sa iyo para iwagwag ang mga espirituwal na “tanikala” sa buhay mo? Pag-isipan ang patotoo ni Lehi sa talata 15 at ang kanyang paanyaya sa talata 23. Ano ang mensahe ng Ama sa Langit para sa iyo sa mga talatang ito?

Gumamit ng mga visual. Ang paggamit ng mga visual ay magpapaunawa sa mga mag-aaral sa mga katotohanan ng ebanghelyo at mas maalala nila ang mga ito. Habang naghahanda kang magturo mula sa outline na ito, isipin kung anong mga visual ang magagamit mo. Halimbawa, makakatulong siguro ang isang kadenang papel para maunawaan ng mga mag-aaral ang mga salita ni Lehi sa 2 Nephi 1:13 o sa 2 Nephi 2:27.

icon ng seminary

2 Nephi 2

Dahil kay Jesucristo, ako ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan.”

Ang pamilya ni Lehi ay nasa bagong lupain na ngayon, puno ng mga bagong posibilidad. Ang mga pagpiling ginawa nila sa bagong lugar na ito ay magiging mahalaga sa kanilang tagumpay at kaligayahan. Marahil ay ito ang dahilan kaya tinuruan ni Lehi ang kanyang anak na si Jacob tungkol sa kalayaang pumili, o ang kakayahang magpasiya, sa 2 Nephi 2. Habang pinag-aaralan mo ang mga talata 11–30, isulat ang mga posibleng sagot sa mga tanong na ito:

  • Bakit napakahalaga ng kalayaang pumili sa Ama sa Langit, kahit ginagamit ito ng ilang tao sa masasakit na paraan?

  • Paano sinisikap ng kaaway na pahinain o sirain ang iyong kalayaang pumili?

  • Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na “[piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan” (talata 27)?

Narito ang isa pang paraan para malaman ang tungkol sa kalayaang pumili sa 2 Nephi 2: Maghanap ng mga bagay na mahalaga para magkaroon tayo ng kalayaang pumili at maabot ang ating banal na potensyal. Halimbawa:

Ano ang mangyayari sa ating kalayaang pumili kung wala ang isa o mahigit pa sa mga bagay na ito?

Bawat isa sa anim na bahagi ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili ay naglalaman ng “Mga Paanyaya” at “Mga Ipinangakong Pagpapala.” Tingnan ang isa o mahigit pa sa mga bahaging ito, at pumili ng isang ipinangakong pagpapala na inaasam mo sa iyong buhay. Anong paanyaya ang kailangan mong sundin para matanggap ang pagpapalang ito? Isiping ibahagi sa isang tao ang mga pagpapalang natanggap mo mula sa pagsunod sa mga paanyayang ito.

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalayaang Pumili at Pananagutan,” Gospel Library.

2 Nephi 2: 1–4, 6–25

Magagawa ng Diyos na mga pagpapala ang aking mga pagsubok.

Alam ni Lehi na ang kanyang bata pang anak na si Jacob ay dumanas ng “mga kahirapan” at “maraming kalungkutan” sa kanyang kamusmusan (2 Nephi 2:1). Sa palagay mo, bakit naging mahalaga sana kay Jacob ang patotoo ni Lehi sa 2 Nephi 2:1–3, 6–25 ? Bakit ito mahalaga sa iyo? Maghanap ng mga salita at parirala na lalong makapangyarihan para sa iyo. Paano nailaan ng Diyos ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan? (Tingnan sa 2 Nephi 2:2.)

Tingnan din sa Roma 8:28; Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 41–45.

2 Nephi 2:15–29

Ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Maraming tao ang naniniwala na ang Pagkahulog ay isang trahedya lamang at na nakagawa ng permanenteng pagkakamali sina Eva at Adan nang piliin nilang kainin ang bunga. Sa 2 Nephi 2:15–28, nagturo si Lehi ng karagdagang katotohanan tungkol sa Pagkahulog—at tungkol sa pagtubos sa pamamagitan ni Cristo. Habang sinasaliksik mo ang mga talatang ito, ilista ang mga katotohanan kung ano ang nangyari sa Halamanan ng Eden. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito:

  • Bakit kinailangan ang Pagkahulog?

  • Ano ang naging papel ni Jesucristo sa pagdaig sa mga epekto ng Pagkahulog?

  • Paano mas naipauunawa sa atin ng tamang pagkaunawa sa Pagkahulog ang pangangailangan natin kay Jesucristo?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Jesucristo

Let Not Your Hearts Be Troubled [Huwag Hayaang Mabagabag ang Inyong Puso], ni Howard Lyon

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Nephi 1:13, 15, 23

Tinutulungan ako ni Jesucristo na madaig ang mga epekto ng kasalanan.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak ang paanyaya ni Lehi na “iwagwag ang mga tanikala” ng kasalanan, maaari siguro kayong magtulungan sa paggawa ng isang kadena mula sa mga piraso ng papel. Sa mga piraso ng papel, maaari kang tulungan ng iyong mga anak na isulat ang ilang bagay na tinutukso tayo ni Satanas na gawin natin. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang 2 Nephi 1:13, 15, 23 habang isinasadula nila ang ilan sa mga parirala sa mga talatang ito—kabilang na ang pagwagwag sa kadenang papel. Paano naging katulad ng kadena ang kasalanan? Paano tayo tinutulungan ni Jesus na “iwagwag ang mga tanikala” ng kasalanan?

2 Nephi 1:20

Pinagpapala ako kapag sinusunod ko ang mga utos ng Diyos.

  • Makakatulong ba sa iyong mga anak na ikumpara ang mga utos ng Diyos sa mga sapatos, sumbrero, guwantes, o iba pang mga bagay na nagpoprotekta sa atin? Maaari mo sigurong hayaan na subukan nila ang ilan habang pinag-uusapan ninyo kung paano tayo pinoprotektahan ng mga kautusan. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang 2 Nephi 1:20, na binibigyang-diin na tayo ay “uunlad” (pinagpapala o pinoprotektahan) kapag sinusunod natin ang mga kautusan. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan ikaw ay pinagpala o pinrotektahan sa pagsunod sa mga kautusan.

  • Para mailarawan ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-unlad at pagkawalay sa Diyos (tingnan sa 2 Nephi 1:20), maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang isang malusog na halaman at isang dahon o sanga na naputol mula sa halaman. Pagkatapos ay maaaring rebyuhin ng iyong mga anak ang mga pagpiling ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapatid (tingnan sa 1 Nephi 2:11–16; 3:5–7; 18:9–11). Ano ang naging mga resulta ng mga pagpiling ito? Anong mga pagpili ang tumutulong sa atin na manatiling konektado sa Diyos?

2 Nephi 2:11, 16, 27

Binigyan ako ng Diyos ng kalayaang pumili.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak ang itinuro ni Lehi tungkol sa mga kabaligtaran at paggawa ng mga pagpili, maaari kayong maglaro ng isang game kung saan sasabihin mo ang isang salita (tulad ng liwanag) at sasabihin ng iyong mga anak ang kabaligtaran nito (dilim). Tulungan silang malaman kung bakit bahagi ng plano ng Diyos ang mga kabaligtaran habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Nephi 2:11, 16. Pagkatapos ay maaari kang magbahagi ng mga kuwento tungkol sa isang bata na natuksong gumawa ng maling pagpili. Maaaring ibahagi ng iyong mga anak kung ano ang kabaligtaran ng maling pagpili at isagawa iyon.

  • Para malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng “kalayaan” at ng “pagkabihag” (2 Nephi 2:27), maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng isang hayop na nakakulong at isang hayop na nasa likas na kapaligiran nito. Aling hayop ang malaya? Anyayahan ang mga bata na ituro ang tamang larawan kapag binasa mo ang salitang “malaya” sa 2 Nephi 2:27. Magpatotoo na pinalalaya tayo ni Jesucristo.

  • Sama-samang kantahin ang isang awiting tulad ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145). Ano ang matututuhan natin mula sa awitin tungkol sa paggawa ng mga pagpili?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

pamilya ni Lehi na nakaluhod sa dalampasigan

Lehi and His People Arrive in the New World [Nakarating si Lehi at ang Kanyang mga Tao sa Bagong Mundo], ni Clark Kelley Price