“Pebrero 12–18: ‘Kami ay Namuhay nang Maligaya.’ 2 Nephi 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Pebrero 12–18. 2 Nephi 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Pebrero 12–18: “Kami ay Namuhay nang Maligaya”
2 Nephi 3–5
Sa pagbasa sa 1 Nephi, maaari mong maisip na lubhang kapansin-pansin ang hitsura ni Nephi. “May malaking pangangatawan” kapwa sa pisikal at sa espirituwal (1 Nephi 2:16), tila hindi siya natitinag sa mga pagsubok na dinanas niya. O kahit paano’y iyan ang maaari nating ipalagay. Kahit pambihira ang pananampalataya ni Nephi, nahahayag sa kanyang magigiliw na salita sa 2 Nephi 4 na kahit ang pinakamatatapat na tao’y nadarama kung minsan na sila ay “kahabag-habag” at “madaling [mabihag]” ng mga tukso. Dito ay nakikita natin ang isang taong nagsisikap, na gustong maging masaya, ngunit ang “puso ay dumaraing dahil sa [kanyang] mga kasalanan.” Makakaugnay tayo rito at sa matibay na determinasyong sumunod dito: “Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala” (tingnan sa 2 Nephi 4:15–19).
Bagama’t natutuhan ni Nephi at ng kanyang mga tao na mamuhay “nang maligaya” (2 Nephi 5:27), natutuhan din nila na ang kaligayahan ay hindi dumarating nang madali o nang walang mga panahon ng kalungkutan. Sa huli ay nagmumula ito sa pagtitiwala sa Panginoon, “ang bato ng [ating] kabutihan” (2 Nephi 4:35).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Pinili ng Diyos si Joseph Smith para ipanumbalik ang ebanghelyo.
Ibinahagi ni Lehi sa kanyang anak na si Jose ang isang propesiyang ibinigay ni Jose ng Ehipto. Ang propesiya ay tungkol sa isang magiging “piling tagakita,” si Joseph Smith. Ano ang sinasabi sa mga talata 6–24 na gagawin ni Joseph Smith para pagpalain ang mga tao ng Diyos? Isipin kung paano naging “malaki ang kahalagahan” sa iyo ng gawain ni Joseph Smith? Pag-isipan ang mga tanong na katulad ng mga ito, at isiping itala ang iyong mga sagot:
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa itinuro ni Joseph Smith?
-
Paano naiba ang buhay mo dahil sa ipinanumbalik ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith?
-
Ano ang magiging buhay mo kung hindi nangyari ang Pagpapanumbalik?
Ang isang mahalagang bahagi ng misyon ni Joseph Smith ay ang ilabas ang Aklat ni Mormon. Ano ang matututuhan mo mula sa kabanatang ito kung bakit mahalaga ang Aklat ni Mormon? Partikular na, maaari mong hanapin ang mga dahilan sa mga talata 7, 11–13, 18–24.
Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa apendise ng Biblia); Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Joseph Smith,” Gospel Library; “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.
“O Panginoon, ako ay nagtiwala sa iyo.”
Sinabi ni Nephi na kanyang “[isusulat] ang mga bagay ng aking kaluluwa” (talata 15). Habang binabasa mo ang isinulat niya sa 2 Nephi 4:15–35, itanong sa iyong sarili, “Ano ang mga bagay ng aking kaluluwa?” Isiping isulat ang mga iyon, tulad ng ginawa ni Nephi, at ibahagi ang mga iyon sa mga taong mahal mo.
Ang makita kung paano nakadama ng kapanatagan si Nephi nang mahirapan siya at mabalisa ay maaaring makatulong sa iyo kapag gayon din ang nadarama mo. Hanapin sa mga talata 15–35 ang mga siping naghahatid sa iyo ng kapanatagan. May kakilala ka ba na maaaring makadama ng kapanatagan sa mga talatang ito?
Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Ang mga Bagay ng Aking Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 39–41.
Maaari akong makasumpong ng kaligayahan sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging maligaya? Isinulat ni Nephi na ang kanyang mga tao ay namuhay “nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Maaari mong hanapin ang mga pagpapasiyang ginawa ni Nephi at ng kanyang mga tao na nakatulong sa kanila na maging maligaya (tingnan, halimbawa sa 2 Nephi 5:6, 10–17). Ano ang maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng maligayang buhay tulad ng mga tao ni Nephi?
Ano ang sumpa na sumapit sa mga Lamanita?
Noong panahon ni Nephi ang sumpa sa mga Lamanita ay na sila ay “[itinakwil] mula sa [harapan ng Panginoon] … dahil sa kanilang kasamaan” (2 Nephi 5:20–21). Ang ibig sabihin nito ay binawi ang Espiritu ng Panginoon sa buhay nila. Nang tanggapin kalaunan ng mga Lamanita ang ebanghelyo ni Jesucristo, “ang sumpa ng Diyos ay hindi na sila sinundan pa” (Alma 23:18).
Nakasaad din sa Aklat ni Mormon na ang tanda ng maitim na balat ay sumapit sa mga Lamanita matapos humiwalay sa kanila ang mga Nephita. Ang likas na katangian at hitsura ng tandang ito ay hindi ganap na nauunawaan. Ang tandang ito noong una ang ipinagkaiba ng mga Lamanita sa mga Nephita. Kalaunan, nang kapwa dumaan ang mga Nephita at Lamanita sa mga panahon ng kasamaan at kabutihan, nawalan na ng kabuluhan ang tanda.
Pinagtitibay ng mga propeta sa ating panahon na ang maitim na balat ay hindi tanda ng pag-ayaw o sumpa ng langit. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat” (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94).
Tulad ng itinuro ni Nephi, ang Panginoon ay “[walang] tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Si Joseph Smith ay isang propeta.
-
Isipin kung paano mo maituturo sa iyong mga anak ang dakilang gawaing isinakatuparan ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith. Para makapagsimula, maaari mong tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang salitang “tagakita” sa 2 Nephi 3:6 at ipaliwanag na ang mga propeta ay tinatawag na mga tagakita dahil tinutulungan sila ng Ama sa Langit na makita ang mga bagay na hindi natin nakikita. Ibahagi kung bakit ka nagpapasalamat na magkaroon ng isang tagakitang namumuno sa Simbahan.
-
Ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay may ilang larawang magagamit mo para magturo tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith (tingnan sa mga larawan 89–95). Hayaang ibahagi ng iyong mga anak ang nalalaman nila tungkol sa mga larawan. Bakit tinawag na “piling tagakita” si Joseph Smith? Ano ang ginawa ni Joseph Smith na “malaki ang kahalagahan”? (talata 7).
Mahal ko “ang mga bagay ng Panginoon.”
-
Ano ang nagpapasaya sa atin? Isiping sama-samang basahin ang mga talata mula sa 2 Nephi 4 para malaman kung ano ang nagpalugod kay Nephi o nagpasaya sa kanya (tingnan sa mga talata 15–16, 20–25, 34–35). Sa kanyang mensaheng “Ang mga Bagay ng Aking Kaluluwa,” nagbahagi si Elder Ronald A. Rasband ng pitong “bagay ng Panginoon” na mahalaga sa kanya (Liahona, Nob. 2021, 39–41). Marahil ay maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang kanyang listahan at pag-usapan ang “mga bagay ng Panginoon” na mahalaga sa inyo.
-
Inilalarawan din sa 2 Nephi 5 ang mga bagay na nakatulong sa mga Nephita na mamuhay “nang maligaya” (talata 27). Maaari kang magbigay ng ilang salita o larawan na kumakatawan sa mga bagay na ito at tulungan ang iyong mga anak na itugma ang mga ito sa mga talata sa kabanata 5. Kasama sa ilang halimbawa ang pamilya (talata 6), mga utos ng Diyos (talata 10), mga banal na kasulatan (talata 12), gawain (mga talata 15 at 17), mga templo (talata 16), at mga calling sa Simbahan (talata 26). Paano nagpapasaya sa atin ang mga bagay na ito?
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
-
Habang binabasa mo ang 2 Nephi 5:15–16 sa iyong mga anak, maaari silang magkunwari na tinutulungan nila si Nephi na magtayo ng isang templo. Maaari ka ring magpakita sa kanila ng mga larawan ng iba’t ibang gusali, kabilang na ang isang templo. Paano naiiba ang mga templo sa iba pang mga gusali? Ibahagi sa isa’t isa kung bakit mahalaga sa inyo ang templo (tingnan din sa “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awiting Pambata, 99).