Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 19–25: “O Kay Dakila ng Plano ng Ating Diyos.” 2 Nephi 6–10


Pebrero 19–25: ‘O Kay Dakila ng Plano ng Ating Diyos.’ 2 Nephi 6–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Pebrero 19–25. 2 Nephi 6–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Jesus na nagdarasal sa Getsemani

Not My Will, but Thine, Be Done [Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo], ni Harry Anderson

Pebrero 19–25: “O Kay Dakila ng Plano ng Ating Diyos”

2 Nephi 6–10

Hindi bababa sa 40 taon na ang nakalipas mula nang lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem. Nasa kakaibang bagong lupain sila, na napakalayo sa Jerusalem. Namatay na si Lehi, at nasimulan na ng kanyang pamilya ang isang alitan na tatagal nang isang siglo sa pagitan ng mga Nephita—na “[naniwala] sa mga babala at paghahayag ng Diyos”—at ng mga Lamanita, na hindi naniwala rito (2 Nephi 5:6). Si Jacob, na nakababatang kapatid ni Nephi at ngayo’y inorden na bilang guro para sa mga Nephita, ay nagnais na malaman ng mga pinagtipanang tao na hindi sila kailanman kalilimutan ng Diyos, kaya hindi nila Siya dapat kalimutan kailanman. Ito ay isang mensaheng tiyak na kailangan natin ngayon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:15–16). “Atin siyang alalahanin, … sapagkat hindi tayo itatakwil. … Dakila ang mga pangako ng Panginoon,” pahayag ni Jacob (2 Nephi 10:20–21). Sa mga pangakong iyon, wala nang hihigit pa sa pangako ng isang “walang hanggang pagbabayad-sala” para daigin ang kamatayan at impiyerno (2 Nephi 9:7). “Samakatwid,” pagtatapos ni Jacob, “magalak sa inyong mga puso”! (2 Nephi 10:23).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

2 Nephi 6–8

Ang Panginoon ay maawain sa Kanyang mga tao at tutuparin Niya ang Kanyang mga tipan.

Para maipaunawa sa kanyang mga tao na bahagi sila ng sambahayan ni Israel at maaaring magtiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, sinipi ni Jacob ang mga propesiya ni Isaias, na nakatala sa 2 Nephi 6–8. Ang mensaheng iyan ay para din sa iyo, dahil ang mga Banal sa mga Huling Araw ay bahagi rin ng mga pinagtipanang tao ng Diyos. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pag-isipan ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Ano ang matututuhan ko tungkol sa nakatutubos na pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin? Anong mga salita o parirala ang lubos na nagpapahayag ng pagmamahal na ito?

  • Ano ang alok ng Tagapagligtas sa mga taong naghahanap sa Kanya?

  • Ano ang magagawa ko para mas tapat na “maghintay” sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinangakong mga pagpapala?

icon ng seminary

2 Nephi 9:1–26

Inililigtas ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan.

Ang isang paraan para mapalalim ang pagpapahalaga natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay pag-isipan kung ano kaya ang mangyayari sa atin kung wala Siya. Habang binabasa mo ang 2 Nephi 9:1–26, isiping markahan ng isang kulay kung ano ang mangyayari sa atin kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos, gamit ang isa pang kulay, maaari mong markahan kung ano ang matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Batay sa nabasa mo, paano mo ipaliliwanag kung bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Ano ang nakita mo na naghihikayat sa iyong purihin ang “karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya”? (2 Nephi 9:8).

Dagdag pa sa pagtuturo kung mula saan tayo iniligtas ni Jesucristo, nagbigay rin si Jacob ng mga ideya kung paano Niya ito ginawa. Isiping itala ang matatagpuan mo sa 2 Nephi 9:11–15, 20–24.

Manghang-mangha si Jacob sa plano ng pagtubos ng Diyos kaya ibinulalas niya, “O kaydakila ng plano ng ating Diyos.” Hanapin ang mga pagpapahayag niya sa 2 Nephi 9 (karamihan sa mga iyon ay matatagpuan sa mga talata 8–20). Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa plano ng Diyos? Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na madama ang ilan sa nadama ni Jacob? Bilang bahagi ng iyong pagsamba at pag-aaral, isiping maghanap ng isang himno na maaaring magpahayag ng nadarama mo tungkol sa Kanya, tulad ng “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48).

Tingnan din sa “Nagturo si Jacob tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Gospel Library.

5:5

Nagturo si Jacob tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli | 2 Nephi 6:5–11; 9

Nagturo si Jacob tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli | 2 Nephi 6:5–11; 9

2 Nephi 9:7

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang hanggan.

Ano ang magagawa mo para mas maunawaan ang “walang hanggang pagbabayad-sala” ni Jesucristo? (2 Nephi 9:7). Marahil ay maaari mong tingnan ang mga bagay na tila walang hanggan sa dami—mga damo sa parang, mga butil ng buhangin sa dalampasigan, o mga bituin sa langit. Paano naging walang hanggan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Paano rin ito naging personal? Anong mga parirala sa 2 Nephi 9 ang tumutulong sa iyo para magpasalamat sa ginawa ng Tagapagligtas para sa iyo?

2 Nephi 9:27–54

Maaari akong lumapit kay Cristo at sundin ang plano ng Diyos.

Sa 2 Nephi 9, gumamit si Jacob ng dalawang makapangyarihan at magkasalungat na parirala: “ang maawaing plano ng dakilang Lumikha” at “yaong tusong plano niyang masama” (2 Nephi 9:6, 28). Marahil ay maaari kang magdrowing ng isang landas at lagyan ito ng label na Plano ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay saliksikin ang 2 Nephi 9:27–52. Hanapin ang mga babala at paanyayang ibinigay ni Jacob para tulungan tayong sundin ang planong ito. Isulat ang makikita mo sa tabi ng landas. Paano tayo tinatangkang akayin ni Satanas palayo sa plano ng Diyos? Ano ang nahihikayat kang gawin bilang tugon sa mga babala at paanyaya ni Jacob?

2 Nephi 10:20, 23–25

Ang sakripisyo ni Jesucristo ay maaaring maghatid sa akin ng kagalakan.

Ang mensahe ni Jacob ay masaya. “Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito,” sabi niya, “upang kayo ay magsaya, at itaas ang inyong mga ulo magpakailanman” (2 Nephi 9:3). Habang binabasa mo ang 2 Nephi 10:20, 23–25, ano ang nakikita mo na nagpapasaya sa puso mo? Ano ang gagawin mo para maalala ang mga bagay na ito kapag pinanghihinaan ka ng loob?

Tingnan din sa Juan 16:33; D. Todd Christofferson, “Ang Kagalakan ng mga Banal,” Liahona, Nob. 2019, 15–18; “Hinikayat ni Jacob ang mga Nephita na Makipagkasundo sa Diyos” (video), Gospel Library.

3:2

Hinikayat ni Jacob ang mga Nephita na Makipagkasundo sa Diyos | 2 Nephi 10:3–25

2 Nephi 10:3–25 | Nagpropesiya si Jacob, isang propeta sa Aklat ni Mormon, tungkol kay Jesucristo at hinikayat niya ang mga Nephita na alalahanin ang kanilang Tagapagligtas, magsisi, at makipagkasundo sa Diyos.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Nephi 9:6–10, 19–24

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

  • Paano mo maipauunawa at maipadarama sa iyong mga anak na kailangan nila ang Tagapagligtas na si Jesucristo? Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaari ring makatulong. Gumagamit ito ng simpleng analohiya ng isang hukay at isang hagdan. Isiping gamitin ang 2 Nephi 9:21–22 para ikuwento sa iyong mga anak kung bakit ka nagpapasalamat para kay Jesucristo.

  • Ang isang paraan para maipaunawa sa iyong mga anak kung bakit kailangan natin ang Tagapagligtas ay turuan sila tungkol sa Pagkahulog. Maaari kang magpakita ng larawan nina Adan at Eva, tulad ng Pag-alis sa Halamanan ng Eden (Gospel Library), at isang larawan ni Jesucristo na nakapako sa krus. Isiping hilingin sa kanila na ilarawan ang nangyayari sa bawat retrato. Paano tayo katulad nina Adan at Eva? Marahil ay makakatulong sa kanila ang 2 Nephi 9:6–10 para makita kung ano ang ginagawa ni Jesucristo para sa atin. Isiping anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol kay Jesucristo. Ang isang awiting tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 42–43) ay makakatulong.

Magturo ng katotohanan gamit ang mga kuwento at halimbawa. Tiyakin na ang mga kuwento at halimbawang ginagamit mo ay nagtuturo ng katotohanan. Halimbawa, kapag ginamit mo ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, ituro na pumasok si Jesucristo sa “hukay” para tulungan tayo sa bawat hakbang habang umaahon tayo.

2 Nephi 9:20, 28–29, 42–43, 49

“Ang aking puso ay nalulugod sa kabutihan.”

  • Para mahikayat ang iyong mga anak na “[malugod] sa kabutihan” o masayang sundin ang Panginoon (2 Nephi 9:49), marahil ay maaari kang magbahagi ng mga halimbawa kung saan gumagawa ang isang bata ng mabuting pasiya o ng masamang pasiya. Anyayahan ang mga bata na tumayo kapag ang pasiya ay nagpapasaya at umupo kapag ang pasiya ay nagpapalungkot. Kailan tayo naging masaya dahil nagpasiya tayong sundin si Jesucristo?

  • Malamang na makipag-ugnayan ang iyong mga anak sa mga tao (kung hindi pa nila nagagawa) na iniisip na ang mga utos ng Panginoon ay kalokohan o makaluma. Maaari siguro ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung paano ipaliwanag kung bakit masaya tayong sundin ang mga kautusan. Bakit mahalagang magtiwala sa payo ng Diyos kahit hindi natin lubusang nauunawaan ito? Maaari mo silang hikayating maghanap ng tulong sa 2 Nephi 9:20, 28–29, 42–43 para pag-isipan at talakayin ang mga tanong na ito.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jesus na pinagagaling ang mga tao

He Healed Many of Diverse Diseases [Pinagaling Niya ang Maraming Iba’t Ibang Sakit], ni J. Kirk Richards