“Pebrero 26–Marso 3: ‘Ang Kanyang Pangalan ay Tatawaging … Ang Prinsipe ng Kapayapaan.’ 2 Nephi 11–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Pebrero 26–Marso 3. 2 Nephi 11–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Pebrero 26–Marso 3: “Ang Kanyang Pangalan ay Tatawaging … Ang Prinsipe ng Kapayapaan”
2 Nephi 11–19
Hindi madaling umukit sa mga laminang metal, at limitado ang espasyo sa maliliit na lamina ni Nephi. Kaya bakit pagsisikapan ni Nephi na kopyahin ang napakaraming isinulat ni propetang Isaias sa kanyang talaan? Ginawa niya iyon dahil gusto niyang maniwala tayo kay Jesucristo. “Ang aking kaluluwa ay nalulugod,” pagsulat niya, “sa pagpapatunay sa aking mga tao ng katotohanan ng pagparito ni Cristo” (2 Nephi 11:4). Nakita ni Nephi ang mangyayari sa kanyang mga tao sa darating na mga henerasyon. Nakita niya na, sa kabila ng malalaking pagpapala sa kanila, sila ay magiging palalo, palaaway, at makamundo (tingnan sa 1 Nephi 12; 15:4–6). Nakita rin niya ang gayong mga problema sa ating panahon (tingnan sa 1 Nephi 14). Ang mga isinulat ni Isaias ay nagbabala laban sa gayong kasamaan. Pero nagbigay rin ito ng pag-asa kay Nephi para sa isang maluwalhating hinaharap—isang pagwawakas ng kasamaan, isang pagtitipon ng matatapat, at “dakilang liwanag” para sa mga taong “lumakad sa kadiliman” (2 Nephi 19:2). Lahat ng ito ay mangyayari dahil “isinilang ang isang bata” na maaaring magwakas ng lahat ng sigalutan—“Ang Prinsipe ng Kapayapaan” (2 Nephi 19:6).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Paano ko mas mauunawaan ang mga turo ni Isaias?
Inamin ni Nephi na “hindi malinaw … ang mga salita ni Isaias” (2 Nephi 25:4). Pero nagbahagi rin siya ng mga ideya para tulungan tayong makita ang kahulugan sa mga isinulat ni Isaias:
-
“[Ihalintulad] ang kanyang mga salita sa” sarili mo (2 Nephi 11:2). Maraming posibleng kahulugan at aplikasyon ang marami sa mga turo ni Isaias. Halimbawa, kapag nagbasa ka tungkol sa mga tirahan sa 2 Nephi 14:5–6, isipin kung paano naaangkop ang mga talatang ito sa iyong tahanan. Itanong sa sarili mo, “Ano ang gusto ng Ama sa Langit na matutuhan ko?”
-
Hanapin ang mga simbolong nauukol kay Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4). Marami sa mga turo ni Isaias tungkol sa Tagapagligtas ang ipinararating sa pamamagitan ng mga simbolo. Halimbawa, paano kinakatawan ang Tagapagligtas sa 2 Nephi 19:2? Ano ang itinuturo sa iyo ng simbolong ito tungkol sa Kanya?
-
“Hangaring [ma]puspos ng diwa ng propesiya” (2 Nephi 25:4). Habang nag-aaral ka, manalangin para sa espirituwal na patnubay. Maaaring hindi mo maunawaan ang lahat sa una, pero matutulungan ka ng Espiritu na matutuhan ang kailangan mong malaman.
Maaari ding makatulong sa iyo ang pagsangguni sa mga tulong sa pag-aaral sa mga banal na kasulatan, kabilang na ang mga talababa, heading ng mga kabanata, at Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ang mga institute manual ng Aklat ni Mormon at Lumang Tipan ay may karagdagang impormasyon na makakatulong sa iyo na malaman ang konteksto ng kasaysayan ng mga turo ni Isaias.
Pinatotohanan ni Isaias si Jesucristo.
Dahil gumamit si Isaias ng simbolikong wika, maaaring madaling hindi mapansin ang kanyang malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo. Hanapin ang Tagapagligtas sa 2 Nephi 13:13; 14:4–6; 15:1–7; 16:1–7; 17:14; 18:14–15; 22:2. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Kanya?
Nakalista sa propesiya sa 2 Nephi 19:6 ang ilang titulo ni Jesucristo. Paano Niya nagampanan ang mga papel na ito sa buhay mo?
Tingnan din sa Ulisses Soares, “Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2021, 82–84.
Ang mga palalo at makamundo ay magpapakumbaba.
Nakinita ni Nephi na kapalaluan ang magiging dahilan ng pagbagsak ng kanyang mga tao (tingnan sa 1 Nephi 12:19). Kaya hindi nakakagulat na ibabahagi ni Nephi sa kanyang mga tao ang paulit-ulit na mga babala ni Isaias laban sa kapalaluan. Sa mga kabanata 12 at 13, hanapin ang mga salitang ginamit ni Isaias para ilarawan ang pagmamayabang, tulad ng matatayog at mapagmataas. Sa 2 Nephi 15:1–24, hanapin ang simbolikong pananalita na naglalarawan sa mga bunga ng kapalaluan. Pagkatapos ay maaari mong subukang ibuod ang nabasa mo sa sarili mong mga salita. Pag-isipan kung paano mo pipiliing magpakumbaba.
Tingnan din sa “Kabanata 18: Mag-ingat sa Kapalaluan,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 269–80.
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
Tinawag ni Isaias ang templo na “bundok ng bahay ng Panginoon” (2 Nephi 12:2). Bakit magandang simbolo ng templo ang isang bundok?
Paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit natin kailangan ang mga templo? Maaari kang makahanap ng ilang posibleng sagot sa 2 Nephi 12:2–3 at sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Saligan” (Liahona, Nob. 2021, 93–96). Batay sa nabasa mo, ano ang nais ng Panginoon na matutuhan at maranasan mo sa Kanyang banal na bahay? Ano ang mga naging karanasan mo doon?
Matatagpuan mo ang mga tanong sa interbyu para sa temple recommend sa mga pahina 36–37 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Isiping basahin ang bawat isa at itanong sa iyong sarili, ano ang itinuturo sa akin ng tanong na ito tungkol sa mga daan ng Panginoon? Paano ako nito tinutulungang “[lumakad] sa kanyang mga daan”?
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Templo,” Gospel Library; “Sa Tuktok ng Bundok,” Mga Himno, blg. 4.
Tutubusin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao.
Sa kabila ng kasamaang namasdan niya, nakakita ng pag-asa si Isaias para sa hinaharap. Isiping pag-aralan ang bawat isa sa mga sumusunod na sipi. Isulat ang isa o mahigit pang mga katotohanan sa bawat sipi na nagtuturo tungkol sa ating panahon: 2 Nephi 12:1–5; 14:2–6; 15:20–26; 19:2–8. Sa palagay mo, bakit mahalaga na maunawaan natin ang mga siping ito?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang templo ang bahay ng Panginoon.
-
Inilarawan ni Isaias ang templo bilang “bundok ng bahay ng Panginoon.” Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magkunwaring umaakyat ng bundok habang binabasa mo ang 2 Nephi 12:2–3. Tulungan silang maghanap ng mga parirala sa mga talatang ito na naglalarawan kung bakit mayroon tayong mga templo.
-
Para mailarawan ang pariralang “tayo ay magsisilakad sa kanyang mga landas” mula sa 2 Nephi 12:3, maaari kang gumawa ng isang landas sa sahig, patungo sa isang larawan ng templo. Habang lumalakad ang iyong mga anak sa landas, maaari silang bumanggit ng mga bagay na magagawa nila para makalakad sa mga landas ng Panginoon.
-
Marahil ay kayang idrowing ng iyong mga anak ang kanilang sarili na papunta sa templo. Maaari din nilang kantahin o pakinggan ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 99). Tulungan silang maghanap ng mga parirala sa awitin na nagtuturo kung ano ang templo at ano ang ginagawa natin doon.
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
-
May ilang pangalan para kay Jesucristo sa 2 Nephi 11:4–7; 17:14; 19:6. Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang mga iyon at pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon. Halimbawa, ang ibig sabihin ng “Cristo” ay “ang pinahiran” at ang ibig sabihin ng “Emmanuel” ay “nasa amin ang Diyos.” Ano ang itinuturo sa atin ng mga pangalang ito tungkol kay Jesus?
-
Ihinto sandali ang video sa mga paglalarawang ito, at tanungin ang iyong mga anak kung ano kaya ang maaaring nadama ng mga taong ito. Ano ang madarama natin kung naroon tayo? Ano ang madarama natin kapag nakita natin Siyang muli?
Nagsisikap si Satanas na lituhin ako tungkol sa mabuti at masama.
-
Magpakita sa iyong mga anak ng isang bagay na mapait o maasim, gaya ng isang hiwa ng lemon, na nasa loob ng pambalot ng kendi. Sama-sama ninyong basahin ang 2 Nephi 15:20. Paano tinatangka ni Satanas na pagmukhaing mabuti ang mga bagay na masama? Bakit itinatago ng mangingisda ang kawit ng kanyang bingwit sa paglalagay ng pain dito? Bakit itinatago ni Satanas ang tunay na anyo ng kasalanan? Paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na iwasang malinlang ni Satanas?