Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 25–31: “Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis.” Pasko ng Pagkabuhay


“Marso 25–31: ‘Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis.’ Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Marso 25–31. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

ang nabuhay na mag-uling Cristo na kasama ang Kanyang mga Apostol

Christ and the Apostles [Si Cristo at ang mga Apostol], ni Del Parson

Marso 25–31: “Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”

Pasko ng Pagkabuhay

Malakas ang loob ng mga sinaunang Apostol sa kanilang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mga Gawa 4:33). Milyun-milyong tao ang naniniwala kay Jesucristo at nagsisikap na sundin Siya dahil sa kanilang mga salita na nakatala sa Biblia. Subalit maaaring isipin ng ilang tao: Kung si Jesucristo ang Tagapagligtas ng buong sanlibutan, bakit limitado ang Kanyang mga saksi sa iilang tao na nagmula sa isang maliit na rehiyon?

Ang Aklat ni Mormon ay nagsisilbing isang karagdagan at nakakukumbinsing saksi na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, “na nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon) at nag-aalok ng kaligtasan sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Bukod pa rito, nililinaw rin ng pangalawang saksing ito kung ano ang kahulugan ng kaligtasan. Ito ang dahilan kaya sina Nephi, Jacob, Mormon, at lahat ng mga propeta ay lubhang “masigasig [na gumawa] upang maiukit ang mga salitang ito sa mga lamina”—upang ipahayag sa darating na mga henerasyon na sila man ay “alam ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon ng pag-asa … sa kanyang kaluwalhatian” (Jacob 4:3–4). Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pagnilayan ang mga patotoo sa Aklat ni Mormon na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay kapwa para sa lahat at personal—tinutubos ang buong sanlibutan at tinutubos ka.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

icon ng seminary
Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Tradisyon na sa Pasko ng Pagkabuhay na pagnilayan ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli? Anong mga kabatiran ang iniaalok ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli? Marahil ay maaari mong ilista ngayong Pasko ng Pagkabuhay ang mga katotohanan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli na matatagpuan mo sa 2 Nephi 9:6–15, 22; Alma 11:42–45; 40:21–25; 3 Nephi 26:4–5.

Maaari mo ring itala kung paano iniimpluwensyahan ng mga katotohanang ito tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ang iyong mga kilos at ang iyong pamumuhay. Halimbawa, isipin kung paano mo kukumpletuhin ang mga pangungusap na ito: Kung hindi ko alam ang mga bagay na ito … at Dahil alam ko ang mga bagay na ito …

Ang himnong tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78) ay makakatulong para maisip mo kung bakit mahalaga sa iyo ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Habang kinakanta, pinakikinggan, o binabasa mo ang himno, maaari mong tanungin ang iyong sarili, “Paano naiba ang buhay ko dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli?”

Ang Gospel Library ay may koleksyon ng mga video na tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay na maaaring maging makabuluhang bahagi ng iyong pag-aaral. Marahil ay maaari mong panoorin ang isa o higit pa sa mga video na ito at pagnilayan kung ano ang idinaragdag ng mga ito sa pag-unawa o pagpapahalaga mo sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

Tingnan din sa Lucas 24:36–43; Mga Gawa 24:15; 1 Corinto 15:12–23; Reyna I. Aburto, “Hindi Nagtagumpay ang Libingan,” Liahona, Mayo 2021, 85–86; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagkabuhay na Mag-uli,” Gospel Library.

Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at kahinaan.

Malinaw na itinuturo ng Biblia na si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Pinalalawak ng Aklat ni Mormon ang ating pang-unawa sa sakripisyo at pagdurusa ni Cristo sa mahahalagang paraan. Makikita mo ang ilan sa mga turong ito sa Mosias 3:7; 15:5–9; Alma 7:11–13. Matapos mong basahin ang mga siping ito, isiping itala ang matutuklasan mo sa isang chart na katulad nito:

Ano ang pinagdusahan ng Tagapagligtas?

Bakit Siya nagdusa?

Ano ang kabuluhan nito sa akin?

Narito ang isa pang paraan para pag-aralan ang mga siping ito: Maghanap ng mga himno na sa pakiramdam mo ay tugma sa mga mensaheng itinuturo ng mga ito. Makakatulong ang indeks ng “Mga Banal na Kasulatan” na nasa likod ng himnaryo. Anong mga parirala mula sa mga himnong ito at sa mga banal na kasulatan ang tumutulong sa iyo na mas pahalagahan ang sakripisyo ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa Isaias 53; Mga Hebreo 4:14–16; Gérald Caussé, “Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo,” Liahona, Mayo 2020, 38–40.

Malilinis ako ni Jesucristo at matutulungan akong maging perpekto.

Masasabi na ang Aklat ni Mormon ay isang salaysay tungkol sa mga taong nagbago dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mababasa mo ang ilan sa mga karanasang ito sa Mosias 5:1–2; 27:8–28; Alma 15:3–12; 24:7–19. Maaari ka ring mag-isip ng iba pang mga halimbawang pag-aaralan. Ano ang napapansin mong magkakatulad sa mga karanasang ito? Anong mga pagkakaiba ang napapansin mo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga karanasang ito kung paano ka maaaring baguhin ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa Alma 5:6–14; 13:11–12; 19:1–16; 22:1–26; 36:16–21; Eter 12:27; Moroni 10:32–33.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendiks B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”

Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, ako rin ay mabubuhay na mag-uli.

  • Maaari mong gamitin ang “Kabanata 53: Ipinako si Jesus sa Krus” at “Kabanata 54: Nagbangon si Jesus” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 136–38, 139–44) para ikuwento sa iyong mga anak ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. O ipakuwento mo ito sa iyong mga anak, gamit ang mga larawang nasa mga kabanatang ito.

  • Ang pagdalaw ng Nagbangong Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika ay isang makapangyarihang saksi sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Isiping ikuwento ito sa iyong mga anak, gamit ang 3 Nephi 1117; ang awiting “Hosana sa Pasko ng Pagkabuhay” (Liahona, Abril 2003); o ang huling taludtod ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 62–63). Hikayatin ang iyong mga anak na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng masalat ang mga sugat ni Jesus (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15) o maging isa sa mga batang Kanyang binasbasan (tingnan sa 3 Nephi 17:21). Ibahagi sa isa’t isa ang inyong damdamin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na tuklasin kung ano ang itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, maaari mo silang anyayahang magkunwari na wala kang anumang alam tungkol dito at hilingin sa kanila na ipaliwanag iyon sa iyo. Tulungan silang maghanap sa 2 Nephi 9:10–15; Alma 11:41–45; at sa Alma 40:21–23 para sa mga sagot sa mga tanong na katulad nito: Ano ang kahulugan ng mabuhay na mag-uli? Sino ang mabubuhay na mag-uli? Anyayahan din silang magpatotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas bilang bahagi ng kanilang sagot.

Alam ni Jesucristo kung paano ako aaliwin.

  • Inilalarawan sa Mosias 3:7 at Alma 7:11 ang ilan sa mga pinagdaanan ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mong basahin sa iyong mga anak ang isa sa mga talatang ito at hilingin sa kanila na pakinggan ang mga salitang nagsasabi sa kanila kung ano ang pinagdusahan ni Jesus para sa atin. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Alma 7:12 para malaman kung bakit Niya ito pinagdusahan. Magpatotoo na nadama ni Jesucristo ang lahat ng pasakit at sakit natin upang maunawaan Niya kung paano tayo aaliwin.

  • May paborito bang himno o awitin ang iyong mga anak tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Maaari ninyong kantahin ito nang magkakasama—o pag-aralang kantahin ang isang bagong awitin. Pag-usapan ang mga salita o parirala sa mga titik na nagtuturo sa iyo tungkol sa aliw at kapayapaang inaalok sa atin ng Tagapagligtas.

si Cristo na nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani

Gethsemane, ni Michael T. Malm

Maaari akong linisin ni Jesucristo at tulungan akong magbago.

  • Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng mga taong nabago dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Marahil ay maaaring pumili ang iyong mga anak ng isang pag-aaralan, tulad ni Enos (tingnan sa Enos 1:2–8), ni Nakababatang Alma (tingnan sa Mosias 27:8–24), o ng mga Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 24:7–19). Paano nagbago ang tao o grupong ito dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Paano natin matutularan ang kanilang mga halimbawa?

  • Maaari din ninyong ikumpara ng iyong mga anak ang isang bagay na malinis at isang bagay na marumi at pag-usapan kung paano nalilinis ang maruruming bagay. Sama-samang basahin ang Alma 13:11–13. Ano ang ginawa ni Jesus upang malinis tayo mula sa ating mga kasalanan? Ano ang ipinadarama nito sa atin tungkol sa kasalanan? Ano ang ipinadarama nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Mamuhay nang marapat sa patnubay ng Espiritu. Ang Espiritu ang tunay na guro. Kapag hinahangad mo ang Kanyang patnubay at namumuhay ka nang marapat, bibigyan ka Niya ng mga ideya at impresyon kung paano tutugunan ang mga pangangailangan ng mga taong iyong tinuturuan.

si Cristo na binabati ang mga Nephita

Paglalarawan kay Cristo na kasama ang mga Nephita, ni Ben Sowards