Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 1–7: “Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.” Jacob 1–4


“Abril 1–7: ‘Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.’ Jacob 1–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Abril 1–7. Jacob 1–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

babaeng nakaluhod sa paanan ni Jesus

Forgiven [Pinatawad], ni Greg Olsen. Ginamit nang may pahintulot. www.GregOlsen.com

Abril 1–7: Makipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo

Jacob 1–4

Itinuring ng mga Nephita si Nephi bilang kanilang “dakilang tagapagtanggol” (tingnan sa Jacob 1:10). Naprotektahan din niya sila laban sa mga espirituwal na panganib, na binabalaan sila laban sa kasalanan at hinihikayat silang lumapit kay Cristo. Ngayon ay napunta ang gawaing iyon kay Jacob, na itinalaga ni Nephi na maging saserdote at guro (tingnan sa Jacob 1:18). Nakadama si Jacob ng responsibilidad na buong tapang na balaan ang mga “nagsisimula[ng] maging makasalanan” habang inaaliw din ang “sugatang kaluluwa” ng mga taong nasaktan ng mga kasalanan ng iba (tingnan sa Jacob 2:5–9). Paano niya gagawin ang dalawang iyon? Itutuon niya ang kanilang pansin kay Jesucristo—dahil kailangan ng dalawang grupong ito ang pagpapagaling ng Tagapagligtas (tingnan sa Jacob 4). Tulad ng mensahe ni Nephi na nauna sa kanya, ang patotoo ni Jacob ay isang panawagang “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Jacob 4:11).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Jacob 1:6–8, 15–19; 2:1–11

Mayroon akong “tungkulin mula sa Panginoon.”

Para kay Jacob, ang pagtuturo ng salita ng Diyos ay isang “tungkulin mula sa Panginoon,” kaya masigasig niyang “tinupad ang [kanyang] mga tungkulin” (Jacob 1:17, 19). Ano ang kahulugan sa iyo ng mga pariralang ito na ginamit ni Jacob? Pag-isipan ang ginagawa ng magnifying glass. Nagbibigay ba iyan sa iyo ng anumang ideya? Habang pinagninilayan mo ang Jacob 1:6–8, 15–19 at 2:1–11, pag-isipan ang mga tungkuling maaaring ibigay sa iyo ng Panginoon. Ano ang nahihikayat kang gawin para “tuparin” ang mga iyon?

Jacob 2:12–21

“Huwag hayaang wasakin ng inyong mapagpalalong puso ang inyong mga kaluluwa!”

Nagkaroon ng problema ang mga Nephita sa kapalaluan at sa pagtutuon sa mga kayamanan (tingnan sa Jacob 2:13), at hindi lang sila o ang kanilang panahon ang may gayong problema. Paano itinataguyod ng kaaway ang pagmamahal sa kayamanan ngayon? Matapos basahin ang Jacob 2:12–21, ilarawan sa sarili mong mga salita kung paano nais ng Diyos na ituring mo ang materyal na kayamanan. Ang isang himnong tulad ng “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” (Mga Himno, blg. 133) ay makapagbibigay ng mga karagdagang kabatiran. Ano ang nahihikayat kang gawin dahil sa natututuhan mo?

icon ng seminary

Jacob 2:22–35; 3:10–12

Natutuwa ang Diyos sa kalinisang-puri.

Habang binabasa mo ang Jacob 2:22–35; 3:10–12, ano ang nakikita mo na nagpapaunawa sa iyo kung bakit napakahalaga ng kalinisang-puri sa Diyos? Ano ang ilan sa mga negatibong bunga ng imoralidad—sa panahon ni Jacob at sa ating panahon? Ano ang mga pagpapala ng malinis na pamumuhay?

Itinuro ni Elder David A. Bednar na nabubuhay tayo “sa daigdig na lumalait sa kasagraduhan ng kapangyarihang lumikha ng buhay at humahamak sa kahalagahan ng buhay ng tao” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–44). Paano mo ipinauunawa sa iba kung bakit mo sinusunod ang batas ng kalinisang-puri? Ang magandang simula ay ipaliwanag ang mga pamantayan ng Diyos tungkol sa seksuwal na damdamin at relasyon sa “Ang inyong katawan ay sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (mga pahina 22–29). Ano pa ang nakikita mo sa resource na iyon na makakatulong sa iyo na ipaliwanag kung bakit mo ipinamumuhay ang batas ng kalinisang-puri?

Maaari kang makahanap ng mga karagdagang sagot sa mensahe ni Elder Bednar na binanggit sa itaas.

Paano naiiba ang pamantayan ng Diyos sa kadalisayan ng puri sa iba pang mga mensaheng maaari mong matanggap? Ano ang mga pagpapala ng malinis na pamumuhay?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalinisang-puri,” Gospel Library.

Jacob 4

Maaari akong makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nakiusap si Jacob sa kanyang mga tao na “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Jacob 4:11). Ang isang kahulugan ng pakikipagkasundo ay ang ibalik ang pagkakaibigan o pagkakasundo. Habang pinagninilayan mo ang sarili mong buhay, isipin ang isang pagkakataon na maaaring malayo ang damdamin mo sa Ama sa Langit. Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na ibalik ang relasyong ito? Anong payo ang nakikita mo sa kabanatang ito na tumutulong sa iyo na makipagkasundo sa Diyos? (tingnan sa mga talata 4–14).

Anong mga karagdagang kabatiran ang natatamo mo mula sa Mateo 5:23–24? Paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na makipagkasundo sa Diyos—at sa iba?

Tingnan din sa 2 Nephi 10:24.

Jacob 4:8–18

Maiiwasan ko ang espirituwal na pagkabulag sa pamamagitan ng pagtutuon sa Tagapagligtas.

Nang pagsikapan ni Jacob na ibaling nang mas lubusan ang kanyang mga tao sa Panginoon, binalaan niya sila na huwag maging espirituwal na bulag at huwag hamakin ang “mga salita ng kalinawan” ng ebanghelyo (tingnan sa Jacob 4:13–14). Ayon sa Jacob 4:8–18, ano ang magagawa natin para maiwasan ang espirituwal na pagkabulag?

Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Liahona, Mar. 2003, 20–24.

Nang magturo ang Tagapagligtas, gumamit Siya ng mga pagkukumpara sa pang-araw-araw na buhay. Ang mga talinghaga ni Jesus ay nakatulong sa mga tao na mahanap ang mga espirituwal na katotohanan sa kanilang mga karaniwang karanasan. Sikaping gawin din iyon kapag nagtuturo ka. Halimbawa, kapag itinuturo ang Jacob 4:8–18, maaari mong tanungin ang mga mag-aaral kung nakapagpatingin na sila sa mata. Paano sinuri ng doktor ang kanilang pisikal na paningin? Paano natin masusuri ang ating espirituwal na paningin?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Jacob 2:8

Pinagagaling ng Diyos ang sugatang kaluluwa.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak kung paano mapapagaling ang isang “sugatang kaluluwa,” maaari ninyong sama-samang talakayin kung paano nasusugatan ang ating katawan at ano ang nagpapagaling sa mga ito. Marahil ay maaaring ikuwento ng iyong mga anak ang mga pagkakataon na nasaktan sila at ano ang nagpagaling sa kanila. Maaari ka pa ngang magpakita sa kanila ng mga bandage o gamot bilang bahagi ng pag-uusap na ito. Maaari mo sigurong ibahagi sa kanila kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas nang mangailangan ng pagpapagaling ang iyong espiritu.

Jacob 2:17–19

Maaari kong tulungan ang mga ibang nangangailangan sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila.

  • Ang ilan sa mga tao sa panahon ni Jacob ay napakayaman, pero ayaw nilang ibahagi sa iba kung ano ang mayroon sila. Habang binabasa mo sa kanila ang mga turo ni Jacob sa Jacob 2:17–19, mabibigyan mo ang iyong mga anak ng mga larawan o bagay na hahawakan na tugma sa mga salita o parirala sa mga talatang ito. Maaari mong ipaliwanag na ibinabahagi mo ang mga bagay na ito sa kanila; pagkatapos ay maaari mo siguro silang anyayahan na ibahagi sa iyo o sa isa’t isa ang mga bagay na ito. Pag-usapan kung ano ang nadarama mo kapag nagbabahagi ka. Ano pa ang maibabahagi natin sa iba para mapasaya sila?

  • Matapos basahin nang sama-sama ang Jacob 2:17, marahil ay maaaring bumanggit ang iyong mga anak ng ilang pagpapalang naibahagi sa kanila ng Ama sa Langit. Bakit Niya nais na magbahagi tayo sa isa’t isa?

Jacob 4:6, 10–11

Maaari kong palakasin ang aking pananampalataya kay Jesucristo.

  • Napakalakas ng pananampalataya ni Jacob kay Cristo kaya hindi ito matinag. Para maituro sa iyong mga anak kung paano magkaroon ng pananampalatayang katulad niyon, maaari mo silang tanungin tungkol sa mga bagay na ginagawa natin para mas mapalakas ang ating katawan. Ano ang magagawa natin para mas mapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo? Sama-samang basahin ang Jacob 4:6 para tulungan ang mga bata na tuklasin kung ano ang ginawa ni Jacob at ng kanyang mga tao para gawing “matatag” ang kanilang pananampalataya.

  • Ang isa pang paraan para maipaunawa sa iyong mga anak ang kahulugan ng maging “matatag” sa kanilang pananampalataya ay maghanap ng isang malaking puno at hilingin sa kanila na ugain ang bawat sanga. Pagkatapos ay hayaan sila na subukang ugain ang katawan nito. Bakit mas mahirap ugain ang katawan ng puno? Anong mga parirala sa Jacob 4:6, 10–11 ang naglalarawan sa mga magagawa natin para gawing matatag ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

    malaking puno sa isang parke

    Tulad ng katawan ng isang puno, ang ating pananampalataya kay Cristo ay maaaring maging “matatag.”

  • Para sa iba pang mga pagkukumpara para ituro sa iyong mga anak ang tungkol sa matatag na pananampalataya kay Jesucristo, tingnan sa Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi” (Liahona, Mayo 2014, 18–21) o “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 132; tingnan din sa Mateo 7:24–27).

2:24

Mga Espirituwal na Buhawi

Huwag kayong magpahila pababa sa mga buhawi ng pagsubok. Ito ang inyong panahon—ang manatiling matatag bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jacob na nagsusulat sa mga laminang ginto

I Will Send Their Words Forth (Jacob the Teacher) [Ipadadala Ko ang Kanilang mga Salita (Jacob ang Guro)], ni Elspeth Caitlin Young