“Abril 22–28: ‘Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao.’ Mosias 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Abril 22–28. Mosias 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Abril 22–28: “Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao”
Mosias 1–3
Kapag naririnig mo ang salitang hari, maaari mong maisip ang mga korona, alipin, at trono. Sa Mosias 1–3, magbabasa ka tungkol sa ibang klase ng hari. Sa halip na umasa sa mga pinaghirapan ng kanyang mga tao, si Haring Benjamin ay “gumawa sa pamamagitan ng sarili [niyang] mga kamay” (Mosias 2:14). Sa halip na paglingkurin ang iba sa kanya, pinaglingkuran niya ang kanyang mga tao “nang buo [niyang] kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob [sa kanya] ng Panginoon” (Mosias 2:11). Ayaw ng haring ito na sambahin siya ng kanyang mga tao; sa halip, tinuruan niya silang sambahin ang kanilang Hari sa Langit na si Jesucristo. Naunawaan ni Haring Benjamin na “ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari” (Mosias 3:5), na bumaba “mula sa langit” at “[humayo] sa mga tao, … upang ang kaligtasan ay mapasa mga anak ng tao maging sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan” (Mosias 3:5, 9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
“Masigasig na saliksikin ang mga [banal na kasulatan].”
Sa mga talatang ito, pansinin kung paano pinagpala ng mga sagradong talaan ang mga tao ni Haring Benjamin. Paano bumuti ang buhay mo dahil mayroon kang mga banal na kasulatan?
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod din ako sa Diyos.
Ano sa palagay mo ang sasabihin ni Haring Benjamin kung tinanong mo siya kung bakit siya naglingkod nang buo niyang “kakayahan, pag-iisip, at lakas”? (Mosias 2:11). Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Mosias 2:10–26. Ano ang itinuro ni Haring Benjamin na naghihikayat sa iyo na paglingkuran ang iba sa mas makabuluhang paraan? Halimbawa, ano ang kabuluhan sa iyo na malaman na kapag naglilingkod ka sa ibang tao, naglilingkod ka rin sa Diyos? (tingnan sa Mosias 2:17). Humingi ng inspirasyon kung paano mo mapaglilingkuran ang isang tao sa linggong ito.
Kahit alam natin na dapat nating paglingkuran ang iba, kung minsa’y nahaharap tayo sa mga hamon. Ang isa pang paraan para mapag-aralan ang Mosias 2:10–26 ay ilista ang mga katotohanang itinuro ni Haring Benjamin na makakatulong sa iyo na madaig ang mga hamon na maaaring makahadlang sa iyo sa paglilingkod. Anong mga karanasan ang nakapagpakita sa iyo na totoo ang itinuro ni Haring Benjamin?
Ibinahagi ni Pangulong Joy D. Jones ang isang matinding karanasan na nagpabago sa pagtingin niya sa paglilingkod sa iba. Basahin iyon sa “Para sa Kanya” (Ensign o Liahona, Nob. 2018, 50–52), at pag-isipan ang mga pagkakataon mong paglingkuran ang iba. Maaari mo ring ilista ang ilan at pagnilayan kung paano maaaring makaimpluwensya ang mensahe ni Pangulong Jones, na kasama ng Mosias 2:17, sa paraan ng pagharap mo sa mga pagkakataong ito. Ang himnong tulad ng “Isang Taong Manlalakbay” (Mga Himno, blg. 22) ay maaaring makatulong para makaisip ka ng mga karagdagang kabatiran.
Tingnan din sa Mateo 25:40; “Nagturo si Haring Benjamin tungkol sa Paglilingkod sa Diyos” (video), Gospel Library; JustServe.org; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paglilingkod,” Gospel Library.
Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.
Paano mo ilalarawan ang kaligayahang nagmumula sa pagsunod sa Diyos? May mga parirala ba sa Mosias 2:38–41 na makatutulong sa iyo na ipaliwanag kung bakit mo sinusunod ang Kanyang mga utos?
Maaari akong maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Si Haring Benjamin, tulad ng lahat ng mga propeta, ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo upang ang kanyang mga tao “ay [makatanggap] ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at [magsaya] sa labis na kagalakan” (Mosias 3:13). Narito ang ilang tanong na pagninilayan habang binabasa mo ang patotoo ni Haring Benjamin tungkol sa Tagapagligtas sa Mosias 3:1–20:
-
Ano ang matututuhan ko mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon?
-
Ano ang matututuhan ko mula sa Mosias 3:18–19 tungkol sa kahulugan ng maging banal?
-
Paano ako natulungan ni Jesucristo na madaig ang kasalanan, baguhin ang aking likas na pagkatao, at maging higit na katulad ng isang banal?
“Ang Panginoong Makapangyarihan … ay bababa mula sa langit.”
Ano ang kakayahang ibinibigay ng kuryente na magawa mo? Paano maiiba ang buhay mo kung wala ito? Ang mga tanong na ito ay makakatulong sa iyo na pagnilayan ang mas malaking kapangyarihang maihahatid ng Tagapagligtas sa buhay mo.
Tinukoy ng anghel na nagpakita kay Haring Benjamin si Jesucristo bilang “Panginoong Makapangyarihan,” isang titulong nangangahulugan na taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan. Ano ang matututuhan mo mula sa Mosias 3:5–21 kung paano ginagamit ng Tagapagligtas ang kapangyarihang iyon? Paano mo nakita ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay mo at sa buhay ng mga tao sa paligid mo? Ano ang makakaya mong gawin at kahihinatnan o mararating mo dahil sa Kanyang kapangyarihan? Paano maiiba ang buhay mo kung wala ito?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod ako sa Diyos.
-
Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay may isang simpleng korona na magagawa ng iyong mga anak. Gugustuhin siguro nilang maghalinhinan sa pagtayo sa isang upuan o bangkito at magkunwaring si Haring Benjamin habang ibinabahagi mo ang ilang bagay na itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, na matatagpuan sa Mosias 2–3. Maaari mo ring ibahagi sa kanila ang “Kabanata 12: Si Haring Benjamin” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 32–35) para maibuod sa kanila ang mga turo ni Haring Benjamin.
-
Ang Mosias 2:17 ay maaaring isang magandang talatang dapat matutuhan ng iyong mga anak. Maaari mo silang tulungang ulitin ito sa pailan-ilang salita. O maaari mong isulat ang talata, na may ilang mahahalagang salitang nawawala, at hilingin sa iyong mga anak na hanapin ang nawawalang mga salita. Pagkatapos ay maaari ninyong kausapin ang iyong mga anak kung bakit nais ng Diyos na paglingkuran natin ang isa’t isa.
-
Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang Mosias 2:11–18 para alamin kung ano ang ginawa ni Haring Benjamin para maglingkod sa iba. Pagkatapos ay maaaring isulat ng iyong mga anak sa mga piraso ng papel ang ilang paraan na maaari nilang paglingkuran ang mga miyembro ng pamilya. Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan, gaya ng isang supot o garapon, para makapili ang iyong mga anak ng isa bawat araw at gawin ang paglilingkod na iyon sa isang tao.
Lahat ng aking pagpapala ay nagmumula sa Ama sa Langit.
-
Ang paglilingkod ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ay hinikayat ng kanyang matinding pasasalamat sa Diyos. Paano mo hihikayatin ang gayon ding damdamin sa iyong mga anak? Maaari ninyong sama-samang basahin ang Mosias 2:21 at simulang ilista ang mga pagpapalang naibigay sa atin ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay maaari mo sigurong idagdag sa listahan ang iba pang mga pagpapalang naiisip ng mga bata.
-
Narito ang isang laro na maaari ninyong laruin para tulungan ang iyong mga anak na makilala ang mga pagpapala ng Ama sa Langit. Maaaring ipasa-pasa ng mga bata ang isang larawan ng Tagapagligtas habang kinakanta o pinakikinggan nila ang isang awitin tungkol sa pasasalamat (tingnan sa “Pasasalamat” sa indise ng mga paksa ng Aklat ng mga Awiting Pambata). Tumigil sa pagkanta o ihinto ang tugtog paminsan-minsan, at anyayahan ang sinumang mayhawak sa larawan na magkuwento tungkol sa isang pagpapalang pinasasalamatan niya. Ayon sa Mosias 2:22–24, paano natin maipapakita na nagpapasalamat tayo para sa ating mga pagpapala?
Tutulungan ako ni Jesucristo na maging higit na katulad Niya.
-
Isang anghel ang nagsabi kay Haring Benjamin ng mahahalagang katotohanan tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesucristo. Maaari kayong maghanap ng iyong mga anak ng mga larawan ng ilan sa mga pangyayaring binanggit sa Mosias 3:5–10 (tingnan, halimbawa sa, Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, bilang 30, 41, 42, 57, 59). Habang binabasa mo ang Mosias 3:5–10, maaaring magtaas ng kamay ang iyong mga anak kapag may narinig silang isang bagay sa mga sipi na lumilitaw sa isa sa mga larawan.
-
Nakatulong na ba ang iyong mga anak na maghanda ng pagkain gamit ang isang resipe? Maaari ninyong pag-usapan ang karanasang iyon at gamitin ang Mosias 3:19 para makabuo ng isang “resipe” kung paano tayo maaaring maging katulad ni Jesucristo. Paano tayo tinutulungan ni Jesus na maging katulad Niya?