“Abril 15–21: ‘Pinapatnubayan Niya Ako na Gawin ang Kanyang Kalooban.’ Enos–Mga Salita ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Abril 15–21. Enos–Ang mga Salita ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Abril 15–21: “Pinapatnubayan Niya Ako na Gawin ang Kanyang Kalooban”
Enos–Mga Salita ni Mormon
Bagama’t nagtungo si Enos sa gubat para mangaso upang tugunan ang pisikal na pagkagutom, nanatili siya roon buong araw hanggang gabi dahil ang kanyang “kaluluwa ay nagugutom.” Ang pagkagutom na ito ang nagtulak kay Enos na “[lakasan pa ang kanyang] tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.” Inilarawan niya ang karanasang ito bilang isang pakikipagtunggali sa harap ng Diyos (tingnan sa Enos 1:2–4). Mula kay Enos natutuhan natin na ang panalangin ay isang taimtim na pagsisikap na mapalapit sa Diyos at hangaring malaman ang Kanyang kalooban. Kapag nananalangin ka nang may ganitong layunin, malamang na matuklasan mo, tulad ni Enos, na naririnig ka ng Diyos at talagang nagmamalasakit Siya sa iyo, sa mga mahal mo sa buhay, at maging sa iyong mga kaaway (tingnan sa Enos 1:4–17). Kapag alam mo ang Kanyang kalooban, mas magagawa mo ang Kanyang kalooban. Tulad ni Mormon, maaaring “hindi [mo] nalalaman ang lahat ng bagay; subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay … ; anupa’t pinapatnubayan [ka niya] na gumawa alinsunod sa kanyang kalooban” (Mga Salita ni Mormon 1:7).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Diringgin at sasagutin ng Diyos ang aking mga dalangin.
Ang mga karanasan mo sa panalangin ay maaaring di-gaanong madula na tulad ng kay Enos, pero hindi kailangang mabawasan ang kabuluhan nito. Narito ang ilang tanong na pag-iisipan habang pinag-aaralan mo ang Enos 1:1–17:
-
Anong mga salita ang naglalarawan sa mga pagsisikap ni Enos nang siya ay manalangin?
-
Paano nagbago ang mga panalangin ni Enos mula sa talata 4 hanggang 11?
-
Ano ang matututuhan ko mula kay Enos na makakatulong sa akin na mapagbuti ang aking mga dalangin?
Tingnan din sa “Nanalangin si Enos nang Buong Lakas” (video), Gospel Library; “Sintang Oras ng Dalangin,” Mga Himno, blg. 84.
Matutulungan ako ng Panginoon na impluwensyahan sa kabutihan ang aking pamilya.
Mayroon sigurong isang tao sa iyong pamilya na nais mong matulungang lumapit kay Cristo, pero iniisip mo kung gumagawa ng anumang kaibhan ang iyong mga pagsisikap. Ano ang matututuhan mo mula sa Enos 1:1–4 tungkol sa impluwensya ni Jacob sa kanyang anak na si Enos? Halimbawa, ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang “ang pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon”? Paano mo maaanyayahan ang Kanyang impluwensya sa inyong tahanan?
Habang pinag-iisipan mo ang sarili mong pamilya, isipin ang mga tanong at resources na ito:
-
Paano mo maiimpluwensyahan ang iyong pamilya sa mga positibong paraan? (tingnan sa 1 Nephi 2:16–18; 3:15–21; 5:1–6; 7:20–21; Alma 36:17–20; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Ano ang magagawa mo kung tila ayaw ng isang tao ang tulong mo o malupit siya sa iyo?
-
Anong mga alituntunin ang nakikita mo sa sumusunod na mga talata na maaaring gumabay sa iyong mga relasyon sa mga miyembro ng pamilya? Mateo 5:21–24, 38–44; 6:14; 7:1–5; 22:36–39; 3 Nephi 18:21; Moroni 7:33; Doktrina at mga Tipan 18:10–13.
Nagbahagi ng payo si Elder Dieter F. Uchtdorf na makakatulong sa mga pamilya sa “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas” (Ensign o Liahona, Mayo 2016, 77–80). Ano ang hinihikayat ng kanyang mensahe na gawin mo para mapatatag ang iyong pamilya? (tingnan lalo na sa bahaging pinamagatang “Pagliligtas sa Ating Pamilya”).
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pamilya,” Gospel Library.
Maaari akong mapatawad kapag sumasampalataya ako kay Cristo.
Kung minsa’y maaaring iniisip mo kung napatawad na ang iyong mga kasalanan, kahit napagsisihan mo na ang mga kasalanang iyon. Anong mga kabatiran ang matatamo mo mula sa karanasan ni Enos sa Enos 1:1–8? Paano ipinakita ni Enos ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo bago at matapos siyang tumanggap ng kapatawaran?
Jarom–Omni
Kapag sinisikap kong sundin ang Kanyang mga utos, pagpapalain ako ng Diyos.
Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay kapwa naglalarawan ng kaugnayan sa pagitan ng kabutihan at kasaganaan. Ano ang matututuhan mo mula sa Jarom 1:7–12; Omni 1:5–7, 12–18? Paano naiiba ang mga makamundong pakahulugan ng kasaganaan sa pakahulugan ng Panginoon? Paano tinutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na umunlad? (tingnan sa Alma 37:13; 48:15–16).
“Lumapit kay Cristo, na siyang Banal ng Israel.”
Ang imbitasyon na “Lumapit kay Cristo” ay madalas lumitaw sa Aklat ni Mormon. Sa katunayan, ang isa sa mga pangunahing layunin ng aklat ay ang ipaabot ang paanyayang ito sa lahat. Habang binabasa mo ang Omni 1:25–26, anong mga salita o parirala ang nakikita mo na naglalarawan kung paano lumapit kay Cristo? Ano ang gagawin mo para mas lubos na makalapit sa Kanya?
Kikilos ang Diyos sa pamamagitan ko kung susunod ako sa Kanyang patnubay.
Ang isang dahilan kaya hinikayat ng Panginoon si Mormon na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa Aklat ni Mormon ay dahil alam ng Diyos na mawawala ang unang 116 na pahina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10; Mga Banal, tomo 1, kabanata 5). Bakit ka nagpapasalamat na sinunod ni Mormon ang tagubilin ng Panginoon na isama ang mga isinulat na ito (na binubuo ng 1 Nephi hanggang Omni)? Anong mga dahilan ang ibinigay ni Mormon sa pagsasama sa mga ito? (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7). Kailan mo nakitang kumilos ang Diyos sa pamamagitan mo o ng ibang tao?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari kong kausapin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.
-
Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na gawing mas makabuluhan ang kanilang mga dalangin? Isiping ipakita sa kanila ang larawan ni Enos na nagdarasal; hayaan silang ilarawan ang nakikita nila. Pagkatapos ay maaari nilang ipikit ang kanilang mga mata at isipin na kunwari ay kausap nila ang Ama sa Langit nang harapan. Ano ang gugustuhin nilang pag-usapan? Ano kaya ang nais Niyang sabihin sa kanila?
-
Habang binabasa mo ang Enos 1:1–5, maaaring magkunwari ang mas maliliit na bata na sila si Enos sa pamamagitan ng pag-arte na sila ay nangangaso, lumuluhod para manalangin, at marami pang iba. Maaaring abangan ng nakatatandang mga bata ang isang salita o kataga na naglalarawan sa mga panalangin ni Enos. Ano ang sinasabi sa atin ng mga salitang ito tungkol sa mga panalangin ni Enos? Magbahagi ng isang karanasan na “nagutom” ang iyong kaluluwa at “nagsumamo” ka sa Panginoon (Enos 1:4).
Dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.
-
Paano mo maipauunawa sa iyong mga anak na diringgin at sasagutin ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin? Isiping anyayahan sila na maglista ng ilang bagay na karaniwan nilang ipinagdarasal. Pagkatapos ay maaari mo silang tulungang mahanap kung ano ang ipinagdasal ni Enos sa Enos 1:2, 9, 13–14, at 16 (tingnan din sa “Kabanata 11: Enos,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 30–31).
Ano ang mga resulta ng mga panalangin ni Enos? (tingnan sa mga talata 6, 9, 11).
Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Enos kung paano pagbubutihin ang ating mga dalangin?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 6–7). Marahil ay maaaring magtaas ng kamay ang iyong mga anak tuwing maririnig nila ang salitang “dalangin” o isa pang inuulit na salita. Ikuwento sa iyong mga anak ang ilan sa mga paraan na nasagot ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin.
Mapagpapala ko ang iba kapag nakikinig ako sa Espiritu Santo.
-
Sinunod ni Mormon ang patnubay ng Espiritu Santo na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa Aklat ni Mormon. Lahat ng napag-aralan natin sa Aklat ni Mormon ngayong taon ay nakarating sa atin dahil nagpasiya si Mormon na makinig sa Espiritu. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na matuto tungkol sa pakikinig sa Espiritu? Anyayahan silang maghalinhinan sa pagbasa sa mga talata mula sa Mga Salita ni Mormon 1:3–8. Maaari ninyong pag-usapan ang natututuhan nila mula sa bawat talata. Ang maaaring gawin ng iyong mga anak pagkatapos ay:
-
Ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon ngayong taon (makakatulong ang mga larawan mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para makaalala sila).
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Marahan at Banayad na Tinig,” (Liahona, Abril 2006).
-
Pag-usapan ang mga karanasan kung kailan ginabayan sila ng Espiritu na gawin ang isang bagay na nagpala sa ibang tao.
-