“Abril 8–14: ‘Ang Panginoon ay Kasama Natin sa Paggawa.’ Jacob 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Abril 8–14: Jacob 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Abril 8–14: Ang Panginoon ay Kasama Natin sa Paggawa
Jacob 5–7
Napakaraming taong hindi pa nakarinig sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kung nahihirapan ka sa laki ng gawaing tipunin sila sa Simbahan ng Panginoon, ang sinabi ni Jacob tungkol sa mga punong olibo sa Jacob 5 ay may nakapapanatag na paalala: ang olibohan ay pag-aari ng Panginoon. Binigyan na Niya ang bawat isa sa atin ng isang maliit na lugar para tumulong sa Kanyang gawain—ang ating pamilya, ang ating mga kaibigan, ang saklaw ng ating impluwensya. At kung minsan ang unang taong tinutulungan nating matipon ay ang ating sarili. Ngunit hindi tayo kailanman nag-iisa sa gawaing ito, sapagkat ang Panginoon ng olibohan ay gumagawang kasama ng Kanyang mga lingkod (tingnan sa Jacob 5:72). Kilala at mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak, at maghahanda Siya ng paraan para marinig ng bawat isa sa kanila ang Kanyang ebanghelyo, maging ng mga taong tumanggi sa Kanya noong araw (tingnan sa Jacob 4:15–18). At pagkatapos, kapag tapos na ang gawain, lahat ng naging “masigasig … sa paggawa na kasama [Niya] … [ay] magkakaroon … ng kagalakan kasama [Niya] dahil sa bunga ng [Kanyang] olibohan” (Jacob 5:75).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Si Jesucristo ang Panginoon ng olibohan.
Ang Jacob 5 ay isang kuwento na may simbolikong kahulugan. Inilalarawan nito ang mga puno at bunga at mga manggagawa, pero tungkol talaga ito sa mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao sa buong kasaysayan. Kaya habang binabasa mo ang pangunahing kuwento, pag-isipan kung ano ang maaaring isinasagisag ng ilan sa mga bagay sa kuwento.
Halimbawa, kung ang olibohan ay kumakatawan sa mundo, at ang likas na punong olibo ay kumakatawan sa Israel (o sa mga nakipagtipan sa Diyos; tingnan sa Jacob 5:3), ano kaya ang kinakatawan ng mga ligaw na punong olibo? Ano kaya ang kinakatawan ng mabuti at masamang bunga? Anong iba pang mga simbolo ang nakikita mo?
Kahit nagtuturo ang Jacob 5 tungkol sa mga bansa at daan-daang taon ng kasaysayan ng mundo, tungkol din ito sa iyo at sa buhay mo. Anong mga mensahe ang nakikita mo para sa iyong sarili sa Jacob 5?
Marahil ang pinakamahalaga, ang Jacob 5 ay tungkol kay Jesucristo. Hanapin Siya habang nagbabasa ka. Ano ang matututuhan mo tungkol sa Kanya, halimbawa, sa mga talata 40–41, 46–47?
Para sa mga karagdagang kabatiran tungkol sa Jacob 5, tingnan sa diagram sa dulo ng outline na ito.
Inaanyayahan ako ng Panginoon na gumawa na kasama Niya sa Kanyang olibohan.
Ang “iba pang mga tagapagsilbi” (Jacob 5:70) na tinawag sa olibohan ng Panginoon ay kinabibilangan ng mga taong katulad mo. Anong mga katotohanan ang nakikita mo sa Jacob 5, lalo na sa mga talata 61–62 at 70–75, tungkol sa pagtatrabaho sa olibohan ng Panginoon? Ano na ang natutuhan mo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng pagtulong sa Kanyang gawain?
Habang nagbabasa ka tungkol sa “huling pagkakataon” na gumagawa ang Panginoon sa Kanyang olibohan, ano ang naghihikayat sa iyo na maglingkod sa Panginoon “nang [iyong] buong lakas”? (Jacob 5:71). Maaari ka sigurong makaisip ng isang personal na karanasan kung saan nakadama ka ng galak habang naglilingkod sa Panginoon ng olibohan—halimbawa, sa pagbabahagi ng ebanghelyo, paglilingkod sa templo, o pagpapalakas sa iba. Maaari mo ring siyasatin ang mga halimbawang ibinahagi ni Elder Gary E. Stevenson sa kanyang mensaheng “Napakaganda—Napakasimple” (Liahona, Nob. 2021, 47–50).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng binyag at mga ordenansa sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], ChurchofJesusChrist.org). Isiping magsimula ng isang listahan ng mga ideya kung ano ang magagawa mo para makatulong sa pagtitipon ng Israel. Mula sa iyong listahan, ano sa palagay mo ang ipagagawa sa iyo ng Panginoon ngayon sa Kanyang olibohan? Ayon sa talata 75, paano tayo ginagantimpalaan ng Panginoon sa paglilingkod sa Kanyang olibohan?
Tingnan din sa “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg. 6.
Naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga tao nang may pagmamahal at awa.
Ang isang kahulugan ng salitang mangunyapit ay kumapit nang mahigpit o dumikit na mabuti, malapit, at hindi natitinag. Paano naaapektuhan ng kahulugang iyan ang paraan ng pag-unawa mo sa Jacob 6:4–5? Sa kuwento ng punong olibo, paano iniunat ng Panginoon ng olibohan ang kanyang “bisig ng awa”? (tingnan, halimbawa, sa Jacob 5:47, 51, 60–61, 71–72). Paano Niya nagawa ito para sa iyo?
Maaari akong manatiling matatag kapag hinahamon ng iba ang aking pananampalataya kay Jesucristo.
Ang karanasan ng mga Nephita kay Serem ay madalas maulit ngayon: may mga taong nagtatangkang sirain ang pananampalataya kay Cristo. Paano tumugon si Jacob nang tuligsain ang kanyang pananampalataya? Ano ang matututuhan mo mula sa kanyang mga tugon? Ano ang magagawa mo ngayon upang makapaghanda para sa mga pagkakataon na mahahamon ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas?
Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6–9; “Itinatwa ni Serem si Cristo” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Nagmamalasakit ang Panginoon sa Kanyang mga tao.
-
Paano mo maibabahagi ang kuwento ng mga punong olibo sa isang paraan na mauunawaan ng iyong mga anak? Ang isang paraan ay maglakad-lakad sa labas para tingnan ang isang puno at rebyuhin nang bahagya ang mga pangunahing punto ng kuwento. Ano ang ginawa ng Panginoon ng olibohan para sa Kanyang mga puno? Paano tayo maaaring maging katulad ng mga manggagawa sa kuwento at maipadarama sa iba ang pagmamahal ng Tagapagligtas?
-
Ibinahagi ni Jacob ang talinghaga ng mga punong olibo para anyayahan ang Kanyang mga tao na lumapit kay Cristo. Maaari din nitong gawin ito para sa iyong mga anak. Marahil ay maaari mong ibuod ang kuwento sa mga talatang tulad ng Jacob 5:3–4, 28–29, 47, at 70–72. Pagkatapos ay maaari mong basahin o ng iyong mga anak ang Jacob 5:11, 41, 47, at 72, na naghahanap ng mga bagay na nagpapakita kung gaano kalaki ang malasakit ng Panginoon ng olibohan (si Jesucristo) sa mga puno. Ano ang ginagawa ng Tagapagligtas para ipakita na nagmamalasakit Siya sa atin?
Mahal ako ng Ama sa Langit at patatawarin Niya ako kapag ako ay nagsisisi.
-
Ang Jacob 6:4–5 ay may mahalagang mensahe para sa atin kapag gumagawa tayo ng mga maling pagpapasiya. Maaari mo sigurong tulungan ang iyong mga anak na mahanap ito. Aling mga salita sa mga talatang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa sa mapagtubos na pag-ibig ng Diyos? Ang kuwento ni Elder Allen D. Haynie nang marumihan siya sa isang maputik na hukay, sa kanyang mensaheng “Alalahanin Kung Kanino Tayo Nagtitiwala” (Liahona, Nob. 2015, 121–22) ay maaaring makatulong. Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito at ng Jacob 6:4–5 kung ano ang kailangan nating gawin para maligtas sa kaharian ng Diyos?
Mapaninindigan ko ang alam kong totoo.
-
Paano mo mahihikayat ang iyong mga anak na manindigan para sa katotohanan tulad ng ginawa ni Jacob? Maaaring panoorin ng iyong mga anak ang video na “Kabanata 10: Sina Jacob at Serem” (Gospel Library) at isadula ang pag-uugnayan sa pagitan nina Jacob at Serem, gamit ang Jacob 7:1–23 bilang gabay. Paano pinanindigan ni Jacob ang alam niyang tama? Anyayahan ang iyong mga anak na magbahagi ng mga karanasan nang manindigan sila para sa tama, o magbahagi ng sarili mong karanasan. Marahil ay maaari din nilang kantahin ang isang awitin na nagpapahayag ng lakas-ng-loob na tulad ng kay Jacob, gaya ng “Ang Tama’y Ipaglaban,” Aklat ng mga Awiting Pambata, 81.