“Abril 29–Mayo 5: ‘Isang Malaking Pagbabago.’ Mosias 4–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Abril 29–Mayo 5. Mosias 4–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Abril 29–Mayo 5: “Isang Malaking Pagbabago”
Mosias 4–6
Narinig mo na bang magsalita ang isang tao at nahikayat kang baguhin ang buhay mo? Marahil ay nagpasiya ka, dahil sa narinig mo, na baguhin nang kaunti ang pamumuhay mo—o baguhin pa nga ito nang husto. Gayong klase ang sermon ni Haring Benjamin, at ang mga katotohanang itinuro niya ay gayong klase rin ang epekto sa mga taong nakarinig noon. Ibinahagi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang naituro sa kanya ng isang anghel—na ang magagandang pagpapala ay posible sa pamamagitan ng “nagbabayad-salang dugo ni Cristo” (Mosias 4:2). Dahil sa Kanyang mensahe, nagbago ang tingin nila sa kanilang sarili (tingnan sa Mosias 4:2), binago ng Espiritu ang kanilang mga hangarin (tingnan sa Mosias 5:2), at nakipagtipan sila sa Diyos na lagi nilang gagawin ang Kanyang kalooban (tingnan sa Mosias 5:5). Ganito ang naging epekto ng mga salita ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Paano ka maaapektuhan ng mga ito?
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Sa pamamagitan ni Jesucristo, matatanggap at mapapanatili ko ang kapatawaran ng aking mga kasalanan.
Kung minsan, kahit nadama mo na pinatawad na ang iyong mga kasalanan, maaaring mahirapan kang panatilihin ang damdaming iyon at manatili sa landas ng kabutihan. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao kung paano kapwa matatanggap at mapapanatili ang kapatawaran ng mga kasalanan. Habang pinag-aaralan mo ang kabanata 4 ng Mosias, isiping magtanong ng kagaya ng mga ito:
-
Mga talata 1–8.Ano ang mga kalagayan kung saan pinatatawad ng Diyos ang iyong mga kasalanan? Ano ang matututuhan mo tungkol sa Kanya sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyo na magsisi? Paano mo malalaman kung nakapagsisi ka na?
-
Mga talata 11–16.Ayon sa mga talatang ito, ano ang nangyayari sa buhay natin kapag ginagawa natin ang mga bagay na inilarawan sa talata 11? Naranasan mo na ba, o ng isang taong mahal mo, ang mga pagbabagong ito? Ikumpara ang mga pagbabagong ito sa mga pagbabagong inilarawan sa Mosias 3:19.
-
Mga talata 16–30.Paano makakatulong ang pagbabahagi mo sa iba ng mga bagay na mayroon ka para mapanatili mo ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan? Paano mo maiaangkop ang talata 27 sa mga pagsisikap mong maging katulad ni Cristo?
Paano tayo naging pulubing lahat? Ayon sa mga talatang ito, paano natin dapat pakitunguhan ang lahat ng anak ng Diyos? (tingnan sa Mosias 4:26). Sino ang nangangailangan ng tulong mo?
Tingnan din sa Becky Craven, “Panatilihin ang Pagbabago,” Liahona, Nob. 2020, 58–60.
Naniniwala at nagtitiwala ako sa Diyos.
Ang paanyaya ni Haring Benjamin na maniwala at magtiwala sa Diyos ay mahalaga ngayon na tulad noong unang panahon. Habang binabasa mo ang Mosias 4:5–10, maghanap ng mga katotohanan tungkol sa Diyos na nagbibigay sa iyo ng dahilan para magtiwala sa Kanya. Pansinin ang mga paanyayang ibinibigay ni Haring Benjamin sa talata 10. Bakit magiging mas madaling gawin ang ipinagagawa sa atin ni Haring Benjamin kapag nagtitiwala tayo sa Diyos?
Isiping saliksikin ang ilan sa mga karagdagang talatang ito para mailista ang mga katangian ng Diyos: Jeremias 32:17; 1 Juan 4:8; 2 Nephi 9:17; Alma 32:22; Mormon 9:9; Eter 3:12; Doktrina at mga Tipan 19:1–3; 88:41. Maaari mong gamitin ang iyong listahan para makaisip ng iba’t ibang paraan para makumpleto ang isang pangungusap na kagaya nito: “Dahil alam ko na ang Diyos ay , maaari akong magtiwala na Siya ay .”
Nadaragdagan ang ating tiwala sa Diyos kapag nagkakaroon tayo ng mga karanasan sa Kanya. Sa Mosias 4:1–3, ano ang nakatulong sa mga tao ni Haring Benjamin na “[m]akarating sa kaalaman ng kabutihan ng Diyos”? (talata 6). Pag-isipan ang mga karanasan mo sa Diyos. Ano ang naituro sa iyo ng mga karanasang ito tungkol sa Kanya? Anong mga hakbang ang ginagawa mo (o magagawa mo) para mapalalim ang iyong paniniwala o tiwala sa Diyos?
Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70–73; “Aking Ama’y Buhay,” Mga Himno, blg. 190.
Kailangan kong bantayan ang aking mga iniisip, sinasabi, at ginagawa.
Hindi tayo binibigyan ng Diyos ng listahan ng lahat ng posibleng kasalanan. Ayon sa Mosias 4:29–30, sa halip ay ano ang ginagawa Niya? Pagnilayan kung paano naaapektuhan ng iyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ang sarili mo at ang iba. Paano nito naaapektuhan ang relasyon mo sa Diyos? Paano mo “babantayan ang [iyong] sarili”?
Ang Espiritu ng Panginoon ay maaaring magsanhi ng malaking pagbabago sa puso ko.
Karaniwan na sa mga tao na sabihing, “Hindi ako maaaring magbago. Ganyan na talaga ako.” Sa kabilang dako, ipinapakita sa atin ng karanasan ng mga tao ni Haring Benjamin kung paano talaga mababago ng Espiritu ng Panginoon ang ating puso. Habang binabasa mo ang Mosias 5:1–5, pag-isipan kung paano nangyari—o maaaring mangyari—sa buhay mo ang “malaking pagbabago” na humahantong sa tunay na pagbabalik-loob. Isipin ang banayad at unti-unting mga pagbabago gayundin ang mga “makapangyarihan” na karanasan. Paano nakakatulong sa iyo ang mga karanasang ito kapag nahaharap ka sa tukso?
Tingnan din sa Ezekiel 36:26–27; Alma 5:14; “Nakipagtipan ang mga Tao ni Haring Benjamin” (video), Gospel Library.
Tinataglay ko sa aking sarili ang pangalan ni Cristo kapag nakikipagtipan ako sa Kanya.
Ano ang matututuhan mo mula sa Mosias 5:7–9 tungkol sa ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo? Ano ang itinuturo ng mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Moroni 4–5) tungkol dito? Paano mo maipapakita na ikaw ay “pag-aari” ng Tagapagligtas?
Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan,” Liahona, Mayo 2021, 116–19.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang pagsisisi ay naghahatid ng kagalakan.
-
Para magturo tungkol sa kagalakan ng pagsisisi, maaari mo sigurong hayaan ang iyong mga anak na malagkitan o marumihan ang kamay nila at pansinin kung ano ang pakiramdam nila pagkatapos maghugas. Pagkatapos ay maaari mong ikumpara iyan sa nadama ng mga tao sa Mosias 4:1–3 bago at matapos mapatawad ang kanilang mga kasalanan. Magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na linisin tayo sa espirituwal.
-
Alam ba ng iyong mga anak kung paano lubos at taos-pusong magsisi? Tulungan silang hanapin kung ano ang ginawa ng mga tao ni Haring Benjamin sa Mosias 4:1–3, 10. Maaari din nilang rebyuhin ang “Magsisi, Pagsisisi” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Paano ginagawang posible ni Jesucristo ang pagsisisi?
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa akin na tratuhin ang iba nang may pagmamahal at kabaitan.
-
Ang paglilingkod sa iba ay nagpapasaya sa atin. Marahil ay maaaring pag-usapan ng iyong mga anak ang isang pagkakataon na minahal o pinaglingkuran nila ang isang tao at kung ano ang nadama nila sa karanasang iyon. Ano ang ilang dahilan kung bakit ayaw ng mga tao na maglingkod sa iba? Ano ang maaari nating sabihin sa isang tao para anyayahan siyang tulungan ang mga taong nangangailangan? Maghanap ng mga ideya sa Mosias 4:16–26.
-
Itinuro ni Haring Benjamin na kapag lumalapit tayo kay Cristo at tumatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, tayo ay “[na]pupuspos ng pag-ibig ng Diyos” (Mosias 4:12). Inaakay tayo nito na maging mapagmahal at mabait sa iba. Maaari ninyong saliksikin ng iyong mga anak ang Mosias 4:13–16, 26 (o ang isang awiting gaya ng “Palaging Sasamahan Ka,” Aklat ng mga Awiting Pambata, 78–79) at maghanap ng mga pariralang naglalarawan kung paano natin mapaglilingkuran ang iba. Pagkatapos ay maaari nilang isadula o idrowing ang mga bagay na ito at hulaan ang mga parirala ng isa’t isa. Paano natin maipapakita ang pagmamahal at kabaitan sa tahanan, sa paaralan, o sa simbahan?
Kapag nakikipagtipan ako sa Diyos, dinadala ko sa aking sarili ang pangalan ni Cristo.
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na lumikha ng mga badge na nagpapakita ng pangalang “Jesucristo” at isuot ang mga iyon sa tapat ng kanilang puso (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Habang ginagawa nila ito, maaari mong basahin sa kanila ang Mosias 5:12 at pag-usapan kung paano naging katulad ng pananatili ng pangalan ni Cristo na “laging nakasulat sa [ating] mga puso” ang paggawa ng mga tipan, o mga pangako, sa Diyos.