Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 6–12: “Sa Lakas ng Panginoon.” Mosias 7–10


“Mayo 6–12: ‘Sa Lakas ng Panginoon.’ Mosias 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Mayo 6–12. Mosias 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Ammon na tinuturuan si Haring Limhi

Minerva Teichert (1888–1976), Ammon before King Limhi [Si Ammon sa Harap ni Haring Limhi], 1949–1951, oil sa masonite, 35 15/16 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Mayo 6–12: “Sa Lakas ng Panginoon”

Mosias 7–10

Habang nagtatamasa ang mga tao ni Haring Mosias ng “patuloy na kapayapaan” sa Zarahemla (Mosias 7:1), bumaling ang kanilang isipan sa isa pang grupo ng mga Nephita, na umalis maraming taon na ang nakararaan para manirahan sa lupain ng Lehi-Nephi. Lumipas na ang mga henerasyon, at walang anumang nabalitaan ang mga tao ni Mosias mula sa kanila. Kaya, hiniling ni Mosias kay Ammon na pamunuan ang isang pangkat na maghahanap sa umalis na mga Nephita. Natuklasan ng pangkat na naghanap na ang mga Nephita, “dahil sa kasamaan” (Mosias 7:24), ay nabihag ng mga Lamanita. Ngunit sa pagdating ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, biglang nagkaroon ng pag-asang maligtas.

Kung minsa’y katulad tayo nitong nabihag na mga Nephita, nagdurusa dahil sa ating mga kasalanan, nag-iisip kung paano tayo muling makasusumpong ng kapayapaan. Kung minsa’y katulad tayo ni Ammon, na nadaramang tumulong sa iba at natutuklasan kalaunan na ang ating mga pagsisikap ay nakahikayat sa kanila na “itaas ang [kanilang] ulo, at magsaya, at ibigay ang [kanilang] tiwala sa Diyos” (Mosias 7:19). Anuman ang ating sitwasyon, kailangan nating lahat na magsisi at “[bumaling] sa Panginoon nang may buong layunin ng puso,” na nananalig na “palalayain [Niya tayo]” (Mosias 7:33).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Mosias 7:14–33

Si Jesucristo ay may kapangyarihang iligtas ako.

Ang pagkikilala nila ni Ammon ay nagbigay ng pag-asa kay Haring Limhi, at gusto niyang ipasa ang pag-asang iyon sa kanyang mga tao. Baka sakaling makapagbigay rin sa iyo ng pag-asa ang kanyang mga salita. Para sa konteksto, isiping rebyuhin ang sitwasyon ng mga tao ni Limhi sa Mosias 7:20–25. Pagkatapos ay pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang Mosias 7:14–33:

  • Ano ang sinabi ni Limhi para mapalakas ang pananampalataya at pag-asa ng kanyang mga tao kay Cristo?

  • Anong mga parirala ang nagpapadama sa iyo ng pag-asa? (tingnan sa mga talata 19, 33).

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na magtiwala na kaya kang iligtas at ililigtas ka ng Diyos?

Tingnan din sa “Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5.

Mosias 7:26–27

Ako ay nilikha “sa wangis ng Diyos.”

Sa Mosias 7:26–27, ipinaliwanag ni Limhi ang ilan sa mga katotohanang itinuro ni Abinadi. Anong mga katotohanan ang matutukoy mo sa mga talatang ito? Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang pagtingin mo sa Diyos at sa iyong sarili?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” Liahona, Ago. 2019, 50–55.

icon ng seminary

Mosias 8:13–19

Ang Panginoon ay naglalaan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para sa ikabubuti ng sangkatauhan.

Nang marinig ni Limhi ang patotoo ni Ammon na nagbangon ang Panginoon ng isang tagakita, “labis na nagsaya [si Limhi], at nagbigay-pasasalamat sa Diyos” (Mosias 8:19). Sa palagay mo, bakit gayon ang kanyang nadama? Ano ang matututuhan mo tungkol sa mga tagakita mula sa mga salita ni Ammon sa Mosias 8:13–19?

Ngayon, sinasang-ayunan natin ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Paano sila naging “malaking kapakinabangan” sa iyo? (Mosias 8:18). Ano ang naituro nila sa iyo tungkol kay Jesucristo?

Paano ka makapagsasalita nang buong tapang, gaya ni Ammon, tungkol sa pangangailangan para sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? (tingnan sa Mosias 8:13–18). Halimbawa, ano ang maaari mong ibahagi sa iyong pamilya o sa social media tungkol sa:

  • Mga katotohanang naipanumbalik sa ating panahon ni Joseph Smith at ng iba pang mga propeta ng Panginoon (tulad ng likas na katangian ng Diyos, ating banal na pagkatao, o walang-hanggang katangian ng pamilya). Ang pagrerebyu ng “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo” o “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Gospel Library) ay maaaring makatulong sa iyo na isipin ang ilan sa mga katotohanang ito.

  • Ang mga pagpapala ng mga kautusan o ordenansa (tulad ng Word of Wisdom, batas ng kalinisang-puri, o pagbubuklod ng mga pamilya).

Noong nakaraang buwan, nakarinig tayo mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa pangkalahatang kumperensya. Anong mga mensahe ang nagbigay-inspirasyon sa iyo? Ano ang gagawin mong naiiba batay sa natutuhan mo? Ano ang sinabi ng mga tagakita ng Panginoon tungkol sa “mga bagay na darating”? (Mosias 8:17).

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Propeta,” Gospel Library.

Mosias 9–10

Maaari kong harapin ang aking mga hamon “sa lakas ng Panginoon.”

Inamin ni Zenif na nalagay ang kanyang mga tao sa isang mahirap na sitwasyon dahil sa kanyang mga pagkakamali. Ngunit kalaunan, sa mga pakikidigma laban sa mga Lamanita, tinulungan niya ang kanyang mga tao na harapin ang kanilang mga hamon nang may pananampalataya sa Panginoon. Habang binabasa mo ang Mosias 9–10, hanapin kung ano ang ginawa ng mga tao ni Zenif para ipakita ang kanilang pananampalataya. Paano sila pinalakas ng Diyos? Paano ka Niya napalakas? Ano ang kahulugan sa iyo ng humayo “sa lakas ng Panginoon”? (Mosias 9:17; 10:10–11).

Mosias 10:11–17

Ang aking mga pagpapasiya ay makakaimpluwensya sa mga henerasyon.

Habang binabasa mo ang Mosias 10:11–17, tukuyin kung paano nakaapekto ang mga kilos at saloobin ng mga nakaraang henerasyon ng mga Lamanita sa sumunod na mga henerasyon. Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano makakaapekto sa iba ang iyong mga pagpapasiya—para sa kabutihan o kasamaan—kabilang na ang mga taong hindi pa isinisilang?

Gumamit ng mga object lesson. Ang mga object lesson ay ginagawang masaya at hindi malilimutan ang pag-aaral. Marahil ay maipapakita ng isang hanay ng mga domino kung paano makakaapekto ang mga pagpapasiya ng mga tao sa kanilang mga inapo (tingnan sa Mosias 10:11–17).

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mosias 7:19

Tinulungan ng Diyos ang mga tao sa mga banal na kasulatan, at matutulungan Niya ako.

  • Nang magkaproblema ang kanyang mga tao, nagbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan si Haring Limhi para patatagin ang kanilang pananampalataya. Tanungin ang iyong mga anak tungkol sa mga kuwento o tauhan sa banal na kasulatan na tumutulong sa kanila na magkaroon ng pananampalataya. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Mosias 7:19 sa kanila at rebyuhin ang mga kuwentong binanggit sa talatang ito (tingnan sa “Ang Paskua” at “Ang mga Israelita sa Ilang” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 70–76). Gugustuhin siguro ng iyong mga anak na isadula ang mga ito. Paano tinulungan ng Panginoon ang mga tao sa mga kuwentong ito? Paano Niya tayo matutulungan?

  • Para sa iba pang mga halimbawa kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon, pumili ng ilang talata ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” o “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 62, 64–65) na kakantahin ninyo ng iyong mga anak. Tulungan silang tukuyin kung paano tinulungan ng Panginoon ang mga tao sa Aklat ni Mormon—at kung paano Niya tayo matutulungan.

Mosias 8:16–18

Binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

  • Ang isang paraan para magturo tungkol sa mga tagakita ay ikumpara sila sa mga bagay na tumutulong sa atin na makakita nang mas malinaw, tulad ng salamin sa mata, largabista, o microscope. Pagkatapos habang binabasa mo ang Mosias 8:17 sa iyong mga anak, maaari nilang itapat ang kanilang mga kamay sa kanilang mga mata tulad ng pagsilip nila sa largabista tuwing maririnig nila ang salitang “tagakita” (tingnan din sa Moises 6:35–36). Kausapin sila tungkol sa mga bagay na tinutulungan ng Panginoon ang mga propeta na “makita” ang hindi natin nakikita. Ano ang inihayag sa atin ng ating mga propeta o tagakita, tulad ni Joseph Smith?

  • Matapos basahin ang Mosias 8:16–18 kasama ang iyong mga anak, maaari mo silang tulungang mag-isip ng mga paraan para makumpleto ang isang pangungusap na tulad ng Ang tagakita ay parang isang … na tumutulong sa atin … . Halimbawa, ang tagakita ay parang isang traffic sign na nagtuturo sa atin kay Jesus.

  • Maaari ka ring gumawa ng mga bakas ng paa sa papel at anyayahan ang iyong mga anak na drowingan ang mga ito ng mga bagay na naipayo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na gawin natin. Ilagay ang mga bakas ng paa sa isang landas sa paligid ng silid, at hayaang lumakad ang iyong mga anak sa mga bakas na ito ng paa. Paano magiging “malaking kapakinabangan” sa atin ang isang tagakita? (tingnan sa Mosias 8:17–18).

Mosias 9:14–18; 10:10–11

Kapag ako ay mahina, mapapalakas ako ng Panginoon.

  • Kapag nahaharap sa mga hamon ang mga bata, kung minsa’y nanghihina sila at walang magawa. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magtiwala sa lakas ng Panginoon? Maaari mo silang tanungin kung ano ang ginagawa natin para maging pisikal na malakas. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “lakas ng mga tao”? (tingnan sa Mosias 10:11). Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “lakas ng Panginoon”? (tingnan sa Mosias 9:17–18; 10:10). Paano natin matatanggap ang lakas ng Panginoon? Maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng mga bagay na tutulong sa kanila na matanggap ang lakas ng Panginoon.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Joseph Smith kasama si Moroni

Vision to Joseph Smith , ni Clark Kelley Price