Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 13–19: “Ang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim.” Mosias 11–17


“Mayo 13–19: ‘Ang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim.’ Mosias 11–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Mayo 13–19. Mosias 11–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Abinadi na nagpapatotoo kay Haring Noe

Abinadi before King Noah [Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe], ni Andrew Bosley

Mayo 13–19: “Ang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim”

Mosias 11–17

Ang malalaking sunog ay maaaring magsimula sa isang kislap. Si Abinadi lang ang nagpatotoo laban sa isang makapangyarihang hari at sa korte nito. Karamihan sa kanyang mga salita ay hindi tinanggap, at hinatulan siya ng kamatayan. Subalit dahil sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo, na siyang “ilaw … na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9), may kumislap sa kalooban ng batang saserdoteng si Alma. At unti-unting lumaki ang kislap na iyon ng pagbabalik-loob nang hikayatin ni Alma ang marami pang iba na magsisi at manampalataya kay Jesucristo. Ang apoy na pumatay kay Abinadi ay naampat kalaunan, pero ang apoy ng pananampalatayang nilikha ng kanyang mga salita ay magkakaroon ng walang-hanggang impluwensya sa mga Nephita—at sa mga nagbabasa ng kanyang mga salita ngayon. Karamihan sa atin ay hindi daranasin ang dinanas ni Abinadi dahil sa ating patotoo, pero lahat tayo ay may mga sandali kung kailan ang pagsunod kay Jesucristo ay isang pagsubok sa ating katapangan at pananampalataya. Marahil ay mapapaalab din ng pag-aaral sa patotoo ni Abinadi ang apoy ng patotoo at katapangan sa puso mo.

Tingnan din sa “Nagpatotoo si Abinadi tungkol kay Jesucristo” (video), Gospel Library.

25:30

Nagpatotoo si Abinadi tungkol kay Jesucristo | Mosias 11–18

Itinuro ng propetang si Abinadi ang Sampung Utos kay Haring Noe at sa mga saserdote nito. Ipinropesiya niya na paparito ang Panginoon sa mundo upang tubusin ang Kanyang mga tao. Si Alma, isa sa mga saserdote ng hari, ay naniwala kay Abinadi.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

icon ng seminary

Mosias 11–1317

Maaari akong manindigan para kay Jesucristo, kahit nag-iisa ako.

Habang pinag-aaralan mo ang Mosias 11–13; 17, tingnan ang mga larawan ni Abinadi sa outline na ito. Ano ang matututuhan mo tungkol sa pagtayo bilang saksi para kay Cristo? Partikular na, maaari mong ituon ang iyong pag-aaral sa mga talata at tanong na tulad nito:

Kailan mo nadama na parang nag-iisa ka sa pagtatanggol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo? Paano Niya ipinadama sa iyo na kasama mo Siya? Habang pinagninilayan mo ito, maaari mong basahin ang salaysay tungkol kay Eliseo at sa kanyang batang lingkod sa 2 Mga Hari 6:14–17. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa kuwentong ito?

Maaari mo ring saliksikin ang pahina 31–33 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili para makahanap ng mga pariralang nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob na ipagtanggol ang katotohanan. O maaari mo ring gawin ito sa mga titik ng isang himnong tulad ng “Gawin ang Tama” o “Magpatuloy Tayo” (Mga Himno, blg. 144, 148).

Paano mo ipamumuhay ang natutuhan mo mula kay Abinadi?

Tingnan din sa Roma 1:16; 2 Timoteo 1:7–8; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” Gospel Library.

Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu. “Ang mabisang pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lamang nangangailangan ng paghahanda ng lesson kundi [ng] espirituwal na paghahanda ng iyong sarili [na marinig at masunod] ang tagubilin ng Espiritu habang nagtuturo ka” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 17).

Mosias 12:19–37

Kailangan kong gamitin ang puso ko sa pag-unawa sa salita ng Diyos.

Pamilyar ang mga saserdote ni Haring Noe sa salita ng Diyos. Kaya nilang bumanggit ng mga sipi sa banal na kasulatan at ipinahayag na itinuturo nila ang mga kautusan. Magkagayunman, tila hindi apektado ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ang buhay nila. Bakit kaya ganoon?

Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Mosias 12:19–37. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng gamitin ang puso mo sa pag-unawa sa salita ng Diyos? Anong mga salita o kataga ang naghihikayat sa iyong gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng pag-aaral mo ng ebanghelyo?

Mosias 13:11–26

Ang mga utos ng Diyos ay dapat isulat sa puso ko.

Pagnilayan ang obserbasyon ni Abinadi na ang mga kautusan ay “hindi … nakasulat sa puso” ng mga saserdote (Mosias 13:11). Ano kaya ang ibig sabihin ng pariralang ito? Habang binabasa mo ang Mosias 13:11–26, isipin kung ang mga kautusan bang ito ay nakasulat sa puso mo.

Tingnan din sa Jeremias 31:31–34; 2 Corinto 3:3.

Mosias 14–15

Si Jesucristo ay nagdusa para sa akin.

Sa Mosias 14–15, pansinin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa Tagapagligtas at kung ano ang pinagdusahan Niya para sa iyo. Aling mga talata ang nagpapalalim sa pagmamahal at pasasalamat mo sa Kanya?

Mosias 15:1–12

Paano naging kapwa Ama at Anak si Jesucristo?

Itinuro ni Abinadi na ang Diyos Anak—si Jesucristo—ang magiging Manunubos (tingnan sa Mosias 15:1), na nasa katawang-tao, at kapwa magiging tao at Diyos (mga talata 2–3). Lubusan Siyang nagpasakop sa kalooban ng Diyos Ama (mga talata 5–9). Dahil dito, si Jesucristo ay kapwa ang Anak ng Diyos at ang sakdal na representasyon ng Diyos Ama sa lupa (tingnan sa Juan 14:6–10).

Si Jesucristo rin ang Ama dahil kapag tinanggap natin ang Kanyang pagtubos, tayo ay nagiging “kanyang binhi” at “mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (Mosias 15:11–12). Sa madaling salita, tayo ay nagiging espirituwal na isinilang na muli sa pamamagitan Niya (tingnan sa Mosias 5:7).

Bakit kaya mahalagang malaman ang mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano pinalalakas ng patotoo ni Abinadi ang pananampalataya mo sa Kanila?

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mosias 11–1317

Maaari akong manindigan para kay Jesucristo, kahit nag-iisa ako.

  • Minsan sa ating buhay, napipilitan tayong lahat na gumawa ng mga pagpapasiya na salungat sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ano ang maaaring matutuhan ng iyong mga anak mula kay Abinadi tungkol sa pagtayo bilang saksi ni Jesucristo, kahit hindi ito popular? Ang likhang-sining sa outline na ito o sa “Kabanata 14: Sina Abinadi at Haring Noe” (sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 38–42) ay makakatulong sa kanila na ilarawan sa kanilang isipan ang salaysay sa Mosias 11–13; 17. Tanungin sila kung ano ang gusto nila tungkol kay Abinadi.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na isadula ang mga bahagi ng kuwento tungkol kay Abinadi. Pagkatapos ay maaari nilang isadula ang mga sitwasyon sa tunay na buhay para praktisin ang maaari nilang gawin kung gusto ng iba na gumawa sila ng mali. O maaari silang magbahagi ng mga karanasan kung kailan sila naging matapang sa pagsunod kay Jesucristo. Paano sinunod ni Abinadi si Jesucristo? (tingnan sa Mosias 13:2–9; 17:7–10). Bakit hindi ginawa ni Haring Noe ang alam niyang tama? (Tingnan sa Mosias 17:11–12).

Mosias 12:33–36; 13:11–24

Dapat kong sundin ang Sampung Utos.

  • Alam ng mga saserdote ni Haring Noe ang mga kautusan pero ang mga iyon ay hindi “nakasulat sa [kanilang] puso” (Mosias 13:11). Paano mo tutulungan ang iyong mga anak na malaman ang mga kautusan at mahalin ang mga ito? Maaari siguro nilang isulat ang mga kautusan mula sa Mosias 12:33–36 at 13:11–24 sa mga hugis-pusong piraso ng papel. Habang ginagawa nila ito, kausapin sila tungkol sa kahulugan ng mga kautusang ito at kung paano susundin ang mga ito. Paano natin isusulat ang mga kautusang ito sa ating puso?

  • Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 68–69). Ano ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan?

mag-ama na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan ang mga utos ng Diyos.

Mosias 14; 16:4–9

Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo para akayin ako pabalik sa Kanya.

  • Bagama’t maikli ang kabanatang ito, ang Mosias 14 ay may ilang salita at parirala na naglalarawan kay Jesucristo. Maaari siguro ninyong ilista ng iyong mga anak ang mga ito habang sama-sama ninyong binabasa ang kabanata. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan ninyo ang mga salita at pariralang ito.

  • Para magturo tungkol kay Jesucristo, binanggit ni Abinadi ang propetang si Isaias, na ikinumpara tayo sa nawawalang tupa. Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang iyong mga anak nang may mawala sa kanila o sila mismo ang nawala. Ano ang naramdaman nila? Ano ang ginawa nila? Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Mosias 14:6 at 16:4–9. Paano tayo katulad ng mga tupa na napapalayo sa Diyos? Paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na makabalik?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Abinadi na nagpapatotoo kay Haring Noe

His Face Shone with Exceeding Luster [Nagningning ang Kanyang Mukha sa Labis na Kinang], ni Jeremy Winborg