Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 20–26: “Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya.” Mosias 18–24


“Mayo 20–26: ‘Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya.’ Mosias 18–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Mayo 20–26. Mosias 18–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

mga tao ni Limhi na nangagsisitakas

Minerva Teichert (1888–1976), Escape of King Limhi and His People [Pagtakas ni Haring Limhi at ng Kanyang mga Tao], 1949–1951, oil sa masonite, 35 7/8 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Mayo 20–26: Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya

Mosias 18–24

Ipinapakita sa salaysay tungkol kay Alma at sa kanyang mga tao sa Mosias 18; 23–24 ang kahulugan ng “lumapit sa kawan ng Diyos” (Mosias 18:8). Nang bininyagan ang mga tao ni Alma, nakipagtipan sila sa Diyos na kanilang “paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan” (Mosias 18:10). Bagama’t ito ay isang personal na pangako sa Diyos, may kinalaman din ito sa paraan ng pagtrato nila sa isa’t isa. Oo, ang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit ay indibiduwal, at walang sinumang makakatupad ng ating mga tipan para sa atin, pero hindi iyan nangangahulugan na nag-iisa tayo. Kailangan natin ang isa’t isa. Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, nakikipagtipan tayong maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong at paglilingkod sa isa’t isa habang daan, na “[nagpa]pasan ng pasanin ng isa’t isa” (Mosias 18:8–10). Talagang nagkaroon ng mga pasanin ang mga tao ni Alma, tulad nating lahat. At ang isang paraan na tinutulungan tayo ng Panginoon “na pasanin ang [ating] mga pasanin nang may kagaanan” (Mosias 24:15) ay sa pagbibigay sa atin ng isang komunidad ng mga Banal na nangakong makikidalamhati sa atin at aaliwin tayo, tulad ng naipangako nating gawin para sa kanila.

18:51

Iniligtas ng Panginoon ang mga Tao nina Limhi at Alma | Mosias 21-24

Ang mga tao nina Limhi at Alma ay inalipin at binihag ng mga Lamanita. Sa pamamagitan ng pagpapalago ng pananampalataya at paggawa ng mga tipan, iniligtas sila ng Panginoon mula sa kanilang pagkaalipin.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

icon ng seminary

Mosias 18:1–17

Kapag ako ay bininyagan, ako ay nakikipagtipan sa Diyos.

Isipin kung gaano kalalim ang inilarawan sa Mosias 18 na nadama ng mga mananampalataya tungkol kay Jesucristo. Kinailangan nilang magkita-kita nang palihim, sa gitna ng malaking panganib, para matuto tungkol sa Kanya (tingnan sa talata 3). At nang mabigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng tipan ng binyag, “ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang naisin ng aming mga puso” (Mosias 18:11).

Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring isang magandang pagkakataon para pagnilayan kung gaano kahalaga sa iyo ang iyong mga tipan. Habang pinag-aaralan mo ang Mosias 18:8–14 lalo na, isipin ang mga tanong na katulad nito:

  • Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa mga pangakong ginawa mo sa binyag? Ano ang ipinapangako ng Diyos sa iyo? (tingnan sa mga talata 10, 13).

  • Paano nauugnay ang tipan na maglingkod sa Diyos sa ating mga pagsisikap na maglingkod sa isa’t isa? (tingnan sa mga talata 8–9).

  • Ano ang kahulugan sa iyo ng “tumayo bilang [saksi] ng Diyos”? (talata 9).

  • Paano ka tinutulungan ng pagtupad sa iyong tipan sa binyag na “[ma]puspos ng Espiritu”? (Mosias 18:14). Paano ka tinutulungan ng Espiritu na tuparin ang iyong tipan?

Ang pagsagot sa mga tanong na ito ay maaaring umakay sa iyo na pagnilayan kung bakit mahalaga sa Diyos ang mga tipan at ordenansa. Maaari kang makakita ng mga ideya sa mensahe ni Elder Gerrit W. Gong na “Pagiging Kabilang sa Tipan” (Liahona, Nob. 2019, 80–83) o sa mensahe ni Pangulong Jean B. Bingham na “Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalakas, Nagpoprotekta, at Naghahanda sa Atin para sa Walang-Hanggang Kaluwalhatian” (Liahona, Mayo 2022, 66–69). Bakit ka nagpapasalamat para sa iyong mga tipan? Ano ang ginagawa mo para tuparin ang iyong mga pangako?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Binyag,” Gospel Library; “Ang Nakatatandang Alma ay Nagturo at Nagbinyag sa mga Tubig ng Mormon” (video), Gospel Library.

3:17

Ang Nakatatandang Alma ay Nagturo at Nagbinyag sa mga Tubig ng Mormon | Mosias 15; 18

Ang Nakatatandang Alma ay naniwala sa propetang si Abinadi at nagturo tungkol sa pagparito ni Jesucristo. Maraming tao ang naniwala sa patotoo ni Alma at pinili nilang magsisi at magpabinyag sa mga Tubig ng Mormon.

Magturo ng katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at sa mga propeta sa mga huling araw. Habang nagtuturo ka—at natututo—tandaan na ang isa sa pinakamaiinam na paraan para maragdagan ang pananampalataya kay Cristo ay ang magtuon sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw (tingnan sa Mosias 18:19).

Mosias 18:17–30

Inutusan ng Diyos ang Kanyang mga tao na magtipon, mag-organisa, at magkaisa.

Nagtataka ang ilang tao, bakit natin kailangan ng isang simbahan? Saliksikin ang Mosias 18:17–31, na hinahanap ang kahalagahang natagpuan ng mga tao ni Alma sa pagtitipon sa “simbahan ni Cristo” (Mosias 18:17). Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa Simbahan ni Jesucristo sa panahon ni Alma at sa ating panahon?

Paano ka tutugon sa isang kaibigan o kapamilya na hindi naniniwala na kailangan ang isang organisadong simbahan? Bakit ka nagpapasalamat na kabilang ka sa Simbahan ni Jesucristo?

Pag-isipan kung ano ang magagawa mo para tulungan ang mga miyembro ng inyong ward o branch na maging “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig” (Mosias 18:21).

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Pangangailangan para sa Isang Simbahan,” Liahona, Nob. 2021, 24–26; “Mahalin ang Bawat isa,” Mga Himno, blg. 196.

Mosias 21–24

Tinutulungan ako ng Diyos na dalhin ang aking mga pasanin.

Ang mga tao ni Limhi at mga tao ni Alma ay kapwa nahulog sa pagkaalipin, bagama’t magkaiba ang sitwasyon. Ano ang matututuhan mo sa pagkukumpara ng mga salaysay tungkol sa mga tao ni Limhi sa Mosias 19–22 at sa mga tao ni Alma sa Mosias 18; 23–24? Habang ginagawa mo ito, maghanap ng mga mensaheng angkop sa buhay mo. Halimbawa, ano ang ibig sabihin ng “unti-unting umunlad”? (Mosias 21:16). Paano mo maisasabuhay ang alituntuning ito?

Mosias 23:21–24; 24:8–17

Maaari akong magtiwala sa Panginoon.

Kahit napagsisihan na nila ang kanilang mga kasalanan, nasa pagkaalipin pa rin si Alma at ang kanyang mga tao. Makikita sa kanilang karanasan na ang pagtitiwala sa Panginoon at pagtupad sa ating mga tipan ay hindi palaging pumapawi sa ating mga hamon, kundi tinutulungan talaga tayo nitong malampasan ang mga iyon. Habang binabasa mo ang Mosias 23:21–24 at 24:8–17, pansinin ang mga salita at pariralang makakatulong sa iyo na matutong magtiwala sa Panginoon, anuman ang iyong sitwasyon.

Tingnan din sa David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 87–90.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mosias 18:7–17

Kapag ako ay bininyagan, nakikipagtipan ako sa Diyos.

  • Ang isang mahalagang paraan para matulungan ang iyong mga anak na maghanda para sa binyag ay turuan sila tungkol sa tipan na gagawin nila kapag sila ay bininyagan. Maaaring kasingsimple ito ng pagpapakita ng larawang nasa dulo ng outline para sa linggong ito at pagbabasa tungkol sa tipan na kasama sila sa Mosias 18:9–10. Isiping anyayahan ang isang batang nabinyagan na para ituro ito sa mas maliliit na bata. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na makarinig tungkol sa binyag mo. Paano napagpala ang buhay mo sa pagtupad ng iyong mga tipan sa Diyos?

  • Makakatulong sa mga batang nabinyagan ang madalas na mga paalala tungkol sa mga tipang ginawa at pinaninibago nila bawat linggo sa sakramento. Marahil ay maaaring ikumpara ng iyong mga anak ang tipan sa binyag na inilarawan sa Mosias 18:8–10 sa mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Paano natin magagawang isang espesyal at mapitagang oras ang sakramento, tulad ng ating binyag?

batang babaeng binibinyagan

Nakikipagtipan tayo sa Diyos kapag tayo ay bininyagan.

Mosias 18:17–28

Kapag ako ay bininyagan, nagiging miyembro ako ng Simbahan ni Jesucristo.

  • Alam ba ng iyong mga anak ang kahulugan ng maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Isiping tulungan silang makahanap ng mga larawan na kumakatawan sa mga bagay na ginawa ng mga miyembro ng Simbahan sa Mosias 18:17–28. Halimbawa, ang mga larawang Ordinasyon sa Priesthood at Pagbabayad ng Ikapu (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, bilang 106113) ay maaaring kumatawan sa mga talata 18 at 27–28. Sabihin sa kanila kung bakit ka nagpapasalamat na maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

  • Ang pagtulong sa mga bata na madama na sila ay “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig” (Mosias 18:21) ay tumutulong sa kanila na manatiling konektado sa Simbahan sa buong buhay nila. Isiping anyayahan ang iyong mga anak na basahin ang Mosias 18:17–28. Ano ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo noong panahon ni Alma para mahalin at paglingkuran ang isa’t isa? Paano natin ito magagawa sa ating ward, branch, o komunidad? Ang isang awitin tungkol sa pagmamahal, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 78), ay maaaring magpatibay sa mensaheng ito.

Mosias 24:8–17

Mapapagaan ng Diyos ang aking mga pasanin.

  • Ang isang simpleng object lesson ay maaaring gawing mas hindi malilimutan ang pagkatuto. Isiping punuin ang isang bag ng mabibigat na bagay (para kumatawan sa mga pasanin), at anyayahan ang isang bata na buhatin ang bag. Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Mosias 24:8–17, hilingin sa kanila na magtanggal ng isang bagay mula sa supot tuwing maririnig nila ang isang bagay na ginawa ni Alma at ng kanyang mga tao para humingi ng tulong sa Diyos sa kanilang mga pasanin. Pagkatapos ay maaari mo silang kausapin kung paano mapapagaan ng Ama sa Langit ang ating mga pasanin kapag humingi tayo ng tulong sa Kanya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

mga taong binibinyagan

The Waters of Mormon [Ang mga Tubig ng Mormon], ni Jorge Cocco