Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin 2024
Mayo 27–Hunyo 2: “Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos.” Mosias 25–28


“Mayo 27–Hunyo 2: ‘Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos.’ Mosias 25–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Mayo 27–Hunyo 2. Mosias 25–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

Larawan
anghel na nagpakita kay Alma at sa mga anak ni Mosias

Conversion of Alma the Younger [Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma], ni Gary L. Kapp

Mayo 27–Hunyo 2: “Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”

Mosias 25–28

Pagkaraan ng halos tatlong henerasyon ng pamumuhay sa magkakahiwalay na lupain, muling naging isang lahi ang mga Nephita. Ang mga tao ni Limhi, mga tao ni Alma, at mga tao ni Mosias—maging ang mga tao ng Zarahemla, na hindi mga inapo ni Nephi—ay pawang “ibinilang sa mga Nephita” (Mosias 25:13). Ninais din ng marami sa kanila na maging mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, tulad ni Alma. Kaya lahat ng “[nagnais] na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo” ay nabinyagan, “at sila ay tinawag na mga tao ng Diyos” (Mosias 25:23–24). Pagkaraan ng mga taon ng labanan at pagkabihag, tila sa wakas ay magtatamasa na rin ng panahon ng kapayapaan ang mga Nephita.

Ngunit hindi nagtagal, sinimulang usigin ng mga hindi nananampalataya ang mga Banal. Ang lalo pang nakakasama ng loob ay na ang marami sa mga hindi nananampalatayang ito ay sariling mga anak ng mga nananampalataya—ang “bagong [henerasyon]” (Mosias 26:1), kabilang na ang mga anak ni Mosias at isang anak ni Alma. Ang salaysay ay nagkukuwento tungkol sa mahimalang pagdalaw ng isang anghel. Pero ang tunay na himala ng kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapakita ng mga anghel sa mga suwail na anak. Ang pagbabalik-loob ay isang himala na kailangang mangyari, sa anumang paraan, sa ating lahat.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Mosias 26:1–6

Matutulungan ko ang iba na lumapit kay Jesucristo.

Ang pagbabalik-loob ay personal—hindi ito maipapasa na parang pamana sa mga anak ng isang tao. Habang binabasa mo ang Mosias 26:1–6, pagnilayan ang mga posibleng dahilan kung bakit nagsitalikod “ang bagong [henerasyon],” at pansinin ang mga bunga ng kanilang kawalan-ng-paniniwala. Maaari mo ring isipin ang mga taong nais mo sanang dalhin kay Cristo. Sa buong pag-aaral mo ng Mosias 25–28, maaaring ibulong ng Espiritu ang mga bagay na magagawa mo para tulungan silang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.

Mosias 26:6–39

Ang matatapat na lingkod ng Diyos ay naghahangad na gawin ang Kanyang kalooban.

Maaaring iniisip natin kung minsan na laging alam ng isang pinuno ng Simbahan na tulad ni Alma ang dapat gawin. Sa Mosias 26 mababasa natin ang isang problema sa Simbahan na hindi pa naranasan ni Alma kailanman. Ano ang ginawa ni Alma sa sitwasyong ito? (tingnan sa Mosias 26:13–14, 33–34, 38–39). Ano ang ipinahihiwatig ng karanasan ni Alma kung paano mo maaaring lutasin ang mahihirap na problema sa iyong pamilya o sa paglilingkod mo sa Simbahan?

Ano ang itinuro ng Panginoon kay Alma sa Mosias 26:15–32? Pansinin na ang ilan sa mga sagot ng Panginoon ay hindi tuwirang sagot sa tanong ni Alma. Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa panalangin at sa pagtanggap ng personal na paghahayag?

Ang mga alituntunin ay walang hanggan. Isipin kung paano naaangkop ang mga kuwento at turo sa mga banal na kasulatan sa buhay mo. Halimbawa, maaari mong itanong sa sarili mo, “Ano ang mga naranasan ko na katulad ng kay Alma?” o “Anong mga katotohanang itinuro ni Alma ang makakatulong sa akin?”

Mosias 26:15–31

Malaya akong pinatatawad ng Diyos kapag nagsisisi ako at nagpapatawad sa iba.

Ang pagsisisi at kapatawaran ay paulit-ulit na mga tema sa Mosias 26–27. Maghanap ng mga salita at pariralang nagtuturo tungkol sa pagsisisi at kapatawaran sa Mosias 26:22–24, 29–31; 27:23–37.

Maaaring iniisip ng ilang tao kung talaga ngang pinatatawad sila ng Diyos. Ano sa pakiwari mo ang ipapayo ni Nakatatandang Alma sa isang miyembro ng Simbahan sa Zarahemla na gayon ang problema? Ano ang natutuhan ni Alma mula sa Panginoon sa Mosias 26:15–31 na makakatulong sa miyembrong ito ng Simbahan? (tingnan din sa Moroni 6:8; Doktrina at mga Tipan 19:16–18; 58:42–43).

Larawan
icon ng seminary

Mosias 27:8–37; 28:1–4

Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari akong magpakabuti pa.

Malinaw na kinailangan ni Nakababatang Alma na espirituwal na isilang na muli. Siya at ang mga anak ni Mosias “ang pinakamasama sa lahat ng makasalanan” (Mosias 28:4). Pero hindi nagtagal matapos siyang magbalik-loob, nagpatotoo si Alma na ang pagbabalik-loob ay mahalaga—para sa lahat: “Huwag manggilalas,” wika niya, “na ang buong sangkatauhan … ay kinakailangang isilang na muli” (Mosias 27:25; idinagdag ang diin).

Habang nagbabasa ka tungkol sa karanasan ni Alma sa Mosias 27:8–37, isiping isama ang sarili mo sa kuwento niya. May maiisip ka bang mga bagay tungkol sa sarili mo na kailangang magbago? Sino, tulad ng ama ni Alma, ang maaaring nagdarasal para sa iyo “nang may labis na pananampalataya”? Anong mga karanasan ang nakatulong para “papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos”? (Mosias 27:14). Anong “[dakilang] mga bagay” ang nagawa ng Panginoon para sa iyo at sa pamilya mo na dapat mong “pakatandaan”? (Mosias 27:16). Ano ang matututuhan mo mula sa mga salita at kilos ni Nakababatang Alma tungkol sa kahulugan ng isilang na muli? Anong mga halimbawa ang nakita mo na?

Tumigil sandali para itala ang ilan sa mga paraan na tinutulungan ka ng Tagapagligtas na magbago—o maisilang na muli—kahit hindi kasintindi o biglaan ang mga karanasan mo na tulad ng kay Alma. Mayroon bang isang himno na maaari mong kantahin o pakinggan na nagpapahayag ng iyong damdamin, tulad ng “Ako ay Namangha”? (Mga Himno, blg. 115). Sino ang maaaring makinabang sa pakikinig sa iyong mga karanasan?

Ikinumpara ni Elder David A. Bednar ang pagsilang na muli sa proseso ng isang pipino na naging pickle (tingnan sa “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 19–22). Ano ang itinuturo sa iyo ng paghahambing na ito tungkol sa mga pagbabalik-loob?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Become like Jesus Christ [Maging Katulad ni Jesucristo],” Gospel Library; “Pinatotohanan ng Nakababatang Alma na Siya ay Isinilang sa Diyos” (video), Gospel Library.

Mosias 27:8–24

Dinirinig ng Diyos ang aking mga dalangin at sasagutin ang mga ito ayon sa Kanyang kalooban at takdang oras.

Nalagay ka na siguro sa sitwasyon ni Nakatatandang Alma na may isang kapamilyang gumagawa ng nakasisirang mga pagpapasiya. Ano ang natagpuan mo sa Mosias 27:8–24 na nagbibigay sa iyo ng pag-asa? Paano maaaring impluwensyahan ng mga talatang ito ang iyong mga dalangin para sa ibang tao?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mosias 26:30–31

Nais ng Tagapagligtas na ako ay magpatawad.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na matuklasan kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Alma tungkol sa pagpapatawad, maaari mo silang anyayahang basahin ang Mosias 26:29–31 at bilangin kung ilang beses lumitaw ang salitang “patatawarin.” Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagpapatawad sa ibang tao? (Tingnan din ang “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awiting Pambata, 52.)

  • Para mabigyang-diin ang halimbawa ng pagpapatawad ng Tagapagligtas, maaari kang magpakita ng isang larawan Niya na nasa krus at sama-samang basahin ang Lucas 23:33–34. Ano ang hiniling ni Jesus na gawin ng Ama sa Langit para sa mga taong nagpako sa Kanya sa krus? Pagkatapos ng talakayang ito, maaaring isadula ng iyong mga anak ang pagpapatawad sa isa’t isa.

  • Kung minsa’y mahirap patawarin ang ating sarili kapag nagkakamali tayo. Paano makakatulong ang mga salita ng Diyos kay Alma? Maaaring magkunwari ang iyong mga anak na kausap nila ang isang tao na nag-iisip na hindi siya kailanman mapapatawad ng Diyos. Anyayahan ang iyong mga anak na maghanap ng isang bagay sa Mosias 26:22–23, 29–30 na maaaring makatulong sa taong iyon.

Mosias 27:8–37

Tinutulungan ako ni Jesucristo na maging higit na katulad Niya.

  • Ang pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias ay maaaring magpakita sa iyong mga anak na, sa kapangyarihan ng Tagapagligtas, maaaring magbago ang sinuman. Maaari mong gamitin o ng iyong mga anak ang mga painting na nasa outline na ito, ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at ang ilang mahahalagang talata mula sa Mosias 27:8–37 para ikuwento ito (tingnan din sa “Kabanata 18: Nagsisi ang Nakababatang Alma,” sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 49–52). Bigyang-diin ang talata 24, para ituro na nagsisi si Alma at tinulungan siya ni Jesucristo na magbago. Hayaang isadula ng iyong mga anak ang kuwento kung gusto nila.

Larawan
si Nakababatang Alma na dinadala sa bahay ng kanyang ama

His Father Rejoiced [Ang Kanyang Ama ay Nagsaya], ni Walter Rane

Mosias 27:8–24

Maaari akong magdasal at mag-ayuno para pagpalain ng Diyos ang mga mahal ko sa buhay.

  • Sama-samang basahin ang Mosias 27:8–24, at hilingin sa iyong mga anak na tukuyin kung ano ang ginawa ni Alma at ng kanyang mga tao para tulungan si Nakababatang Alma. Naipag-ayuno at naipagdasal mo na ba ang isang tao? Ibahagi ang karanasan mo sa iyong mga anak, at hayaan silang ibahagi ang kanilang karanasan.

  • May kakilala ka ba o ang iyong mga anak na nangangailangan ng tulong ng Diyos? Sa pagsunod sa halimbawa ni Alma, maaari siguro ninyong sama-samang ipagdasal ang taong iyon at, kung kaya ng iyong mga anak, ipag-ayuno rin sila.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Larawan
anghel na nagpapakita kay Nakababatang Alma

Paglalarawan sa isang anghel na nagpapakita kay Nakababatang Alma, ni Kevin Keele

Print